- BULGAR
- Aug 4
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 3, 2025

Matagal-tagal nang patay si Dok Gerry Ortega (January 24, 2011). Kung buhay pa sana ang magiting na beterinaryo, 62-anyos na siya. Ngunit pinili ni Dok Gerry ang buhay na may paninindigan kaysa ang mga magagandang pagkakataong umunlad at yumaman gamit ang kanyang karunungan at kakayahan.
Nasa 14 na taon na ang lumipas mula nang barilin at mapatay si Dok Gerry sa isang ukay-ukay na kalapit ng kanyang veterinarian clinic na pinatatakbo ng mahal na asawa. Matagal bago nahuli ang pinaghihinalaang mastermind ng pagpatay kay Dok Gerry. Nang nahuli ito noong 2015 na nagtatago sa Thailand, labas-pasok naman ito sa kulungan na parang nagbabakasyon lang.
Noong 2018, nabago ang desisyon ng korte at nakalaya si “Reyes”. Isang taon lang itong nasa labas nang muling baguhin ng korte ang pinakahuling desisyon, kaya bumalik sa kulungan si “Reyes” noong 2019.
Matapos nito, nakalabas uli si “Reyes” dahil sa mga bagong ‘legal remedies’ na ginamit ng kanyang mga abogado.
Noong Marso 2023, binaliktad ng Korte Suprema ang nakaraang desisyon ng mga korte kaya’t ibinalik na naman sa ‘kulungan’ si “Reyes”.
Pero ngayon, sa halip na sa kulungan bunuin ang sentensya naka-“hospital arrest” si “Reyes”.
Sa kabila ng lahat ng mga testigo at ebidensyang nagpapatunay sa pagiging “mastermind” sa pagpatay kay Dok Gerry, positibo pa rin si “Reyes” na malakas ang kanyang kaso.
Sa totoo lang, sa kabila ng hatol ng Sandiganbayan na may sala si “Reyes” sa mga kaso ng “graft” na may kinalaman sa bilyong piso umano na bahagi ng pondo ng Malampaya (gas), dinismis naman ng korte ang ibang kaso dahil kulang ng ebidensya ang mga ito. Hanggang kailan pa aabot ang paglilitis sa mga kaso nito? Tumatagal ba ito dahil sa matibay na ebidensya sa pagkainosente ni “Reyes”? O tumatagal lang ito dahil mahaba ang kanyang pisi at kayang-kaya niyang kumuha ng mga abogadong hahawak sa kanyang kaso?
Ganito ang tila hustisya sa ating bansa. Dadalawa lang ang uri ng mga may kaso, ang may mahabang pisi at ang walang pisi. Kalalabas lang ng nalalabing apat na buhay sa limang tinaguriang “Abadilla 5” na inaresto, kinasuhan, pinalaya, dinakip muli at ikinulong ng halos 30 taon dahil sa pagpatay umano kay Rolando Abadilla. May sala ba ang lima? Malinaw lahat ng ebidensyang inihain ng mga abogadong “pro-bono” na ipinaglaban ang “Abadilla 5”. Sino ba ang biktima at sino naman ang mga itinuro ng nag-iisang testigo para mabilis na matapos ang paglilitis ng kaso sa pagpatay kay Rolando Abadilla?
Pagkatapos ng nangyari kay Abadilla, naglabas kaagad ng pahayag ang Alex Boncayao Brigade, ang kilalang “sparrow unit” ng CPP-NPA noong mga panahong iyon. Ibinigay sa akin ng isang kinatawan ng Alex Boncayao Brigade ang relos na Omega ni Abadilla bilang ebidensya na anila, sila talaga ang pumatay kay Abadilla. Itinago ko ang relos mula Disyembre 1999 hanggang Enero 2000 nang iharap ko sa korte ang ebidensyang ibinigay sa akin ng Alex Boncayao Brigade.
Sina Neri Colmenares at Soliman Santos pa ang magagaling na abogadong humawak ng kaso ng “Abadilla 5”. Matagal ding nasa front page ng mga pahayagan ang kaso ng “Abadilla 5” hanggang unti-unting nawala at nakalimutan na lang.
Bago namatay si Lenido Lumanog, pagkaraan ng halos 11 taon ng pagda-dialysis, paulit-ulit na pakiusap nito sa akin na ipagdasal na makalaya ito ng maski isang araw man lang bago siya mamatay. Ilang ulit kong dinalaw ito sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) hanggang sa nalagutan ng hininga. Sa awa ng Diyos, dahil naabot na nila ang teknikalidad ng lubos na paglipas ng panahon ng sentensya, isa-isang lumaya na rin sina Cesar Fortuna, Joel de Jesus, Rameses de Jesus at Augusto Santos. Bagama’t buhay pa ang apat, matatanda na at may karamdaman na ang karamihan. Ano na ang nangyari sa pag-amin ng Alex Boncayao Brigade sa kanilang pagpatay kay Abadilla? Ano naman ang mangyayari sa kaso ni Dok Gerry Ortega?
Lumalaban at umaasa pa rin ang mag-inang Michaela at Patti Ortega. Ipinagdarasal at sinusuportahan ko pa rin ang kanilang matagal na laban tulad ng “Abadilla 5”. Ngunit tila maiksi lang ang pisi nina Michaela at Patti tulad ng “Abadilla 5”.
Sa huli, wala na ba tayong magagawa kundi bumangga sa pader ng dalawang katarungan: ang pader ng katarungan na malinaw ang pagkiling sa may mahabang pisi, at ang kalbaryo ng mga wala o maiksi ang pisi na naghahanap ng katarungan?
Baka naging mas magandang itinuon ng Pangulo ang kanyang SONA sa trahedya ng katarungan sa ‘Pinas at dito niya sabihin ang katagang, “Mahiya Naman Kayo…”




