top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 16, 2025



Fr. Robert Reyes


Noong Setyembre 26, 2009, habang rumaragasa ang Bagyong Ondoy, binawian ng buhay ang isang binatilyong 18-taong gulang sa gitna ng pagliligtas ng mga tinatangay ng baha. Nailigtas ng binatilyo ang humigit-kumulang 30 indibidwal. Siya si Muelmar “Toto” Magallanes, ang kinikilalang “bayani ng Ondoy.”


Si Dion “Gelo” Angelo dela Rosa, 3rd year college student, at 20-taong gulang lang. Hindi umuwi si Jason, ang kanilang ama noong Hulyo 22. Ngayon lang ito nangyari kaya’t agad-agad hinanap ni Gelo ang kanyang ama sa gitna ng ulan at baha. Pagkaraan ng tatlong araw na paghahanap sa mga barangay hall, presinto ng pulis natagpuan ni Gelo ang kanyang ama sa Sangandaan Police Station. Ito pala ay nahuling nagka-kara krus, isang ipinagbabawal na sugal (ng mahihirap). Hindi ipinagbigay-alam ng mga pulis sa pamilya ng kanilang hinuli dahil ayon sa kanila hindi ito ipinakiusap ni Jason. “Kapani-paniwala ba ang paliwanag na ito?” tanong ni Kardinal Ambo David. 


At nang matagpuan na ni Gelo ang kanyang ama, sinimulan na nitong tulungan itong makalabas. Una, kailangang maghanap ng P30,000 na hinihinging piyansa ng mga pulis. Pangalawa, kailangang dalhan ng pagkain araw-araw. Pangatlo, pang-apat, panglima mga dahilan, pero hindi tumigil sa paghahanap ng tulong si Gelo hanggang noong Hulyo 27, 2025, dalawang araw matapos matagpuan niya ang kanyang ama, nanghina, nilagnat at tuluyan nang binawian ng buhay si Gelo. Bakit? Tinamaan ng leptospirosis. Isa pang bayaning maituturing si Gelo, at ganito ang buod ng isinulat ni Kardinal David tungkol sa isang sakristan na taga-Longos, Malabon.


Noong Agosto 4 naman, natagpuang hindi na kumikilos si Wilma Auza sa bus na sinakyan nito mula Cebu patungong Dumaguete. Pauwi si Wilma mula Japan upang dalawin ang kanyang pamilya. Puno ng mga regalo ang kanyang maleta para sa kanyang pamilya. Ito ang sabi ng isang post: “Puno ng regalo ang kanyang malate, ngunit walang nakakita ng hirap, pagod, loob ng puso ni Wilma sa at anupamang naging dahilan ng paghinto nito.” 


Libu-libong OFW ang kinakatawan ni Wilma. Karamihan ng ating mga kababayang OFW ay nagtitiis ng hirap hindi lang ng katawan kundi ng isip, kalooban maging kaluluwa. Alam natin ito dahil naging OFW din po tayo. Ilang OFW ang nagkasakit at namatay sa ibang bansa. Ilang OFW ang nagka-kaso, totoo man o hindi, nakulong at may iba nabitay pa, tulad ni Flor Contemplacion. 


Ilang OFW ang nahiwalay sa asawa, nawalan ng anak at tuluyang nagkagulo na ang pamilya. Ilang OFW ang umuwing walang-wala dahil sa pagkakabaon sa lahat ng uri ng utang sa ibang bansa. 


Mahaba ang listahan ng mga pinagdaraanan ng mga OFW na kapalit ng malaki-laking sahod. Kapit sa patalim at umaasang makaiwas sa kapahamakan at makauwing malusog at buhay. 


Sana nga maganda ang mangyari sa karamihan sa ating mga kababayang OFW. Ngunit alam ng lahat ng naging OFW ang mga sari-saring panganib na kailangang harapin sa paghahanapbuhay sa ibang bansa. Tibay ng loob, lalim ng pananalig, tamang pagdedesisyon ang mga sandatang kailangang dalhin ng bawat OFW sa kanyang pakikibaka abroad. Tiyak kong dala-dala ang tatlong ito ni Wilma. Ngunit hindi natin alam kung ano talaga ang naging buhay niya sa Japan. Mahirap nang malaman ito dahil hindi na muli magsasalita ang isa pang bayaning OFW.


Toto, Gelo, Wilma! Sino ang nakakakilala sa kanila? Hindi ko nakilala sinuman sa tatlo, ngunit ang istorya ng kanilang buhay ay mananatiling buhay sa aking puso.


Sa darating na Setyembre 7, 2025, idedeklarang santo ni Pope Leo XIV sina Carlo Acutis (15) at Pier Giorgio Frassati (24). Batang-batang mga santo ngunit mga higanteng halimbawa ng kabanalan. Parang katulad sina Toto at Gelo ang kanilang edad ngunit kay laki ng mga puso. Kay laki ng pagmamahal sa kapwa at sa pamilya. Salamat sa mga bayani, sa pagbubuwis ng kanilang buhay hanggang huling sandali. Hindi lang ito kabayanihan, kundi kabanalan din ito. Ang magmahal sa kapwa ay pagmamahal sa Diyos. Ang magmahal sa Diyos ay tiyak magtutulak kaninuman na magmahal sa kapwa.


Panalangin natin sa gitna ng hindi maganda at hindi nakatutuwang krisis na pinagdaraanan ng bansa at ng bawat mamamayan na padalhan tayo ng Diyos ng higit pang maraming bayani. At sana hindi sila mamatay kundi patuloy na gumawa ng maganda at tama upang tularan ng marami pang magiging bayani tulad nila.


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 10, 2025



Fr. Robert Reyes



Maraming natuwa nang na-transmit na ng House of Representatives ang “articles of impeachment” laban sa bise presidente noong Pebrero 5, 2025. “Forthwith” ang salitang Ingles na pinagtalunan ng Kamara at Senado noong nakaraang Hulyo. Ang bunga nito ay ang “remanding” ng “articles of impeachment” ng Senado noong Hunyo 10 sa Kamara. Hindi nagtagal, lumabas naman ang salitang “unconstitutional” mula sa Korte Suprema. Hindi nagpatalo ang Senado kaya’t inilabas nila ang pinakahuling salitang “archived”.


Tingnan natin ang mga ibig sabihin ng mga salitang halinhinang ginamit ng Kamara, Senado at Korte Suprema sa kontrobersyal na “impeachment complaint” laban kay Vice President Sara Duterte:


Transmitted: ipinadala ng House of Representatives at tinanggap ng Senado ang impeachment complaint.


Forthwith: o immediately, o agad-agad na dapat sinimulan nang litisin ang bise presidente sa pagtanggap ng Senado ng articles of impeachment.

Remand: ibinalik ng Senado sa HOR ang ipinadala nitong impeachment complaint.


Unconstitutional: sabi naman ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang prosesong sinunod sa pagpapadala ng HOR sa Senado dahil hindi lang isa kundi apat na reklamo ang ipinadala (labag sa isang impeachment complaint lang dapat ang ipinadala).


Archived: sariwang-sariwang salita na ang ibig sabihin ay i-file, itabi para balikan na lang sa “tamang panahon” sabi ni Senate President Chiz Escudero.


Salita, salita, salita. Magagaling ang mga nagsasalita. Siyempre, mga abogadong pinag-aralan ang Konstitusyon at ang mga pamamaraang ginagamit para sa naturang “due process.” Saan matatapos ito? Abangan ang paglabas pa ng mas maraming salita. At habang inilalabas ang mga salita, naaantala nang naaantala ang paglilitis na dapat na matagal nang naganap noon pang nakaraang Pebrero. Kung may tiyaga kang panoorin at pakinggan ang mga talakayang nagaganap sa Senado ngayon, kundi sasakit ang iyong ulo, magsisikip naman ang iyong dibdib.


Kaya ang umiikot na larawan ng isang damdamin na kumakalat ay ang pagtayo ni Kiko Dee, apo ni Cory Aquino, na nag-thumbs down sa harapan ng lahat at mabilis na umalis ng session hall ng Senado. Tila may galit at sama ng loob, ngunit walang pagbitiw sa laban ang nakita ng lahat sa mukha at buong pagkatao ni Kiko. Malinaw na hindi siya nag-iisa. Matalino, propesor, aktibista ang apo ni Cory Aquino. Humahanga ang marami sa kanya at hanga rin ako at maraming kabataang tumitingala sa kanilang kapwa lider ng kabataan.


Ano pa ang sasabihin ng mga senador, ng mga hurado ng Korte Suprema o ng mga abogadong nagtatanggol sa inirereklamo ng impeachment complaint.

Mas marami pang salitang aasahan mula sa mga magagaling gumamit, lumikha at magtago sa salita. Marami tayong kaibigang abogadong magagaling at matitino.


Marami rin tayong nakilala at nakasamang mga mahuhusay ngunit hindi matitinong abogado sa iba’t ibang adbokasiya natin. 


Mataas ang paggalang natin sa mga magagaling, lalo’t higit ang matitinong abogado. Kasuklam-suklam ang pagbubusabos ng ilang mga abogado sa kanilang sagradong bokasyon bilang lawyer.


Kaugnay nito ang mga pariseo, na numero unong kalaban ni Kristo noong kapanahunan niya. Kung ano ang ginagawa ngayon ng maraming abogado sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan ay siya ring ginawa ng mga pariseo noong panahon ni Kristo.


Kailangang-kailangan nilang patahimikin si Kristo dahil hindi nila matiis marinig ang katotohanang laging ipinapahayag nito. Paano patatahimikin si Kristo? Madaling-madali para sa mga pariseo. Gawan siya ng kaso at iharap sa hukom. Nanggugulo at nagtatawag ng rebelyon laban sa gobyernong Romano. Sinulsulan ang mga tao na sumigaw laban kay Kristo. Kung anuman ang ibinigay at ginawa ng mga nagsulsol sa mga tao, basta’t nagtagumpay sila.


Ganito rin halos ang nangyayari sa ating bansa. Matapos ang mahabang paglilitis ng QuadCom sa mga tila anomalyang sangkot ang bise presidente, kumilos na ang iba’t ibang grupo para itulak ang kanyang impeachment trial sa Senado. 


Pero, urong sulong ang lahat ng bagay. Susulong ng ilang hakbang at uurong ng mas maraming hakbang. Bakit hirap itulak ang tama? Bakit kaydaming humahadlang at sumisira sa proseso ng hustisyang batay sa katotohanan? Bakit may dalawang uri ng hustisya: para sa mayaman at makapangyarihan, at para sa dukha? Maaari bang mabili ang hustisya? Dapat hindi ngunit sa panahon ni Kristo hanggang ngayon nananaig ang korupsiyon sa lahat ng antas.


Mahalagang paalala sa mga sanay sa paggamit at pagbaluktot sa batas. Basahin muli ang mula 2 Corinto 3:6:


“Niloob niyang kami ay maging lingkod ng bagong tipan, tipang hindi nababatay sa kautusang natititik kundi sa Espiritu. Sapagkat ang dulot ng titik ay kamatayan, ngunit ang Espiritu’y nagbibigay buhay.”

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 9, 2025



Fr. Robert Reyes


Taong 2019 nang huling nagbakasyon ang kaparian ng Cubao. Napiling lugar noon ay Boracay. Ibang-iba pa ang mundo noon, wala pang pandemya, walang lockdown. Walang sabay-sabay at sunud-sunod na namamatay na mga indibidwal, kakilala man o hindi. 


Magulo at marahas ang maraming bahagi ng mundo. Kakaibang pandemya na ang lumalaganap, ang pandemya ng mga “populistang diktador” (populist dictators). Sila ang mga popular ngunit tila hindi gumagalang sa karapatang pantao at sa legal na prosesong sumusunod sa Konstitusyon.


Isa ang Pilipinas sa mga bansang pumailalim sa ganitong uri ng pamunuan. Tatlong taon pa lang nating nararanasan ang administrasyon ng dating pangulo, laganap na ang tokhang o EJK, ang madugong resulta ng naturang war on drugs. Hindi ligtas ang paligid, lumalaganap na ang takot ng mamamayan. 


Matinding takot at panganib ang nararamdaman dahil sa mga pagpaslang ng mga maliliit at karaniwang taong napagbibintangan o basta na lang nababalingan ng malupit at nakamamatay na programa ng drug war. Masasabi nating kakaibang preparasyon ito para sa mas matindi pang panganib ng pandemya. Ang malaking pagkakaiba lang ay artipisyal ang una at natural ang pangalawa. Tila gawa-gawang problema ang droga upang bigyang-daan ang programa ng ‘pananakot’ sa pamamagitan ng pagpatay, paglinis ng diumano’y salot ng droga.Walang imbestigasyon, walang paglilitis, walang warrant of arrest, basta’t mapaghinalaan kang sangkot sa droga, magdasal ka na at bilang na ang mga huling sandali ng buhay mo.


Sa gitna ng naturang drug war, dumating ang pandemya at binalot nito ang buong mundo ng kadiliman at kamatayan. Nagsanib-puwersa ang dalawang pandemya na nagdulot ng ‘di mawaring paghihirap sa mahal nating bansa at mga kababayan. Pagkaraan ng halos tatlong taon ng pandemya ng tokhang at pandemya ng COVID-19, pansamantalang dumating ang maikli at nabuhay ang kapayapaan. Unti-unting naglaho ang pandemya, natapos ang lockdown at tumigil ang tokhang.


Ngunit nasaan na tayo ngayon? Wala na ang pandemya ng COVID, tapos na ang war on drugs at nasa ICC na ang nagpasimula nito. Subalit, tuloy pa rin ang isang pandemya na matagal nang sumasakal at kumikitil sa kasarinlan at kalayaan ng bawat mamamayan. 


Mula pa noong Patronato Real o ang patakaran na nagbibigay ng kapangyarihan sa hari at reyna ng España sa Simbahang Katolika sa lahat ng aspeto ng pamamalakad nito, mula sa mga paghirang ng mga opisyales, kaperahan, pag-aari at pamamahala sa mga lupain. Malinaw na dahil tayo ay sinakop at naging kolonya ng España, lahat-lahat ay kontrolado na nito. Mula noon hanggang ngayon, malalim ang kultura ng paternalismo o ng pag-asa sa mga padron ng maliliit at mahihirap na mga karaniwang mamamayan -- magsasaka, mangingisda at manggagawa. Maski na napaalis ang kapangyarihang kolonyal ng España nang matalo ito ng mga Amerikano sa “Battle of Manila Bay” (1 Mayo 1898), ang mga nabuong mga sektor na malapit sa mga Kastila, tulad ng mga peninsulares (mga Kastilang ipinanganak sa España), insulares (mga Kastilang ipinanganak dito), mestizos (mga halo ang dugo, Kastila, Tsino at Indio), mga indio (mga mamamayang ipinanganak dito, ito ang pinakamababang sektor), at ang principalia (mga Pilipino na may posisyon tulad ng gobernadorcillos (alkade at cabeza de barangay, ang mga ito ay mayayaman at makapangyarihan at pinakikinggan ng mga kapangyarihang kolonyal).


Ang principalia ay hindi nawala sa pag-alis ng mga Kastila. Mula sa panahon ng mga Amerikano hanggang ng mga Hapon at ang panahon pagkaraan ng Pangalawang Digmaang Pandaigdig, tumibay at nanatili ang mga miyembro ng principalia at ito ang nakapuwesto sa maraming posisyon mula sa pinakamababa hanggang Malacañang, at sila ang kinikilalang miyembro ng mga makapangyarihang pamilya o ng mga dinastiya.

Hindi nagbabago ang lahat ng mga ito bagkus nagbabagong anyo lamang. Wala na ang dating mga padron o patrong Kastila at ang mga miyembro ng mga mayayaman at makapangyarihang pamilya ang may hawak ng pondo at kapangyarihan ng buong pamahalaan mula sa iba-iba hanggang itaas.


Sapat nang tingnan ang bumubuo sa Senado at Kamara. Sapat ding tingnan ang bumubuo sa Korte Suprema at ang koneksyon nito sa mga dinastiya sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan. Hindi ba’t laro lang ng mga dinastiya ang nangyayari sa Kamara, Senado at Korte Suprema? Kelan at paano matatapos ang larong ito?

Hindi basta-bastang matatapos ito hanggang hindi nagbabago ang kultura ng patronato-paternalismo-trapo-dinastiya.


Samantala, katatapos lang ng munting bakasyon ng kaparian ng Cubao sa Bohol. Nakita namin kung gaano kalakas ang pananampalatayang Katoliko sa dami ng mga nagsisimba. Kahanga-hanga rin ang mabilis na pagbuo ng mga nasirang simbahan ng nagdaang matinding lindol noong 2013.


Merong positibong puwersa na hindi pa lubos na natutuklasan sa pagbabago ng lipunan. Naroroon na ito noong People Power Revolution ngunit paulit-ulit na naudlot dahil hindi lubos na pumasok sa espiritu o diwa ng panalangin, sakripisyo, pag-aayuno, pagbabalik-loob sa Diyos, at pagkilatis at pagsunod sa kalooban ng Panginoon. Bumalik ang karamihan sa karaniwang kultura ng pulitika na hawak pa rin ng mga dinastiya. Walang nabuong bagong kultura na sasalag at magbabago sa matibay na kultura ng paternalismo, trapo at dinastiya.


Sa mga floating restaurant na naglayag sa Loboc at Loay, inawit ng lahat ang “Balik Balik sa Bohol.” Sa mga simbahan ng Bohol na puno ng mga mananampalataya, mga simbahang naguho ng lindol noong 2013. Oo, kailangang bumalik sa kapangyarihan ng panalangin, ayuno, sakripisyo, pagninilay at madasaling pagkilos… balik-balik sa Bohol!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page