- BULGAR
- Jun 4, 2022
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 4, 2022
Mahalagang usapin ang pagkakaisa. Walang mangyayari kung walang pagkakaisa at sa halip ay puno ng alitan, inggitan at lahat ng uri ng siraan ang kapaligiran. Kitang-kita ang epekto ng pagkakahati-hati noong panahon ng kampanya. Kung ilan ang kandidato, ganundin karami ang mga pangkat o grupo ng mga sumusuporta.
Noong Miyerkules, sa unang pagbasa, maririnig ang salitang “ingat”. Mula kay San Pablo, “Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, sapagkat kayo ang ginawa ng espiritu santo na mga tagapag-ingat nila para pangalagaan ang iglesya ng Panginoon, na binayaran niya ng sarili niyang dugo.” Bahagi rin ng pag-iingat ang paghahanda sa kalaban: “Mula rin sa inyo mismo lilitaw ang mga taong babaluktutin ang katotohanan at hihikayatin ang mga alagad na sumunod sa kanila.”
Ang pag-iingat sa sarili at sa buong kawan at ang pagbabantay laban sa mga babaluktot sa katotohanan ay hindi madali. Kaya, sinabi rin ni San Pablo: “Malinaw kong ipinakita sa inyo na kailangan ninyong magtrabaho at sa ganito natin matutulungan ang mahihina.” Hindi basta mangyayari ang anumang hindi nagbabanat ng buto at nagpapawis para gawin ang tama at nararapat para sa kapakanan hindi lang ng sarili kundi ng buong kawan.
At sa huli, pagkatapos gawin ang lahat ng kailangan, wala nang iba pang maaaring gawin kundi ang magdasal. Kaya’t ito ang ipinamalas ni San Pablo at ng kanyang mga kasama: “… Lumuhod siyang kasama nila at nanalangin. Umiyak silang lahat at niyakap si Pablo at hinagkan.” (Gawa 20:28-38)
Kaya, kung nais nating magkaisa, sikapin nating gawin ang apat na bagay: Ingatan ang sarili at ang buong kawan; bantayan ang mababangis na “asong gubat” na babaluktutin ang katotohanan; magsikap at magtrabaho sa lahat ng panahon at huwang kalilimutang lumuhod at magdasal sa pinagmumulan ang lahat.
Sa mga nagdaang panahon, lalo na sa dumaang dalawang taon, ang tatlong pangunahing balakid sa pagkakaisa ay ang tatlong “P” sa Ingles — “pandemic”, “politics” at “poverty”.
Sa nakaraang dalawang taon ng pandemya, na panay lockdown at paghihigpit ang naranasan ng lahat, marami ang nagkani-kanya. Tila, nabaliktad ang likas na ugali ng mga Pinoy na mapagbigay. Dalawang takot ang humatak sa marami nang pababa — takot sa sakit at takot sa kamatayang maaaring magmula sa pandemya.
Pangalawa, pulitika rin ang pinagmulan ng pagkakahati-hati natin. Salamat sa napakaraming kandidato sa pagka-pangulo — kung ano ang dami ng mga ito, siya rin namang dami ng kulay at pangkat ng mga sumusuporta. At merong pulitiko na ang paboritong estratehiya ay ang “divide and conquer” — ang hatiin at paghiwa-hiwalayin ang mamamayan upang hindi magkaisa. At kung nag-aaway-away ang iba’t ibang grupo at buo ang puwersa ng may hawak ng poder, higit na magiging matatag ito.
Pangatlo, “poverty” o kahirapan ang nagpapahina sa marami. Dahil sa matinding kahirapan, madaling kausapin, pangakuan at papaniwalain ang marami sa ating mga kababayan. At itong pangatlong dahilan o sanhi ng hindi pagkakaisa ay patuloy na lumalala. Dahil sa kahirapan, nababawasan ang makabuluhan at malayang paglahok sa pulitika. Hindi mahirap kausapin at hikayatin ang merong malubhang pangangailangan.
At napakadaling pagsamantalahan ninumang merong natatagong salapi ang mga kinakapos sa mga batayang pangangailangan. At kapag pinagsamantalahan ang mga kapatid nating lubhang nahihirapan, dalawa ang ating pagkakasala. Una, ginamitan sila ng pera na hinding-hindi magiging katumbas, bagkus ay binabawasan pa ang kanilang dangal. Pangalawa, sa halip na tulungan silang unti-unting umahon sa kanilang kalagayan, lalo silang ibinabaon dahil hindi sila tinatratong kapantay sa dangal at kalayaan ng mga anak ng Diyos.
Sa huli, napakalinaw ng batayan ng tunay na pagkakaisa: Ang dangal ng tao at ang kanyang banal na bokasyon na buuin ang lipunang mapayapa, makatarungan at patas para sa lahat. Hindi batayan ang pananakot at panggigipit. Hindi rin batayan ang sadyang paghahati ng lipunan sa pamamagitan ng kasinungalingan at panlilinlang, gayundin ang kahirapan.
At ito ang batayan ng pagkakaisa, ang pagkilala ng pantay na dangal ng bawat isa bilang mga anak ng Diyos. Dahil dito karapatan nilang mamuhay ng malaya, ligtas sa anumang pananakot at panggigipit, sa lipunang kinikilala at iginagalang ang kabutihang panlahat (common good).




