top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| June 07, 2021



Tulad ng marami, napanood natin ang video kung saan makikita si Master Sergeant Henzie Zinampan na sinasabunutan hanggang sa tuluyan nang binaril sa leeg si Lilibeth Valdez noon ika-31 ng Mayo, 2021. Isang mahiwagang pangyayari kung bakit at paano nakunan ng mga bata ng video ang kalagim-lagin na karahasan, na hindi mo aasahang magmumula sa isang alagad ng batas.


Samantala, noon namang ika-20 ng Disyembre, 2020 ay nag-viral din ang video ng pagbaril ni Jonel Nuezca sa mag-inang Sonia at Frank Gregorio. Isa ring pulis si Nuezca. Ilang pulis na ang nasanay sa walang katuturang paggamit ng nakamamatay na dahas sa pamamagitan ng baril sa napakaraming maliliit, mahihina, walang laban at kadalasa’y inosenteng biktima? Galing na mismo sa Philippine National Police (PNP) ang bilang ng mahigit limang libong namatay sa Tokhang, ang opisyal na programa sa pagsugpo sa problema ng ilegal na droga. Ngunit, iba ang bilang na lumalabas mula sa iba’t ibang grupo na sinasaliksik ang madugong epekto ng naturang programang 'War on Drugs'. Hindi lima kundi lampas na ng tatlong pung libong patay. At ilang sa mga pagpatay na ito na ayon sa mga saksi ay nasasangkot ang ating kapulisan?


Hindi iisa si Zinampan at Nuezca, naroroon pa sina Arnel Oares, Jeremiah Pereda at Jerwin Cruz ang mga nahatulang panghabang buhay na pagkakakulong dahil sa pagpatay kay Kian de los Santos. Ilang pulis din ang sangkot sa mga Extra Judicial Killings na naganap sa Barangay Pinyahan noong 2020 sa kasagsagan ng pandemyang COVID-19, noong tayo ay naglilingkod pa bilang kura-paroko ng Parokya ng San Isidro Labrador? Ilang pulis din ang sangkot sa daan-daang biktima ng Tokhang sa Diyosesis ng Caloocan sa ilalim ng pamamahala ni Obispo Ambo David?


Nasanay na ba tayo sa pangmamaliit ng mga seryoso at mabibigat na suliranin ng pinaka-mataas na opisyal ng bansa at ng kanyang kasama? Paulit-ulit na nating narinig: “Nagbibiro lang; hyperbole lang; dapat unawain ninyo kung paano siya magsalita, ganun lang 'yun, wag n'yo masyadong seseryosohin; isolated case lang; masamang itlog lang. Pagdating naman sa pandemya, kabaliktaran naman ang iyong maririnig: Perfect, 100 percent, isa sa pinakamahusay, atbp ang Pilipinas sa pagtugon sa pandemya.


Ano na nga ba ang totoo? Isang masamang itlog lang si Zinampan, kaya sa totoo lang wala naman talagang problema. Ang karamihan ng pulis ay matino at hindi basta nananakit. Napanood ko rin ang video ni PNP Chief Guillermo Eleazar na pinagagalitan si Zinampan. Aniya, “Tumingin ka nga sa akin. Ano ang iniisip mo nang ginawa mo iyon? May asawa ka? May anak ka?....”


Walang magawa ang pulis kundi tumayo at tanggapin ang lahat ng masasakit na salita at kumpas ng kamay ng kanyang hepe. Maaalala ang sinabi ni Eleazar noong simula ng kanyang panunungkulan, “Sa mga natitirang mga hoodlum na naka-unipormeng pulis. Nangangako akong, kamumuhian ninyo ako. Hindi ako magdadalawang isip tanggalin ang mga tiwali sa serbisyo lalo na’t napakaganda ng mga benepisyo at sahod na tinatanggap ninyo."


Salamat sa nagkataong nakapag-video ng mga katiwalian at karahasan ng mga pulis at napag-uusapan ang mga ito. Ngunit ilan ba ang nakapagbi-video ng mga pang-aabuso ng mga pulis? Ito lang ba ang tanging paraan para maituwid ang malalim at laganap nang problema na paulit-ulit pa ring minamaliit ng administrasyon?


Kapag palaging minamaliit at pinalalabas na walang problema, hindi aalis ang problema, bagkus ay lalala pa ito. Ganundin ang nangyayari kapag sinabi mong tagyawat lang ang bukol na sa totoo lang ay kanser na. Hindi magtatagal ay magigising na lang na huli na ang lahat at wala nang magagawa pa dahil kumalat na hindi ang tagyawat kundi ang kanser.


Mahal naming, General Eleazar, hindi tagyawat o kagat ng langgam ang mga pangyayaring kinasasangkutan ng mga pulis. Huwag ninyo ito maliitin. Maingat ninyong tingnan, suriin at unawain… na hindi na rin ito munti at balewalang tagyawat!

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| June 05, 2021



Sa sobrang init, nanunuyot ang buong kapaligiran. Nalalanta ang mga halaman at kailangang diligan nang hindi bababa sa dalawang ulit. Kung maaari, umaga’t hapon ang pagdidilig. Eh, paano ang tao? Kaya nga’t ang daming de-boteng inumin. At dahil sa sobrang init, kailangang bantayan ang dami ng tubig upang panatilihin ang buhay ng anumang nangangilangan nito.


At anu-ano, sinu-sino ang nangangailangan ng tubig? Wala yatang buhay na nilalang na hindi nangangailangan ang tubig. Sa sobrang tindi ng init sa mga nagdaang-araw, naging napakalinaw ng usaping-tubig. Tuwing nararamdaman ko ang tindi ng init, papakiusapan ko ang sinumang nasa tabi ko na magdasal na umulan na. Kahit maiksi lang basta’t isang malakas na buhos o ambon basta sapat ang tagal nitong basain hindi lang ang mga dahon kundi ang mga ugat ng maliliit na halamang hirap na hirap nang mabuhay.


Hindi lang ang mga halaman at hayop ang kawawa — kawawa ang mga nagsisikap na panatiliing buhay at masigla ang mga nangangailangan ng tubig. Kawawa ang mga hardinero, ang mga magsasaka na halos wala nang makunan ng tubig para sa kanilang mga alagang tanim. Salamat na lang kung handang magbayad ng tubig ang may-ari ng malaking hardin para ipandilig sa mga halaman. Kung hindi, magtiis kang magbomba ng tubig mula sa poso at pingain ang mga baldeng puno ng tubig para ihatid sa anumang nauuhaw, halaman man o hayop.


Salamat, salamat sa ulan na hatid ay tubig na halaga’y walang kapantay. Ngunit, sino ang nagbabantay at nagtatanong kung hanggang kailan, hanggang saan, hanggang kanino aabot ang biyayang kailangan hindi lang ng tao kundi ng lahat ng nilalang?


Ayon sa mga dalubhasa, tatlong porsiyento lang ng tubig sa buong mundo ang maaaring inumin. At 0.03 % lang nito ang maaari nating magamit. Kung merong matinding tag-init at tag-tuyot ay darating naman ang tag-ulan upang ibalik sa dati ang naturang balanse. Ngunit, nag-iba na ang kalagayan ng kalikasan. Hindi na bumabalik ang balanse. Paunti na nang paunti ang tubig na maaaring maabot at magamit ng tao at ng iba pang nilikhang nangangailangan nito.


Salamat at meron pa at naaabot pa ang marami ngunit hindi lahat, nariyan pa ngunit hindi na sapat sa lahat ng oras; magandang isiping dapat maglaan para sa lahat, ngunit ang totoo ay sobra-sobra sa ilan at kulang sa marami.


Naiisip ba natin, kung gaano kahalaga ang bakuna, ganundin baka higit pa ang tubig!

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| May 22, 2021



Katatapos lang ng Miss Universe Pageant noong Lunes. Maraming hindi pumasok sa opisina o hindi nag-work from home para lang abangan at sumabaybayan ang nasabing kompetisyon. Masasabi nating kayang patigilin ng kagandahan ang lahat. Ngunit, ano nga ba ang kagandahan? Ito ba ay panglabas, pangbalat at hugis ng katawan lamang? Sa Q and A, magandang tingnan ang mga sinabi ni Andrea Meza ng Mexico, Miss Universe 2021: “Una, tungkol sa pandemya, palalaganapin niya ang lockdown bago pa lumaki at lumala ang pagkalat ng virus. Napakalaking kawalan ang kamatayan kaninuman. Kailangan nating alagaan ang mamamayan. Pangalawa, tungkol naman sa kagandahan, kailangang magkaroon ng bagong pamantayan ng kagandahan. Hindi lang ang panglabas kundi ang kalooban, ang espiritu at kung paano tayo kumilos. Huwag mong papayagan sinuman na sabihan kang hindi ka mahalaga.”


Dapat lang na merong ibang pamantayan sa kagandahan. Ngunit, ang pamantayang umiiral sa mundo ay hindi mula sa puso at kalooban kundi mula sa panlabas. Paano na ang isang katerbang beauty products; fitness programs at napakaraming personality, grooming, social impact and relevance schools, etc. na pinapasukan ng mga nagnanais na maging beauty queen?


May malinaw at malalim na kaugnayan ang kapayakan sa kalikasan. Hindi kailangan ng anumang makeup ang magandang babae. Likas na siyang maganda at hindi na kailangan ang dagdag-kulay sa labi, pisngi, mga mata o buhok. Hindi rin niya kailangang magpakita, magparamdam ng galing maging sa salita o gawa. Likas nang makikita at mararamdaman ang anumang galing o kakaibang kakayahan na bubukal mula sa loob.


Hindi mabibili o mababayaran ang tunay na kagandahan. Ito marahil ang nakita ng aking ama sa kanyang mahal na si Natividad noong kasibulan pa lamang ng kanyang kagandahan. Mahirap ang pamilya ng aking ina. Nasanay itong maggayak na walang makeup, alahas at pabango. Ganyan si “Naty” sa kanyang buong buhay — walang alahas, kulay sa mga mata, labi, pisngi o buhok. Walang makinang at mamahaling alahas sa daliri, leeg at pulso.


Ganyan ang mga “Miss Universe” ng ating buhay — nanay, kapatid na babae, tiyahin, titser, ka-trabaho, kaibigan, kapitbahay na noon hanggang ngayon nagbibigay-karagdagang kulay, liwanag, kagandahan at buhay.


Marami na akong hindi napanood na Miss Universe. Hindi ito kawalan para sa akin dahil kung meron man akong “Miss Universe”, siya na ang aking mahal na ina… na ayon sa aking kaibigan ay hinawakan ang aking kamay habang siya’y nabubuhay at ang aking puso magpakailan man.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page