top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 11, 2021



Nagising na ako nang alas-3: 00 ng umaga noong Miyerkules, ika-8 ng Setyembre. Malakas ang buhos ng ulan na tila tumpok ng bato na bumabagsak sa mga yero, imposible na tayong makatulog nang mahimbing. Ganu’n kalakas ang bagsak ng tubig mula sa Bagyong Jolina.


Bakit kaya Jolina? Marahil, wala nang maisip na pangalan ang PAGASA kaya’t lumitaw na lang ang pangalang ito. Nauna sa Bagyong Jolina si “Isang” at natural lang na kasunod ng “I” ay “J” kaya’t okay na rin ang Jolina.


At dahil ang kasunod ng “J” ay “K”, biglang sumulpot ang pangalan ng kasunod na Bagyong Kiko. Meron kayang mahalaga o malalim na dahilan ang pagpili ng PAGASA sa Kiko? Malamang wala.


Kung walang malalim na dahilan sa pagpili ng Bagyong Kiko, malaya naman tayong magbigay ng pansariling kahulugan at kahalagahan para sa pangalang “Kiko”, ng kasunod na bagyo. Kasisimula lang ng mahigit isang buwang pagdiriwang na tinawag ni Papa Francisco ng “Season of Creation” na nagsimula ng ika-1 ng Setyembre hanggang ika-4 ng Oktubre, ang Pista ni San Francisco ng Assisi.


Napakahalagang tutukan ang kalikasan sa buong buwan ng Setyembre hanggang sa Pista ni San Francisco. Napakahalaga ng kalikasan sa kasalukuyang panahon. Kung ipinagdarasal natin araw-araw ang Oratio Imperata, kailangang hanapan natin ng panahon ang sumusunod na dasal ng panahon ng paglikha. Basahin natin ang ilang bahagi ng panalanging ito: Maylikha ng lahat, nagpapasalamat kami na mula sa pagkakaisa ng Inyong pag-ibig ay nilikha N’yo ang aming planeta upang maging tahanan ng tanan.


Sa pamamagitan ng Inyong banal na karunungan, Inyong nilika ang daigdig upang magpasibol ng samu’t saring buhay sa sangkalupaan, sangkatubigan at sangkalawakan. Pinupuri Ka ng bawat bahagi ng sangnilikha at kanilang kinakalinga ang isa’t isa ayon sa kani-kanilang kinatatayuan sa hibla ng buhay. Kaisa ng Salmista, umaawit kami sa Iyo ng papuri na sa Iyong bahay “maging ang maya ay nakasusumpong ng tahanan at ang langay-langayan ng pugad para sa kanya na mapaglalapagan niya ng kanyang inakay.”


Batid namin na tinawag Mo ang sangkatauhan na pangalagaan ang Iyong halamanan nang may paggalang sa dangal ng bawat nilalang at pinananatiling ganap ang buhay sa daigdig para sa tanan. Subalit, batid din naming ang paghahangad ng kapangyarihan ay nagdadala sa aming planetang tahanan sa sukdulang kasiraan.


Ang aming pagkokonsumo ay hindi na ayon sa kakayahan ng daigdig na hilumin ang kanyang sarili. Natitigang at nawawala na ang mga tirahan ng samu’t saring buhay. Marami na ring samu’t saring buhay ang naglaho, gayundin ay ang mga nasirang sistemang ekolohikal. Ang mga bahura ng korales, mga lungga ng mga hayop, kabundukan at karagatan na dating puspos ng buhay at ugnayan, ngayon ay tuyot at tiwang-wang.


Marami ring pamilya ang nawalan ng tirahan duloy ng kawalan ng seguridad at alitan, nagsisilikas sa paghahangad na masumpungan ang kapayapaan. Ang mga hayop ay nagsisipanakbuhan papalayo sa kanilang likas na tirahan sanhi ng mga nagliliyab na apoy, pagkakalbo ng mga gubat at taggutom, at gumagala sa paghahanap ng bagong tahanan para sa kanilang supling at para mabuhay.


Ngayong panahon ng paglikha, idinadalangin naming nawa’y ang hininga ng lyong malikhaing salita ay dumaloy sa aming mga puso tulad ng tubig sa aming pagsilang at binyag. Pagkalooban Mo kami ng pananampalataya upang masundan ang halimbawa ni HesuKristo sa makatarungang pakikipag-ugnayan sa komunidad ng buhay.”


Magtatapos ang Panahon ng Paglikaha sa Pista ni San Francisco ng Assisi. “Kiko” ang palayaw ng Santo — “Papa Kiko” ang tinawag ng mga Pinoy sa kanya. Isinulat ni “Papa Kiko” ang Laudato Si kung saan tinawag niya ang mundo na tahanan ng lahat. Mababasa ito sa panalangin. At mababasa rin ang dahilan ng pagkasira ng mundo mula sa paghina at pagkawala ng pangalan sa dangal ng tao at kalikasan hanggang sa walang habas na pagkonsumo. Kung kailangan nating baguhin ang pagtingin sa kalusugan ng katawan dahil sa pandemya, kailangan din nating baguhin ang pagtingin sa kalusugan ng daigdig.

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 05, 2021



Kahapon, ika-4 ng Setyembre, 2021 ay ang unang anibersaryo ng pagkamatay ni Allan Sumayao ng NIA Road, Barangay Pinyahan, Quezon City. Si Allan ang pang-11 na biktima ng EJK sa barangay. Hindi natin inabutan ang kanyang bangkay, tulad ng iba pang biktima, ngunit kasama ng halos 50 residente ng NIA Road, dinasalan at binasbasan namin ang mismong lugar kung saan siya pinaslang.


Buhay na buhay na pula pa rin ang kulay ng mantiya ng dugo ni Allan na naiwanan sa kalye. May malansang amoy pa rin ito kaya’t napansin nating nagtatakip ng ilong na natatakpan na rin ng facemask ang marami sa mga naroroon. Tulad ng naunang 10 na biktima ng EJK, tinatapos natin ang panalangin sa panawagang, “Sana po Panginoon, ito na ang huli, ito na sana po ang huli.”


Ngunit pawang hindi ito dininig ng Panginoon. Tila, merong ibang mensahe ang Panginoon. Isang buwan lamang ang nakararaan, walang pinapatay sa Barangay Pinyahan nang nabalitaan natin ang tunay na pangyayari kay Melchor Umadhay noong ika-11 ng Oktubre 2020.


Ilang linggo ng nawawala si Melchor nang dumalaw sa kanyang mga magulang ang mga pulis ng Baras, Rizal. Natagpuan ng mga ito ang bangkay ng isang lalaki na inaakala nilang kamag-anak ng kanilang dinalaw na pamilya. Pinapunta ang mga magulang ni Allan sa punerarya sa Antipolo at doon nila nakita ang kalunus-lunos na kalagayan ng bangkay ng kanilang anak. Binigyan natin ng larawan ng bangkay ni Melchor na kuha ng mga pulis ng natagpuan nila ito. Hindi natin maaari kung ano’ng ating nararamdaman.


Noong isang linggo, nahatulan na ng 40-taong pagkakakulong si Jonel Nuezca, ang pulis na pumatay sa mag-inang Sonya at Frank Anthony Gregorio. Maraming humanga sa mabilis na paglilitis ng kaso ni Nuezca na humantong sa malinaw na desisyon sa loob ng walong buwan lamang. Salamat at hindi natakot si Judge Stela Marie Q. Gandia-Asuncion ng Paniqui, Tarlac Regional Trial Court. Salamat at ganundin ang nangyari sa mga pulis na sangkot sa pagpatay sa 17-taong Kian delos Santos. Sinentensiyahan ni Judge Rodolfo Azucena sina Police Officer 3 Arnel Oares, Po1 Jeremias Pereda at PO1 Jerwin Cruz ng apat na pung taong pagkakakulong na walang parole.


Nitong nagdaang mga araw, paulit-ulit na ipinahayag ni PNP Chief Eleazar ang kanyang galit sa sari-saring krimen na kinasasangkutan ng mga pulis. Nais ni Eleazar linisin ang ahensiyang pinamumunuan niya. Kakayanin kaya niya? Gaano kalalim ang dumi, ang kasamaang kumain sa mismong kaluluwa ng napakahalagang ahensiya?


Iilang pulis lang ang nahuli, nalitis at nahatulan. Salamat sa video ng cellphone ng batang buong tapang kinunan ang palitan ng salita nina Nuezca at Sonia na humantong sa mabilis na pagbunot ng baril at pagkalabit ng gatilyo na pumatay sa mag-ina. Salamat sa CCTV ng barangay na kinabibilangan ni Kian at nakunan itong kinakaladkad ng tatlong pulis. Mabigat na ebidensiya na hindi maaaring paglaruan, balewalain, pagtawanan at basta na lang ibasura ng korte — suwerte. Napakasuwerte ng napakaraming pulis na totoong sangkot sa EJK. Walang nakakuha ng video ng madugong kabanata sa buhay ng kapulisan. Gayunman, napakaraming kumausap sa atin upang ikuwento ang kanilang nakita, ngunit dahil sa takot ay hindi nila masasabi sa anumang korte.


Oo malilinis, maiaahon pa ang dangal at mababalik pa ang tiwala sa kapulisan. Ngunit, kailangan munang umamin, humingi ng tawad at maging handang pagbayaran ang kanilang krimen. Hindi ang mga taga-labas ang mauunang maglilinis sa bakuran ng may bakuran. Alam na ng marami kung gaano karumi ang inyong bakuran. Tiyak na mas marami kayong alam kung ano at nasaan ang mga dumi. Simulan ninyo ang paglilinis at hindi tayo mag-aatubiling tumulong sa inyo.

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 04, 2021



Gaano kalayo ang Morong, Rizal sa Barangay Pinyahan, Quezon City? Marahil, ito’y sa pagitan ng 40 at 50-kilometro. Bakit natin ito itinatanong? Noong Huwebes, napakiusapan tayo ng parokyano sa dating parokya na magmisa sa kanyang yumaong ina sa pabahay na ipinagkaloob ng pamahalaan sa ilang dating taga-NIA Road sa Barangay Pinyahan, Quezon City.


Dahil sa panganib na nakaamba dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19, hindi madaling kumuha ng pari. Naintindihan natin ito dahil sa kalagayan ng mga parukyanong nagkakasakit, lumulubha at namamatay sa ating kasalukuyang parokya.


Malalim at komplikado ang pagdadalamhati sa panahon ng pandemya para sa mga pumanaw na mahal sa buhay, kaibigan, maging mga kapitbahay at kasama sa trabaho. Kapag naospital ang iyong mahal sa buhay, tiyak na hindi mo basta mababantayan o madadalaw ito. Maging sa paglubha ng kalagayan ng iyong mahal sa buhay hanggang sa tuluyan na itong pumanaw dahil sa COVID-19, hindi malayong hindi mo na rin siya makita dahil sa patakarang dapat idiretso ang mga biktima ng COVID-19 sa crematorium. Paano magdadalamhati sa ganitong sitwasyon?


Mabuti na lang at hindi COVID-19 ang ikinamatay ng magulang ng ating dating parokyano. Maaari ko pa itong puntahan dahil naiburol ito sa kanilang tahanan. Ang problema lang ay nasa Morong, Rizal ang burol ng namatay. Karamihan ng mga na-relocate na mula sa kilalang NIA road sa Barangay Pinyahan ay nasa relocation site rito. Kinailangang magdala kami ng sasakyan papunta roon. Medyo manipis pa rin ang dami ng sasakyan sa daan dahil sa hindi gaanong kakapal na trapiko dahil MECQ na lang at hindi na ECQ. Malungkot lang ang inabutan naming daan papunta sa relocation site. Alun-alon, bitak-bitak at sa ilang lugar parang munting bundok na lumitaw sa gitna ng daan o lawa-lawaan ang hugis ng daan. Sayang at kongkreto pa naman ang daan. Nasabi na laman naming magkakasama na dahil siguro tago at malayo ang lugar at dahil ito naman ay para lamang sa mga naturang relocates (inilipat sa pabahay ng gobyerno) na maralitang taga-lungsod, hindi na ibinigay ang tama at angkop na halo ng graba, buhangin, semento at bakal. Sino naman ang makakakita sa kalyeng ito kundi ang mga maralitang taga-lungsod na galing sa NIA Road?


Ngunit, marami sa mga nailipat na sa Morong ay wala sa kani-kanilang tahanan mula Lunes hanggang Biyernes dahil wala silang natagpuang kabuhayan sa kanilang paglipat doon. Malaking bahagi ng kanilang suweldo ay nauubos sa balikang pamasahe mula Maynila hanggang Morong, Rizal. At marami rin sa kanila ay nanunuluyan sa mga kaibigan at kamag-anak na nakatira pa rin sa NIA road hanggang ngayon.


Kasama ba sa ipinagmamalaking Build, Build, Build Flagship program ng pamahalaan ang pagpapagawa ng matitinong pabahay para sa maralitang taga-lungsod? Mahalaga bang itanong ito sa panahon ng pandemya? Ngayong pinag-aawayan na sa Senado kung saan napunta ang bilyun-bilyong salapi sa overpriced na mga facemask, face shields at PPE? Tiyak na kung palalalimin pa ang imbestigasyon sa kabuuang paggamit sa pondong inilabas para sa Bayanihan I at 2, marami pang lalabas na anomalya.


Kung napabayaan ang pabahay, ang malubhang pagkukulang ngayon ay ang kalusugan at kaligtasan ng lahat sa pandemya. Ang problema ay simple. Malinaw at mali ang prayoridad ng pamahalaan. Una sa lahat, ang sarili. Pangalawa lang kayong lahat. Napakalungkot. Nasaan na ang pangakong pabahay sa mga maralitang taga-lungsod at taga-nayon? Nasaan na ang Lupang Pangako ang magandang kinabukasan na ipinangako nila sa ating lahat?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page