top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| May 20, 2021



Maganda at mahalaga ang “road widening” project na sinimulan noong panahon ni dating Pangulong Noynoy. Ngunit, kailangang timbangin ng mabuti ang pangkalahatang kabutihan at iwasang mabulag at kumitid ang pananaw dahil sa kabutihan.


Noong Agosto 2014, nagtungo tayo sa Naga City, Cebu upang tutulan ang pagputol ng mga matatandang Acacia para bigyang-daan ang “road widening project” ng pamahalaan. Ito ay bahagi ng nasimulang kampanya laban sa pagputol sa mga matatandang Acacia sa kahabaan ng highway mula Urdaneta tungong Rosario, La Union noong mga naunang buwan. Dahil dito nabuo ang koalisyong tinawag naming, “National Coalition to Save Trees.”


Upang ipagtanggol ang pagputol ng mga matatandang Acacia sa Naga City, Cebu, ayon sa mga kinatawan ng DPWH, “Kailangan nang putulin ang mga matatandang puno dahil may sakit na ang mga ito.” Oo nga’t tila may sakit ang matatandang puno dahil sunud-sunod na pinuputol ang mga ito. Ipagpalagay nating may sakit ang mga ito, pare-pareho ba ang tindi ng sakit ng bawat puno na dahil ipinapalagay nilang “malala na” ay dapat nang putulin at patayin?


Naaalala natin ang mensahe sa tarpaulin na isinabit natin mula sa punong inakyat natin sa tulong ng Cebu Mountaineers: “Love is Care and Cure of the Old and Sick whether Person or Tree…Save the Naga, San Fernando and Car Car Century Trees.”


Nakaamba na ang chainsaw na hawak ng isang trabahador ng DPWH. Subalit, nasa itaas tayo ng puno. Kapag ipinagpatuloy niya ang pag-chain saw dito, tiyak na tayo madidisgrasya. Maraming nanonood kung ano ang mangyayari. Dahil hindi tayo umaalis sa itaas ng puno, hindi itinuloy ng lalaki ang pagputol ng puno. Umalis na lang ito, pati ang iba pang tauhan at sasakyan ng DPWH.


Panahon ngayon ng pandemya kaya nais gawing mega vaccination site ang dating Nayong Pilipino ng International Container Terminal Services Incorporated (pag-aari ni Enrique Razon) sa pakikipagtulungan nito sa National Task Force Against COVID-19 (NTF) sa pamumuno ni Carlito Galvez, Jr. dahil sa panukala, nag-resign ang direktor ng Nayong Pilipino na si Atty. Lucille Karen Malilong Isberto.


Ayon kay Isberto mali ang pagpasok ng ICTSI ni Razon dahil sa mga probisyon sa batas hinggil sa paggamit ng isang pribadong korporasyon sa lupang pampubliko (pag-aari ng gobyerno). Nababahala rin si Isberto sa magiging negatibong epekto ng proyekto sa “bird sanctuary” at “urban forest” sa loob ng Nayong Pilipino.


Tumugon naman si Razon kay Isberto: “Idiot and highly suspicious.” We are in the midst of our biggest crisis ever with people dying, and they want a park instead of a vaccination center! Incomprehensible! There are no trees to be cut on the property, the Ipil-Ipil are not trees but weeds.”


Kung ang tingin ng mga taga-DPWH at DENR sa mga punong matanda at may sakit sa Naga, San Fernando at Car Car ay walang kuwenta at dapat lang patayin at putulin na, mga walang halagang damo lamang ang mga Ipil-Ipil sa Nayong Pilipino sa mata ng bilyunaryong Enrique Razon.


An’yari? Naputol na ang kaugnayan ng mga ahensiya at ng mga malalaking kapitalista sa kalikasan. Para sa kanila kailangang mamili, puno ba o tao? Kalikasan ba o tao? Kitang-kita ang kababawan ng pananaw at ang trahedyang patuloy na nagaganap sa pagitan ng tao at kalikasan?


Tao at puno, tao at kalikasan. Hindi tayo hiwalay at walang kaugnayan. Napakalalim ng kaugnayan ng lahat. Hindi nag-iisa, namumukod-tangi at espesyal ang tao. Anuman ang gawin niya sa puno o sa anumang bahagi ng kalikasan ay may epekto sa kanya. May pandemya man o wala, napakahalagang makita natin kung paano tayo binubuhay, pinoprotektahan, tinutulungan at nililigtas ng kalikasan. At nakikita na rin natin kung paanong bumabaliktad na rin sa atin ang kalikasan. Salamat dahil sa pagtakwil at pagputol at pagsira ng ating kaugnayan dito.


Puno o tao ba, o puno at tao ba? Sino dapat sumagot dito? Ang mga sumasamba sa kapangyarihan o pera o ang gumagalang at kumikilala sa kaugnayan ng lahat sa lahat?

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| May 18, 2021



Nagmamaneho ako noong isang gabi nang parahin ng mga pulis. Dahil naka-on ang air-con kaya ibinaba ko ang bintana sa passenger seat. “Mawalang galang po, saan po kayo pupunta?” tanong ng pulis. “Pakisuot ninyo ang inyong face mask,” dagdag pa nito.Ginawa ko ang dalawang utos ng pulis. “Mag-ingat po tayo palagi. Kahit nag-iisa po kayo sa loob ng sasakyan, palagi kayong magsusuot ng facemask,” paalala pa nito.


Matapos magpasalamat ay nagpatuloy ako sa masayang pagmamaneho. Naisip ko na lang na sana ay ganito ang lahat ng pulis sa lahat, magalang at masayang kausap.


Pero hindi palaging ganito ang mga pulis. Madalas ireklamo ng mga nakatira sa lugar ng mga maralitang taga-lungsod ang mga pulis na sumisigaw at nananakot, lalo na kung may raid at operation-tokhang.


Napakaraming nangyari last year hanggang sa kasalukuyan na nagdudulot ng pangamba at takot sa mga lugar ng maralitang taga-lungsod. Hindi “taga-pamayapa” ang tingin sa mga pulis kundi nakakatakot at mapanganib na mga ahente ng marahas at malupit na pagpapatupad ng batas.


Oo, kailangang ipatupad ang batas. Maraming paraan sa pagpapatupad ng batas. Maraming marunong magpatupad ng batas na hindi nagtataas ng boses at nananakot sa pamamagitan ng mga babala.


Ito ang pinakaunang pahayag na binitiwan ni Heneral Eleazar sa kanyang unang araw bilang Chief PNP: “Sa mga natitirang hoodlum in police uniforms, sisiguraduhin ko sa inyo, you will hate me. Hindi ako magdadalawang-isip na magtanggal ng mga tiwaling pulis.”


Malawak ang ibig sabihin ng tiwaling pulis. Sa diksyunaryo, ang tiwali ay “abnormal, irregular at incorrect” o hindi normal, hindi sumusunod sa patakaran at mali. Hindi lang ito tungkol sa pangongotong at pangingikil kundi ang hindi paggawa ng tama at legal.


Sana ay tingnan ng bagong Chief PNP kung paano nawala ang kagandahan at kabutihang-loob ng maraming pulis dahil sa naging patakaran ng administrasyong “Kill, Kill, Kill”.


Ganundin ang naging patakaran ng kabababa lamang na Chief PNP na si Debold Sinas: hulihin, gipitin, tugisin ang mga aktibista, lalo na ang mga pulahan, mga komunista.


Hindi lang ang maralitang taga-lungsod, kundi pati ang kabataang namamahayag, nagpoprotesta sa mga kalabisan at katiwalian ng pamahalaan ang biktima ng karahasan, pananakot at panggigipit na umaabot na rin sa nakamamatay na kalupitan.


Hindi ba’t tiwali ang pagpatay at ang paulit-ulit na pag-utos na pumatay. Ito ang pangunahing katiwalian ang naturang “kultura ng kamatayan” o “culture of death”. Malungkot na katotohanang hindi na mabubura sa kasaysayan ng ating bansa ang pagkakasangkot ng maraming pulis sa pagpapalaganap ng kulturang ito.


Kaunting kahinahunan at kagandahang-loob upang palitan ang katiwalian ng kultura ng kamatayan at ng kulturang pumapatay. Mahirap-hirap ang inyong tungkulin mahal na Heneral Eleazar. Paano ninyo maitutuwid ang pangkalahatang imahe ng kapulisan?


Mahal na Heneral Eleazar, 12 parokyano ko ang natokhang noong isang taon sa Barangay Pinyahan. Napakarami pang ibang istorya ng karahasan na kinasasangkutan ng maraming pulis. Hindi ba ito katiwalian, hindi ba ito kasama sa inyong dapat linisin at tuwirin?

 
 

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| May 08, 2021


“Pag-ingatan ang mga salita na lumalabas sa bibig. Piliin at iwasan ang magagaspang at bastos na pananalita. Higit sa lahat, huwag na huwag magmumura!” Ito ang walang kupas na turo at bilin ng aking ina na kapapanaw pa lamang.


Hindi ko alam kung ilan sa karaniwang ina ang nagtuturo pa ng maganda, magalang at marangal na pananalita sa kanilang anak. Sana ay meron pa at huwag silang mawawala.


Ang maganda, magalang at marangal na pananalita ay bumubukal sa kalooban na sinasalamin lamang ang mga salita. Kaya’t sinabi sa banal na kasulatan: “Ang mabuting tao ay nakapagdudulot ng mabuti sapagkat tigib ng kabutihan ang kanyang puso; ang masamang tao ay nakapagdudulot ng masama, sapagkat puno ng kasamaan ang kanyang puso. Sapagkat kung ano ang bukambibig siyang laman ng dibdib.” (Lukas 6:45)


Ito ang hinuhubog ng mabuting ina at ng magagaling at mabubuting guro: hindi lang ang bibig kundi higit sa lahat ang dibdib o kalooban ng kanilang anak — ng kanilang estudyante.


Makikita, maririnig at mararamdaman, tiyak na mapapansin ang bunga ng epektibong edukasyon na hindi lang sa paaralan kundi, sa tahanan nagmumula at nagsisimula.


Meron pang isang turo na galing kay San Francisco ng Assisi: “Walang saysay ang maglakad saanman upang mangaral kung ang ating paglalakad ay hindi natin pangangaral.” (It is no use walking anywhere to preach unless our walking is our preaching.)


Hindi mahilig mangaral si San Francisco. Bago pa niya iwanan ang mundo, mahilig tumula at kumanta ang batang Francisco. Ganito ang makata, may kakaibang paggamit sa mga salita.


Bahagi na rin ng pamamahayag ang katawan, at sa mga Italyano — ang mga kamay — bibig at paa, bibig at kamay, salita at buhay ay hindi mapaghihiwalay. ‘Yan ang buhay ng mga banal. ‘Yan ang buhay ng Panginoon. Mababasa, makikita, maririnig at mararamdaman mo sa kung ano ang nasa Kanyang kaloob-looban.


Samantala, nakalulungkot ang mga pahayag na lumabas sa ating Pangulo dahil sa maaanghang na salita na binitiwan ni Teodoro “TeddyBoy” Locsin, Jr. noong Lunes: “China my friend, how politely can I put it? Let me see… O… GET THE F*CK OUT.”


“What are you doing to our friendship? You. Not us. We’re trying. You. You’re like an ugly oaf forcing your attentions on a handsome guy who wants to be a friend: not to father a Chinese province.”


Dahil dito, hindi marahil nagustuhan ng pangulo ang sinabi ni Locsin. Kaya’t ang pahayag mula sa bibig ni Presidential Spokesman Harry Roque ay, “Ang pangulo lang ang puwedeng magmura.”(Only the President can swear.)


Para na nating narinig ang isang ama o ina na sanay magmura na pinangangaralan ang kanilang mga anak, “Mga anak. Pangit magmura. Huwag kayong magmumura. Huwag ninyo kami tutularan.”


Noong nangangampanya si P-Duterte mga unang buwan ng 2016, nangako ito na “magdye-jetski patungong Panatag Shoals upang magtanim ng bandera ng Pilipinas bilang babala sa Tsina na ito’y ating teritoryo.” Subalit, nang siya’y nanalo, pagkatapos ipanalo ang Arbitral Ruling on the West Philippine Seas noong July 12, 2016, ang pahayag nito noong Nobyembre ay “iisantabi ko ang desisyong ito.” Bakit? Dahil merong nakaabang na utang ng P22 hanggang P24 bilyong dolyar mula sa China.


Ano kaya ang sasabihin ni Roque tungkol dito. Pangulo lang ang puwedeng magsinungaling o ang madalas nilang sabihing, “gumamit ng hyperbole.”


Nakalulungkot na ang mga namumuno. Ano kaya ang itinuro ng inyong mga magulang? Tiyak kong hindi nila itinuro ang mga ginagawa ninyo ngayon. Meron kayong sariling buhay at hindi dapat ibintang sa iba, maging sa magulang kung anuman ang ginagawa ninyo o kung anuman kayo ngayon.


Nakalulungkot isipin dahil malinaw na ang tawag sa pangulo, gobernador, mayor, barangay captain ay ama o ina ng bansa, lalawigan, siyudad, bayan o barangay. At isa sa mga pinakamahalagang papel ng mga magulang, ama’t ina ay magbigay ng mabuting halimbawa para ito ang tularan ng kanilang mga anak.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page