ni Angela Fernando - Trainee @News | October 30, 2023
Bumoto ang ilang mga bilanggo para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ngayong Lunes.
Inihayag ng kalihim ng Interior and Local Government na si Benhur Abalos na may umaabot sa 31, 125 na bilanggo ang boboto ngayong araw, Oktubre 30.
Dagdag niya, karapatan ng kahit na sino ang makaboto sa ilalim ng konstitusyon ng bansa at nakabantay naman ang DILG katulong ng Comelec upang masiguro ang kapayapaan hanggang matapos ang eleksyon.
Nagbaba naman ng utos si Abalos sa direktor ng Bureau of Jail Management and Penology na si Ruel Rivera upang siguraduhing maayos at malinis ang magiging botohan sa mga nakatakdang presinto ng mga bilanggo.
May mahigit sa 29,100 ang boboto sa loob ng mga presinto sa mga kulungan ngayong halalan at may 1,992 namang bilanggo ang sasamahan ng mga opisyal sa kanilang mga nakatalagang presinto.