top of page
Search

ni Madel Moratillo | March 28, 2023



ree

Pinahaba ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-iral ng gun ban kaugnay ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre.


Sa bagong calendar of activities na inilabas ng Comelec, ang gun ban ay mula Agosto 28 hanggang Nobyembre 29.


Mas mahaba ito sa dating Agosto 28 hanggang Nobyembre 14.


Itinakda naman ang paghahain ng Certificate of Candidacy mula Agosto 28 hanggang Setyembre 2.


Ito ay mula sa dating Hulyo 3 hanggang 7.


Paalala ng poll body, bawal mangampanya mula Setyembre 3 hanggang Oktubre 18.


Itinakda naman ang campaign period sa Oktubre 19 hanggang 28.


Ayon sa Comelec, mula Oktubre 29 o bisperas ng halalan hanggang 30 mismong araw ng eleksyon, bawal nang mangampanya at paiiralin na rin ang liquor ban.


Ang halalan ay magsisimula ng 7AM at tatagal hanggang 3PM.


Itinakda naman sa Nobyembre 29 ang huling araw ng paghahain ng Statement of Contribution and Expenditures para sa lahat ng kumandidato sa BSKE.


 
 

ni Madel Moratillo | March 24, 2023



ree

Inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) ang pagbibigay ng mas mataas na honoraria para sa mga guro na magsisilbi sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre 30,2023.


Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, mula sa dating 4 hanggang 6 na libong piso na honoraria, itataas ito sa 8 hanggang 10 libong piso.


Dahil d’yan, magiging kapareho na ito ng halaga ng honoraria ng mga gurong nagsisilbi sa automated elections.


Ayon kay Garcia, pinag-aaralan din nila kung kayang maibigay nang mas maaga ang kanilang honoraria gaya ng hiling ni Vice Pres. Sara Duterte pero depende ito kung papayagan sila ng Commission on Audit.


Sakali namang matuloy ang paghahalal ng delegado para sa constitutional convention, tatanggap pa sila ng dagdag na 2 libong piso na allowance.


Inanunsyo rin ni Garcia na ang mga susunod na BSKE ay gagawin na nilang automated.


Sa ngayon, pinag-aaralan pa nila kung anong makina ang maaaring gamitin sa susunod

na halalan.


Ayon kay Garcia, malaking tulong ito para mapababa ang mga insidente ng karahasan tuwing Barangay elections.


Inihalimbawa niya noong May 2019 automated elections na nasa 23 lang ang naitalang election related violence dahil mabilis lumabas ang resulta ng halalan.


 
 

ni Lolet Abania | October 12, 2022


ree

Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para maging batas ang bill kaugnay sa pagpapaliban ng December 2022 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na iniurong sa huling Lunes ng Oktubre 2023.


Ang Republic Act 11935 ay pinirmahan ni Pangulong Marcos noong Oktubre 10.

Batay sa bagong batas, lahat ng incumbent barangay at SK officials ay dapat na magsilbi hanggang sa maupo ang kanilang mga kahalili o successors na naihalal, o sila ay maagang maalis sa puwesto o masuspinde for cause.


Ang mga elected barangay at SK officials ay mauupo o magsisimula sa kanilang terms of office sa tanghali ng Nobyembre 30, 2023 at manunungkulan nang tatlong taon.


Sa isang statement, sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Erwin Garcia na susundin nila ang naturang batas sa kabila ng patuloy na mga preparasyon para sa eleksyon.


Ayon kay Garcia, ang pagpapaliban ng halalan ay magbibigay-daan sa Comelec upang ipagpatuloy ang voter registration para matiyak na mas maraming lalahok na mga Pilipino sa halalan.


“The Commission will release an announcement regarding an adjustment of the calendar of activities at the soonest possible time. We shall also revisit our existing and planned procurement contracts related to the barangay and SK elections and act accordingly with the best interest of all parties in mind,” saad ni Garcia.


“This postponement also gives this Commission an opportunity to further institute education and information programs for the benefit of our electorate and prospective barangay and SK election candidates,” dagdag niya.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page