top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | August 18, 2023



Malinaw pa sa sikat ng araw na nakatambad pa rin ang mga pila at pagpapabalik-balik sa mga kapuspalad natin na Kababayan sa mga tanggapan ng gobyerno — lalo na sa mga pampublikong pagamutan.


Ang mga naghihikahos na dumaraan sa mga pagsubok ng buhay at hindi alam ang gagawin ay lalong naghihirap sa gitna ng katotohanang kulang at hindi naman madali ang paghingi ng tulong sa gobyerno.


Kailan kaya tunay na makakatikim ng pantay na pagtrato, mabuting serbisyo at makabuluhang tulong ang ating mga Kababayan?


Alam nating lahat na makailang ulit nang tumaas ang suweldo ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan. Hindi ba dapat sabayan din nila ito nang higit pang pagmamalasakit para sa kapakanan ng mga mamamayan na siyang dahilan kung bakit sila and’yan?


Panawagan natin sa mga kalihim ng mga departamento, tagapanguna ng mga ahensya, at mga pinuno ng mga komite ng Lehislatura na matyagan ang kani-kanilang mga nasasakupan at ayusin ang masalimuot na sistema para hindi na magpabalik-balik pa ang mga lumalapit sa kanila at humihingi ng tulong.


Pakiusap lang na lumabas sana kayo sa kumportable n’yong mga opisina habang huwag ianunsyo ang pagdating sa inyong sasadyaing tanggapan, para makita ang sinasapit ng ordinaryong mamamayan.


Batid din dapat ninyo na kalbaryo ang dinaranas ng mahihirap na may sakit — lalo na ang mga walang regular na trabaho o aasahang suweldo.


Payo ko rin na ‘yung may tunay at matinding malasakit sa mahihirap, ang ilagay dapat sa posisyon lalo na sa mga Malasakit Center ng mga ospital at tanggalin ang mga kawani na gusto lamang ng madaling trabaho at ayaw magsakripisyo.


Halimbawa na lamang, ang ilan sa mga pasyenteng may dalang guarantee letter o GL para sa kanilang outpatient procedure na para paaprubahan sa Social Service Section ay pinababalik ng ibang araw na may katagalan pa. Habang ang aga-aga pa, cut-off na agad sa pagproseso ng GL at malinaw na sinasabing quota na raw!


Kaya nananawagan tayo sa pamunuan ng mga pampublikong ospital sa ilalim ng Department of Health na paigtingin ang pag-aasikaso at pagbibigay ng kumpletong kaalaman sa pagkakaloob ng tulong para hindi na kailangang magpabalik-balik pa ang mga pasyente o pamilyang nag-aasikaso sa kanila.


Bukas ang espasyong ito para sa inyong gustong ipabatid sa publiko at kung paano hindi na mahihirapan ang mga maralita nating Kababayan sa paghingi ng tulong mula sa gobyerno. Magpaliwanag tayo nang mabuti sa kanila.



 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 15, 2023



Para matulungan ang mga nahihirapang mag-aaral na makahabol sa kanilang mga aralin, mariin nating hinihikayat ang Department of Education (DepEd) na magpatupad ng mga epektibong intervention programs.


Mainam na paraan ito upang mahinto na ang mass promotion sa mga silid-aralan o ‘yung pagpasa ng mga mag-aaral sa kanilang mga aralin sa kabila ng kakulangan sa kanilang kakayahan at kaalaman.


Lumabas sa State of Education Report ng advocacy group na Philippine Business for Education (PBEd) na ang pananatili nitong kultura ng mass promotion ay nakakapinsala sa pagkatuto ng ating mga mag-aaral at sa kaunlaran ng bansa.


May mahigit-kumulang na 300 stakeholders, kasama na rito ang mga teachers at school leaders na lumahok sa nasabing pag-aaral, kung saan lumabas ang koneksyon sa pagitan ng performance ng mga mag-aaral, performance-based bonus ng mga guro, at ranking ng mga paaralan sa mga rehiyon.


Hindi kaila na kinakailangan talaga ng masusing assessment sa mga mag-aaral upang matukoy kung anong mga remediation at intervention ang maaaring makatulong sa mga bata lalo na’t nagdulot ng learning loss ang pandemya ng COVID-19.


Sa ilalim ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act o ang Senate Bill No. 1604, isinusulong ng inyong lingkod ang masusing assessment sa kakayahan ng mga mag-aaral bilang bahagi ng learning recovery. Nakasaad sa panukalang batas na bago simulan ang ARAL Program, kailangan munang magsagawa ng assessment para matukoy ang mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong.


Hindi na natin dapat ipagpatuloy ang kultura na para lamang makatapos sila ng pag-aaral ay kailangan na silang ipasa, pero hindi naman sila natututo. Tatalakayin sa ating Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) kung paano wawakasan ang kultura ng mass promotion at maiangat ang performance ng mga kabataan.


Sama-sama nating tutukan at paangatin ang ating sektor ng edukasyon upang masiguro na walang kabataang Pilipino ang mapag-iiwanan.



May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Ryan Sison @Boses | June 15, 2023



Aprub na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang pagsasama sa mga single o solo parent at mga breastfeeding mom sa food stamp program ng pamahalaan.


Ayon kay Palace briefer Daphne Paez, ang pagsasama sa mga solo parent at mga inang nagpapasuso ay magpapalakas sa First 1,000 Days Program ng gobyerno na layong matugunan ang stunting o ‘pagkabansot’ sa pamamagitan ng maternal nutrition at tamang child-feeding practices na kinakailangan.


Inihayag din ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na ang marching order ng Pangulo ay dapat malabanan ang kagutuman at pagkabansot ng mga bata, at pagsanib-puwersa ng iba pang programa ng gobyerno upang hindi aniya sila maging piece-by-piece ang turing dito.


Inilarawan ni Gatchalian na ang unang 1,000 araw, mula sa pagbubuntis hanggang sa paggagatas o lactation bilang isang “crucial period".


Gayundin aniya, sa mga pag-aaral lumalabas na ang pagkabansot ay nangyayari na sa oras na ang ilang mga bata ay umabot sa daycare.


Ayon naman kay Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa, humigit-kumulang 1 sa 5 batang Pilipino na may edad 0-23 buwang gulang at 28.7% ng mga batang wala pang 5 taong gulang ay bansot.


Batay sa DSWD, layon ng pilot testing ng food stamp program na sisimulan sa Hulyo ay matulungan ang nasa 1 milyong pinakamahihirap na pamilya. Makatatanggap ang mga target na benepisyaryo ng food credits na nagkakahalaga ng P3,000 para makabili ng piling listahan ng mga pagkain mula sa DSWD-accredited local retailers.


Malaking tulong ang maibibigay ng food stamp program ng gobyerno sa ating mga single parent at mga inang nagpapasuso.


Napakahalaga sa kanila ang pagkakaroon ng tamang nutrisyon na kinakailangan at magandang kalusugan. Matututukan din ang kanilang mga anak na lumalaking malusog at hindi mga bansot.


Sa kinauukulan, lagi sanang may ganitong mga programa na malaking pakinabang sa mga mamamayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page