top of page
Search

by Info @Editorial | October 11, 2025



Editorial


Hindi na sikreto na may mga massage spa na ginagamit sa prostitusyon o bilang sex den. 


Sa halip na magpagaan ng katawan, doon sinisira ang dangal — lalo na ng mga menor-de-edad.Ilang ulit nang may nasasagip na kabataang ibinubugaw sa mga spa na ito. 


Ginagawang negosyo ang laman, habang may mga opisyal na tikom ang bibig — o mas masahol, kasabwat pa.Huwag na tayong magbulag-bulagan. Hindi ito simpleng moralidad. Ito’y malinaw na krimen — prostitusyon, human trafficking, at pag-abuso sa kabataan.Kailangan ng tuluy-tuloy at seryosong operasyon. Hindi sapat ang isang raid. 


Panagutin ang mga operator, isara ang mga establisimyentong ito, at bigyang hustisya ang mga biktima.


Walang lugar sa lipunan para sa spa na ginagawang pugad ng prostitusyon. Buwagin, ikulong, iligtas ang kabataan.

 
 

by Info @Editorial | October 10, 2025



Editorial


Isang nakababahalang pangyayari ang naganap kamakailan sa isang paaralan sa Davao City kung saan bumagsak ang kisame ng isang silid-aralan habang may klase. 

Sa kabutihang-palad, walang naiulat na namatay, ngunit may ilang estudyanteng nasaktan at labis na natakot. 


Isa itong malinaw na paalala sa lahat lalo na kinauukulan na ang kaligtasan ng mga mag-aaral ay hindi dapat isinasantabi.Ang paaralan ay dapat maging ligtas na lugar para sa pagkatuto, hindi banta sa buhay ng ating mag-aaral. 


Hindi sapat ang pagkakaroon ng mga libro, guro, at silid – kailangang matibay, ligtas, at maayos ang mga pasilidad. Dapat ding regular na sinusuri.


Kailangang sagutin kung kailan huling isinagawa ang inspeksyon sa silid-aralan? May mga nauna bang senyales ng pinsala na hindi pinansin? Saan napupunta ang pondo para sa maintenance?Dapat itong maging panawagan sa Department of Education at Department of Public Works and Highways na paigtingin ang pagsusuri at pagpapanatili ng mga pasilidad ng paaralan sa buong bansa. 


Hindi natin kailangang maghintay ng trahedya bago kumilos.


Sa mga magulang, guro, at lokal na pamahalaan – may pananagutan din tayong bantayan at isulong ang kaligtasan ng mga bata. 

 
 

by Info @Editorial | October 9, 2025



Editorial


Ngayong Oktubre, inaasahan na muling tataas ang singil sa kuryente. 

Ito ay dahil umano sa mas mataas na generation charge, epekto ng paghina ng piso kontra dolyar, at paggalaw ng presyo sa spot market ng kuryente. 


Sa madaling salita, ang dagdag-gastos ay ipapasa na naman sa konsyumer. Kamot-ulo na naman.


Paulit-ulit na lang ito. Tuwing may krisis, ang laging talo ay ang mga ordinaryong Pinoy. 

Habang tumataas ang presyo ng kuryente, stagnant naman ang sahod. Lalong humihirap ang buhay — hindi lang sa tahanan kundi pati sa maliliit na negosyo.Nasaan ang aksyon ng gobyerno? Nasaan ang proteksyon para sa mga pinakaapektado?


Dapat maghigpit ang gobyerno sa regulasyon. Kailangan ding may maayos na ayuda sa mahihirap. 


Higit sa lahat, dapat mas seryosohin ang pag-develop ng mas mura, lokal, at renewable na enerhiya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page