top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | October 4, 2020


ree


Matagumpay na nakakaiwas sa nakamamatay na coronavirus ang isang long distance runner sa kanyang patuloy na pagpapakondisyon bilang paghahanda sa mga karera pero hindi naman niya nalusutan ang atake ng hippopotamus nang minsan siyang nag-eensayo sa Kenya.

Si Edwin Mokua, may-ari ng korona ng Trabzon Half Marathon sa Turkey, ay nagsasanay sa Manguo village nang atakihin siya ng hippopotamus malapit sa ilog ng Ewaso Nyiro. Nailigtas siya ng kanyang training partner na si Denis Kipkoskei.

Ayon sa pangunang ulat, unang nakita ni Kipkoskei ang pangkat ng mga hippos at walang aberyang nilagpasan niya ang mga ito. Nang lumingon sa gawing likuran, hindi niya natanawan si Mokua. Kalaunan ay nakita niya ang 26-taong-gulang na kasama sa pagsasanay na nakikipagbuno sa umaatakeng hayop. "I scared off the rest before turning my energies to the one that was attacking him," paliwanag ni Kipkoskei.

Ayon sa coach ni Mokua, naobliga silang magsanay sa malapit sa Ewaso river dahil sa mga restrictions na ipinapatupad upang kontrahin ang paglaganap ng coronavirus na pandemya.

Nakatakda sanang bumalik sa Turkey ang atleta upang sumali sa Izmir Marathon ngayong Linggo. Sa halip, nagpapagaling ito ng broken ribs at double fracture sa kaliwang kamay sa Nyahururu Hospital.

Naunang napaulat na may dalawang namatay at tatlong injury mga kaso ang nairehistro dahil sa mga atake ng hippopotamus sa lugar sa nakalipas na buwan. Ang hippo ay itinuturing na isa sa pinakaagresibong hayop sa Africa at kapag umatake sa tao ay posibleng ikamatay.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | October 2, 2020


ree


Nagbabanta ng pagresbak ang isang tennister matapos itong maobligang umalis sa French Open dahil sa pagiging diumano ay positibo sa COVID-19 bagamat kalaunan ay hindi naman napatunayan.

Do I want to sue Roland Garros? Yes obviously!” pahayag ng Kastilang si Fernando Verdasco sa pinag-iisipan nitong hakbang bunga ng mga kaganapang hindi pumabor sa kanya.

Ganitong landas din ang napaulat na planong baybayin ni Damir Dzumhur matapos itong mawala sa eksena dahil ang coach ng tennister mula sa bansang Bosnia and Herzegovina ay naging positibo naman sa nakamamatay na coronavirus.

Sabi ni Verdasco, humahanap siya ng pagkakataong mapatunayan na mali ang naging resulta ng test sa kanya noong Agosto. Asymptomatic ang dating world no. 7 at sa huling subok ay negatibo ito sa COVID-19.

Lumambot na ang mga patakaran ng nangangasiwang French Tennis Federation simula noon at sinabing kung kayang patunayan ng mga kalahok na nasa magandang estado ang kanilang kalusugan ay hindi sila ituturing na nakakahawa.

“Nobody can believe that a tournament like Roland Garros can do something like that.” paghihimutok pa ng 36-taong-gulang na manlalarong kabilang na sa limang kalahok na napilitang umayaw mula sa grandslam event dahil sa pagiging COVID-19 positive.

Idinagdag pa niya na, ”It is not a thing about money, it is about damage which this does to you personally and professionally. They do things as they please without any coherence and without any respect. The rights of the players count for nothing.”

Si Milos Raonic ng Canada at si Swiss world no. 10 Belinda Bencic ay kapwa nasipa na rin palabas ng torneo dahil sa katulad na rason.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | October 1, 2020


ree


Ipinagbabawal ang mga manonood sa mga maiigting na torneo ng ginaganap na Japan Ladies Professional Golf Association (JPLGA) Tour upang hindi lumaganap ang COVID-19 kaya hindi nila nasasaksihan ang patuloy na pamamayagpag ng isang bagitong dalagita mula sa Pilipinas.

Pagkatapos ng anim na paligsahan sa post-lockdown season kung saan tahimik ang mga golf courses, nagsisilbing mukha ng JPLGA si rookie Fil-Japanese Yuka Saso dahil sa pamamayagpag nito sa Mercedes Benz Player of the Year Derby at sa paghawak nito ng trangko sa iba't-ibang departamento ng malupit na tour.

Sa bakbakan para sa Player of the Year, may naipon na ang double Asian Games gold medalist ng 687.35 puntos upang makadistansiya nang maayos sa pumapangalawang si Sakura Koiwai na meron lang nakolektang 544.0 puntos.at sa pumapangatlong si Saki Nagamine (507.25 puntos).

Alagwa pa rin sa Money Ranking ang dalagita bunga nang napagwagian na niyang JPY 63,964,000 samantalang nasa malayo ang pagkakabuntot nina Ayaka Watanabe JPY 52,228,000 (pangalawa) at si Nagamine JPY 45,184,000 (pangatlo).

Una pa rin sa talaan ng scoring average ang 19-taong-gulang na pambato ng Pilipinas dahil sa kanyang markang 69.381 strokes kontra sa 69.70 at 70.1053 nina Koiwai at Ayaka Furue ayon sa pagkakasunod-sunod.

Sa paramihan naman ng eagles, nasa unahan pa rin ng pulutong si Saso dahil sa nairehistro niyang tatlo habang sa karera para birdies, siya pa rin ang may hawak ng trangko sa bilang na 86.

At siyempre, sa paramihan ng torneong napagwagian, ang Pinay pa rin ang una dahil nakasikwat na ito ng dalawang korona (Nitori Ladies Golf Tournament at NEC Karuizawa 72 Golf Tournament) bagamat ilang buwan pa lamang siya sa mundo ng professional golf. Bukod dito, meron pa rin siyang dalawang beses na pagkakataong nakapuwesto sa top 10.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page