top of page
WINNER - TITO-KIKO SA 2028, ISINUSULONG-IG _reallysharoncuneta.jpg
Search

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | March 2, 2026



Sabi ni Doc chromium supplement



Dear Doc Erwin, 


Maraming salamat sa patuloy ninyong pagsusulat sa mga makabagong pag-aaral tungkol sa kalusugan. Dahil sa inyong column, nadadagdagan ang aming kaalaman upang mapanatili ang aming kalusugan at makaiwas sa sakit.


Ako ay middle age na empleyado, may asawa at mga anak. Ilang taon na ang nakalipas mula nang ma-diagnose ako na may diabetes. Umiinom ako ng mga gamot na inireseta ng aking doktor. Isa sa mga gamot na inireseta sa akin ay ang Chromium picolinate. Ano ba ang Chromium picolinate? At ano ang epekto nito sa aking katawan? Nakakatulong ba ito para bumaba ang aking blood sugar level? — Napoleon



Maraming salamat, Napoleon sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at sa pagbabasa ng BULGAR newspaper.


Ang Chromium ay isang trace mineral na nakatutulong na ma-regulate ang blood sugar level sa pamamagitan ng pagpapataas ng insulin sensitivity. Dahil dito, mas nagiging efficient ang pagpasok ng glucose sa mga cells at  paggamit nito ng ating katawan.


Ayon sa isang systematic review at meta analysis ng mga randomized controlled trials na isinagawa noong taong 2020, napapababa ng Chromium supplementation ang fasting blood glucose, insulin level, gayundin ang hemoglobin A1c ng mga indibidwal na may insulin resistance at Type 2 diabetes. Nalathala ang research na ito sa Pharmacological Research journal, Volume 161, noong November 2020.


Sa isang scientific review tungkol sa role ng Chromium sa insulin resistance, nakita ng mga scientists sa ilang mga pag-aaral na ang pag-inom ng Chromium supplement ng mga overweight na indibidwal ay nagpapaigting ng metabolic action ng insulin at nakatutulong na mapababa ang risk na magkaroon ng cardiovascular disease. Ayon din sa scientific review na ito, ang pag-inom ng 200 hanggang 1,000 microgram na Chromium picolinate araw-araw ay nakatutulong na makontrol ang blood sugar level. Ayon pa sa mga researchers, ang Chromium picolinate ay safe at pinakamabisa na uri ng Chromium. Ang scientific review na ito ay nailathala sa Diabetes Education journal noong 2004.


Tandaan lamang na ang pag inom ng Chromium picolinate ay maaaring makaranas ng side effect katulad ng sakit ng ulo at tiyan, insomnia at mood changes. Kumonsulta sa inyong doktor kung makaranas ng mga nabanggit.



Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | February 24, 2026



Sabi ni Doc Girl taking glycine supplement



Dear Doc Erwin, 


Sumulat ako upang sumangguni tungkol sa epekto ng turmeric sa ating memorya. 

Ang aking ina ay nag-umpisang uminom ng turmeric tea o tsaa ng luyang dilaw kamakailan lamang. Madalas din nyang nilalagyan ng luyang dilaw ang mga pagkain niyang niluluto.


Ayon sa kanya, nakatulong daw ang luyang dilaw sa kanyang kaibigan na nagkakaroon na ng mild memory problems. Ang aking ina at nabanggit na kaibigan ng aking ina ay magkasing-edad at malapit na umabot sa edad na 60.  


May family history rin ang aking ina ng dementia at memory problems, at ito maaari ang dahilan kaya minabuti niya na isama ang turmeric sa kanyang health regimen. 

Makakatulong ba ang turmeric sa memorya ng aking ina? May pag-aaral na ba sa larangan na ito? Makarating sana sa inyo ang liham na ito at mabigyan ng pansin ang aking katanungan. – Maria Leida



Maraming salamat Maria Leida sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at  pagbabasa ng BULGAR newspaper.


Ang luyang dilaw o pangkaraniwan na tinatawag na Turmeric ay kadalasang ginagamit sa pagluluto. Ito rin ang madalas na sangkap sa mga Indian food. Ang pangunahing sangkap o bioactive substance na makikita sa turmeric ay ang Curcumin. 


Ayon sa mga laboratory animal studies at mga human studies, ang curcumin ay may anti-inflammatory at antioxidant properties. Ayon sa mga dalubhasa, ang mga ito ang maaaring dahilan kung bakit mas mababa ang prevalence ng Alzheimer’s disease at mataas ang cognitive performance sa India. Ang turmeric ay kilalang dietary staple sa India.


Sa isang double-blind at placebo-controlled study ng mga indibidwal na may edad ng 50 hanggang 90 na may mild memory complaints, pinag-aralan sa loob ng 18 buwan kung may epekto sa memorya ang curcumin. Ang lahat ng mga participants ay dumaan sa standardized cognitive assessments at monitoring ng curcumin levels sa blood. Dumaan din sa positron emission tomography of PET scan  upang malaman ang epekto ng curcumin sa mga parte ng utak na may kinalaman sa  memorya at mood.


Ayon sa pag aaral na ito, ang mga participants na uminom ng curcumin ay nagkaroon ng significant improvement sa kanilang memorya at attention abilities . Tumaas ng 28 porsyento ang kanilang score sa memory tests matapos ang 18 months na pag inom ng curcumin. 


Nagkaroon din ng mild improvement sa mood ang mga uminom ng curcumin. 


Ang brain PET scan naman ng mga uminom ng curcumin ay nakitaan ng mas kaunting amyloid at tau signals sa amygdala at hypothalamus, mga parte ng utak na may kinalaman sa memorya at emosyon. Maaring senyales ito ng anti-inflammatory at antioxidant effect ng curcumin sa brain.


Ang pag-aaral na ito ay isinagawa ng mga scientists mula sa University of California Los Angeles Department of Psychiatry and Behavioral Sciences at Semel Institute for Neuroscience and Human Behavior sa bansang Amerika na pinangunahan ni Dr. Gary Small. Inilathala ang resulta ng pagaaral na ito sa The merican Journal of Geriatric Psycaitry noong March 2018.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | February 16, 2026



Sabi ni Doc Girl taking glycine supplement



Dear Doc Erwin, 


Ako ay isang law student sa isang private university sa Cebu province. Dahil sa aming kalagayan sa buhay ay napilitan ako na magtrabaho ng part-time. 

Ilang buwan na ang nakakaraan, nakaranas ako ng madalas na palpitation at hirap makatulog. Ayon sa doktor na aking kinonsulta, ito raw ay sintomas ng anxiety at nag-prescribe siya ng anti-anxiety medication. 


Bagama’t nabawasan ang aking anxiety ay nakararanas ako ng madalas na pagkaantok, hilo, sakit ng ulo at madalas na pagkapagod. Dahil dito ay naapektuhan ang aking pag-aaral at pagtatrabaho. Epekto raw ito ng gamot na anti-anxiety na aking iniinom ayon sa aking doktor.


Nais ko sanang maitigil ang pag-inom ng gamot na anti-anxiety. Mayroon bang natural supplement na maaari kong inumin na makakatulong sa aking anxiety at nararamdaman na stress dahil sa trabaho at pag-aaral? Sana ay mabigyan ninyo ng pansin ang aking mga katanungan. — Jose Patrick 



Maraming salamat Jose Patrick sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at pagbabasa ng BULGAR newspaper.


Napapanahon ang iyong katanungan. Malaking porsyento ng ating populasyon ang nakararanas ng stress at anxiety. Ayon sa isang pag-aaral na nailathala ngayong January 2026, tumataas ang anxiety disorders treatment market sa buong mundo. Aabot ito sa mahigit $12 billion sa taong 2025, at aakyat sa mahigit $17 billion sa 2035. Malaking bahagi ng market na ito ay ang mga anti-anxiety drugs at inaasahan na ito ang pinakamalaki at pinakamabilis na tataas sa mga susunod na panahon.


Katulad ng iyong doktor, naniniwala ako na ang mga naramdaman mo matapos uminom ng anti-anxiety medication ay mga side effects nito. Sa patnubay ng iyong doktor, maaaring bawasan ang dose ng iyong gamot, o itigil ito at palitan ng ibang gamot. Ugaliing kumonsulta sa iyong doktor tungkol sa iyong mga iniinom na gamot.


Sa iyong katanungan tungkol sa natural supplement na makatutulong sa iyong anxiety at stress, may mga makabagong pag-aaral na tungkol dito. 


Ang Glycine ay isang uri ng amino acid na karaniwang ginagamit ng ating katawan upang gumawa ng collagen na kailangan natin upang mapanatili ang skin at joint health. Tumutulong din ang Glycine sa muscle repair at maka-recover ang ating katawan mula sa exercise at physical activity.


Sa bagong mga pag-aaral ng mga scientists, may epekto din ang Glycine sa ating central nervous system. Dahil sa epekto ng Glycine sa mga brain NMDA receptors, nababawasan ang neuron excitability kaya’t  nakatutulong ito upang tayo ay maging kalmado at relaxed. Ito rin ang nakakabawas ng anxiety. Napapababa din nito ang stress hormone na cortisol sa ating katawan upang mabawasan ang mga physical effects ng stress.


Effective rin ito upang tayo ay makatulog. Ang sapat na tulog ay kinakailangan upang mabawasan ang anxiety. Ang Glycine ay nakatutulong upang ihanda ang ating katawan sa pagtulog sa pamamagitan ng pagpapababa ng ating core body temperature. Nakaka-promote rin ang Glycine ng malalim at mahimbing na pagtulog.


Ang mga natural sources ng Glycine ay mga karne, isda, dairy at legumes. Maaari ding uminom ng Glycine supplements na mabibili sa mga health stores.


Ang recommended dose ng Glycine ay 3 to 5 grams na karaniwang iniinom sa gabi upang makatulong sa pag-relax, mapababa ang stress hormone at makatulog. Maaari ring uminom ng 1 to 2 grams na Glycine sa araw para sa anxiety.  


Kumonsulta ka muli sa iyong doktor kung ninanais na uminom ng Glycine para sa iyong anxiety at bilang panlaban sa stress.


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa'y ipagpatuloy ninyo ang pag aalaga sa inyong kalusugan.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page