top of page
BIDA - AGOT KAY SEN. ROBIN SA HINA NG ULO MONG ‘YAN, SA TINGIN MO, MAUUTO MO KAMI-FB Agot
Search

ni PAO Deputy Chief Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | March 27, 2026



Sabi ni Doc PCOS Taking meds



Dear Doc Erwin,


Magandang araw, Doc. Ako si Rolan, isang propesyonal na nagtatrabaho sa isang pampublikong institusyon at regular na tagabasa ng inyong “Sabi ni Doc” column sa BULGAR newspaper. 


Dahil sa abalang iskedyul at stress sa trabaho, bihira akong magkaroon ng sapat na oras para sa gym o regular na ehersisyo. Kamakailan ay may narinig ako tungkol sa creatine supplement na sinasabing nakakatulong sa pagpapalaki ng muscle o katawan. Nais ko sanang malaman kung totoo ba na epektibo ito kahit limitado ang oras sa pag-eehersisyo, o kailangan ba talaga itong sabayan ng regular na resistance training upang makita ang resulta?


Nais ko ring malaman kung may mga posibleng side effects o limitasyon ang paggamit ng creatine, kung mayroon pa itong ibang benepisyo sa kalusugan, at kung ito ay ligtas gamitin, kabilang na ang tamang dosis nito.


Maraming salamat po at patuloy nawa kayong makapagbigay ng mahahalagang kaalaman sa inyong mga mambabasa.  — Rolan





Lubos akong nagpapasalamat sa iyong liham, Rolan, at sa iyong patuloy na pagtangkilik sa “Sabi ni Doc” at sa pagbabasa ng BULGAR newspaper.


Ang iyong katanungan tungkol sa creatine ay napapanahon, lalo na para sa mga katulad mong abala sa trabaho ngunit nagnanais pa ring mapangalagaan ang pisikal na pangangatawan. Ang creatine ay isang likas na substance sa ating katawan na matatagpuan din sa mga pagkain tulad ng pulang karne at seafood. Pangunahing tungkulin nito ang magbigay ng mabilis na enerhiya sa mga kalamnan, lalo na sa mga aktibidad na nangangailangan ng biglaang lakas.


Sa usapin ng pagpapalaki ng muscle, mahalagang linawin na ang creatine ay hindi isang "magic supplement" na magpapalaki ng katawan nang walang kaakibat na pagkilos.


Ayon sa Journal of the International Society of Sports Nutrition (2024), ang benepisyo nito sa muscle mass at lakas ay mas nakikita at nagiging makabuluhan kapag sinasabayan ng resistance training o pagbubuhat. Ang mekanismo nito ay gumagana sa pamamagitan ng pagtaas ng phosphocreatine sa muscle, na tumutulong sa paggawa ng ATP—ang pangunahing enerhiya ng ating mga selula. Dahil dito, mas nagiging matagal ang iyong stamina sa pag-eensayo, na kalaunan ay nagreresulta sa paglaki ng kalamnan. Kung iinom nito nang walang ehersisyo, maaaring makaranas ng kaunting pagbigat dahil sa "water retention" o pagpasok ng tubig sa muscle cells, ngunit hindi ito nangangahulugang tunay na paglaki ng fiber ng kalamnan.


Bukod sa pisikal na aspeto, ang mga makabagong pag-aaral tulad ng kina Kotnis et al. (2025) ay nagpapakita na ang creatine ay may positibong epekto rin sa kalusugan ng utak. Nakatutulong ito sa cognitive function, memorya, at bilis ng pag-iisip, na tiyak na kapaki-pakinabang sa isang propesyonal na katulad mo na nakakaranas ng stress sa trabaho. May mga paunang ebidensya rin na maaari itong makatulong sa pagprotekta laban sa mga sakit na neurological tulad ng Parkinson’s disease, Huntington’s disease, at Amyotrophic Lateral Sclerosis (ALS). Dagdag pa rito, ayon kina Młynarska et al. (2025), ang paggamit ng creatine na may kasamang ehersisyo ay nakakatulong sa mas maayos na paggamit ng asukal sa katawan, na isang mabisang paraan sa pag-iwas at pamamahala ng Type 2 Diabetes.


Sa pangkalahatan, ang creatine supplement ay itinuturing na ligtas para sa mga malulusog na indibidwal kapag ginagamit sa tamang dosis. Gayunpaman, may ilang posibleng side effects tulad ng pananakit ng tiyan, pagsusuka, diarrhea, muscle cramps, at pagtaas ng timbang dahil sa pagpasok ng tubig sa muscle cells. 


Ang karaniwang inirerekomendang dosis ng creatine supplement ay humigit-kumulang 3 hanggang 5 gramo bawat araw. Ipinapakita ng ilang pag-aaral na ang pag-inom ng mas mataas na dosis o tinatawag na ‘loading’ ay hindi nagbibigay ng dagdag na benepisyo at maaaring magdulot lamang ng dagdag na strain sa mga bato (kidneys).

Mahalagang gamitin ang creatine ayon sa tamang dosis, uminom ng sapat na tubig, at sabayan ito ng regular na ehersisyo at balanseng pagkain upang mas maging epektibo. Mainam ding kumonsulta muna sa doktor o health professional bago magsimula ng anumang supplement, lalo na kung may umiiral na kondisyon sa kalusugan. (Dr. Eunice Anne G. Garcia, RPh, MD, CCS)


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni PAO Deputy Chief Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | March 26, 2026



Sabi ni Doc PCOS Taking meds



Dear Doc Erwin,


Isa ako sa mga tagasubaybay ng Sabi ni Doc column sa BULGAR newspaper. 

Ako po ay may diabetes at hindi po kontrolado ang aking blood sugar kahit ako ay umiinom ng mga gamot. Nais ko sanang magtanong tungkol sa okra. Naririnig ko po mula sa ibang tao na maaaring makatulong ang okra sa mga may diabetes. Paano nakakatulong sa ating katawan ang pagkain ng okra? Totoo bang makakatulong ito sa pagkontrol ng blood sugar? Ano po ang benepisyo na makukuha sa pagkain ng okra?


May mga tao rin na nagsasabing mabuti raw uminom ng tubig na pinagbabaran ng okra. May sapat na bang pag-aaral tungkol sa paraang ito? At gaano po kadalas ligtas kainin ang okra bilang bahagi ng pang-araw-araw na pagkain? Nawa’y masagot ninyo ang aking katanungan. — Buknay





Ang Okra o Abelmoschus esculentus ay isang gulay na karaniwang kinakain sa maraming bansa, kabilang na ang Pilipinas. Kilala ito sa pangalang lady’s fingers o gumbo. Mataas ang laman ng okra na dietary fiber, bitamina, at mineral. Kapag hiniwa ang okra, lumalabas ang mucilage o malapot na hibla. Ang bahaging ito ang nagbibigay ng kakaibang tekstura sa okra kapag niluto. Ang mucilage ay pinag-aaralan ng mga siyentista sa papel nito sa kalusugan ng tiyan at metabolismo ng asukal sa dugo. Dahil hindi gumagawa ng dietary fiber ang katawan, kinakailangan ang pagkain upang makuha ang sustansiyang ito. Dito pumapasok ang papel ng mga gulay sa pang-araw-araw na pagkain.


Interesado ang mga siyentista sa epekto ng okra sa pagkontrol ng asukal sa ating katawan. Sa isang pag-aaral na inilathala sa Journal of Pharmacy and BioAllied Sciences noong 2011, nakita ang pagbaba ng asukal sa dugo matapos ang ilang linggo ng pagkonsumo ng katas ng okra. Sa isa pang pag-aaral na inilathala sa Journal of Nutrition & Food Sciences noong 2015, sinuri ang epekto ng okra sa mga indibidwal na may type 2 diabetes at nakita ang pagbaba ng asukal sa dugo sa ilang kalahok matapos ang regular na pag-inom ng katas ng okra sa loob ng ilang linggo. Ilan sa mga posibleng mekanismo na tinukoy ng mga mananaliksik ay ang mataas na soluble fiber, pagbagal ng pagsipsip ng asukal sa bituka, at pagbaba ng glycemic response matapos kumain.Kapag bumagal ang pagpasok ng asukal sa dugo, mas kontrolado ang pagtaas ng blood sugar matapos kumain. Dahil dito, isinasaalang-alang ang okra bilang bahagi ng pagkain para sa mga taong may problema sa blood sugar.


May papel din ang okra sa kalusugan ng puso. Sa isang pag-aaral na inilathala sa Journal of Nutritional Biochemistry noong 2014, nakita ang pagbaba ng bad cholesterol sa mga pinakain ng okra extract. Dahil dito, bumababa ang lebel ng cholesterol sa dugo. Sa ilang pag-aaral sa nutrisyon, ang mga sangkap ng okra ay nauugnay sa mas mababang panganib ng sakit sa puso.


Mahalaga rin ang okra sa kalusugan ng tiyan. Sa isang pag-aaral na inilathala sa Nutrients noong 2020, ipinakita na ang mga pagkain na mataas sa soluble fiber ay tumutulong sa pagdami ng good bacteria sa bituka. Kapag maayos ang balanse ng good bacteria, mas maayos ang kalusugan ng tiyan at mas regular ang pagdumi, lalo na sa mga taong madalas kumain ng gulay na mataas sa fiber tulad ng okra.


May interes din ang mga siyentista sa epekto ng okra laban sa oxidative stress at pamamaga sa katawan na kaugnay sa ilang kondisyon tulad ng diabetes, altapresyon, at sakit sa puso. Sa isang pag-aaral na inilathala sa Biomedicine & Pharmacotherapy noong 2018, sinuri ang mga sangkap mula sa okra at iba pang gulay, at ito ay nagpakita ng pagbaba sa mga marka ng oxidative stress. 


Sa kasalukuyan, tinitingnan ang okra bilang bahagi ng pagkain na sumusuporta sa pangkalahatang kalusugan. Madaling isama ang okra sa pang-araw-araw na pagkain. Karaniwan itong niluluto bilang gulay sa pinakbet, sinigang, o ginisang gulay. Maaari rin itong ihain bilang pinakuluang side dish. Ang lutong okra ay naglalaman ng dietary fiber, bitamina at mineral na mahalaga sa kalusugan ng puso, resistensya, at metabolismo ng katawan.


May mga tao rin na umiinom ng tubig na pinagbabaran ng okra. Karaniwang ginagawa ang paraan na ito sa bahay sa pamamagitan ng pagbabad ng hiwang okra sa tubig at pag-inom nito. Sa ngayon, kulang pa ang pag-aaral tungkol sa paraang ito. Ang karamihan ng mga pag-aaral tungkol sa okra ay gumagamit ng extract o powder.


Ang okra ay bahagi ng balanseng pagkain. Hindi ito kapalit ng gamot para sa diabetes, altapresyon, o ibang karamdaman. Para sa mga taong may diabetes, mahalaga pa rin ang tamang pagkain, regular na ehersisyo, monitoring ng blood sugar, at pagsunod sa payo ng doktor. Ang pagkain ng iba’t ibang gulay araw araw ay bahagi ng pangangalaga sa kalusugan. Ang okra ay isa lamang sa maraming gulay na nagbibigay ng fiber, bitamina at mineral na sumusuporta sa maayos na paggana ng katawan. Hindi ito kapalit ng tamang gamutan at konsultasyon sa doktor. (Dr. Gabriel Mark P. Mercado, RN, MD, CFP)



Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni PAO Deputy Chief Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | March 25, 2026



Sabi ni Doc PCOS Taking meds



Dear Doc Erwin,  


Nitong mga nakaraang buwan ay nagkaroon po ng mga pagbabago sa aking katawan, mga dahilan kung bakit ako ay nag-alala at sumulat sa inyo upang humingi ng kaliwanagan. 


Ang pagbigat ng timbang, pagkakaroon ng maraming tigyawat, at makapal na buhok sa mukha at kili-kili ang mga pagbabago na aking nararanasan. Dahil sa mga pagbabagong ito ay bumaba ang aking kumpiyansa sa sarili at lubusan ko itong ikinalungkot. 


Ito ay napansin ng aking mga mahal sa buhay kaya naman ako ay kumonsulta sa doktor at kamakailan lamang ay na-diagnose ako na may Polycystic Ovarian Syndrome (PCOS). 

Bukod sa aking mga iniinom na gamot na inireseta ng aking doktor para sa PCOS, nais kong malaman kung makakatulong ang myo-inositol para sa aking kalagayan.


– Sheena



Maraming salamat Sheena sa iyong katanungan at sa pagbabahagi ng iyong nararanasan na problema sa kalusugan. 


Ang myo-inositol ay isang sustansya na unti-unting nakakakuha ng malaking atensyon sa larangan ng medisina dahil sa mga benepisyo nito sa metabolismo, hormonal balance, at kalusugan ng balat. Bagaman ito ay natural na matatagpuan sa mga prutas, beans, at grains, ang mga makabagong pagsusuri ay nagpapakita na ang pagkonsumo nito bilang supplement ay may malaking ambag sa pagsasaayos ng internal na sistema ng katawan, partikular na sa mga kababaihang nakakaranas ng hormonal imbalances.


Isa sa mga pinakakilalang benepisyo ng myo-inositol ay ang mahalagang papel nito sa pamamahala ng Polycystic Ovary Syndrome (PCOS). Ayon sa pag-aaral nina Greff et al. (2023) na inilathala sa Reproductive Biology and Endocrinology journal, ang myo-inositol ay napatunayang epektibo sa pagpapanumbalik ng regular na obulasyon at pagpapabuti ng fertility. Ang mekanismo nito ay nakatuon sa pagpapababa ng insulin resistance, isang kondisyon kung saan ang katawan ay hindi nagagamit nang maayos ang asukal. Dahil dito, ang myo-inositol ay nagsisilbing tulay upang maging mas sensitibo ang mga cells sa ating katawan sa insulin, na direktang nakatutulong sa pag-aayos ng menstrual cycle at pagbaba ng lebel ng androgens o male hormones na siyang sanhi ng maraming sintomas ng PCOS.


Hindi lamang sa loob ng katawan gumagawa ng positibong epekto ang myo-inositol dahil mayroon din itong mahalagang kontribusyon sa ating panlabas na anyo. Sa isang pagsusuri mula sa Journal of Integrative Dermatology (2021), tinalakay ang ugnayan ng inositol sa paggamot ng hormonal acne at hirsutism o ang labis na pagtubo ng buhok sa katawan. Dahil sa kakayahan nitong ayusin ang hormonal profile, nababawasan ang sobrang produksyon ng sebum o langis sa balat na siyang pangunahing sanhi ng tigyawat. Para sa marami nating kababayan na nakikipagbuno sa acne na hindi makuha sa mga karaniwang pampahid, ang pag-aayos ng balanse ng katawan gamit ang myo-inositol ay isang solusyong tinitingnan na mas pangmatagalan, ligtas, at epektibo sa pagbalik ng kumpyansa sa sarili.


Para naman sa pangkalahatang metabolismo, ang pananaliksik nina Zhang et al. (2025) sa Diabetology & Metabolic Syndrome ay nagbigay-diin sa epekto nito sa pamamahala ng timbang. Ang supplementation ng myo-inositol ay nagpakita ng makabuluhang pagbaba sa Body Mass Index (BMI) at pagpapabuti ng lipid profile o lebel ng kolesterol. Ibig sabihin, nakatutulong ito upang maiwasan ang panganib ng Type 2 Diabetes at mga sakit sa puso sa pamamagitan ng pagsasaayos ng paraan kung paano sinusunog ng katawan ang taba at asukal. Sa isang bansang mahilig sa carbohydrates, ang ganitong metabolic support ay napakahalaga upang maiwasan ang mga komplikasyong dulot ng labis na timbang at maling diyeta.


Bukod sa mga pisikal na benepisyo, tinitingnan din ang potensyal nito sa aspeto ng kalusugang mental dahil ito ay mahalagang sangkap sa cell signaling sa ating utak. May mga obserbasyon na nakatutulong ito sa pagpapababa ng anxiety at pag-aayos ng mood, lalo na’t ang hormonal health ay may direktang epekto sa emosyonal na estado ng isang tao. Gayunpaman, mahalagang tandaan na ang myo-inositol ay hindi isang “magic pill,” ito ay pinaka-epektibo kung sasamahan ng tamang diyeta at regular na ehersisyo. 


Napakahalaga na kumonsulta muna sa doktor bago magsimula ng anumang supplementation upang matiyak ang tamang dosage na angkop sa inyong pangangailangan. Sa huli, ang tamang kaalaman ang ating pinakamabisang sandata sa pag-abot ng isang mas balanseng pamumuhay at matatag na kalusugan. (Sarrah F. Serrano, MD)


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page