top of page
Search

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | August 18, 2025



Photo: FP


Dear Doc Erwin, 


Ako ay isang ama ng tahanan, nasa kalagitnaang edad (middle age) na ako. Awa ng Dios ay malusog ang aking pangangatawan, wala akong sakit at walang maintenance medications. Maingat ako sa aking mga kinakain at katamtaman din kung ako ay kumain. Isa pa sa aking pamamaraan upang mapanatili ang aking kalusugan ay ang pagtulog ng sapat, 7 hanggang 8 oras gabi-gabi. 


Isa sa aking mga regular na exercise ang madalas na paglalakad. Ayon sa aking pagbabasa, upang makuha ang mga health benefits ng walking exercise ay kinakailangang maka-10,000 steps kada araw. Bagama’t pinipilit kong maabot ito, dahil sa kakulangan ng panahon ay hindi ko ito nagagampanan. May health benefits ba ang walking exercise kahit hindi maabot ang 10,000 steps? Anu-ano ang health benefits nito? 


Sana ay matugunan n’yo ang aking mga katanungan. Regular akong nagbabasa ng BULGAR newspaper at ng Sabi ni Doc column. -- Maria Josephine



Maraming salamat Maria Josephine sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper. 


Marami na ang mga pag-aaral tungkol sa walking exercise at health benefit nito na pagbaba ng risk ng pagkamatay sa iba’t ibang kadahilanan (all-cause mortality). May mga pag-aaral na rin na ito ay may mabuting epekto sa pag-iwas sa iba’t ibang uri ng sakit.


Ayon sa mga nasulat na, noong 1960s habang naghahanda ang Japan sa 1964 Tokyo Olympics ay tumaas ang awareness ng Japanese population sa pag-e-exercise bilang paraan upang maging malusog ang pangangatawan. Kasabay din nito ang pag-introduce sa Japanese market ng modern pedometer. Ito ay isang gadget na maaaring isabit sa beywang upang mabilang ang numero ng steps sa paglalakad o pag-jogging. Unti-unting naging popular ang pedometer at ang walking at jogging bilang ehersisyo. Naging rallying slogan ng mga dedicated walkers ang “Manpo-Kei” o “10,000 steps” at dumami ang mga walking clubs sa Japan kung saan ang daily goal ng mga miyembro ay 10,000 steps. Mula sa Japan ay kumalat na sa buong mundo ang 10,000 steps bilang daily exercise goal.


Katulad ng tanong ninyo, ang tanong ng marami ay kinakailangan ba na makumpleto ang Manpo-Kei o 10,000 steps upang makamit ang health benefits ng walking exercise? 


Ito ay isa sa mga katanungan ng mga scientist sa kanilang pinakabagong pag-aaral. Ito ay isang systematic study at meta-analysis ng mga scientific research mula January 2014 hanggang February 14, 2025. Isinagawa ito at pinangunahan ng mga scientist mula sa Sydney School of Public Health ng Faculty of Medicine and Health sa University of Sydney. Nasa 57 research studies ang isinama sa systematic review at 31 studies naman ang kasama sa meta-analyses.


Ayon sa nabanggit na study, 7,000 steps per day ang nakakapagpababa ng risk sa lahat ng mga health outcomes na kasama sa pag-aaral. Sa madaling salita, upang bumaba ang iyong risk sa lahat ng mga sakit na kasama sa pag-aaral katulad ng sakit sa puso, diabetes, dementia, cancer, depression at all-cause mortality, 7,000 steps ang nararapat na maging daily number of steps goal ninyo. 


Ngunit hindi ibig sabihin nito na walang health benefits ang paglalakad na mas mababa sa 7,000 steps. Ayon sa pag-aaral na ito, may mga health benefit sa mas mababang steps at ang risk reduction sa iba’t ibang uri ng sakit ay tumataas habang tumataas ang number of steps per day. Kahit sa 2,000 steps per day ay may mga nakitang health benefits na. Kaya’t anuman ang total number of steps na inyong naisagawa sa isang araw ito ay makakatulong upang makaiwas sa sakit.


AnG pag-aaral na nabanggit sa itaas ay na-publish nito lamang August 2025 (Volume 10, Issue 8) sa The Lancet-Public Health, isang scientific journal na sikat sa buong mundo.


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y ipagpatuloy ninyo ang pag-aalaga sa inyong kalusugan.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | July 14, 2025



Photo: FP


Dear Doc Erwin, 


Ako ay isang ama ng tahanan, 45 years old, at may tatlong anak. Sa nakaraang dalawang taon ay regular akong nagpapa-check ng aking blood sugar, at ayon sa doktor ito ay unti-unting tumataas. Pinayuhan ako ng doktor na mag-exercise, iwasan o bawasan ang mga pagkain at inumin na mataas ang sugar content katulad ng softdrinks, at matatamis na pagkain. 


Kumonsulta rin ako sa isang eksperto sa alternative medicine tungkol sa pagtaas ng aking blood sugar. Dahil ako ay palaging puyat, pinayuhan ako ng doktor na gawing regular ang pagtulog ng maaga. Ayon sa kanya, nakakataas ng blood sugar ang pagpupuyat. Iminungkahi rin niya na ako ay regular na uminom ng Berberine supplement. Makakatulong daw ito upang bumaba ang aking blood sugar.


Nais ko sanang malaman kung ano ang Berberine at kung ito ba ay makakatulong na pababain ang aking blood sugar? May mga research studies na ba na nagpapakita ng bisa ng Berberine laban sa mataas na blood sugar o diabetes? May iba pa bang health benefits ang Berberine? 


Sa aking pagbabasa ng regular ng BULGAR newspaper at ng inyong column na Sabi ni Doc ay natutunan ko ang mga bagong kaalaman tungkol sa mga natural remedies at ang pag-iwas sa sakit. Sana ay matugunan n’yo ang aking mga katanungan. — Napoleon



Maraming salamat Napoleon sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper. 


Malaki ang maitutulong ng mga payo ng inyong doktor upang bumaba ang inyong blood sugar. Ang pag-e-exercise at pagkain ng tama, katulad ng pag-iwas sa mga pagkain at inumin na mataas ang sugar content ay magpapababa ng inyong blood sugar.


Makakababa rin ng blood sugar ang pagtulog ng maaga at sapat na oras ng pagtulog. Ayon sa isang research article sa Journal of Applied Physiology na nailathala noong November 2005, ang kakulangan ng pagtulog o pagpupuyat ay risk factor sa pagtaas ng insulin resistance at Type 2 diabetes. Konektado rin ito sa pag-develop ng obesity, ayon sa study na ito na pinangunahan ni Dr. Karine Spiegel mula sa Université Libre de Bruxelles sa bansang Belgium.


Sa isang review article sa scientific journal Biomedicine & Pharmacotherapy na nailathala noong January 2021, kinilala ang Berberine bilang isang uri ng natural chemical compound na makikita sa ilang mga medicinal plants katulad ng Coptis chinensis, Berberis vulgaris at Berberis aristata. Sa loob ng nakaraang 3,000 taon ginagamit bilang gamot ang Berberine ng Ayurvedic medicine ng India at ng traditional Chinese medicine. Ginagamit itong gamot sa impeksyon ng tenga, mata at bibig, sa iba’t ibang uri ng sugat, hemorrhoids, indigestion, dysentery, at mga intestinal parasites. Ngunit sa mga bagong research studies, ang Berberine ay nakitaan na epektibo bilang nagpapababa ng blood sugar, panlaban sa obesity, proteksyon sa atay (liver) at may anti-inflammatory activities din ito.


Sa review article na nabanggit ay idinetalye nito ang epekto ng Berberine laban sa blood sugar. Sa iba’t ibang mga research studies, napag-alaman na ang Berberine ay nagpapalakas ng secretion ng insulin at pinapababa nito ang insulin resistance. Ang dalawang epekto na nabanggit ay parehong nakakababa ng blood sugar.


May iba pang mekanismo ang Berberine upang pababain ang blood sugar. Pinapababa rin ng Berberine ang kapasidad ng ating katawan na bumuo ng glucose (gluconeogenesis) at pinapalakas ang kakayanan ng ating katawan na gamitin ang blood sugar (glucose uptake).  


Bukod sa mga epekto ng Berberine na nabanggit, may iba pang health benefits ito. Inilahad din ng nabanggit na review article kung paano nilalabanan ng Berberine ang obesity, gout, fatty liver at hyperlipidemia. 


Sa mga susunod na artikulo ng Sabi ni Doc ay ibabahagi natin kung paano pa makakatulong ang Berberine laban sa ibang mga sakit.


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y patuloy na bumuti ang iyong kalusugan.



Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | June 2, 2025





Dear Doc Erwin, 


Masugid akong tagasubaybay ng Sabi ni Doc column at ng BULGAR newspaper.

Regular akong umiinom ng mga health supplements upang manatiling malusog ang aking pangangatawan at pag- iisip. Nais ko sanang malaman kung anong vitamin supplement ang maaaring makatulong upang humaba ang buhay. 


Ayon sa aking nabasang magazine ay mahalaga ang Vitamin D3 sa ating kalusugan at maaaring makatulong makaiwas sa maraming sakit. Makakatulong kaya ang Vitamin D3 upang humaba ang ating buhay? May research studies na o kaya na nagpapatunay nito?

Maraming salamat at sana'y matugunan niyo ang aking mga katanungan. — Eduardo



Maraming salamat Eduardo sa iyong pagliham at pagiging tagasubaybay ng Sabi ni Doc at BULGAR newspaper. Maraming salamat din sa’yong katanungan dahil pagkakataon ito na maipahayag ang pinakabagong research study tungkol sa epekto ng pag-inom ng Vitamin D3 supplement sa paghaba ng buhay natin.


Nito lamang May 21, 2025 ay inilathala sa The American Journal of Clinical Nutrition, isang tanyag na scientific journal, ang resulta ng isang randomized controlled trial kung saan pinag-aralan ang epekto ng Vitamin D3 at ng Omega-3 supplementation sa haba ng telomere. 


Ang telomere ay mga specialized chromatin structures na nasa dulo ng ating mga chromosomes na nagpoprotekta sa integrity at stability nito. Naniniwala ang mga scientists na ang pag-iksi ng telomere habang tayo ay tumatanda ang dahilan ng chromosomal instability na nagiging rason ng iba't ibang uri ng chronic diseases, katulad ng cancer at mga cardiovascular diseases.


Naniniwala rin ang mga scientists na ang pag-iksi ng telomeres ang dahilan ng premature aging at mga age-related diseases kaya't kung mapipigilan o mapapabagal ang pag-iksi ng telomere ay pinaniniwalaan na magpapahaba ng buhay at madi-delay ang pagkakaroon ng mga age-related diseases.


Sa research na ito ay sinuri ng mga scientists mula sa Medical College of Georgia ng Augusta University sa bansang Amerika ang epekto ng Vitamin D3 at ng Omega-3 supplement sa haba ng telomere mula sa umpisa ng pag-inom ng supplement, hanggang sa dalawang taon at apat na taon na umiinom ng supplements na nabanggit. 


Ayon sa analysis ng data, nakita ng mga researchers sa pangunguna ni Dr. Haidong Zhu, na nabawasan ang pag-iksi ng telomere sa mga study participants na umiinom ng Vitamin D3 supplement. Patuloy naman na umiksi ang telomeres ng mga uminom ng Omega-3 supplement.


Ang daily dose ng Vitamin D3 supplement na ininom ng 1,031 study participants na kasama sa research na ito ay 2,000 IU per day. Nasa edad mula 50 years old pataas ang mga lumahok sa pag-aaral na ito.


Dahil sa pagbagal ng pag-iksi ng telomeres sa mga uminom ng Vitamin D3, naniniwala ang mga researchers na makakatulong ang Vitamin D3 supplementation upang mapabagal ang biological aging at ang pagkakaroon ng age-related diseases.


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa'y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page