top of page
Search

ni Ryan Sison @Boses | April 24, 2024



Boses - Ryan Sison


Bilang antisipasyon sa isang malakas na lindol na tinaguriang “The Big One”, sinuri para patibayin ang ilang mga flyover sa Metro Manila ng Department of Public Works and Highways (DPWH).


Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, kailangan na ang pagsasaayos o retrofitting ng EDSA-Kamuning flyover at mga katulad na istruktura sakaling magkaroon ng tinatawag na massive earthquake.


Sa isang panayam kay Bonoan, binigyang-diin niya na kailangan nilang gawin ito kaagad, at matagal na rin nila itong pinaplano. Mas mabuti aniyang maagap na naghahanda lalo na kapag pinag-uusapan ang “The Big One” para maging structurally fit ang mga flyover sa kahabaan ng EDSA.


Gayundin aniya, sinasamantala na ng DPWH ang “magandang construction weather” bago pa magsimula ang tag-ulan.


Nauna nang sinabi ng mga state seismologist, na ang Marikina West Valley fault line, isa sa mga active fault sa bansa, ay handa na para sa movement nito dahil anila, hindi ito gumagalaw sa loob ng 200 taon. Nagbabala naman si Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Teresito Bacolcol na sa magnitude 7.2 lindol sa Metro Manila, posibleng mag-iwan ng hindi bababa sa 34,000 ang mamatay at 114,000 sugatan sakaling mangyari ang sinasabing “The Big One”.


Ang retrofitting ng EDSA-Kamuning flyover ay nakatakdang simulan sa April 25, 2024 at tatagal ito hanggang October.


Paliwanag ng DPWH chief, ang mangyayari rito ay redecking. Papalitan ang mga konkreto sa taas, lane by lane, ang deck na mismong dinaraanan ng mga sasakyan.


Kukumpunuhin din nila at patitibayin ang mga girder sa ibaba.


Ang susunod sa pipeline ay ang pagsasaayos ng Guadalupe Bridge, na gagawin sa tulong at financial assistance mula sa Japanese government.


Kakailanganin din ng kagawaran na palitan ang expansion joints ng Magallanes Flyover, na maaaring gawin nila sa loob ng isang buwan.


Tinatapos na rin ng DPWH-NCR ang pag-curing ng EDSA-Pasay flyover habang bubuksan ang lahat ng lane ngayong Miyerkules, April 24.


Mainam ang ginagawa ng kinauukulan na paghahanda sa napakalakas na lindol na posibleng tumama sa ating bansa.


Hindi kasi biro ang bilang na maaaring mamatay at masugatan na sa isang iglap lamang mangyayari.


Marahil, tayo mismo ay dapat na maging handa sa ganitong panahon, kailangan nating i-check ang ating mga tirahan kung matibay at kakayanin pa rin ba nitong nakatayo sakali mang tumama na ang ‘The Big One’. 


Hiling lang natin sa pamahalaan na bukod sa pagkukumpuni ng mga flyover ay inspeksyunan na rin sana ang mga matataas na gusali, istruktura, mga kalsada at iba pang katulad nito para maisaayos agad at hindi lumala ang magiging pinsala. Gayundin, tiyakin natin ang suplay ng ating pagkain o food security para alam natin ang gagawin at mabilis na marespondehan ang mga apektadong mamamayan. Dapat din sigurong simulan nang makiisa ng lahat ng ahensya ng gobyerno upang planuhin at paghandaan na ito ngayon nang husto.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Eli San Miguel - Trainee @News | December 10, 2023




Nakipagtagpo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kasama ang iba't ibang stakeholders sa Sulu upang itala ang mga proyektong kalsada at iba pang imprastruktura na magpapalakas sa agrikultura at ekonomiya ng lalawigan.


Binigyang-diin ni DPWH Senior Undersecretary Emil K. Sadain na nakatuon ang pulong sa mga diskusyon at pagsasalitan ng ideya, na nagbibigay daan sa publiko na magtanong hinggil sa saklaw ng proyekto habang ito ay nasa yugto ng pagsusuri ng feasibility at detailed engineering design (DED).


Sinabi niya na nasa ilalim ang mga proyektong imprastruktura ng Improving Growth Corridors in Mindanao Road Sector Project (IGCMRSP) na sinusuportahan ng Asian Development Bank (ADB).


Kabilang sa mga proyektong ito ang P1.64 bilyong Paticul - Jolo - Indanan Coastal Bypass Road (na may viaduct structure at approach roads) sa Indanan at ang P8.22 bilyong Sulu Circumferential Road (na may mga exemption) sa Lalawigan ng Sulu.


“The projects mark the beginning of an effort towards unwavering peace and significant advancement as these projects heal the scars on the hearts of the Moro Muslim People of the South,” saad ni DPWH Unified Project Management Office (UPMO)-Roads Management Cluster 2 Project Director Sharif Madsmo H. Hasim.

 
 

ni Mylene Alfonso @Business News | July 19, 2023




Kinalampag ni Sen. Risa Hontiveros ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at hiniling na aksyunan ang reklamo ng mga environmentalist at business group na kumukontra sa pagtatayo ng P23 billion Samal Island-Davao City Connector (SIDC) Bridge.


Ayon kay Hontiveros, tinalakay niya ang isyu sa deliberasyon ng DPWH budget noong 2023 matapos marinig ang reklamo ng mga maaapektuhan ng nasabing proyekto.


Aniya, dapat ibahin ng DPWH ang disenyo ng proyekto bukod sa dapat magsagawa rin ng konsultasyon sa iba’t ibang stakeholders. Aniya, kontra ang iba’t ibang grupo sa naturang proyekto dahil sa magiging epekto nito sa kalikasan partikular sa coral reefs at mangrove areas sa Samal Island.


Ang SIDC ay isa sa mga pangunahing infrastructure projects ng Duterte administration. Itinatayo ang proyekto sa Bgy. Limao sa Island Garden City ng Samal, at Bgys. Vicente Hizon, Sr. Angliongto at R. Castillo sa Davao City.


Ang proyekto, na pinondohan mula sa utang mula sa China, ay iginawad sa China Road and Bridge Corporation, isang state-owned construction company.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page