top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | January 7, 2022


ree

Ipinasara ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng Makati City ang Berjaya Hotel sa Makati City na siyang nagsilbing isolation facility ni ‘Poblacion Girl’ Gwyneth Chua bago ito pumuslit sa kanyang quarantine.


Pinagmumulta rin ng P13,200 ang hotel dahil sa paglabag sa health and safety protocols bukod pa ito sa 3 month suspension ng kanilang accreditation.


Ang pagsasara ng establisimyento ay pinamunuan ng mga kawani ng Business Processing and Licensing Office ng Makati City kasama ang ilang miyembro ng pulisya.


Ito ay kasunod ng desisyon ng Department of Tourism na pagpapataw ng parusa sa nasabing hotel dahil sa paglabag sa health at safety protocols na inisyu ng IATF (Administrative Order No. 2021-004-A) at sa kabiguan ng pamunuan ng hotel na sumunod sa RA 11332 na nagpapataw ng tatlong buwang suspensiyon ng akreditasyon nito.


Sa imbestigasyon ay sinabi ng DOT na batay sa CCTV footage ng Berjaya, nakita si Chua na umalis ng hotel ganap na 11:45 pm noong December 22, labinlimang minuto matapos niyang mag-check in para sa kanyang limang araw na quarantine hanggang December 27.


“Neither did the hotel security personnel nor the front lobby call her attention, and neither was there any effort to report the incident to the Bureau of Quarantine, even after her return three days later. She was later seen in social media posts at a bar in Poblacion,” pahayag ng tourism department.


Samantala, nauna nang nagsampa ng kasong paglabag sa Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act ang PNP-CIDG sa Makati City Prosecutor’s Office laban kina Chua at kanyang mga magulang, boyfriend, at limang tauhan ng Berjaya Hotel.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | January 5, 2022


ree

Sinuspinde na ng Department of Tourism ang akreditasyon ng Berjaya Makati Hotel.


Ito ay matapos na mag-skip ng quarantine sa nasabing hotel at dumalo ng party ang isang Pilipina na nagmula sa ibang bansa na kinalaunan ay nagpositibo sa COVID-19.


Ni-revoke ng DOT ang permit ng Berjaya bilang multiple-use hotel dahil hindi nagawang pigilan ang kanilang guest na suwayin ang quarantine rules.


Gayundin ay pinatawan ng fine ang Berjaya.


Matatandaang noong December 23, 2021, si Gwyneth Chua, isang returning overseas Filipino mula sa United States, ay nag-skip ng hotel quarantine para dumalo sa isang party at pumunta sa restaurant sa Poblacion, Makati City.


Noong December 27, nagpositibo ito sa COVID-19, gayundin ang mga kasama nito sa party at ilang kostumer at staff sa restaurant na pinuntahan nito.

 
 

ni Lolet Abania | January 3, 2022


ree

Isa pang Filipina na mula sa United States ang nakalusot sa mandatory quarantine ng gobyerno, ayon sa Department of Tourism (DOT).


Sa isang television interview ngayong Lunes kay DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat, sinabi nitong maraming reports ng quarantine breach ang nakalap ng DOT matapos ang unang naiulat na insidente ng isang returning Filipina mula sa US na dumalo sa isang party sa Poblacion, Makati City na dapat sana ay nasa ilalim ito ng isolation.


“After this incident, somebody gave the name and even gave pictures na the day she arrived, nagpa-masahe pa as in she was even posting it on Instagram stories. Very proud ha, na she was skipping quarantine and her name was given and the person who knows her even gave a sworn affidavit. Nahuli na rin ‘yung tao na ‘yun,” pahayag ni Puyat sa CNN interview.


“I’ve given it already to the [Bureau of Quarantine] and the [Department of the Interior and Local Government] and I will leave it up to them,” dagdag ni Puyat.


Ayon kay Puyat, ang nasabing balikbayang Pinay ay agad dumiretso sa kanyang condominium nang dumating ito sa Pilipinas.


“She didn’t even check in a hotel. She just said that she checked in this hotel but it showed that she didn’t even check in a hotel. Dumiretso sa condo niya,” diin ni Puyat.


Matatandaang noong nakaraang linggo, kinumpirma ng DOT ang report ng isang returning overseas Filipino (ROF) woman na mula sa US ang nag-skip ng kanyang quarantine sa isang hotel at dumalo sa party sa Makati, kung saan ang kanyang mga nakasalamuha ay kalaunang nagpositibo sa test sa COVID-19.


Ani BOQ, isang complaint o reklamo naman ang kanilang “inihanda” laban sa nasabing Pinay. Ayon din kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, titiyakin ng ahensiya na mananagot ang sinumang lalabag sa ipinatutupad na quarantine protocols.


Samantala, sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año, na may ilang mga indibidwal na nagbabayad umano sa mga hotels para makalusot sila sa quarantine.


Sa isang television interview kay Año ngayon ding Lunes, binanggit nitong kadalasan ang mga miyembro ng pamilya at kamag-anak ang nagpe-pressure sa kanilang kaanak na naka-quarantine na lumabag sa protocols upang agad nilang makasama ang mga ito.


Hinimok naman ni Puyat ang publiko na sakaling magre-report sila hinggil sa paglabag sa quarantine protocols, na ibigay ang mga pangalan ng violator at ang hotel para agad nilang maaksiyunan ang insidente.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page