ni Mylene Alfonso @News | October 5, 2026

Photo: Tukuyang gumuho ang malaking bahagi ng San Mateo-Arayat Pampanga flood control na kasalukuyang naka-kordon para sa gagawing rehabilitasyon. Wala namang nasaktan sa insidente. (Jeff Tumbado)
Iginiit ni Surigao del Norte 1st District Rep. Francisco “Lalo” Matugas ang pangangailangang magkaroon ng komprehensibong National Land Use Act upang maisama ang disaster risk sa pagpapasya kung saan dapat itayo ang mga komunidad at malalaking proyekto.
Ayon kay Matugas, chairman ng House Special Committee on Land Use, muling ipinapakita ng banta ng pagbaha at landslide sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao ang kahalagahan ng maayos na land use planning.
Layunin ng panukalang National Land Use Act na pagtugmain ang paggamit ng lupa sa disaster-risk reduction, environmental protection, agrikultura, pabahay, imprastraktura at economic development.
Binigyang-diin ni Matugas na mananatiling mahalaga ang papel ng mga lokal na pamahalaan sa land use planning, habang magsisilbing gabay ang pambansang polisiya.
Inaprubahan ng House of Representatives ang bersyon nito ng National Land Use Act noong Mayo 5, 2026, habang nakabinbin pa sa Senado ang mga kaukulang panukala.
“Ang disaster resilience ay nagsisimula bago pa man maitayo ang isang kalsada, subdivision o pampublikong pasilidad. Nagsisimula ito sa pagpapasya kung nagtatayo ba tayo sa tamang lugar,” dagdag ni Matugas.



