top of page
Search
  • BULGAR
  • Dec 21, 2023

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 21, 2023




 

“What Baninay want, Baninay gets!” Nakangising sabi niya habang nakaharap sa salamin. 


Hindi man siya ipinanganak na may gintong kutsarang sa bibig, nakukuha niya naman ang lahat ng kanyang naisin. Ang nakakatawa pa, hindi niya na ito pinaghihirapan. Ang kailangan lang niyang gawin ay mag-concentrate upang makuha ang kanyang ninanais.


Hindi man niya alam kung saan siya nagmula, at kung ano’ng klaseng pagkatao mayroon siya. Ngunit, nakakasigurado siyang hindi siya ordinaryong nilalang. Kung tulad din kasi siya ng iba, hindi niya magagawang pasukin ang isip ng ibang tao para mapasunod ito, at hindi rin siya magkakaroon ng kakayahan na makapanakit gamit ang kanyang isipan. 


“Ano’ng ginagawa mo?” Wika ng kanyang ina habang pumapasok sa kanilang kuwarto. 

Mabilis itong lumapit sa kanya habang tinititigan si Baninay. Hindi man lang nakaramdam ng takot si Baninay nu’ng mga oras na ‘yun. 


Alam niya naman kasi hindi siya kayang saktan ng kanyang ina. Bagkus, matamis na ngiti pa ang ipakita niya rito. 


“Wala po.”


“Ikaw lang ang puwedeng manakit…” Bigla itong huminto sa sasabihin. Marahas na buntong hininga ang pinawalan ng kanyang Nanay Mameng at sabay sabing, “hindi ko alam na may kakayahan kang ganyan.”


“Kung ganu’n, hindi ko lang ito basta abilidad. Nasa lahi natin ito? ‘Yun ba ang dahilan kaya narito tayo sa Manila, inilayo mo ako sa ating mga kalahi?”


“Dahil ayokong gamitin ka nila sa kasamaan,” buong diing sabi nito. 


“It’s cool.”


“Huwag mo akong ma-ingles-ingles,” wika nito.


Nakaramdam siya ng panghihina. Kumunot tuloy ang kanyang noo. Noon lang niya kasi naalala na may mga pagkakataon na kapag nag-uusap ng ingles ang mga taong nakapaligid sa kanila ay nanghihina ito samantalang nakakaramdam naman siya ng lakas kapag malalalim na tagalog ang usapan. 


“Ano bang klaseng pagkatao ang mayroon tayo?”


“Ito ay mga mangkukulam,” buong diing sabi nito. 


Hindi niya maiwasan ang manggilalas dahil nang sabihin iyon ng ina para ring may kung ano’ng klaseng apoy na biglang lumabas sa kanyang paligid. 

 

Itutuloy…


 
 
  • BULGAR
  • Dec 20, 2023

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 20, 2023




“Bakit?” Nag-aalalang tanong ni Gabriel sa kanya.


Malakas masyado ang sampal na naramdaman ng kanyang nobya, kaya hindi kataka-taka na naramdaman din ito ni Gabriel. Ibig pa sanang ipagkaila ni Princess ang kanyang naramdaman, pero iniharap siya ni Gabriel sabay kunot noo, at hindi niya namalayan na nakahawak na ito sa kanyang pisngi. 


“Ano’ng nangyari r’yan?” Gilalas nitong tanong. 


“Ha?” Gulat din niyang sabi.


Hindi niya kasi inaasahan ang reaksyon ni Gabriel. Nanlaki ang mga mata nito at para bang gulat na gulat sa kanyang nakita. 


“Bakit ang pula-pula ng pisngi mo?”


“Ano?” 


“Parang may sumampal sa iyo.”


“Sinampal ako ni Baninay,” gusto sana niya itong sabihin, pero hindi niya magawa. Kahit na kitang-kita niya sa kanyang isipan ang pagsampal sa kanya ni Baninay. Alam niyang hindi maniniwala ang kanyang nobyo, lalo na kung wala naman itong nakita. ‘Ika nga nila, “to see is to believe.” 


“Baka allergy lang,” 


Lalong lumalim ang pagkanot ng noo ni Gabriel at sabay tanong na, “paano ka magkaka-allergy, eh ‘di ka naman kumain ng hipon.”


“Hindi ko alam, wala ka naman nakitang lumapit sa akin, hindi ba?”

“Wala nga,” wika nito. 


“Kaya walang nanakit sa akin.”


“Saka hindi rin ako papayag na may manakit sa’yo. Mahal na mahal kita kaya sisiguraduhin kong lagi kang safe.”


“Napaka-sweet naman”, sarkastikong sabi ng boses sa kanyang isipan. 


Hindi niya kabisado ang boses ni Baninay, pero nakatitiyak si Princess na si Baninay ang babaeng nagsasalita sa kanyang isipan, at hindi niya alam kung papaano nangyari ‘yun. 


“Sige, magpakaligaya ka sa piling ng mahal ko, dahil isang araw, magiging akin din siya.” Dagdag pa nito.


Itutuloy…


 
 
  • BULGAR
  • Dec 19, 2023

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 19, 2023




“Senyorito….””


Agad itong nilingon ni Princess at nanlaki ang kanyang mga mata nang makita niyang tumatakbo si Baninay patungo sa direksyon ni Gabriel. Alam niyang yayakap ito sa binata, kaya agad niyang hinarang ang kanyang katawan. Maunawain siya sa mga fans, pero hindi sa mga taong gustong maki-third party sa kanila. 


“Okey na,” wika niya. 


“Ha?”


“Hindi mo na kailangang yakapin ang boyfriend ko,” mariin niyang sabi.


Marami na siyang nakasalamuhang babae na katulad ni Baninay, pero ibang presensiya ang nararamdaman niya rito. Ngunit, wala siyang pakialam. Mas nais niyang ipakita kung paano niya pinoprotektahan ang para sa kanya. 


“Sorry,” wika nito na parang napahiya.


“Pumasok ka na sa loob, Baninay,” utos ng ina nitong si Aling Mameng. 


‘Di niya alam kung bakit hindi kampante ang loob niya kay Baninay samantalang magaan naman ang loob niya sa ina nito.


“Salamat sa pag-aalala, Baninay.” Sambit naman ni Gabriel at sabay akbay sa kanyang nobya. 


Gumagaan ang pakiramdam ni Princess kapag nasa paligid niya ito, kaya hindi niya napigilang yakapin ito. Mahal na mahal niya ang kanyang nobyo, kaya hindi niya gugustuhing makita itong nakayakap sa iba. 


May tiwala siya kay Gabriel, pero sa ibang tao ay wala, lalo na sa mga babaeng nagkakagusto rito. 


“Pumasok ka na sa kuwarto,” wika uli ni Aling Mameng. 


Marahas na buntong hininga ang pinawalan ni Baninay. Ngunit bago ito tumalikod, binigyan niya si Princess ng matalim na tingin. ‘Yun bang parang gustong manakit. 


“Aray!” Gulat na bigkas ni Princess. Wala namang tao sa kanyang harapan, pero parang may nagbigay sa kanya ng sampal na talagang nagpayanig sa kanya. 

 

Itutuloy…

 

 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page