top of page
Search

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Pebrero 23, 2024




“Damn!” Buwisit na bulalas ni Nhel. Alam niyang hindi lang iyon sa inis na nararamdaman niya para kay Via, kundi pati na rin sa kanyang sarili. Hindi dapat siya nagpapakita ng kahinaan sa dalaga. Pero,  hindi na niya kayang itago ang sakit na kanyang nararamdaman mula pa noong siya’y bata.


Samantala, hindi naman takot ang naramdaman ng dalaga kay Nhel kundi awa, ang ayaw pa naman ni Nhel sa lahat ay iyong kaawaan siya. Pakiramdam niya kasi ay ang hina-hina niya, nang biglang nag-flash sa kanyang isipan ang mga nangyari sa kanya noong siya’y bata.


Palagi siyang binu-bully ng kanyang mga kaedad kapag nalalaman ng mga ito na wala siyang siyang ama. Isa raw siyang putok sa buho. Kaya naman kahit sabihin ng kanyang ina na mayroon siyang ama, ayaw na niya itong maniwala. Hindi naman kasi niya ito nakikita. ‘Ika nga sa kasabihan, “To see is to believe,” so paano niya iyon paniniwalaan kung ‘di niya naman ito nakikita?


Nang mag-asawa ulit ang kanyang ina,  akala niya ay may ama na siyang matatawag. Naging malapit naman siya rito. Pero, ang dahilan pala ay para makuha nito ang tiwala ng kanyang lolo’t lola. Sa testamento kasi ng kanyang grandparents, ipapamana umano ng mga ito ang kanilang ari-arian kapag nagkaroon ulit sila ng apo.


Ngunit, dahil madami namang pera si Manuel Miranda, hindi nito inintindi ang naging desisyon ng matatanda. Ipinaramdam pa rin naman ni Manuel kay Nhel ang pagiging isang ama. 


“Kung paanong maging malupit?” Mariin niyang sabi, kaya napabuntong hininga siya dahil nakaramdam siya ng disappointment sa kanyang sarili. 


“So, hindi lang ang utang ni tatay ang dahilan kaya pinakasalan mo ako?” Marahang tanong ng dalaga sa kanya.


Naningkit ang mga mata niya, bago muling magsalita, “Ipapatikim ko sa’yo ang galit ko,” sabay halik kay Via.



Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Pebrero 22, 2024




Ayaw sanang paniwalaan ni Via ang sinasabi ng kanyang ‘asawa’. Hindi na kasi ito pumayag na magkahiwalay sila mula nang sila'y ikasal. 



Hindi niya alam kung bakit hindi rin siya gaanong nakakaramdam ng pagtutol. Para ngang bukal na bukal pa sa kanyang loob ang pagpapakasal sa binata. 


Dahil ba nais niya lang mailigtas ang kanyang ama-amahan? Hindi man sila magkadugo, pero naging mabuting ama naman ito sa kanya. Minahal at ibinigay nito ang pangangailangan niya, pero nagbago lang talaga ang kanyang Tatay Pedro mula nang mawala ang kanyang ina. 


“Anak ka ni Tatay Pedro? Pero, hindi ka niya naikuwento sa amin.” Hindi pa rin makapaniwalang tanong ng dalaga. 


Talaga pa lang kinalimutan na niya ako,” wika nito. 


“Sure kang alam niya?”


“Hindi na iyon mahalaga ngayon.”


Nakangisi ang lalaki ng sabihin nito ang mga katagang iyon. 


“So, hindi lang ang utang ni Tatay Pedro ang dahilan kaya nagpakasal tayo?”


“Ini-expect mo bang kaya kita pinakasalan ay dahil na-love at first sight ako sa’yo? No. Pinakasalan kita dahil anak-anakan ka ng magaling kong ama. Gusto kong makita niyang nahihirapan ka sa piling ko,” mariin nitong sabi sa kanya. 


Dapat sana ay matakot siya sa pagbabanta na naaninag niya sa mga mata nito, pero hindi niya iyon magawa dahil kita naman niya sa mga mata nito ang lungkot. Para tuloy gusto pa niyang haplusin ang mukha nito para mapawi ang lungkot.



Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Pebrero 20, 2024




Kumunot ang noo ni Via sa matapang na pagbigkas ni Nhel  Zamora.


“Kung makapagsalita ka naman, parang aalipinin mo ako nang bonggang-bongga,” natatawang sabi niya. 


Ayaw niyang isipin na may plano talaga ang binata sa kanya. Tingin naman kasi niya ay mabuting tao ito.


“Paano mo naisip iyon?” Natatawa niyang tanong sa kanyang sarili. 


“‘Yan talaga ang gusto kong gawin.”


“Ano’ng kasalanan ko?”


“May kaugnayan ka kay Pedro Pedral,” inis nitong sabi.


“Kung magsalita ka naman parang hindi lang pangungutang ni Tatay Pedro ang kasalanan niya sa’yo,” wika niya na may halong pagtataka.


Kesa na sumagot, halakhak ang ginawang tugon ng Binata. Dapat sana ay makaramdam siya ng inis dahil parang pinagtatawanan siya nito, pero nagbago ang kanyang isip. Bumuka ang bibig niya para magtanong, ngunit bigla siyang natigilan. May napansin kasi siya sa mukha nito. 


“May hawig ka kay Tatay Pedro.”


Ngunit, muli na namang tumawa ang binata. 


“Ano bang nakakatawa?”


“He is my father.”


“Ano?!” Gilalas niyang tanong.


“Kung hindi ka nakakaintindi ng Ingles puwes Tatagalugin ko, ama ko si Pedro Pedral. Kaya ako nabubuwisit sa’yo, minahal ka niya nang husto gayung ang tunay niyang anak pinabayaan lang niya.”


Napasinghap siya dahil dama niya ang matinding pagdaramdam nito. At hindi rin naman niya ito masisisi.


“Ano kaya ang mararamdaman niya kapag pinahirapan ko ang pinakamamahal niyang anak-anakan?”


Sa tanong ng binata, biglang kinabahan si Via. Paano ba naman kasi ramdam na ramdam niya galit nito. 



Itutuloy…



 
 
RECOMMENDED
bottom of page