top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | February 15, 2026



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #384


Ang bawat magulang ay nangangarap ng maayos na kalagayan at magandang kinabukasan para sa kanilang mga anak. Kahit ang mga ito ay malalaki na, patuloy pa rin ang panalangin ng bawat magulang na hindi kailanman mapahamak ang kanilang mga anak.


Kaya’t ang pinakamasakit na maaaring maranasan ng isang magulang ay ang tuluyang pagkawala ng kanilang anak. Isipin pa lamang na hindi na nila ito mayayakap at mahahagkan, napakahirap nang tanggapin. Higit pang masakit kung ang buhay ng anak ay kinitil nang walang sapat o lehitimong dahilan.


Ganito marahil ang sakit na naranasan nina Pedro at ng kanyang asawang si Anita nang paslangin ang kanilang anak na si Marie. 


Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng kanilang kuwento na hango sa kasong may pamagat na People of the Philippines vs. Cornelio Mariano y Hipolito (G.R. No. 270476, August 13, 2025), sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Samuel H. Gaerlan.


Batay sa paratang na inihain sa Regional Trial Court (RTC) ng Pata, Tuao, Cagayan para sa krimeng murder, sinalakay at pinagsasaksak ni Alyas “Curning,” nang merong intensyon na paslangin, pagtataksil at abusuhin nang higit na lakas ang 17-anyos na biktima na si Marie. 


Gamit ang isang matalim na bagay, pinagsasaksak si Marie sa iba’t ibang bahagi ng katawan at ang natamo niyang mga sugat ang naging sanhi ng kanyang pagpanaw. Naganap ang nasabing krimen noong ika-21 ng Hunyo 2009, sa isang barangay sa Sto. Niño, Cagayan.


Sina Pedro, Barangay Kagawad Orlando, Barangay Captain Jaime, Florentino, at Dr. Simeon ang tumayo bilang mga saksi para sa tagausig.


Batay sa kabuuan ng kanilang pinagsama-samang testimonya, si “Curning” ay pinsan ni Anita na nakitira sa kanilang bahay sa Sto. Niño, Cagayan ng apat na buwan. 

Noong umaga ng ika-21 ng Hunyo 2009, nasa nasabing bahay sina Pedro, Anita, kanilang mga anak na sina Jordan, Jane at Marie, at Curning. 


Bandang alas-11:00 ng umaga umalis si Marie patungo sa Tuguegarao City, kung saan siya’y nag-aaral. Sa tabing ilog diumano siya pumunta para sumakay ng bangka na magdadala sa kanya sa Tuguegarao City. Diumano, makalipas ang sampung minuto ay umalis na rin si “Curning,” suot ang itim na t-shirt na merong marka at corduroy na pantalon.


Kinabukasan, nakatanggap diumano si Me-an, kaibigan ni Marie, ng mensahe mula sa boardmate ni Marie na hindi dumating sa Tuguegarao City si Marie at agad naman itong pinaalam ni Me-an sa pamilya ni Marie. Kaya agad na nagtungo sina Pedro at Anita sa Tuguegarao City upang hanapin si Marie. Nu’ng hindi nila mahanap ang kinaroroonan ng kanilang anak, ipinatala na nila sa himpilan ng pulis bilang nawawala si Marie.


Noong ikaapat na araw ng kanilang paghahanap, nakatanggap diumano si Pedro ng mensahe na natagpuan ang katawan ni Marie sa matalahib na bahagi ng kanilang ilog.

Matapos na masuri ni Dr. Simeon ang labi ni Marie noong ika-25 ng Hunyo 2009, idineklara na ang sanhi ng kanyang pagkamatay ay pneumothorax secondary to multiple penetrating wounds.


Batay sa testimonya ni Florentino, natutulog siya noong gabi ng ika-21 ng Hunyo 2009 sa kanyang bahay sa Sto. Niño, Cagayan nang gisingin siya ni “Curning” upang manghiram ng damit. Diumano, salawal lamang ang suot ni “Curning”. Sapagkat sila umano ay magkamag-anak, pinahiram niya ito ng damit. Noong gabing iyon din, napansin diumano ni Pedro na berde na ang suot na damit ni “Curning,” iba sa suot nito noong umaga.


Diumano, hindi na bumalik si “Curning” sa bahay nina Pedro noong lamay ni Marie at nakitira na lamang sa kapitbahay. Noong gabi ng lamay, napansin diumano ni Kag. Orlando ang pagkabalisa ni “Curning” at ang mga gasgas nito sa bisig.


Noon namang ika-26 ng Hunyo 2009, humingi umano ng tulong kay Kap. Jaime ang kapatid ni “Curning” upang dalhin ang huli sa himpilan ng pulis dahil isa umano itong suspek sa pagkakapaslang kay Marie. Habang nakasakay silang tatlo sa kuliglig ni Kap. Jaime, humingi umano ng kapatawaran si “Curning” sa nagawa nito. Diumano, matapos na kusang sumuko, agad itong ipiniit sa himpilan.


Noong ika-1 ng Hulyo 2009 nang iulat diumano kay Kag. Orlando na merong natagpuang mga damit sa taniman ng mais sa kanilang barangay. Ipinaalam niya ito kay Kap. Jaime, na ipinag-utos ang pagkuha sa mga nasabing damit, kabilang na ang isang itim na t-shirt na diumano ay nakita na ni Kag. Orlando na dating isinuot ng suspek na si “Curning”. Isinilid ang mga nakalap na damit sa isang plastic bag na isinumite ni Kap. Jaime sa himpilan ng pulis.


Kawalan ng kasalanan ang naging pagsamo ni “Curning” sa hukuman ng paglilitis. Tanging siya lamang ang tumayo bilang testigo para sa depensa.


Diumano, dumalo siya sa kasal ng kanyang pamangkin noong ika-20 ng Hunyo 2009. Ginanap ang kasal may 200 metro lamang ang layo sa bahay nina Pedro. 


Bandang-11:00 ng gabing iyon, nagpunta umano siya sa bahay ng isang nagngangalang “Randy” at doon na nagpalipas ng gabi. Nagising diumano siya bandang ala-6:00 ng umaga at kasama na nagkape si Randy at ang ina nito. Bandang alas-10:00 ng umagang iyon, habang papunta siya sa bahay ng kanyang tiyuhin, nakita umano siya ni Pedro at inimbitahan sa kanilang bahay para kumain. Kabilang diumano si Marie sa mga nakasama niya na kumain noong umagang iyon, at alas-10:30 ng umaga ay tumuloy na umano siya sa pagpunta sa bahay ng kanyang tiyuhin upang magluto ng pagkain.


Noong hapon ng araw na iyon, nagpakain umano siya ng mga baboy at nag-alaga ng mga kalabaw, at noong gabi ring iyon, inaya umano siya ni Pedro na mag-inuman. Nang matapos sila ay nagpaalam diumano siya kay Pedro na makikitulog sa silong ng bahay nito, at pinayagan naman diumano siya ni Pedro.


Kinaumagahan, pinasama umano siya ng mag-asawang Pedro at Anita na pumunta sa Buguey, Cagayan upang hanapin si Marie. Ika-23 ng Hunyo 2009, inutusan umano siya ni Pedro na maglagay ng mga pataba sa mga pananim nito habang si Pedro ay nasa Tuguegarao City.


Noong ika-25 ng Hunyo 2009 nang malaman diumano ni “Curning” ang malagim na sinapit ni Marie. Tumulong pa umano siya na ayusin ang lamay ni Marie. Kung kaya’t nagulat umano siya na siya ang pinaghihinalaan na pumaslang kay Marie.

Noong ika-26 ng Hunyo 2009 nang maimbitahan diumano si “Curning,” sa pamamagitan ng kanyang kapatid, na pumunta sa himpilan ng pulis. Pagdating du’n, agad umano siyang ikinulong. Diumano, ipinaalam na lamang sa kanya ang bintang na pamamaslang noong ika-3 ng Hulyo 2009.


Nagbaba ng hatol ang RTC noong ika-24 ng Nobyembre 2020 na guilty beyond reasonable doubt si “Curning” para sa krimen na murder. Hindi pinaniwalaan ang kanyang pagtanggi at pagdadahilan. Bagkus, binigyan ng timbang ng RTC ang mga circumstantial evidence na inihain ng tagausig. Napagtibay rin umano ng tagausig ang sirkumstansya na pang-aabuso nang higit na lakas dahil sa mas matandang edad ng akusado at ang pagkakaroon nito ng matalim na sandata noong panahon ng insidente.

Subalit hindi siya sang-ayon sa naturang paghahatol, kaya naghain si “Curning” ng kanyang apela sa Court of Appeals (CA), Manila. Iginiit ng depensa na hindi naitaguyod ng circumstantial evidence ng tagausig ang pagkakasala ni “Curning” nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.


Sinang-ayunan ng CA ang desisyon ng RTC. Nabasura ang apela ni Curning. Kung kaya’t naghain siya ng apela sa Kataas-taasang Hukuman. Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan K.S. Araojo, muling iginiit ng depensa na hindi napatunayan ang pagkakasala ni “Curning” nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.


Matapos ang mabusising pag-aaral sa kaso ni “Curning,” ipinagkaloob ng Kataas-taasang Hukuman ang kanyang legal na dalangin.


Binigyang-linaw ng Kataas-taasang Hukuman na ang kasalanan ng isang akusado ay maaaring mapatunayan hindi lamang sa pamamagitan ng direkta na ebidensya, bagkus maging sa pamamagitan ng circumstantial evidence. Gayunpaman, upang sumapat ang circumstantial evidence laban sa isang akusado, kinakailangan na mapagtibay ang mga ito, alinsunod sa Section 4, Rule 133 ng Rules of Court. Partikular, dapat ay merong higit sa isang sirkumstansya, dapat ay napatunayan ang mga impormasyon kung saan nagmula ang mga naturang sirkumstansya, at ang kombinasyon ng mga ito ay nagpapakita ng pagkakasala ng akusado nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.


Ang mga hinuha ay hindi maaaring ibatay sa iba pang mga hinuha.

Sa kaso laban kay “Curning,” hindi nakumbinsi ang Kataas-taasang Hukuman na ang lahat ng mga sirkumstansya na ipinrisinta ng tagausig ay bumuo ng walang-patid na mga pangyayari na nagbigay ng makatarungan na konklusyon na si “Curning” ang may-akda sa pamamaslang kay Marie. Para sa Kataas-taasang Hukuman, sa halip na moral na katiyakan, nagdulot ng pagdududa ang mga circumstantial evidence na pinagbatayan ng desisyon ng RTC at CA kaugnay sa pagkakasala ni “Curning”.


Una, walang nakitang katibayan ang Kataas-taasang Hukuman na si “Curning” ang may-ari ng narekober na itim na t-shirt at wala ring indikasyon na ito ay sangkot sa anumang paraan, sa anumang krimen, lalong hindi sa krimen na murder.  Hindi rin umano naipaliwanag kung ano ang mga marka sa sinasabing t-shirt, walang testimonya na nagsasabi na duguan ito, at wala ring patunay na may DNA ito ni “Curning”. 


Ikalawa, nakita man si “Curning” na nakasalawal lamang noong siya ay nanghiram ng damit, hindi umano ito maaaring magbunga ng pagpapalagay na siya ay sangkot sa pamamaslang. Para sa Kataas-taasang Hukuman, madaming maaari na ibang mga paliwanag sa ikinilos ni “Curning” noong gabi ng Ika-21 ng Hunyo 2009. Wala ring ibinigay na paliwanag ang prosekusyon ukol sa pantalon ni “Curning”.


Ikatlo, hindi maituturing na pag-amin sa anumang krimen ang sinasabi na paghingi ng kapatawaran si “Curning”. Ang kanyang naging pahayag ay hindi malinaw at maaaring may ibang kahulugan.


At ikaapat, walang isinumite na katibayan ukol sa ginamit na sandata sa pamamaslang kay Marie; hindi rin ito nakita o narekober ng mga pulis. Kung kaya’t hindi umano maaaring isapantaha na ang sinasabing sandata ay pagmamay-ari ni “Curning”.


Pagpapaalala ng Kataas-taasang Hukuman, ang paghahatol sa akusado bilang may-sala ay maaari lamang ibatay sa tibay ng ebidensya ng nag-uusig, hindi sa mga haka-haka o espekulasyon. Sa kaso laban kay “Curning,” pumukaw man ng hinala ay hindi sumapat ang mga circumstantial evidence ng tagausig upang mapanatili ang isang paghahatol para sa krimen na murder.


Sapagkat nakitaan ng Kataas-taasang Hukuman ng makatuwirang pagdududa kung sangkot nga ba si “Curning” sa pamamaslang kay Marie, kanilang minarapat na baliktarin at isantabi ang naunang mga hatol sa kanya at siya ay ipinawalang-sala sa krimen na murder.


Maaaring labis-labis ang paghihinagpis nina Pedro at Anita, kabilang na ang ibang miyembro ng kanilang pamilya, sa marahas na sinapit ni Marie. Walang magulang ang magnanais na iwan ng kanilang anak, lalo na sa isang malagim na pamamaraan. Nawa ay dumating pa rin ang panahon at pagkakataon na matukoy ang tunay na sangkot sa pamamaslang kay Marie at mapagbayaran niya ang kanyang pagkakasala. Hindi kami mawawalan ng pag-asa na darating ang araw na makakamit ng pamilya nina Pedro at Anita, maging ng kaluluwa ni Marie, ang inaasam na hustisya.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Feb. 7, 2026



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #383


Sa isang hapon sa liblib na bahagi ng Brgy. Daraga, Placer, Masbate, hindi lamang katahimikan ng kanayunan ang nabasag, kundi ang patuloy na paghahanap ng pamayanan sa katiyakan ng hustisya. 


Noong Hulyo 5, 2020, dalawang lalaki, na sa ulat ng pulisya ay kalauna’y kikilalanin at itatago sa mga pangalang “Brice” at “Enry,” ang nasawi sa sunud-sunod na putok ng baril. 


Sa loob ng ilang minuto, ang lugar ay naging tagpuan ng takot, hinala, at paratang na hahantong sa kasong double murder na susubukin ang hangganan ng ebidensyang kriminal.


Sa kasong People of the Philippines v. Naraja (Criminal Case No. 3571-21), ika-8 ng Mayo 2025, na dininig ng Regional Trial Court, Branch 49, Cataingan, Masbate, sinuri ng hukuman kung napatunayan ba ng tagausig, nang lampas sa makatuwirang pagdududa, ang pananagutan ng akusado sa krimeng Double Murder.


Ayon sa impormasyon, bandang alas-5:10 ng hapon noong Hulyo 5, 2020, sa Brgy. Daraga, Placer, Masbate, ang akusadong itago na lamang natin sa pangalang alyas “Pogi,” kasama ang isang kasabwat na si alyas “Pekas,” na nananatiling at large, at umano’y nagsabwatan nang may malinaw na intensyong pumatay at pinaputukan sina Brice at Enry gamit ang mga baril. Dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan, agad na nasawi ang mga biktima. 


Ang krimen ay sinasabing pinatitingkad ng mga kuwalipikadong sirkumstansya ng treachery at evident premeditation, kaya’t isinampa ang kasong double murder laban sa mga akusado.


Si “Pogi” ay naaresto makalipas ang halos tatlong taon mula nang naganap ang insidente at sa kanyang arraignment ay mariing tumanggi sa paratang at nag-plead ng not guilty, dahilan upang magsimula ang paglilitis.


Sa panig ng tagausig, iniharap bilang mga saksi sina PSSG Landas, Elmo, at Dr. Blanco.

Isinalaysay ni PSSG Landas, isang intelligence operative ng pulisya, na matapos ang insidente ay nagsagawa sila ng imbestigasyon batay sa impormasyong natanggap nila mula sa isang confidential informant. 


Ayon sa impormasyong ito, may mga motorsiklong nakitang dumaan sa lugar bago ang pamamaril, at isa umano sa mga sakay ay kinilalang si “Pogi,” kasama si “Pekas”. 


Dagdag pa, lumitaw sa imbestigasyon na ang mga biktima ay kilalang tagasuporta ng isang opisyal ng barangay na hayagang tumutol sa presensya ng isang armadong grupo sa lugar, dahilan upang umusbong ang hinalang politikal ang motibo ng krimen.

Ang sentro ng kaso ng tagausig ay ang testimonya ni Elmo, na nagsabing siya ang nakasaksi mismo sa pamamaril. 


Ayon sa kanyang salaysay, sinusundan nila ng kanyang kasama ang mga biktima nang biglang harangin ng isang motorsiklo. Ipinahayag niyang tinutukan ng baril ang mga biktima, pinababa ang mga ito, at matapos ang maikling palitan ay pinaputukan sila. Iginiit niyang nakita niya si “Pekas” na bumaril kay Enry, at si “Pogi” naman ang bumaril kay Brice habang ito ay nasa lupa na.


Samantala, pinatunayan ni Dr. Blanco, ang nagsagawa ng post-mortem examination, na ang mga biktima ay nagtamo ng maraming tama ng bala sa mahahalagang bahagi ng katawan gaya ng dibdib at baga. 


Ayon sa kanya, ang mga sugat ay agarang nakamamatay at batay sa posisyon ng mga tama, malamang na ang mga biktima ay binaril mula sa likuran.


Sa panig ng depensa, mariing itinanggi ni “Pogi” ang lahat ng paratang laban sa kanya. 

Ayon sa kanyang salaysay, noong oras ng insidente ay nasa kanilang bahay siya sa Brgy. Malatawan, kasama ang kanyang asawa at mga anak. Bagama’t inamin niyang kilala niya ang mga biktima at pamilyar siya sa lugar ng pinangyarihan, iginiit niyang wala siyang anumang kinalaman sa pamamaril at nalaman lamang niya ang insidente nang mabalitaan ang kasong isinampa laban sa kanya.


Sa buong paglilitis, si “Pogi” ay tinulungan at kinatawan ng Manananggol Pambayan na si  Atty. Marlon T. Cañares, na masusing sumuri sa ebidensya ng tagausig at mariing iginiit ang presumption of innocence na itinatadhana ng Saligang Batas.


Matapos ang paglilitis, ibinaba ng hukuman ang desisyon. Dito, binalikan ng hukuman ang Article 248 ng Revised Penal Code (RPC), na nagsasaad na ang murder ay nagaganap kapag ang isang tao ay pinatay at ang pagpatay ay sinamahan ng alinman sa mga kuwalipikadong sirkumstansya, gaya ng treachery o evident premeditation. 


Ayon sa matagal nang itinatag na jurisprudence, upang magtagumpay ang isang kaso ng murder, kinakailangang patunayan ng tagausig ang mga sumusunod: (1) na may napatay; (2) na ang akusado ang pumatay; at (3) na ang pagpatay ay sinamahan ng alinman sa mga sirkumstansyang nakasaad sa Article 248 ng RPC (People v. Casemiro, G.R. No. 231122, 16 January 2019, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Mariano C. Del Castillo).


Hindi ikinaila ng hukuman na napatunayan ang unang elemento—ang pagkamatay nina Brice at Enry. Gayunman, ang masusing pagsusuri ay nakatuon sa ikalawang elemento: kung si “Pogi” nga ba ang may kagagawan ng krimen.


Sa masusing pagtalakay, binigyang-diin ng hukuman na ang kaso ng tagausig ay halos lubos na nakasalalay sa pagkakakilanlan ng akusado ng nag-iisang saksi, si Elmo. Dahil dito, kinakailangang ang kanyang salaysay ay hindi lamang malinaw kundi kaayon din ng karaniwang karanasan at asal ng tao.


Isinalin at binigyang-diin ng hukuman na kung totoo ngang nandu’n si Elmo at ang kanyang kasama sa oras ng pamamaril, hindi makatuwiran, ayon sa lohika at karanasan ng tao, na basta na lamang sila balewalain ng mga salarin at hayaang makaalis, gayung sila ay malinaw na posibleng mga saksi. 


Dagdag pa rito, ang ulat sa police blotter na isinampa matapos ang insidente ay hindi agad binanggit ang mga pangalan ng mga salarin, isang pangyayaring taliwas sa likas na kilos ng isang taong tunay na nakasaksi sa isang mabigat na krimen.


Ipinaliwanag din ng hukuman na ang kredibilidad ng ebidensya ay hindi lamang sinusukat sa kung sino ang nagbigay nito, kundi kung ang nilalaman nito ay kapani-paniwala batay sa karaniwang karanasan ng sangkatauhan. 


Sa kasong ito, ang mga puwang at hindi pagkakatugma sa salaysay ng nag-iisang saksi ay nagdulot ng makatuwirang pagdududa sa isipan ng hukuman.


Binigyang-diin pa na bagama’t ang alibi ay karaniwang itinuturing na mahinang depensa, ang kahinaang ito ay hindi maaaring magsilbing pamalit sa tungkulin ng tagausig na patunayan ang pagkakasala ng akusado nang may moral na katiyakan. Ang tagausig ay dapat umasa sa lakas ng sarili nitong ebidensya, hindi sa inaakalang kahinaan ng depensa.


Sa huli, nabigo ang tagausig na mapawi ang presumption of innocence na pinanghahawakan ng akusado. Dahil sa kabiguang patunayan ang pagkakasala ni “Pogi” nang lampas sa makatuwirang pagdududa, siya ay pinawalang-sala. 

Ang kaso laban kay “Pekas” ay iniutos na i-archive, at isang Alias Warrant of Arrest ang


inilabas para sa kanyang pagkakadakip.

Sa katahimikan ng hatol, nananatili ang bigat ng dalawang buhay na nawala. Ngunit sa mata ng batas, ang hustisya ay hindi maaaring itindig sa hinala, galit, o salaysay na hindi tumatag sa pagsubok ng katuwiran. Ang hinala, gaano man kabigat ay hindi kailanman kapalit ng patunay.


Sa sistemang pangkatarungang kriminal, hindi sapat na may namatay, kailangang matiyak, nang may moral na katiyakan, kung sino ang may pananagutan. Kapag ang ebidensya ay nabalot ng pagdududa, ang batas ay walang ibang landas kundi ang pairalin ang kalayaan. Sapagkat sa huli, ang katarungan ay hindi nasusukat sa dami ng paratang, kundi sa tibay ng patunay. Malinaw na ang tibay ng patunay ay mahalagang pundasyon ng katarungan – katarungan na siyang idinadaing ng mga nasa hukay at kanilang pinakahihintay.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Feb. 2, 2026



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #382


Ang kasong kriminal na aming ibabahagi sa araw na ito, na merong pamagat na People of the Philippines vs. Arlene Diazon Sapico (Criminal Case No. 3484, July 31, 2024), ay isang nakalulungkot na kuwento ng isang pamilya na binuwag ng krimen, at ang mga balakid sa pagkamit ng biktima ng karampatang hustisya. Sama-sama nating tunghayan ang kuwento na ito.


Isang malagim na krimen ang naganap sa tahanan sa Nasugbu, Batangas nina Joseph at Arlene, bandang ala-1:00 ng hatinggabi noong ika-27 ng Pebrero 2015. 


Batay sa Paratang na inihain sa Regional Trial Court ng Nasugbu, Batangas (RTC Nasugbu, Batangas) para sa krimen na murder, sinalakay at pinagsasaksak ni Arlene ang kanyang kinakasama na si Joseph, nang merong pagtataksil, malinaw na paghahanda, at nang walang makatarungang dahilan. Gamit ang isang kutsilyo, nagtamo ng mga sugat sa leeg at katawan si Joseph na direktang naging sanhi ng kanyang pagpanaw.


Ang unang saksi ng Tagausig na ipinrisinta sa hukuman ng paglilitis ay ang noong Punong Imbestigador ng Nasugbu Municipal Police Station na si SPO3 Jose Elpidio Bruno (SPO3 Bruno). Diumano, iniulat sa kanya ang naturang insidente bandang alas-3:00 ng madaling-araw noong ika-27 Pebrero 2015. Agad umano siyang nagtungo sa pinangyarihan ng insidente at doon ay natagpuan ang wala nang buhay na katawan ni Joseph. Nakita niya rin umano ang anak na lalaki ng akusadong si Arlene, ang mga anak na babae nina Joseph at Arlene, pati ang kanilang mga kasambahay. Diumano, si Arlene ay dinala na sa pagamutan bunsod ng pagtatangka nitong pagpapakamatay. Puno umano ng dugo ang sahig kung saan nakahandusay ang katawan ni Joseph at tadtad ito ng mga saksak.


Sa kanyang pagsisiyasat, natagpuan diumano ni SPO3 Bruno sa katabing silid ang kutsilyo na ginamit sa pananaksak sa biktima. Batay rin umano sa impormasyon mula sa mga nakasaksi, si Arlene ang umuukupa sa nasabing silid. Natutulog diumano si Joseph at ang isa nilang anak sa nasabing silid nang bigla na lamang pagsasaksakin ni Arlene si Joseph, matapos ay nagpunta ito sa kanilang sala at doon ay sinaksak ang kanyang sarili. Humingi umano si SPO3 Bruno ng tulong sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) na nag-imbestiga at nagsagawa ng awtopsiya sa bangkay ng biktima. 


Nagtungo rin umano si SPO3 Bruno sa pagamutan upang kausapin si Arlene. Kinabukasan, kinuha umano niya ang pahayag ng iba pang mga nakasaksi sa insidente.

Sa cross-examination, ipinahayag ni SPO3 Bruno, na nalaman niya ang mga pangyayari, ang tungkol sa kutsilyo na ginamit, at kung sino ang sumalakay kay Joseph mula sa mga impormasyon na ibinigay ng mga kaanak ng nasabing biktima.


Ang ikalawang saksi na pinaupo ng Tagausig sa hukuman ng paglilitis ay si LTCol. Roy Agsunod Camarillo (LTCol. Camarillo), ang Medico-Legal Officer ng Regional Crime Laboratory Office ng Region 4A, na nagsagawa umano ng awtopsiya sa labi ni Joseph, naghanda ng ulat Medico-Legal, at lumagda sa sertipiko ng kamatayan ng nasabing biktima. Diumano, nagtamo ng labing-isang saksak si Joseph at tatlo sa mga ito ay mga mortal na sugat, ngunit hindi masabi ni LTCol. Camarillo kung alin sa mga ito ang una na tinamo ni Joseph. Naniniwala rin si LTCol. Camarillo na iisang kutsilyo lamang ang ginamit sa pananaksak sa biktima.


Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan R.B. Agustin ng PAO-Nasugbu, Batangas District Office, naghain si Arlene ng Demurrer to Evidence. Kanilang iginiit na hindi naitaguyod ng Tagausig ang pagkakasala ni Arlene ng higit pa sa makatuwirang pagdududa. Pagbibigay-diin ng Depensa, hindi sapat ang testimonya ng mga saksi ng Tagausig upang magapi ang pagpapalagay ng kawalan ng kasalanan ni Arlene. Diumano ay malinaw na sariling testimonya ni SPO3 Bruno na wala siyang personal na kaalaman kung sino ang sumalakay at sumaksak sa biktima. Ang mga impormasyon na kanyang nalikom kaugnay sa insidente ay nagmula sa ibang tao at hindi bunga ng personal niyang kaalaman. Kung kaya’t ang testimonya ni SPO3 Bruno ay maituturing bilang hearsay evidence.


Dagdag pa ng Depensa, ang mga tao na pinagmulan ng mga naturang impormasyon ay hindi tumestigo sa paglilitis, magiging paglabag sa karapatan ni Arlene, na ginagarantiyahan sa ilalim ng Section 14 ng Bill of Rights ng ating Saligang Batas, kung ang mga ito ay gagamitin laban sa kanya, partikular na ang makaharap ng akusado ang mga testigo laban sa kanya at masuri ang pinagmulan ng kanilang mga deklarasyon at testimonya.


Gayundin, hindi umano naitaguyod ng testimonya ni LTCol. Camarillo kung sino ang may-akda ng pananaksak sa biktima, sapagkat wala siya nang maganap ang krimen. Bagkus, nakita na lamang niya ang biktima at nasuri ito matapos na maganap ang insidente ng pananaksak.


Sa pagsalungat sa Demurrer to Evidence, ipinaliwanag ng Tagausig na hindi maiprisinta sa paglilitis ang mga taong personal na nakasaksi sa malagim na insidente, sapagkat tumanggi umano ang mga ito. Gayunpaman, meron diumanong sapat na circumstantial evidence na nagtuturo kay Arlene bilang may-akda ng pagkakapaslang kay Joseph tulad ng: (1) agarang pagresponde ni SPO3 Bruno nang maiulat ang insidente; (2) pagkakakumpirma sa pagkakasaksak sa biktima; (3) kutsilyo na natagpuan sa katabing silid kung nasaan ang biktima; (4) pagsasalaysay ng anak nina Arlene at Joseph na tinukoy si Arlene bilang siyang sumaksak kay Joseph pati na ang pagtatangka nito na pagpapakamatay; (5) mga natuklasan mula sa isinagawang awtopsiya sa bangkay ng biktima na tumutugma umano sa pagsasalaysay ng naturang anak nina Arlene at Joseph; at (6) agarang pagsisiyasat o inquest proceedings kaugnay sa reklamong murder laban kay Arlene at ang paghahain sa hukuman ng paratang laban sa kanya.


Sa pagdedesisyon sa kasong ito laban kay Arlene, ipinaalala ng hukuman ng paglilitis ang karapatan ng akusado sa ilalim ng ating Saligang Batas na maipagpalagay na walang sala hanggang sa mapatunayan ito nang higit pa sa makatuwirang pagdududa, o sa pamamagitan ng kabuuang patunay na magpapakita ng pagkakasala ng akusado nang merong moral na katiyakan.


Ipinaalala rin ng hukuman ng paglilitis ang kahalagahan ng pagpapatunay sa bawat elemento ng krimen na murder, na: (1) merong biktima na pinaslang; (2) ang akusado ang pumaslang sa biktima; (3) merong alinman sa mga qualifying circumstances na nakasaad sa Artikulo 248 ng Revised Penal Code; at (4) ang naganap na pamamaslang ay hindi krimen na parricide o infanticide.


Para sa RTC Nasugbu, Batangas, malinaw na naitaguyod ng Tagausig na pinaslang si Joseph, subalit walang direktang ebidensya na nagpapatunay kung sino ang may-akda sa nasabing pamamaslang, sapagkat ang pangunahing saksi, maging ang iba pang mga personal na nakasaksi sa insidente, ay hindi tumestigo.


Bagaman hindi umano lahat ng paghahatol ay ibinabatay sa direktang ebidensya at maaaring ibatay sa circumstantial evidence, mahalaga na mapatunayan ang mga sumusunod: (1) merong higit sa isang sirkumstansya na ipinrisinta; (2) napatunayan ang mga impormasyon kung saan nagmula ang mga naturang sirkumstansya; at (3) ang kombinasyon ng mga sirkumstansya na ipinrisinta ay nagpapakita ng pagkakasala ng akusado nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.


Kaugnay nito, ipinaalala ng hukuman ng paglilitis ang tuntunin sa ilalim ng 2019 Amended Rules of Court kaugnay sa testimonial evidence, partikular na ang Sections 22

at 37 ng Rule 130:


“Section 22. Testimony confined to personal knowledge. A witness can testify only to those facts which he or she knows of his or her personal knowledge; that is, which are derived from his or her own perception. 


Section 37. Hearsay. Hearsay is a statement other than one made by the declarant while testifying at a trial or hearing, offered to prove the truth of the facts asserted therein. A statement is (1) an oral or written assertion or (2) a non-verbal conduct of a person, if it is intended by him or her as an assertion. Hearsay evidence is inadmissible except as otherwise provided in these Rules.”


Naging kapuna-puna sa RTC Nasugbu, Batangas na wala si SPO3 Bruno noong maganap ang pananalakay at pananaksak kay Joseph at na wala rin siyang personal na kaalaman ukol sa mga naganap sa naturang insidente. Kung kaya’t ang kanyang testimonya ay maituturing na sabi-sabi o hearsay lamang at walang legal na halaga.

Binigyang-diin ng hukuman ng paglilitis na maliban sa pagpapatunay sa mga elemento ng krimen, mahalaga rin ang pagpapatunay na ang akusado ang may-akda ng krimen na ipinaparatang laban sa kanya.


Sa pagsasaalang-alang ng lahat ng mga ito, at matapos ang maingat na pagsusuri sa mga ebidensya, hindi nakumbinsi ang hukuman ng paglilitis na napatunayan ng Tagausig na si Arlene ang may-akda ng pamamaslang kay Joseph. Kung kaya’t minarapat ng RTC Nasugbu, Batangas na ipagkaloob ang Demurrer to Evidence na inihain ng Depensa at maibasura ang Paratang kay Arlene sa krimen na Murder. Ipinag-utos din ng hukuman ng paglilitis ang agaran na pagpapalaya kay Arlene, maliban na lamang kung meron pang ibang makatarungan na dahilan upang siya ay manatili sa piitan.


Ang nabanggit na Kautusan, na ipinroklama noong ika-31 ng Hulyo 2024, ay hindi na kinwestyon pa sa pamamagitan ng petition for review on certiorari.

Sa kuwento na ito, tila masasabi na parehong panig ang maituturing na talo. Para sa biktima na si Joseph, hindi natuldukan ang kanyang pagpanaw ng karampatang katarungan, sapagkat ang pagkakakilanlan sa may-akda ay hindi angkop na napatunayan. Dahil dito, ang parusa na nararapat para sa walang-awang pumaslang sa kanya ay hanggang ngayon hindi pa rin napagbabayad.


Para naman kay Arlene, bagaman siya ay pinawalang-sala, ang buhay ng kanyang kinasama, na ama rin ng kanyang mga anak ay kailanman hindi na maibabalik pa. Hindi na niya magiging katuwang si Joseph sa pagpapalaki at pag-aaruga sa kanilang mga anak. Maging ang kanilang noon ay mga pangarap, hindi na nila sabay na maisasakatuparan sa hinaharap.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page