top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Nov. 30, 2025



ISSUE #375



Alam ng iba sa atin, batay man sa sariling karanasan o sa mga kuwentong naririnig at napapanood—ang matinding sakit ng pagkawala ng magulang, ang kirot na dulot ng pagpanaw ng asawa, at ang hindi masukat na hapdi kapag anak ang nauna.


Subalit kadalasan, hindi nabibigyang-diin ang bigat ng dalamhati kapag kapatid ang nawawala. Marahil dahil mas inuuna nating tingnan ang ugnayan sa magulang, anak, o asawa. Gayunman, hindi maitatanggi na masakit din ang pagkawala ng kapatid, lalo na kung lumaki ang magkakapatid nang may pagmamahal, paggalang, at pagkakapit-bisig hanggang pagtanda.Si Nora ay nawalan ng kapatid na si Emil.


Malalim ang paniniwala ni Nora na marahas na kinitil ang buhay ni Emil at pinagnakawan din nina James, Roniel, Willy at AAA.


Ang kanilang kuwento na aming ibabahagi sa araw na ito ay hango sa kasong kriminal na merong pamagat na People of the Philippines vs. James Ian Fernandez y Feliciano, Roniel Traya y Anasco, Willy Saludes y Espiritu and AAA (Criminal Case No. 2020-203 for Murder, and Criminal Case No. 2021-73 for Carnapping, October 7, 2024).Sama-sama nating tunghayan at alamin ang mga naganap sa pagkakatuklas sa nakapanlulumong sinapit ni Emil, at kapulutan nawa ng aral ang kasong ito.


Dalawang kasong kriminal ang kinaharap nina James, Roniel, Willy, kabilang na rin ang noon ay 15-anyos na tawagin na lamang nating si “AAA.”


Paratang para sa krimen na murder ang inihain laban sa kanila noong ika-3 ng Nobyembre 2020, sa Regional Trial Court ng Camiling, Tarlac (RTC Camiling), na kung saan sila ay inakusahan na nagsabwatan, nag-ugnayan at nagtulungan, nang merong malinaw na paghahanda, kaliluhan, at paggamit ng kanilang higit na lakas upang makailang ulit na saksakin ang biktima na si Emil. Naganap ang naturang pananaksak noong ika-29 ng Oktubre 2020 sa probinsya ng Tarlac, na kung saan ang mga sugat na tinamo ni Emil ang naging sanhi ng kanyang kamatayan.


Nang basahan ng pagsasakdal sina James, Roniel at Willy, pagsamo ng kawalan ng kasalanan ang kanilang inihain sa hukuman, habang si AAA ay itinuring bilang child in conflict with the law, sapagkat wala pa siya sa hustong gulang nang maganap ang krimen, at hindi na dinala sa hukuman para sa pagbabasa sa inihaing sakdal. Sa halip, siya ay dinala at nanatili sa kustodiya ng Regional Rehabilitation Center for Youth (RRCY).


Samantala, naihain ng paratang para sa krimen na Carnapping laban sa apat na nabanggit na akusado noong ika-28 ng Enero 2021. Diumano, sila pati na ang isang nagngangalang Jay-Jay ay nagsabwatan, nag-ugnayan at nagtulungan, nang merong karahasan at pananakot, upang kunin, nakawin at dalhin ang sasakyan ni Emil nang labag sa kalooban ng biktima.


Subalit, pagsamo ng kawalan ng kasalanan din ang kanilang inihain sa hukuman ng paglilitis.Pinagsamang paglilitis ang isinagawa ng RTC Camiling sa dalawang nabanggit na kaso.Batay sa testimonya ni Nora, na tumayo bilang saksi ng panig ng tagausig, magkasama na nakatira sa iisang bahay sa Tarlac sina Emil at ang akusadong si Roniel, bagaman siya ay naninirahan sa parehong barangay at labinlima hanggang dalawampung metro lamang ang layo ng kanyang tirahan.


Si Emil ay isa umanong diborsyado at tumatanggap ng pensyon mula sa Amerika. Diumano, bandang alas-11:30 ng gabi, noong ika-29 ng Oktubre 2020, narinig ni Nora na nakikipag-inuman si Emil kina Roniel, Willy, AAA at isang hindi-napangalanang babae. Wala pa umano si James noong mga oras na iyon. Narinig din niya umano na sinabi ni Roniel ang mga salitang, “Kahit sumama ka pa.” Matapos nito ay isinara ni Nora ang bintana at hinayaan ang mga nabanggit sa kanilang inuman.


Diumano, bandang alas-7:00 ng umaga, ipinaalam kay Nora ng kanyang bayaw na nagpunta roon si Willy at kinuha ang pulang sapatos. Hindi umano ito binigyang-pansin ni Nora. Bandang ala-1:00 ng tanghali, noong ika-31 ng Oktubre 2020, ipinaalam sa kanya ng kanyang mga kapitbahay na sina Cris at Marilou na dalawang araw na umano nawawala si Emil.


Nagtaka umano si Nora, kaya noong ika-2 ng Nobyembre 2020, nagpasama umano si Nora kina Cris at Ryan sa bahay ng nobya ni Roniel upang tanungin ang kinaroroonan ni Emil, pero wala siyang nakuha na impormasyon, dahilan upang magsadya siya sa himpilan ng pulis upang ipatala ang pagkawala ng kanyang kapatid. Doon, napag-alaman ni Nora na merong natagpuang bangkay sa isang barangay sa Camiling, Tarlac.


At nakumpirma niya, mula sa mga larawan na ipinakita ng pulis, na bangkay ito ni Emil dahil umano sa tattoo sa kanang binti, at haba at kulay ng buhok. Marami umanong saksak sa katawan ang biktima.Naaresto ang apat na akusado sa bisa umano ng mainit na pagtugis ng mga pulis. Ipinagbigay-alam din umano ng mga pulis kay Nora na, batay sa anak ni Marilou, dinala ng mga akusado ang biktima sa loob ng sasakyan. Natagpuan umano ng mga pulis ang sasakyan ni Emil malapit sa isang sapa.


Napag-alaman din umano ni Nora na nawawala ang mga alahas ni Emil. Bagaman alam umano ni Nora na meron alitan sa pagitan nina Emil at Roniel, hindi niya umano alam ang dahilan, sapagkat sinabihan siya ni Emil na huwag nang makialam pa.


Sa obserbasyon ni PMAJ Villaruel, na nagsagawa ng autopsy sa bangkay ni Emil, naaagnas na ang katawan ng biktima, namamaga na ang tiyan at sira na ang hugis ng mukha nito. Meron din umanong mabahong amoy na likido na lumalabas sa bibig at ilong ng biktima.


Maaari umanong may 48 hanggang 72 oras nang pumanaw ang biktima, at 46 na saksak ang tinamo umano nito sa iba’t ibang bahagi ng katawan, na nagmula sa iisang sandata. Ang malubhang sugat ay ang saksak sa tiyan.Sa tulong at representasyon ng noon ay Manananggol Pambayan na si G.C. Briones, na ipinagpatuloy ni Manananggol Pambayan L.F. Catay Jr. mula sa PAO–Camiling, Tarlac District Office, pormal na naghain ang mga akusado ng Demurrer to Evidence.


Iginiit ng depensa na hindi napawalang-bisa ng tagausig ang pagpapalagay ng kawalan ng kasalanan ng mga akusado, sapagkat hindi naman nasaksihan ng opisyal na nagsagawa ng autopsy ang mismong krimen. Maging ang saksi ng tagausig ay walang sapat na kaalaman ukol sa mga pangyayari na may kaugnayan sa mga ibinibintang na krimen.Hindi nakapaghain ng kaukulang komento ang panig ng tagausig sa loob ng itinakdang panahon ng hukuman.


Nagbaba ng Consolidated Resolution ang RTC Camiling. Una, ipinaliwanag ng hukuman na ang legal na remedyo na Demurrer to Evidence ay nangangahulugan ng pagtutol ng isang partido dahil sa kakulangan ng ebidensya ng kabilang partido sa punto ng batas—maging totoo man o hindi upang makabuo ng kaso o maipagpatuloy ang legal na usapin.


Hinahamon ng naghain na partido, kung sapat ang kabuuang katibayan ng kabilang panig upang mapanatili ang hatol.Bilang gabay, sinipi ng hukuman ang bahagi ng desisyon ng Korte Suprema sa People vs. Go (G.R. No. 191015, August 6, 2014):



“Sufficient evidence for purposes of frustrating a demurrer thereto is such evidence in character, weight or amount as will legally justify the judicial or official action demanded according to the circumstances. To be considered sufficient therefore, the evidence must prove: (a) the commission of the crime, and (b) the precise degree of participation therein by the accused.”


Ipinunto rin ng hukuman na ang pangunahing responsibilidad ng tagausig ay hindi lamang patunayan na naganap ang krimen, kundi itaguyod ang pagkakakilanlan ng gumawa nito.


Binanggit pa ng RTC Camiling na ginagarantiyahan ng Saligang Batas ang pagpapalagay ng kawalan ng kasalanan ng bawat akusado, hanggang sa mapatunayan ng tagausig ang kanilang pagkakasala nang may moral na katiyakan gamit ang ebidensya na lampas sa makatuwirang pagdududa.


Matapos ang masusing pagsusuri sa ebidensya at hamon ng depensa, hindi nakumbinsi ang hukuman na napawalang-bisa ng tagausig ang presumption of innocence ng mga akusado.


Para sa hukuman, maituturing na hearsay ang ebidensya ng tagausig, sapagkat si Nora ay walang sapat na kaalaman ukol sa aktuwal na pamamaslang at pagnanakaw ng sasakyan.


Naging kapuna-puna rin na circumstantial evidence lamang ang basehan ng tagausig. Ipinaalala ng hukuman na kailangan ng: (1) higit sa isang sirkumstansya; (2) napatunayang pinagmulan ng mga sirkumstansya; at (3) kombinasyong patunay ng pagkakasala lagpas sa makatwirang pagdududa.


Nabigo ang tagausig sa tatlong ito. Higit pa rito, salungat ang testimonya ni Nora: sa Direct Testimony ay sinabi niyang hindi kasama si James, pero sa cross-examination ay sinabi niyang si Roniel lamang ang kasama at hindi niya nakita sina Willy at Jay-Jay.


Para sa hukuman, hindi napatunayan na ang mga akusado ang huling kasama ni Emil hanggang matagpuan ang bangkay at nawawalang sasakyan. Mahaba umano ang oras na lumipas mula sa huling pagkakita sa kanila hanggang sa pagkakatuklas sa bangkay, kaya hindi makatuwirang magpasya na sila ang salarin.


Dahil dito, ipinagkaloob ng RTC Camiling ang Demurrer to Evidence nina James, Roniel at Willy sa kasong murder. Iniutos din ang pagpupulong ng Diversion Committee para kay AAA, sapagkat hindi siya nabasahan ng sakdal at nandu’n lamang sa RRCY nang walang isinagawang diversion proceedings, kahit kuwalipikado naman siya.


Ipinagkaloob din ang Demurrer to Evidence nina James, Roniel, Willy at AAA para sa kasong Carnapping dahil sa kakulangan ng ebidensya.


Ang pinagsamang resolusyon ng RTC Camiling ay ipinroklama noong ika-7 ng Oktubre 2024, hindi na inapela o kinuwestyon pa, kaya ito ay naging final and executory.


Marahil ang lungkot at pighati na naramdaman ni Nora noong mabalitaan ang pagpanaw ni Emil ay dumoble, o humigit pa, nang malaman niyang napawalang-sala ang mga pinaniniwalaan niyang may-akda sa pamamaslang sa kanyang kapatid at pagnanakaw ng sasakyan nito. Nawa’y sa bawat pag-uusig ay sapat ang ebidensyang magpapatunay hindi lamang sa mga elemento ng krimen kundi pati na ang pagkakakilanlan ng mga salarin upang ganap na mapagbayaran ang kanilang kasalanan.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Nov. 23, 2025



ISSUE #374



Napakalaki at napakahalaga ng papel ng mga pahayag na ebidensya o testimonial evidence, sapagkat nagiging daan ito sa paghahatid ng hustisya lalo na para sa mga partido na walang naiprisintang object evidence o anumang dokumentong inilatag bilang ebidensya. 


Gayunman, kailangan pa ring mabusisi ng hukuman ang mga pahayag na ebidensya, sapagkat hindi naman lingid sa ating kaalaman, ang sinuman na tumetestigo ay maaaring gumawa na lamang ng kasinungalingan para sa kanilang sariling interes o kapakanan. 


Kaugnay nito, meron din tayong mga alituntuning sinusunod sa ilalim ng ating batas, partikular na sa ating Rules on Evidence, upang masiguro na ang bawat uri ng ebidensya ay legal na katanggap-tanggap at hindi nababahiran ng pagbaluktot sa katotohanan o ano pa mang pagpapanggap.


Ang kuwento na aming ibabahagi sa araw na ito, hango sa kasong kriminal na merong pamagat na People of the Philippines vs. Edrian Esteban y Jose et al. (Crim. Case No. 16-90, February 15, 2024), ay tungkol sa sinapit ng isang matandang biktima na tawagin natin sa pangalang Mang Hilario; na tanging berbal na deklarasyon lamang ang naiwan niya sa kanyang anak, ilang minuto bago siya tuluyang bawian ng buhay. 


Sama-sama nating alamin kung ano ang mga naging kaganapan sa kasong ito at kung nakamit ba ni Mang Hilario ang hustisya.


Paratang para sa kasong murder ang inihain sa Regional Trial Court ng Camiling, Tarlac (RTC Camiling) noong ika-29 ng Enero 2016 laban kina Edrian, Jonie, Melchor, Ronald at isang John Doe na merong layunin na kumitil ng buhay, kumilos at nagsabwatan nang magkakasama at merong pagsasamantala sa kanilang higit na lakas, at pinaggugulpi si Mang Hilario, na hindi naipagtanggol ang kanyang sarili. Nagtamo ng mga pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima at kalaunan ay binawian ng buhay. 


Naganap ang insidente ng panggugulpi sa isang barangay sa Camiling, Tarlac, alas-11:40 ng umaaga, noong ika-8 ng Nobyembre 2015. 


Ang pribado na nagreklamo at tumayo bilang isa sa mga saksi ng tagausig ay ang anak ni Mang Hilario na si Skyppy.


Noong ika-14 ng Oktubre 2020, nagpalabas ng kautusan ang RTC Camiling na ibinabasura ang reklamo laban kina Melchor at Ronald, bunsod ng Affidavit of Desistance na inihain ni Skyppy noong ika-13 ng Oktubre 2020, at na ipinaaresto sina Edrian at Jonie.


Ika-1 ng Abril 2023 nang madakip si Edrian. Ika-1 ng Hunyo 2023, siya ay binasahan ng pagsasakdal, na kung saan ay kawalan ng kasalanan ang kanyang naging pagsamo sa hukuman ng paglilitis.


Ipinrisinta ng tagausig sa hukuman ng paglilitis ang testimonya ni Skyppy at isa pang saksi na nagngangalang Bernardo. Subalit, walang inialok ang tagausig na dokumentaryong ebidensya na sumuporta sa testimonya ng mga nasabing saksi.

Para naman sa depensa, tanging si Edrian lamang ang tumayo na tumestigo para sa kanyang sarili. Gayundin, walang isinumite na dokumentaryong ebidensya ang depensa.


Batay sa bersyon ng tagausig, si Skyppy ang nagsugod kay Mang Hilario sa Panlalawigan na Pagamutan ng Tarlac. Bandang alas-9:00 ng gabi, noong ika-9 ng Nobyembre 2015, habang inaasikaso niya ang kanyang ama, sinabi umano ni Mang Hilario sa kanya na siya ay pinalo ng tubo ni Jonie, habang siya’y hawak nina Melchor, Ronald at isang alyas “Puroy.” Paulit-ulit din umano siyang pinagsusuntok ng mga ito. 

Pumanaw si Mang Hilario, may 30 minuto matapos niyang maipahayag kay Skyppy ang naturang deklarasyon.


Sa kanyang cross-examination, nilinaw ni Skyppy na nagulpi ang kanyang ama, bandang tanghali noong ika-8 ng Nobyembre 2015, at nadala sa pagamutan ng ika-9 ng Nobyembre 2015. Kanya ring nilinaw na sinabi sa kanya ng kanyang ama na pinalo ito ng tubo at na magkakasama ang mga akusado sa pambubugbog na naganap sa compound nina Trining at Jonie. Diumano, si Skyppy lamang ang nakarinig sa deklarasyon ng kanyang ama sa pagamutan. 


Sa kanyang re-cross, pinanindigan ni Skyppy ang kanyang mga ipinahayag noong siya ay ma-cross examine.


Batay naman sa testimonya ni Bernardo, humiling diumano sa kanya ang isang nagngangalang Cecilia, na siya’y pumunta sa Mababang Paaralan, noong ika-10 ng Nobyembre 2015. Doon, ipinatawag ang isang mag-aaral na nagngangalang Alniño. Sinabi umano sa kanya ni Alniño na ang tiyuhin nito na si Jonie ang gumulpi sa isang matanda na kalaunan ay kinilala bilang si Mang Hilario. Napag-alaman umano ni Bernardo na pumanaw si Mang Hilario noong ika-9 ng Nobyembre 2015.


Sa cross-examination kay Bernardo, kanyang nilinaw na hindi niya nasaksihan ang insidente ng panggugulpi, na siya na ang nagbigay ng apelyido ni Jonie matapos mabanggit sa kanya ni Alniño ang panggugulpi sa biktima, at na si Jonie lamang ang napangalanang gumulpi sa biktima.


Sa tulong at representasyon naman ni Manananggol Pambayan L. F. Catay Jr. mula sa PAO–Camiling, Tarlac District Office, na ipinagpatuloy nang noo’y Manananggol Pambayan na si G. C. Briones mula sa parehong distrito, mariin ang pagtanggi ng depensa ni Edrian. Kanyang iginiit na siya ay nagtatrabaho sa isang construction site sa Angeles, Pampanga noong araw ng insidente ng panggugulpi. Dalawang taon na umano siyang namamasukan bilang construction worker at doon na rin siya naninirahan kasama ang kanyang asawa. Kilala niya umano si Mang Hilario dahil sila ay mula sa iisang barangay sa Camiling, Tarlac, at dahil ito ay kolektor ng Small Town Lottery. Hindi umano niya maalala kung kailan namatay si Mang Hilario, subalit mariin niyang itinanggi na meron silang personal na alitan ni Mang Hilario, maging ng anak nito, bago naganap ang insidente ng panggugulpi sa matanda.

Sa paglilitis ng kasong ito, iniangkla ang pag-uusig laban kay Edrian sa naging dying declaration o huling deklarasyon ni Mang Hilario bago siya binawian ng buhay. Sa pagdedesisyon sa kasong ito, mabusising isinaalang-alang ng hukuman ng paglilitis kung maituturing ang naturang deklarasyon na nabubukod sa tuntunin ng hearsay evidence, sapagkat ang hearsay evidence ay hindi maaaring tanggapin na ebidensya, maliban na lamang kung nabibilang ito sa mga pinahihintulutan ng ating Rules on Evidence.


Paglilinaw ng RTC Camiling, ang dying declaration ng isang tao ay maaari lamang tanggapin ng hukuman bilang ebidensya na nabubukod sa alituntunin kaugnay sa hearsay evidence kung ito ay ginawa ng nasabing tao sa ilalim ng ganap na kamalayan ng kanyang napipintong kamatayan na siyang paksa ng pagsisiyasat sa kaso. Binibigyan ng lubos na pananalig ang ganitong uri ng pahayag na ebidensya,  sapagkat walang tao na nakakaalam ng kanyang nalalapit na kamatayan ang kikilos nang pabaya at magpapahayag ng maling paratang. 


Kaugnay nito, ipinaalala ng hukuman ng paglilitis na upang tanggapin bilang balidong ebidensya ang isang dying declaration ay kinakailangan na maitaguyod ang mga sumusunod na sirkumstansya: 


Una, ito ay merong kinalaman sa sanhi ng pagkamatay ng nagdeklara at sa nakapaligid na mga pangyayari ukol dito; 


Ikalawa, ito ay ginawa nang ang kamatayan ay tila nalalapit na at ang nagdeklara ay nasa ilalim ng kamalayan ng naturang nalalapit na kamatayan;


Ikatlo, ang nagdeklara ay merong kakayahang tumestigo kung siya ay nakaligtas sa naturang kamatayan; 


At ikaapat, ang naturang deklarasyon ay iniaalok sa isang kaso kung saan ang paksa ng pagsisiyasat ay ukol sa pagkamatay ng nagdeklara.


Sa kaso laban kay Edrian, naging kapuna-puna sa RTC Camiling na bagaman naitaguyod ng tagausig ang una, ikatlo at ikaapat na sirkumstansya ng isang balidong dying declaration, hindi naman sapat na naitaguyod ng tagausig ang ikalawang sirkumstansya. 


Binigyang-diin ng hukuman ng paglilitis na, sa pagtataguyod ng nasabing sirkumstansya, dapat maipakita na merong matibay na paniniwala ang taong nagdeklara na napipinto na ang kaniyang kamatayan, na ipinaubaya na niya ang lahat ng pag-asa ng kaligtasan, at na tiningnan niya ang kamatayan bilang tiyak na nalalapit. 


Para sa hukuman ng paglilitis, nagkulang ang ebidensya ng tagausig sa pagtataguyod na merong kamalayan si Mang Hilario sa napipinto niyang kamatayan nang ihayag niya kay Skyppy ang diumano’y nangyaring panggugulpi sa kanya. Hindi rin nagprisinta ng ebidensya ang tagausig na nagpakita na nabatid ni Mang Hilario ang kalubhaan ng kanyang kalagayan, o kahit testimonya man lamang na nagpakita ng kanyang kasalukuyang kalagayan ng kalusugan noong siya ay nasa pagamutan. Dahil dito, hindi tinanggap ng RTC Camiling ang ipinagpalagay na dying declaration ni Mang Hilario.


Sa pagsusuri rin ng RTC Camiling, tanggapin man ang sinasabing dying declaration, hindi pa rin partikular na nabanggit o kinilala roon si Edrian bilang isa sa mga gumulpi sa biktima, maging ang kanyang partisipasyon sa insidente. 

Sa pagsusuri ng hukuman ng paglilitis sa testimonya ni Skyppy, tanging nabanggit lamang ang pagkakakilanlan nina Jonie, Melchor, Ronald at alyas Puroy, at ang kanilang partisipasyon sa panggugulpi sa biktima. 

Si Edrian ay hindi kabilang sa mga pinangalanan ng saksi ng tagausig. Masinsinang pagpapaalala ng hukuman ng paglilitis, na kaakibat ng pagpapatunay nang higit pa sa makatuwirang pagdududa na naganap ang isang krimen ay ang pagpapatunay sa pagkakakilanlan ng salarin. 


Dagdag na pagpapaalala ng hukuman ng paglilitis na saligan at panimula sa ilalim ng ating batas na hindi maaaring mahatulan ng pagkakasala ang isang akusado hanggang at maliban na lamang kung siya ay positibo na kinilala bilang salarin sa krimen. 


Ang pagpapalagay ng kanyang kasalanan ay dapat na likas na dumadaloy mula sa mga katotohanang napatunayan at na naaayon sa lahat ng mga ito.


Sapagkat hindi napatunayan ng tagausig, nang lampas sa makatuwirang pagdududa, na kabilang si Edrian sa mga gumulpi kay Mang Hilario, o na tumulong siya sa mga bumugbog dito, ay minarapat ng RTC Camiling na igawad sa kanya ang hatol ng pagpapawalang-sala. 


Inulit din ng hukuman ng paglilitis ang kautusan ukol sa pag-aresto kay Jonie at na i-archive ang kaso, na muling bubuhayin sa oras na maaresto si Jonie. 

Ang desisyon na ito ng RTC Camiling, na ibinaba noong ika-15 ng Pebrero 2024, ay hindi na inapela o kinuwestyon pa ng Office of the Solicitor General o ng pribadong nagrereklamo.


Bagaman hindi pa nakakamit ng kaluluwa ni Mang Hilario ang hustisya kaugnay sa malupit na dinanas niya sa mga kamay ng mga taong walang-awang gumulpi sa kanya at nagdala sa kanyang huling hantungan, masasabi na hindi pa tapos ang kanyang laban. Nawa ay hindi magtagal at dumating na ang pagkakataon na maaresto si Jonie, gayundin ang iba pang indibidwal na merong kinalaman sa naganap na krimen, at sa paglilitis sa kanila sa hukuman ay maitaguyod ang kanilang kasalanan. Marahil iyon ang pag-asa upang makamit pa rin ni Mang Hilario at ng kanyang mga naulila ang kanilang inaasam na hustisya.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Nov. 16, 2025



ISSUE #373



Noong gabi ng Nobyembre 28, 2020, sa tahimik na Purok Mahayag, Brgy. Upo, Maitum, Sarangani, nabasag ang katahimikan ng mga residente nang matagpuang duguan at malamig na bangkay si Dominic matapos siyang barilin. 


Ayon sa mga ulat, binaril umano ang biktima ng hindi nakilalang salarin. Ngunit sa pag-usad ng imbestigasyon, lumitaw ang pangalan ng dalawang taong malapit sa kanya — si alyas “Joker” at si ka-Vina, isang babaeng matagal nang nakasama ni Dominic sa iisang bubong.


Kaugnay sa nabanggit, ang tanong ng bayan — sa pagitan ng pag-ibig at paninibugho, sino nga ba ang tapat at sino ang traydor?


Sa kasong People of the Philippines v. Moyong and Moda (Crim. Case No. 002235-21), Regional Trial Court, Branch 50, Alabel, Sarangani, sa panulat ni Hon. Judge Catherine A. Velasco-Supeda noong 29 Hunyo 2023, sinuri ng hukuman kung sapat ang ebidensya ng tagausig upang patunayan ang pagkakasala nina Joker at ka-Vina sa kasong murder.


Ayon sa Impormasyon na isinampa noong Pebrero 2021, bandang alas-10:00 ng gabi ng Nobyembre 28, 2020, sa Purok Mahayag, Brgy. Upo, Maitum, Sarangani, diumano ay magkasabwat sina Joker at ka-Vina sa pagpatay kay Dominic sa pamamagitan ng pamamaril, na may intensyong pumatay at sa paraang may pagtataksil (treachery) at malisyosong pagsasabwatan (conspiracy).


Sa isinampang kasong murder, kapwa itinuro ng tagausig sina Joker at ka-Vina bilang mga responsable sa pagkamatay ni Dominic. 


Gayunman, dahil nananatiling at large si Joker, tanging si ka-Vina ang humarap sa paglilitis upang harapin ang mabigat na paratang ng pakikipagsabwatan sa pagpatay.

Itinampok din sa record ng kaso na si ka-Vina ay kinakasama o live-in partner ni Dominic sa loob ng ilang taon, ngunit kalaunan ay nagkaroon umano ng ugnayang labas sa relasyon kay Joker. 


Hinggil dito, ito diumano ang naging mitsa ng alitan na humantong sa trahedya.

Sa paglilitis, inihain ng tagausig ang tanging testigo na si Richard, kapitbahay at diumano’y nakakita ng insidente. 


Ayon sa kanya, nakita niyang magkasama sina ka-Vina at Joker bago at matapos ang pamamaril. Ngunit malinaw sa kanyang salaysay na si Joker mismo ang bumaril sa biktima, habang si ka-Vina ay nasa tabi lamang.


Walang napatunayang kilos, pahayag, o anumang ugnayan na magpapakita na merong sabwatan o kasunduang pumatay sa pagitan nina Joker at ka-Vina.


Sa pagsusuri ng depensa na lumitaw noong cross-examination, lumabas din na may mga hindi pagkakatugma sa mga detalye ng nasabing testimonya — mga pagbabago sa pagkakalarawan ng pangyayari at sa posisyon ng mga taong sangkot, na nagdulot ng pagdududa sa katotohanan ng salaysay.


Dahil dito, matapos maisara ng tagausig ang kanilang panig, naghain ang akusadong si ka-Vina, sa tulong ng Public Attorney’s Office, sa pamamagitan ni Atty. Karl Benjamin R. Fajardo, ng Demurrer to Evidence alinsunod sa Section 23, Rule 119 ng Rules on Criminal Procedure.


Ipinunto ng depensa na ang tanging testigo ng tagausig ay hindi kapani-paniwala, at walang sapat na ebidensya upang patunayan ang pagkakasala o ang ugnayan ni ka-Vina sa krimen.


Matapos ang paglilitis, sinuri ng hukuman ang lahat ng ebidensya. Sa huli, pinawalang-sala si ka-Vina. Pinag-aralan ng hukuman ang kabuuang ebidensya ng tagausig at napag-alamang nabigo itong patunayan ang conspiracy na siyang buod ng akusasyon. 

Ang simpleng presensya ni ka-Vina sa lugar ng krimen ay hindi sapat upang ipalagay na siya ay kasabwat ni Joker o may iisang layuning pumatay.


Wala ring matibay na ebidensyang nagpapakita ng qualifying circumstances gaya ng treachery o evident premeditation upang maitaguyod ang murder. Dahil dito, hindi rin napatunayan nang lampas sa makatuwirang pagdududa ang mismong elemento ng nasabing krimen.


Tulad ng pinagtibay sa People v. Tumambing (659 Phil. 544 [2011], sa panulat ni Mahistrado Antonio M. Abad), “The successful prosecution of a criminal case rests heavily on the clear identification of the offender.”


Sa kasong ito, ang pagkakakilanlan ay nababalot ng alinlangan. Binigyang-diin ng hukuman ang prinsipyo sa Article III, Section 14(2) ng 1987 Konstitusyon: 

“In all criminal prosecutions, the accused shall be presumed innocent until the contrary is proved.”


At dahil nabigo ang estado na patunayan ang kasalanan nang lampas sa makatuwirang pagdududa, pinili ng hukuman ang landas ng katarungan — ang pagpapawalang-sala.

Ang kasong ito ay isa na namang paalala na ang hustisya ay hindi nasusukat sa sigaw ng paghihiganti o sa tsismis ng paligid, kundi sa bigat ng katibayan sa mata ng batas. Sa gitna ng pag-ibig at paninibugho, nanaig ang katotohanang walang dapat mabilanggo kung ang batayan ay duda. 


Habang nakalaya si ka-Vina mula sa bigat ng paratang, nananatili namang nakabukas ang kaso “without prejudice” sa pag-aresto at paglilitis kay Joker, na hanggang ngayon ay patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad.


At sa katahimikan ng gabi sa Purok Mahayag, tila maririnig pa rin ang daing mula sa hukay — isang paalala na sa bawat paglaya ng walang sala, may nanatiling sugat na naghihintay ng hustisyang ganap. Ang hustisyang ganap ang katarungang hanap.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page