top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | April 20, 2026



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #391



Sa tahimik na gabi lalo na sa mga baryong ang ilaw ay nagmumula lamang sa iilang bombilya at ang katahimikan ay paminsan-minsang nababasag ng tahol ng aso—may mga pangyayaring biglang sumasabog sa dilim. Mga putok ng baril, mga sigaw, at sa isang iglap, isang buhay ay maaaring mawala.


Kapag may nasawi, mabilis ang daloy ng mga katanungan, “Sino ang bumaril?,” “Sino ang may sala?,” at “Sino ang dapat managot?”


Ngunit sa mata ng batas, ang katotohanan ay hindi basta-basta hinuhugot sa hinala. Ito ay kailangang patunayan nang lampas sa makatuwirang pagdududa, sapagkat sa ating sistemang pangkatarungan, nananatiling matibay ang isang prinsipyo: ang presumption of innocence, o ang panuntunang ang isang akusado ay itinuturing na walang sala hangga’t hindi napapatunayan ang kanyang pagkakasala sa paraang walang puwang sa pagdududa.


Batay sa kasong People of the Philippines v. Torres, et. al., Criminal Case No. 21552, na dininig ng Regional Trial Court, Branch 44, Masbate City, sa panulat ni Honorable Presiding Judge Mary Flor D. Tabigue-Logarta, sinuri ng hukuman kung sapat ba ang ebidensya upang hatulan ang mga akusado sa kasong murder o pamamaslang sa ilalim ng Artikulo 248 ng Revised Penal Code.


Bilang pagbabahagi, ayon sa impormasyon na inihain ng tagausig, noong ika-22 ng Mayo 2021, bandang alas-10:30 ng gabi, sa Barangay Cabangcalan, Aroroy, Masbate, ang mga akusado diumano ay nagsabwatan at nagtulungan upang patayin si alyas “Eddie.” 


Ayon sa paratang, siya ay pinagbabaril nang ilang ulit gamit ang baril na nagdulot ng

kanyang agarang kamatayan.


Sa pag-usad ng kaso, dalawa sa mga akusado na sina alyas “Orly” at “Erwin” ang nadakip at naharap sa paglilitis, habang si “Gilmar,” ay nanatiling at large.

Sa paglilitis, iniharap ng tagausig ang kanilang pangunahing saksi na si alyas “Nestor,” na sinasabing eyewitness sa insidente.


Ayon sa kanyang unang salaysay, magkasama umano sila ng biktima nang makita nila ang mga akusado. Ikinuwento niyang si Orly ang nagtulak sa biktima, at nang ito’y bumagsak, agad itong pinaputukan nina Erwin at Gilmar gamit ang baril.


Ngunit nang siya ay tumestigo sa hukuman, nagbago ang kanyang salaysay.

Sa isang pagkakataon, sinabi niyang si Gilmar lamang ang may dalang baril. Sa ibang bahagi naman, sinabi niyang si Erwin ang bumaril. May pagkakataon ding sinabi niyang hindi niya nakita ang aktuwal na pamamaril dahil siya ay tumakbo sa takot.


Hindi rin nagtugma ang kanyang mga pahayag kung ilan ang putok ng baril, kung sino ang bumaril, at kung nakita nito mismo ang insidente.


Dagdag pa rito, ayon sa police investigator na si Sir Tubo, sinabi umano ni Nestor na 9mm na baril ang ginamit, habang sa kanyang testimonya sa korte ay inamin niyang hindi niya nakita ang baril.

Samantala, ang medical findings ay nagpakita na ang sanhi ng kamatayan ng biktima ay multiple gunshot wounds, na hindi rin lubos na umayon sa iba pang bahagi ng salaysay ng mga saksi.


Sa kabilang banda, sa tulong ni Manananggol Pambayan Ma. Theresa A. Legaspi-

Valencia, itinanggi ng mga akusado ang paratang laban sa kanila.


Si Erwin ay nagsabing siya ay nasa kanilang bahay at natutulog nang mangyari ang insidente, habang si Orly naman ay nagsabing siya ay rumoronda bilang barangay tanod noong gabing iyon at wala siyang kinalaman sa krimen. Pareho nilang itinanggi ang anumang motibo upang patayin ang biktima at iginiit na sila ay nadawit lamang sa kaso.


Matapos ang paglilitis, itinakda ng hukuman ang pangunahing isyu, ito ay kung napatunayan ng tagausig ang pagkakasala ng mga akusado nang lampas sa makatuwirang pagdududa.

Sa pagresolba nito, muling binigyang-diin ng hukuman ang mga prinsipyong matagal nang itinatag ng Korte Suprema.


Sa kasong People vs. Benie Mon (G.R. No. 235788, November 21, 2018, sa panulat ni Honorable Associate Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa), ipinahayag na ang testimonya ng saksi ay dapat hindi lamang nagmumula sa isang mapagkakatiwalaang tao, dapat ay kapani-paniwala rin sa sarili nito ayon sa karaniwang karanasan at obserbasyon ng tao.


Sa kasong ito, kinilala ng hukuman na ang testimonya ni Nestor na siyang nag-iisang eyewitness ng tagausig ay hindi nagtutugma at puno ng inconsistencies at contradictions sa mga mahahalagang detalye ng krimen. 


Aniya, nag-iba-iba ang kanyang pahayag hinggil sa: a) kung sino ang may hawak ng baril; b) kung sino ang bumaril; c) kung nakita niya ang pamamaril; at d) at kung ilan ang putok na narinig nito. Nang dahil dito, ang kanyang kredibilidad bilang saksi ay seryosong nasira.


Dagdag pa rito, inamin mismo ng saksi na binago niya ang kanyang testimonya dahil “nakalimutan” niya ang kanyang naunang sinabi. Ito ay isang paliwanag na hindi tinanggap ng hukuman, lalo na’t ang mga detalyeng iyon ay tumutukoy sa mismong krimen.


Sa ganitong kalagayan, sinabi ng hukuman na hindi maaaring umasa sa isang testimonya na puno ng pagdududa upang maghatol ng pagkakasala.


Sa huli, ipinaalala ng hukuman ang isang mahalagang prinsipyo ng batas na ang isang kasong kriminal ay tumatayo o bumabagsak batay sa lakas ng ebidensya ng tagausig at hindi sa kahinaan ng depensa.


Sa bawat akusado, nananatili ang karapatang mapawalang-sala hangga’t ang kanyang pagkakasala ay hindi napatutunayan nang lampas sa makatuwirang pagdududa.

Dahil sa kabiguang mapagtibay ang kaso laban sa mga akusado, pinawalang-sala ng hukuman sina Orly at Erwin, at iniutos ang kanilang agarang pagpapalaya mula sa kustodiya ng batas.


Samantala, ang kaso laban kay Gilmar, na hindi pa nadadakip ay in-archive at inatasan ang paglabas ng alias warrant of arrest upang siya ay maiharap sa hukuman.

Sa ganitong mga pagkakataon, hindi lamang isa ang pinanggagalingan ng daing. May daing ang pamilya ng biktima, sapagkat ang hustisya para sa kanilang mahal sa buhay ay tila nananatiling mailap.


Ngunit may daing din ang mga taong nadawit sa isang mabigat na paratang na kinailangang humarap sa paglilitis sa kabila ng kakulangan ng matibay na ebidensya laban sa kanila.


Sa ilalim ng batas, ang isang tao ay hindi maaaring hatulan batay sa salaysay na pabagu-bago, o ebidensyang may butas.


Kapag ang katotohanan ay nababalot ng pagdududa, ang hukuman ay walang ibang magagawa kundi pairalin ang prinsipyong matagal nang sandigan ng hustisya – ang pagpapawalang-sala sa akusadong hindi napatunayang nagkasala. At sa likod ng bawat putok sa dilim, nananatiling naghihintay ang liwanag ng katotohanan, na darating lamang kapag ang ebidensya ay malinaw, matibay, at walang pag-aalinlangan.


 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | April 13, 2026



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #390



Walang katumbas ang sakit na maaaring madama ng isang tao na nawalan ng kapamilya. Higit na sakit at pagtatangis pa marahil ang maramdaman kung hindi lamang isa ang mawawala, kundi dalawang miyembro ng kanyang pamilya.


Ganito ang naging kapalaran ni Jocelyn, isang ina at maybahay. Sa isang iglap, nawalay nang tuluyan sa kanya hindi lamang ang kanyang anak, kundi maging ang kanyang asawa. Isang malagim na insidente ang sumira sa kanilang payak na pamilya. 


Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng nangyari sa mag-ama na sina Mario at Joremart, hango sa kaso na mayroong pamagat na People of the Philippines vs. Alejo Tagic y Delgado a.k.a. “Dongkoy” (CA-G.R. CR No. 02098-MIN, June 27, 2022), at alamin kung nakamit ni Jocelyn at ng kanyang namayapang mag-ama ang karampatang hustisya.


Isang malagim na insidente ang naganap sa isang bodega sa Cagayan de Oro City, alas-11:30 ng gabi, noong ika-13 ng Mayo 2012. Natagpuang duguan at wala nang buhay ang mag-amang Mario at Joremart. Ang inaresto kaugnay sa kanilang pagkakapaslang ay si alyas “Dongkoy.”


Batay sa Paratang para sa special complex crime na Robbery with Homicide na inihain sa Regional Trial Court (RTC) ng Cagayan de Oro City, nakipagsabwatan at nakipagtulungan si Dongkoy kina Dan Doe at Allan Doe, kapwa at large, nang mayroong layunin na makuha sa pamamagitan ng karahasan at labag sa kalooban ng may-ari, na manakaw at matangay ang anim na gulong ng trak na nagkakahalaga ng P72,000.00, gayundin ang isang steel vault na nagkakahalaga ng P10,000.00, mula sa isang warehouse na pagmamay-ari ng nagngangalang Benito. At sa okasyon ng nasabing pagnanakaw at para maisakatuparan ang layunin na makuha at matangay ang mga nabanggit na kagamitan, ang tatlo ay nagsabwatan at nagtulungan, nang mayroong kaliluhan, malinaw na paghahanda at paggamit ng higit na lakas, at mayroong intensyon na pumaslang, na pinaghahampas ang ulo ni Mario, security guard ng nasabing bodega, at ang 12-anyos na anak nito na si Joremart. Nakuha rin nina Dongkoy ang service firearm ni Mario. Hindi nakaligtas, bagkus kapwa sumakabilang-buhay sina Mario at Joremart. 


Tumayo naman bilang saksi ng tagausig si Sergio, isa ring security guard ng nasabing warehouse. 


Diumano, dumating siya sa lugar ng kanilang bodega bandang alas-11:00 ng gabi, noong ika-13 ng Mayo 2012. Tinatawag niya umano si Mario na naka-duty noong araw na iyon, subalit wala siyang natanggap na tugon. Napilitan na lamang diumano na tumalon ng bakod si Sergio upang makapasok. Tumambad diumano sa kanya ang duguan at wala nang buhay na katawan ni Joremart. Dali-dali umano siyang pumunta sa barangay upang humingi ng saklolo.


Kasama niya umano na bumalik sa bodega ang mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team na sina Reynaldo Jr. at Alpio Jr., kapwa nila nakita ang wala nang buhay na katawan nina Mario at Joremart, ilang metro lamang ang pagitan sa isa’t isa. Diumano, nakabalot ng kumot ang katawan ni Mario, duguan ang ulo at wala na ang service firearm.


Napagpasyahan nila na ipagbigay-alam na sa kapulisan ang kanilang natagpuan. Habang sila ay palabas na, mayroon diumanong isang itim na sasakyan ang papasok naman ng bodega. 


“Nandyan na ba?” Ang tanong diumano sa kanila ng drayber ng naturang sasakyan. Nang sabihin ni Sergio ang tungkol sa pamamaslang ay bigla umano itong tumalilis ng pag-alis.


Ayon sa isinagawang imbestigasyon, napag-alaman umano ng mga pulis na puwersahang pinasok ng salarin ang bodega. Gumamit diumano ito ng isang bakal na hagdan, dumaan sa kisame, nahantong ang lokasyon ng kaha de yero na naglalaman ng pera, tseke at mahahalagang dokumento, at puwersahan na binuksan. Ang anim na gulong ng trak naman ay inilabas diumano mula sa bodega at inilagay sa tabing kalsada na handa na upang madampot o maikarga.


Habang nag-iimbestiga ang mga pulis, napansin diumano ni Sergio na mayroong lalaki na nagtatago sa madamong bahagi na malapit sa bodega. Agad niya umano itong ipinagbigay-alam sa mga pulis na nagpalabas sa naturang lalaki mula sa pinagtataguan nito, at kinilala iyon na si Dongkoy.


Napansin diumano ng mga pulis na ang t-shirt na suot ni Dongkoy ay nababad sa tubig at isa lamang ang suot nitong tsinelas na kahugis ng bakas ng tsinelas na nakita malapit sa katawan ng mga biktima. Hindi nagtagal, inamin diumano ni Dongkoy na siya ang pumaslang sa mga biktima na siyang naging dahilan upang arestuhin si Dongkoy ng mga pulis. Kinumpiska rin mula sa kanya ang kanyang cellphone. Diumano, sa karagdagang pagsisiyasat ng mga pulis, napag-alaman na bago maaresto si Dongkoy ay mayroong siyang natanggap na text message. Anito: “Punta na ngayon,” mula sa isang nagngangalang “Dan”.


Nagkaroon lamang ng pagkakataon na makumpronta umano ni Jocelyn si Dongkoy nang madala na ang huli sa himpilan ng pulis. 

Diumano, humingi ng tawad si Dongkoy sa naulilang ina at maybahay, at sinabi na hindi niya sinasadya na mapaslang ang anak nito.


Batay sa awtopsiya na isinagawa ni Dr. Caballes, matalas na bagay ang tumama sa ulo ng mga biktima na nagdulot ng matinding pinsala at sanhi ng kanilang pagkamatay.Kawalan ng kasalanan naman ang marubdob na naging pagsamo ni Dongkoy sa hukuman ng paglilitis. Mariin niyang iginiit na wala siyang kinalaman sa insidente ng pamamaslang.


Batay sa testimonya ni Dongkoy, dati siyang manggagawa sa nasabing warehouse. Napadaan lamang diumano siya roon noong ika-13 ng Mayo 2012 at nakausap si Mario sa loob ng 30 minutes. Hiniram din umano ng asawa at anak na babae ni Mario ang kanyang charger. Sinabi umano niya sa kanila na babalikan na lamang niya ang kanyang charger dahil bibisita pa siya sa kanyang kaibigan na nakatira malapit lamang sa bodega. 


Bandang alas-12:00 ng madaling-araw, matapos siyang makipag-inuman sa kanyang kaibigan, diumano ay napagpasyahan na ni Dongkoy na umuwi. Dumaan muna raw siya sa bodega upang kunin ang kanyang charger. Tinatawag niya umano si Mario, ngunit hindi ito tumutugon. Kung kaya’t nagpasya na lamang siyang umalis. Dumating naman umano si Sergio na kasama ang mga taga-barangay. Tinanong diumano siya ng mga ito kung ano ang ginagawa niya roon at ipinaalam sa kanya ang nangyari kina Mario at Joremart. Pumasok diumano silang lahat sa loob ng bodega at doon ay nakita ni Dongkoy ang wala nang buhay na katawan ng mag-ama. 


Kalaunan, dumating diumano ang mga pulis at siya ay inaresto sa kadahilanang siya ang pinaghihinalaan na pumaslang sa mga biktima.


Dagdag pa ni Dongkoy, pinagbubugbog diumano siya ng mga pulis sa himpilan at pilit na pinapaamin sa pamamaslang sa mag-amang biktima.


Tumayo bilang saksi para sa depensa ang isang nagngangalang Ludelyn. Diumano, nakita ni Ludelyn si Dongkoy sa bahay ng kanyang kapitbahay alas-11:45 ng gabi, noong ika-13 ng Mayo 2012. Kung kaya’t ikinagulat niya umano na si Dongkoy ang pinagbibintangan na pumaslang kina Mario at Joremart.


Matapos ang ilang taong paglilitis, nagbaba ng Desisyon ang RTC na hinahatulan na may sala si Dongkoy para sa two (2) counts ng Homicide. Pinawalang-sala naman siya para sa krimen na Robbery sapagkat hindi umano naitaguyod ng tagausig ang mga elemento ng naturang krimen.


Hindi tanggap ang kinahinatnan ng kanyang kaso, agad na naghain si Dongkoy ng apela sa Court of Appeals (CA) Cagayan de Oro City. Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan L.E. Fabre ng PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit (RSACU)-Mindanao, iginiit ng depensa na iisa lamang ang sirkumstansya na nag-uugnay kay Dongkoy sa malagim na insidente – ang kanyang presensya sa lugar ng pinangyarihan nito. Hindi umano sapat ang nasabing sirkumstansya sa pamantayan na hinihingi ng ating batas kaugnay sa pagpiprisinta ng circumstantial evidence. Kung kaya’t hindi naging sapat ang kabuuang ebidensya ng tagausig upang maabot ang konklusyon na si Dongkoy nga ang pumaslang sa mga biktima. 


Sa pagdedesisyon sa kaso na ito, ipinaalala ng Hukuman ng mga Apela na sa paghahatol ng may sala, dalawang bagay ang kinakailangang maitaguyod nang lagpas sa makatuwirang pagdududa: una, na naganap ang krimen; at ikalawa, ang pagkakakilanlan ng salarin sa krimen. 


Matapos ang masinsinang pag-aaral sa kaso laban kay Dongkoy, sumang-ayon ang Hukuman ng mga Apela sa Depensa na nabigo ang tagausig na patunayan nang higit pa sa makatuwirang pagdududa ang krimen at ang pagkakakilanlan ng salarin. 


Binigyang-diin ng CA ang kahalagahan ng pagpapatunay sa mga sumusunod na elemento ng krimen na Robbery with Homicide: (1) mayroong pagkuha ng personal na gamit na naisakatuparan sa pamamagitan ng karahasan o pananakot sa isang tao; (2) ang personal na gamit na kinuha ay pagmamay-ari ng ibang tao; (3) ang pagkuha ay nailalarawan nang mayroong layunin na makamit o animus lucrandi; at (4) sa okasyon o bunsod ng pagnanakaw ay naganap ang krimen na homicide.


Naging kapuna-puna sa Hukuman ng mga Apela na, sa kasong ito, walang saksi sa krimen. Wala ring katibayan na sumusuporta sa konklusyon na pagnanakaw ang pangunahing motibo ng inakusahan at na naisakatuparan niya ito. Kung mayroon man napatunayan ang testimonya ng mga pulis, ito ay na mayroong pagnanakaw o pagtatangka ng pagnanakaw. Subalit, hindi umano naitaguyod nang higit pa sa makatuwirang pagdududa na si Dongkoy ang salarin sa naturang krimen, gayundin sa pamamaslang sa mga biktima.


Batid ng Hukuman ng mga Apela na maaaring mapatunayan ang pagkakasala ng isang akusado sa pamamagitan ng circumstantial evidence. Gayunman, mahalaga na mapatunayan ang mga sumusunod na kondisyon: una, mayroong higit sa isang sirkumstansya na ipinrisinta; ikalawa, napatunayan ang mga impormasyon kung saan nagmula ang mga sinasabing sirkumstansya; at ikatlo, ang kombinasyon ng mga sirkumstansya ay nagpapakita ng pagkakasala ng akusado nang higit pa sa makatuwirang pagdududa. 


Ipinaalala ng CA na dapat ang mga sirkumstansya ay nagpapakita ng pagkakaayon sa pagkakasala ng taong inaakusahan at hindi naaayon sa kaniyang kawalan ng kasalanan. Mahalaga rin na maitaguyod ng mga sirkumstansya ang kawalan ng posibilidad na ibang tao ang gumawa ng krimen.


Sa muling pag-aaral sa kaso laban kay Dongkoy, hindi nakumbinsi ang CA na siya ang may-akda sa pamamaslang kina Mario at Joremart. Hindi umano maisantabi ng Hukuman ng mga Apela ang posibilidad na maaaring ibang tao ang salarin sa krimen.


Ipinaliwanag din ng CA na ang pinakanakakahimok na ebidensya na maaari sanang gamitin laban kay Dongkoy ay ang kanya umanong extra-judicial confession sa mga pulis at kay Jocelyn. Gayunman, hindi maaaring tanggapin ng Hukuman ng mga Apela bilang ebidensya ang mga naturang pag-amin sapagkat ito ay ipinahayag ni Dongkoy noong siya ay sumailalim na sa custodial investigation nang walang tulong ng abogado na napili niya o itinalaga para sa kanya.


Bagaman hindi isinasantabi ng Hukuman ng mga Apela na maaaring si Dongkoy ang salarin sa krimen, hindi rin umano nila maaaring isantabi ang posibilidad na hindi siya ang totoong salarin. Bagaman mahina umano ang depensa ng pagtanggi o denial, hindi umano sapat ang naturang kahinaan upang hatulan ang isang tao na inaakusahan ng krimen. 


Ipinaalala ng Hukuman ng mga Apela na, sa mga kasong kriminal, walang pasanin ang taong inaakusahan na patunayan ang kanyang kawalan ng kasalanan. Bagkus, ang mayroong pasanin ay ang nag-uusig na patunayan na naganap ang krimen at ang pagkakakilanlan ng salarin.


Sapagkat mayroong nabuo na makatuwirang pagdududa sa isipan ng Hukuman ng mga Apela ukol sa pagkakasala ni Dongkoy, kanilang minarapat na baliktarin at isantabi ang naunang desisyon ng RTC at ipawalang-sala si Dongkoy. Ang nasabing Desisyon ay ipinroklama ng CA noong ika-27 ng Hunyo 2022.


Ang lahat ng bagay sa mundong ito ay pansamantala lamang. Walang tiyak na mananatili nang walang kawakasan, lalo na ang buhay ng bawat isa sa atin, ito ay sadya na mayroong hangganan. Kung gaano ito kaiksi o katagal, walang sinuman sa atin ang nakakaalam tungkol dito.


Gayunman, walang sinuman ang dapat makaranas na manakawan ng buhay  – sariling buhay, ng mahal sa buhay o ibang buhay man. Anuman ang dahilan, kahirapan, pagkagipit, o matinding pangangailangan, ang mga ito ay hindi kailanman magiging sapat na pangangatuwiran. Pakatandaan na tanging ang Poong Maykapal lamang, na nagpahiram sa ating buhay, ang mayroong karapatan na magtakda ng magiging hangganan nito. 


Nawa ay matigil na ang mga walang saysay na pamamaslang, o anumang uri ng krimen na nagdudulot ng pagdaing sa hukay. Nawa ay matukoy pa rin kung sino ang totoong salarin sa pagkakapaslang sa mag-amang Mario at Joremart upang makamtan na nila, at ng kanilang naulila, ang ganap na hustisya.

 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | March 30, 2026



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #389



Walang puwang sa mundong ito ang anumang uri ng karahasan, lalo na kung ang biktima ay kabataan. 


Ang kanilang kahinaan at kamusmusan ay hindi kailanman dapat pagsamantalahan. Tulad na lamang ng sinapit ni AAA274872, 15-anyos, biktima sa kuwento na aming ibabahagi sa araw na ito na hango sa kasong People of the Philippines vs. Nelson Escullar, Jr. y Amparo (G.R. No. 274872, January 15, 2026). 


Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng sinapit ni AAA274872 at alamin kung bakit hanggang sa kasalukuyan ay nananaghoy pa rin ang kanyang kaluluwa para sa katarungan.


Batay sa paratang na inihain sa Regional Trial Court (RTC), puwersahan, marahas at mayroong intimidasyon na ginahasa si AAA274872, at pinalo ang ulo at pinahirapan, na nagdulot ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan at naging dahilan ng kanyang kamatayan. Naganap ang karumal-dumal na insidente noong ika-5 ng Abril 2007 sa Probinsya ng Quezon.


Si Nelson ang inakusahan ng special complex crime of rape with homicide. Gayunman, “not guilty” ang kanyang naging pagsamo sa hukuman ng paglilitis. 


Tumayo bilang saksi sina Susan, kaibigan ni AAA274872; Edilberto, at ang kapitan ng barangay na pinangunahan ang paghahanap at kalaunan ay nakakita sa wala nang buhay na katawan ni AAA274872.


Batay sa bersyon ng tagausig, sumama si AAA274872 sa kanyang mga kaibigan noong ika-4 ng Abril 2007 para sa isang magdamagang swimming party. 


Si Susan diumano ang sumundo kay AAA274872 sa himpilan ng bus. Nagpunta umano sila sa bahay ni Nelson at doon muna nagpalipas ng gabi. 


Kinabukasan, nagpunta na umano sila sa ilog upang lumangoy. Nagkainuman din ang mga magkakaibigan sa ilog. Diumano, bandang ala-1:00 ng tanghali ay nakatanggap si AAA274872 ng text message na siya ay pinauuwi na. Pinasamahan diumano ni Susan sa himpilan ng bus si AAA274872 sa nobyo ng huli.


Makalipas ang 30 minuto, umalis sa ilog si Nelson kasama ang anak nito upang alagaan diumano ang kanilang kabayo. Maya-maya, bumalik muli sa ilog si Nelson, naligo at umuwi na rin sa kanilang bahay. Bandang alas-4:00 ng hapon, bumalik diumano sa bahay ni Nelson ang mga kaibigan ni AAA274872. Tinanong diumano ni Susan ang nobyo ni AAA274872, kung sinamahan nito si AAA274872 sa himpilan ng bus. Tugon diumano ng nobyo ni AAA274872 na hindi niya nasamahan dahil sa kalasingan ay nakatulog siya sa bahay ni Nelson. Pagkagising niya umano ay wala na si AAA274872 at hindi niya umano alam kung nakaalis na ito.


Si Edilberto ay isang magsasaka na nakatira lamang sa lugar na iyon. Nag-aasikaso umano siya ng kanyang sakahan bandang ala-1:00 hanggang alas-4:00 ng hapon noong ika-5 ng Abril 2007. 


Diumano, bandang alas-2:00 ng hapon, nakita niya si AAA274872, may 15 hanggang 20 metro ang layo, na naglalakad sa isang daanan. Nakita niya rin diumano si Nelson, kalahating-katawan ay hubad at nakayapak, na mabilis na sumusunod sa likod ni AAA274872, may 15 hanggang 20 metro umano ang pagitan ni AAA274872 at Nelson.

Bandang alas-7:00 ng gabi, napagpasiyahan diumano ni Susan at iba pang mga kaibigan ni AAA274872 na umalis sa bahay ni Nelson. Habang naglalakad, nakita umano nila si Nelson na nakikipag-inuman. Nang malaman diumano ni Nelson na sila ay pauwi na ay pinabalik umano sila ni Nelson sa bahay nito. 


Pagkarating doon, tinanong diumano sila ng asawa ni Nelson kung ano’ng uri ng tsinelas ang sinuot ni AAA274872, at ipinakita sa kanila ang isang piraso ng tsinelas. Ito umano ang nagtulak sa grupo nina Susan upang hanapin si AAA274872 at ipatala ang insidente sa barangay. 


Nagsagawa umano ng paghahanap kay AAA274872 ang mga otoridad ng barangay, ngunit sila ay nabigo at napagpasiyahan na ipagpaliban muna ang paghahanap. 

Bandang alas-8:00 ng umaga ng sumunod na araw, ipinaalam diumano ng isang nagngangalang Romel ang nakita niyang dugo sa madamong bahagi ng daanan, kung saan huling nakita si AAA274872. 


Makalipas ang ilang sandali ng paghahanap, nakita umano ng mga otoridad ang basag na salamin na merong bakas ng paa at isang pirasong kahoy na mayroong buhok. Hindi nagtagal, nakita na si AAA274872 na nakatabon sa mga dahon ng niyog. Bra at isang tsinelas na lamang diumano ang suot ni AAA274872. 


Sa medikal na pagsusuri, napag-alaman na mayroong malalim na sugat sa leeg ang biktima at mga sugat at gasgas sa kanyang ulo. Ang kanya namang ari ay mayroong ilang mga pasa, galos at laslas. Batay sa necropsy report at death certificate, hypovolemic shock bunsod ng mga pinsala na tinamo ni AAA274872 ang kanyang ikinamatay, at ang krimen ay naganap bandang alas-4:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng umaga noong ika-6 ng Abril 2007.


Naghain ng mosyon para sa Demurrer to Evidence si Nelson, ngunit hindi ito pinagkaloob ng RTC. Bagkus, ipinaubaya ng Depensa ang pagprisinta ng ebidensya. 

Matapos ang paglilitis, hinatulan si Nelson ng parusang reclusion perpetua para sa krimeng rape with homicide. Ipinag-utos din ng hukuman ng paglilitis na siya ay magbayad sa mga naulila ni AAA274872 ng actual damages sa halagang P290.00 at P75,000.00, bilang civil indemnity, moral damages at exemplary damages, na mayroong anim na porsiyento na legal na interes mula sa kawakasan ng naturang desisyon hanggang sa mabayaran ang kabuuang mga halaga.


Paliwanag ng RTC, wala mang direkta na ebidensya, sumapat ang mga circumstantial evidence na ipinrisinta ng tagausig laban kay Nelson, partikular na ang: (1) pagkamatay ni AAA274872 bunsod ng marahas na pinsala sa kanyang ulo; (2) matinding pinsala sa ari ng nasabing biktima; (3) testimonya ni Susan na nakita niya na umalis si Nelson may kalahating oras matapos na makaalis si AAA274872; (4) testimonya ni Edilberto na nakita niyang mabilis na sumusunod si Nelson sa likod ni AAA274872 na huling oras na nakita pang buhay ang nasabing biktima; at (5) medikal na pagsusuri at testimonya na nagpapakita na sekswal na inabuso si AAA274872 at na siya ay binawian ng buhay matapos na siya ay makailang-ulit na hampasin sa ulo.


Naghain si Nelson ng kanyang apela sa Court of Appeals (CA). Gayunman, sinang-ayunan ng CA ang desisyon ng RTC. Bahagyang binago ang hatol sa kanya sa parusa na reclusion perpetua without eligibility for parole, hindi pagbabayad ng actual damages, at pagbabayad sa mga naulila ni AAA274872 ng P50,000.00 bilang temperate damages at P100,000.00 bilang civil indemnity, moral damages at exemplary damages.


Hindi tanggap ang ibinabang desisyon ng Hukuman ng mga apela, iniangat ni Nelson ang kanyang pagsamo ng kawalan ng kasalanan sa Korte Suprema sa tulong at representasyon ni Atty. P. C. Perez ng Special and Appealed Cases Service ng Tanggapan ng Manananggol Pambayan.


Sa Resolusyon ng Ikalawang Dibisyon ng Korte Suprema, na ipinroklama noong ika-15 ng Enero 2026, kanilang ipinaliwanag ang batas na nakasasaklaw sa kaso ni Nelson, ang Artikulo 266-A(1)(a) at Artikulo 266-B ng ating Revised Penal Code:


“Article 266-A. Rape; When and How Committed. - Rape is committed by a man who shall have carnal knowledge of a woman under any of the following circumstances: Through force, threat, or intimidation;


Article 266-B. Penalty - When by reason or on the occasion of the rape, homicide is committed, the penalty shall be death.”


Upang mapatawan ng hatol ng kaparusahan ang inakusahan sa special complex crime na rape with homicide, mahalaga na mapatunayan nang higit pa sa makatuwirang pagdududa ang mga sumusunod na elemento, na: (1) nagkaroon ng pagtatalik sa pagitan ng inakusahan at ng biktima; (2) ang pakikipagtatalik sa biktima ay naisakatuparan sa pamamagitan ng puwersa, pananakot, o intimidasyon; at (3) bunsod ng o dahil sa naganap na pagtatalik na naisakatuparan sa pamamagitan ng puwersa, pananakot, o intimidasyon, napaslang ng inakusahan ang biktima.


Batid ng Korte Suprema na mahirap patunayan ang krimen na ito sapagkat, sa pangkalahatan, hindi ito nasasaksihan. At sa pagkakapaslang sa biktima, higit na mahirap ang pagpapatunay sa krimen, sapagkat wala na siya upang ilahad ang naranasan na karahasan. Kung kaya’t ang karaniwan na katibayan na ginagamit ng nag-uusig sa kasong ito ay circumstantial evidence.


Upang magbunga ng hatol ng pagkakasala batay sa circumstantial evidence, binigyang-diin ng Korte Suprema na kinakailangang maitaguyod na: (1) mayroong ipinrisinta na higit sa isang sirkumstansya; (2) napatunayan ang mga impormasyon, kung saan nagmula ang mga naturang sirkumstansya; at (3) ang kombinasyon ng mga sirkumstansya ay nagpapakita ng pagkakasala ng inakusahan nang higit pa sa makatuwirang pagdududa. Mahalaga rin na ang lahat ng mga sirkumstansya na ipinrisinta ay magkakaayon, pare-pareho na tumutukoy sa teorya na ang inakusahan ang salarin at taliwas sa teorya na siya ay inosente sa krimen na ipinaparatang sa kanya.


Sa muling pag-aaral ng Ikalawang Dibisyon ng Korte Suprema sa kaso ni Nelson, hindi sila nakumbinsi na ang mga napatunayan na sirkumstansya ng nag-uusig ay nakabuo ng paniniwala, na lampas sa makatuwirang pagdududa, na ginawa ni Nelson ang naturang krimen. Kanilang ipinaliwanag na, bagaman napatunayan ng ebidensya ng tagausig na labis na nagdusa si AAA274872 sa kamay ng sumalakay sa kanya, hindi naitaguyod na si Nelson, at hindi kung sino pa man, ang salarin sa krimen.


Para sa Korte Suprema, bagaman mapagkakatiwalaan ang testimonya nina Susan at Edilberto, hindi sumapat ang mga ito upang maabot ang konklusyon na si Nelson ang gumahasa at pumaslang kay AAA274872. Nang dahil sa hindi naitaguyod ng tagausig ang pagkakasala ni Nelson nang lagpas pa sa makatuwirang pagdududa, pagpapawalang-sala ang iginawad sa kanya ng Kataas-taasang Hukuman.


Pagpapaalala ng Ikalawang Dibisyon, kung mayroong mga puwang na iniwan ang ebidensya na magdudulot ng makatuwirang pagdududa sa pagkakasala ng akusado, ipinag-uutos ng ating batas na siya ay ipawalang-sala. 


Ang hindi makatarungang pagpaparusa sa isang inosenteng tao ay kailanman hindi maaaring pahintulutan ng hukuman.


Sadyang nakakapagtangis na matapos ang karumal-dumal na naranasan ni AAA274872, sa mura niyang edad, hindi man lang maihatid sa kanya sa kabilang buhay ang hustisya na ilang taon nang hinintay. Subalit, tulad nga ng ipinaliwanag ng Ikalawang Dibisyon ng Korte Suprema, hindi maaaring magpataw ng hatol ng pagkakasala sa isang akusado kung mayroong makatuwirang pagdududa sa kanyang pagkakasala.


Dalangin namin na matukoy pa rin kung sino ang totoong may-akda sa panggagahasa at pamamaslang kay AAA274872, nang sa gayun ay makamit ng kanyang kaluluwa, gayun na rin ng kanyang mga naulila, ang katahimikan at hustisya. Kapag ito ay kanya nang nakamtan, nawa ang daing niya mula sa hukay ay matuldukan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page