ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Sep. 7, 2025
ISSUE #365
Noong madaling araw ng Pebrero 19, 2023, isang trahedya ang naganap sa Filmore Street, Makati.
Isang Pinay, na itago na lamang natin sa pangalang Maria, at ang kanyang nobyong banyaga na si Donald, hindi rin nito tunay na pangalan, ay inatake ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo.
Nauwi ito sa pagkamatay ni Donald at pagkawala ng mga mahahalagang gamit ni Maria. Subalit, ang nananatiling tanong, sino nga ba ang tunay na salarin? Sapat ba ang pagkakakilanlan ng akusado upang ipataw ang katumbas na hustisya?
Sa kasong People v. Manalo Nagum (Criminal Case No. R-MKT-23-01288-CR), ika- 27 ng Agosto 2024, sa panulat ni Honorable Presiding Judge Ruth S. Pasion-Ramos, ating balikan ang mga pangyayaring humantong sa pagkamatay ni Donald, at kung paano ang kapwa daing ng ating kliyente, na itago na lamang natin sa pangalang Raffy, ay pinal na natuldukan nang siya ay napawalang-sala mula sa kasong Robbery with Homicide, kaugnay sa nabanggit na malagim na sinapit nina Maria at Donald.
Bilang pagbabahagi ng mga kaganapan, narito ang buod ng mga salaysay na inilahad sa hukuman.
Bandang alas-12:25 ng madaling araw, noong Pebrero 19, 2023, sa tahimik na kalsada ng Filmore Street, Makati, na tanging ilaw ng poste at kaluskos lamang ng aso ang saksi—naglalakad si Maria at ang kanyang nobyo matapos maghatid ng labada.
Sa gitna ng katahimikan, isang anino ang biglang sumulpot mula sa kanilang likuran, at sabay sabing, “Hold-up!” habang nakatutok ang baril kay Maria.
Gulat na gulat na lumapit si Donald upang ipagtanggol ang kasintahan. Ngunit bago pa siya makagawa ng hakbang, isang putok ang bumasag sa gabi. Tumama ang bala sa dibdib ni Donald. Bumagsak siya sa malamig na semento, at sa ilang segundo lamang ay tuluyan na siyang nawalan ng buhay.
Hindi pa nakalilipas ang pagkagimbal, muling itinutok ang baril kay Maria. Sa nanginginig na mga kamay, sapilitan niyang isinuko ang kanyang cellphone at wallet.
At mabilis na tumakas ang salarin, sumakay sa motorsiklong minamaneho ng kasamahan na nakasuot ng helmet. Ang gabi ay muling binalot ng katahimikan, maliban sa iyak at sigaw ni Maria habang akap ang malamig na katawan ni Donald.
Sa hukuman, tumestigo si Maria. Ayon sa kanya, dalawang beses siyang gumawa ng sinumpaang salaysay.
Una, noong mismong araw ng insidente, Pebrero 19, 2023—ngunit aminado siyang nasa matindi siyang pagkabigla. Wala siyang malinaw na paglalarawan sa mukha ng salarin.
Subalit, sa kanyang ikalawang pahayag noong Pebrero 24, 2023, iginiit niyang si Raffy ang salarin. Tiniyak niyang nakita niya ang mukha nito nang mahulog ang suot na face mask habang binabaril si Donald. Dagdag pa niya, ipinakita sa kanya ng pulisya ang mugshots ng akusado, at dito niya ito kinilala. Ipinakita rin umano sa kanya ang larawan at isang CCTV footage ng ibang insidente ng robbery, kung saan muli niyang itinuro si Raffy bilang isa sa mga nandoon. Subalit, sa cross-examination, lumabas na hindi niya agad natukoy ang akusado sa unang pagkakataon, at wala ring malinaw na detalyeng naitala tungkol sa anyo o pangangatawan ng salarin. Gayunpaman, para sa tagausig, sapat na ang kanyang pagkilala upang idiin si Raffy bilang isa sa mga gumawa ng krimen.
Sa kabilang banda, mariin namang itinanggi ni Raffy ang paratang. Ayon sa kanya, siya ay nasa bahay ng kanyang nobya at natutulog noong mga oras ng insidente, matapos silang magtungo sa Batangas para mag-swimming. Meron pa diumanong CCTV mula sa kapitbahay ng kanyang nobya na magpapatunay sa kanyang depensa. Giit niya, naidawit lamang siya dahil kasama ang kanyang mugshot sa police gallery dahil meron siyang kaso sa Malolos. Ayon pa kay Raffy, may narinig siyang usapan na kailangang may mapanagot sa krimen—lalo’t isang banyaga ang napatay, kaya siya ang naging pinakamadaling target.
Matapos ang paglilitis at sa tulong ng Public Attorney’s Office sa pamamagitan ni Manananggol Pambayan Atty. Ralph Raymond P. Arejola, Public Attorney II, pinakinggan at sinuri ng hukuman ang lahat ng ebidensya. Sa huli, pinawalang-sala si Raffy.
Ayon sa Hukuman, ang nasasakdal ay kinasuhan ng Robbery with Homicide, isang special complex crime na nakasaad at pinarurusahan sa ilalim ng Article 294 (1) ng Revised Penal Code, na nagsasaad:
“Article 294. Robbery with violence against or intimidation of persons; Penalties. - Any person guilty of robbery with the use of violence against or intimidation of any person shall suffer:
The penalty of reclusion perpetua to death, when by reason or on occasion of the robbery, the crime of homicide shall have been committed, on when the robbery shall have been accompanied by rape or intentional mutilation or arson.
Upang mahatulang guilty si Raffy, kinakailangan ng tagausig na patunayan ang mga sumusunod na elemento ng special complex crime na ito:
- Nagkaroon ng pagkuha ng personal na ari-arian na isinagawa sa pamamagitan ng karahasan o pananakot laban sa isang tao; 
- Ang ari-ariang kinuha ay pagmamay-ari ng iba; 
- Ang pagkuha ay may animo lucrandi o layunin ng pakinabang; 
- At dahil sa pagnanakaw o sa okasyon nito, nagkaroon ng pamamaslang o homicide. 
Sa kasong People v. Gallardo & Natividad (G.R. No. 1245544, 21 March 2022), binigyang-diin ng Korte Suprema ang bigat ng krimeng ito at ang kabigatan ng kaparusahan na nakalaan dito, na nagsasaad:
“Robbery with homicide is a special complex crime penalized under Article 294 (1) of the RPC, which states:
The crime carries a severe penalty because the law sees in this crime that men place lucre above the value of human life, thus justifying the imposition of a harsher penalty than that for simple robbery or homicide.”
Sa kasong nabanggit, ipinahayag ng Korte ang mga elemento ng robbery with homicide, katulad ng mga nabanggit.
Sa kasong ito, hindi maikakaila na nagkaroon ng homicide dahil o sa okasyon ng pagnanakaw na naganap sa Filmore St., sa Lungsod ng Makati noong Pebrero 19, 2023, na nagresulta sa pagkamatay ng isang banyaga na si Donald. Ang testimonya ng biktima na si Maria hinggil sa pagkuha ng kanyang personal na mga ari-arian at ang pamamaril kay Donald habang tinutulungan siya nito ay malinaw na nakatala sa mga rekord.
Sa katunayan, ang pagsusuri ng medico-legal officer ay umaayon sa ebidensya ng tagausig na ang pangunahing layunin ay magnakaw.
Dahil dito, ang pagpatay ay isinagawa upang maisakatuparan ang krimen ng pagnanakaw. Ang mga pangyayaring ito ay malinaw na pasok sa depinisyon ng special complex crime ng Robbery with Homicide. Tulad ng itinakda, ang homicide ay sinasabing nagawa dahil sa o sa okasyon ng pagnanakaw kung ito ay isinagawa upang (a) mapadali ang pagnanakaw o pagtakas ng salarin; (b) mapanatili ng salarin ang pag-aari sa ninakaw; (c) maiwasan ang pagkakadiskubre sa pagnanakaw; o (d) maalis ang mga saksi sa krimen.
Gayunpaman, bagaman may ebidensya sa pangyayari ng krimen, ang pagkakakilanlan sa salarin ay hindi napatunayan. Natuklasan din ng hukuman na may seryosong pagdududa sa ebidensya ng tagausig na tumutukoy kay Raffy bilang salarin. Wala kahit isang saksi ang malinaw at tiyak na nakapagpatunay na ang kanilang pagkakakilanlan kay Raffy bilang responsable sa krimen ay bunga ng kanilang sariling personal na kaalaman at alaala. Ang testimonya ni Maria ay nagkaroon ng mga hindi pagkakatugma. Sa kanyang unang salaysay noong Pebrero 19, 2023, matapos ang insidente, hindi siya nakapagbigay ng malinaw na pagkakakilanlan ng mukha o pangangatawan ng salarin.
Subalit sa kanyang ikalawang salaysay, sinabi niya na nakita niya ang mukha ni Raffy nang mahulog ang suot nitong face mask, ngunit hindi ito nabanggit sa kanyang unang sworn statement.
Sa cross-examination, inamin din niyang hindi niya agad nakilala si Raffy at sa katunayan, ipinakita sa kanya ang mga larawan ng suspek sa presinto bago niya ito tinukoy. Samantala, ang pulisya ay hindi nakapagpakita ng sapat na ebidensya upang patunayan na ang pagkakakilanlan kay Raffy ay resulta ng isang independent recollection at hindi impluwensya ng suggestive identification procedure.
Tulad ng itinatag sa jurisprudence, ang eyewitness identification, lalo na kung nagmula sa mga nakaranas ng matinding stress o trauma, ay dapat lapatan ng masusing pagsusuri ng hukuman. Ayon sa Korte Suprema sa ilang mga kaso, hindi maaaring umasa lamang sa iisang eyewitness testimony kung hindi magkakatugma o kulang sa proseso ng pagkilala. Sa kasong ito, dahil sa mga seryosong pagkukulang ng tagausig sa pagpapatunay ng pagkakakilanlan ni Raffy bilang salarin, nanaig ang presumption of innocence. Bagama’t kinikilala ang presumption of regularity in the performance of official duties ng mga pulis, hindi ito maaaring manaig laban sa presumption of innocence ni Raffy, lalo na kung may malinaw na duda at kakulangan sa ebidensya.
Samakatuwid, mula sana sa simpleng pag-uwi ng magkasintahan mula sa laundry shop, isang malagim na bangungot ang sumalubong sa kanila. Isang banyagang dumalaw lamang sa bansa upang makasama ang kanyang minamahal ang nasawi sa kamay ng mga kriminal. Sa kasong ating ibinahagi, sa halip na alaala ng pag-ibig, isang duguang trahedya ang naiwan—isang buhay ang nawala, isang babae ang ninakawan, at isang puso ang biniyak ng takot at pangungulila.
Ngunit higit sa lahat, pinaalala ng kasong ito ang matibay na prinsipyo ng ating batas, na mas mabuting makalaya ang isang nagkasala kesa mabilanggo ang isang inosente. Gaya ng binigyang-diin ng hukuman:
“The prosecution’s evidence must stand on the strength of its own merit and not on the weakness of the defense. Courts are duty bound to acquit when doubt persists, for conviction must rest on moral certainty and not on suspicion.”
Sa desisyon ng hukuman, sinasabi nito na hindi sapat ang pagdaramdam at pagkilala ng biktima upang hatulan si Raffy. Sa halip, pinairal ang mas mataas na aral na ang hustisya ay dapat nakabatay sa katiyakan, hindi sa hinala. Habang idinadalangin natin ang kaluluwa ni Donald at ang muling paghilom ng sugat ni Maria, nananatili rin ang ating pag-asa na magpatuloy ang paghahanap ng tunay na hustisya—na sa tamang panahon, ang tunay na salarin ay mapapanagot at ang hustisya ay lubos na makakamtan.






