- Kuya Win Gatchalian

Habang tayo ay nananatiling naka-quarantine, dapat siguruhin ng Department of Health (DOH) ang patuloy na pagpapatupad sa mga Local Government Units (LGUs) ng Republic Act 11148. Kilala rin ang naturang batas bilang “Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act” o ang “First 1,000 Days Law” kung saan ang inyong lingkod ang isa sa mga may akda.
Layunin ng batas na paigtingin ang mga programa at intervention upang makatanggap ang mga bata ng sapat na nutrisyon sa unang isang libong araw ng kanilang buhay—mula sa sinapupunan hanggang sa kanilang ikalawang taong kaarawan.
Sa kabila ng krisis na dulot ng COVID-19, hindi maaaring tumigil ang mga programa sa ilalim ng “First 1,000 Days Law” upang hindi magdulot ng iba pang krisis pangkalusugan at maging sagabal sa pag-unlad ng ating bansa.
Kailangan ay patuloy nating tiyakin na may mga mabisa at ligtas na paraan ang ating mga komunidad upang magbigay-kalinga sa mga ina at kanilang mga sanggol na anak.
Maituturing ang unang isang libong araw na pinakamahalagang punto ng buhay ng mga bata dahil dito pinakamabilis ang kanilang brain growth mula sa kanilang kapanganakan. Kaya naman, nararapat na sila ay mabigyan ng sapat na nutrisyon upang tumalino at malabanan ang posibleng epekto ng kakulangan sa nutrisyon.
Ang kakulangan sa nutrisyon sa mga panahong ito ay naiuugnay sa ‘stunting’ kung saan ang bata ay hindi lumalaki ng ayon sa kanyang edad. Ilan sa mga epekto nito ay ang kakulangan ng sapat na kakayahang umunawa, makapag-aral nang mabuti at makapag-trabaho nang maayos.
Nauugnay din ang ‘stunting’ sa mataas na posibilidad ng pagkakaroon ng mga non-communicable diseases. Kapag tumanda na ang mga batang ito at nagkaroon sila ng labis na timbang ay nanganganib naman silang magkaroon ng nutrition-related chronic diseases.
Base sa ulat na The State of the World’s Children: Children, Food and Nutrition na inilabas ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) noong 2019, isa sa tatlong kabataang Pinoy na limang taong gulang pababa ay tinaguriang ‘stunted’. Ayon din sa ulat na ito, isa sa 10 Pinoy na nagdadalaga o nagbibinata ang overweight.
Dahil ang mga barangay ang pangunahing nangangasiwa sa mga programang ito, bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts, and Culture ay lubos nating hinihikayat ang mga LGUs na siguruhing naipagpapatuloy ng mga barangay health workers, barangay nutrition scholars at child development workers ang paghahatid ng mga kinakailangang serbisyo. Ngunit, nais din nating paalalahanan ang lahat na panatilihin pa rin ang social distancing habang ipinatutupad ang mga programang ito.
Bukod dito, dapat ding tulungan ng mga LGUs ang mga health workers upang madali silang makarating sa kanilang mga pupuntahan para makapagbigay ng serbisyo. Kailangan ding handa ang mga barangay na tulungan ang mga buntis na makarating sa mga healthcare facilities, lalo na kapag manganganak na ang mga ito.
Huwag natin hayaang magkaroon ng malnutrisyon ang mga sanggol. Hangad natin na maranasan ng bawat isa sa kanila ang angkop na nutrisyon upang kanilang makamit ang magandang pangangatawan at kalusugan mula pagkabata hanggang sa pag-aaral at maging sa kanilang pagtanda.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

