- BULGAR
- Sep 10, 2020
akala mo kung sinong powerful, iyakin naman nang hindi napagbigyang maging senador
ni Chit Luna - @Yari Ka! | September 10, 2020
Kilalang tigasin at kinatatakutan ang isang gobernador sa norte dahil sa laki ng boses at katawan nito, bukod pa sa napakarami niyang kuwarta!
Pero knows n’yo ba na sa kabila nito ay iyakin pala ating bida, lalo na kapag “naagawan ng laruan”?
Sikat si Gov. na isang heneral sa larangan ng pagmimina sa kanyang probinsiyang pinamumunuan. Milyong piso umano ang kinikita ng mga nasa likod ng ilegal na pagmimina. Pero dahil din sa kanyang bisyo na pagsira ng kalikasan, natanggal ito sa kanyang puwesto. Sukang-suka sa kanya ang kanyang mga kababayan. Damang-dama ng mga tao na mas importante sa opisyal ang pera kaysa tugunan ang kanilang mga pangangailangan.
Gayunman, sa nakaraang panunungkulan ng ating bida, aba’y saku-sakong pera umano ang kinita nito. Tsk! May mga tauhan pa raw itong taga-bilad ng pera para lamang ‘wag amagin. ‘Yan ang pag-amin ng mismong tauhan na inuutusan sa gawing ito.
Aniya, bawal daw bumale at hindi rin puwedeng kumupit dahil may CCTV na maglalaglag sa ‘yo.
Ngunit dahil sa mga maling gawain, natanggal ito sa puwesto, at umarangkada nang husto ang mga kalaban niya sa pulitika.
Pero nagulat ang mga tao dahil muli na naman siyang manalo. Namayagpag siya kung saan kasabwat pa ang isang mayor ng probinsiya sa pagpapatuloy ng ilegal mining.
Muling nangamba ang mga magsasaka dahil paniguradong mamamatay ang kanilang mga pananim dahil sa makasariling mining business ng ating bida.
Pero bakit siya naging iyakin? Well, todo-asa kasi ito na magiging senador siya, pero nganga!
Sayang lang ang budget ng partido kung itataya sa kanya, kaya ang ending, hanggang iyak na lang! Mabuti nga sa ‘yo!




