top of page
TEKA NGA - KATHRYN, OBYUS NA WALA NANG GANANG UMARTE-FB Netflix.jpg
Search

ni Gina Pleñago @News | May 3, 2026



Cavitex - FB

Photo: CAVITEX



Pinayagan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang pangongolekta ng toll para sa final segment ng CAVITEX C5 Link, simula Mayo 5, 2026.


Nasa mahigit isang buwan o mula Marso 30, 2026 nang buksan ang Segment 3B at libreng ipinagamit sa halos 9,000 motorista na dumadaan araw-araw.


Ang CAVITEX C5 Link Segment 3B ay nag-uugnay sa Manila-Cavite Expressway (CAVITEX) sa C5 Road sa Taguig City, na nagpapababa sa oras ng paglalakbay mula sa karaniwang 1.5 oras hanggang 15 minuto lamang.


Magsisimula sa Mayo 5, ang mga gagamit ng CAVITEX C5 Link mula Taguig hanggang Sucat Road (Dr. A. Santos Avenue) o vice versa, ay magbabayad ng mga sumusunod na singil: P59 para sa Class 1, P117 para sa Class 2, at P176 para sa Class 3 (kasama ang mga singil sa Segment 3B).


Para sa mga manggagaling sa Taguig at diretso sa Roxas Boulevard o Zapote, ang mga sumusunod na toll rates ay ilalapat: P97 para sa Class 1, P194 para sa Class 2, at P291 para sa Class 3 na mga sasakyan.


Dahil ganap nang konektado ang CAVITEX C5 Link, nag-aalok ito ng mahusay na access sa NAIA at C5 sa pamamagitan ng mga pangunahing interchange sa R1 Expressway (Coastal Road), Sucat Road (Dr. A. Santos Avenue), at C.P. Garcia Avenue.


Pinapalakas din ng expressway ang logistics link sa pagitan ng mga industrial hub ng Cavite at mga commercial center sa National Capital Region, na sumusuporta sa paglago ng ekonomiya sa rehiyon.


Nagsisilbi rin itong alternatibong ruta, lalo na para sa mga mabibigat na sasakyan, na nakakatulong na mabawasan ang pagsisikip ng trapiko sa mga pangunahing arterial roads sa Cavite at katimugang bahagi ng Metro Manila.

 
 

ni BRT @News | August 21, 2023




Hindi muna sisingilin ng bagong toll rate sa Manila-Cavite Expressway (CAVITEX) ang mga PUV operator at driver, ayon sa Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC).


Ito'y para umano makatulong sa mga pampasaherong sasakyan tulad ng jeep, UV Express, at mga bus kaya hindi muna sila sisingilin ng bagong toll rate sa loob ng 3 buwan o 90 araw.


"We recognize the impact of the toll increase on Class 1 and Class 2 PUV drivers. That’s why we’re reactivating our Abante Card program to provide some relief during this transition," ayon kay MPTC President and CEO Rogelio Singson.


"We believe this program will help alleviate the financial burden on our valued PUV drivers and provide them with a smoother transition," dagdag ni Singson.


Kailangan lang umanong irehistro ng mga operator o drayber ang kanilang RFID account para ang luma pa ring rate ang ikakaltas sa kanila kada dumaraan sa CAVITEX.


Tinatayang nasa 160,000 motorista naman ang maaapektuhan ng naturang dagdag singil sa toll, ayon sa Toll Regulatory Board.



 
 

ni Lolet Abania | May 21, 2021




Tinatayang 3 tonelada ng gamit na surgical gloves na pinaniniwalaang inipon para linisin at ayusing muli saka ibebenta ang nakumpiska ng mga awtoridad sa Tanza, Cavite, kahapon.


Sa ulat ng mga operatiba ng Tanza Police at kawani ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), natagpuan ang saku-sakong gamit na gloves sa isang housing unit sa Wellington Subdivision sa Tres Cruses.


“Meron kang makikita talaga na, sabi nga ni doktora, parang dugo tsaka mga betadine. So, talagang makikita mo siya na pinaggamitan na siya,” ani Menandro Dimaranan, opisyal ng Tanza MENRO.


Ayon sa mga residente ng subdibisyon, madalas nilang makita ang mga bulto ng surgical gloves na dinadala sa nasabing housing unit, kaya nagpasya ang mga ito na magreklamo sa barangay dahil sa mabahong amoy nito.


“Kaya ‘yung mga kapitbahay, so sa takot, eh, nagsumbong sa authority kaagad para ma-check kung ano ba talaga ‘yung nangyari,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Rolando Baula, hepe ng Tanza Police.


Gayundin, sa kanilang pag-iinspeksiyon, nabatid ng mga awtoridad na ang mga gamit na gloves ay hindi lamang nakatambak sa iisang bahay.


“Biruin, mo apat na units na talagang makikita mong bulto. Sa estimate ko, mga humigit-kumulang sa tatlong tonelada,” ani Dimaranan.


Agad namang inaresto ng mga pulis si Ernesto Latuan, may-ari ng housing unit at kanyang mga empleyado.


“Dini-dispose lang po talaga nila,” katwiran ni Latuan.


Paliwanag ni Latuan, ang mga surgical gloves ay pag-aari ng kanyang pinsan na nakiusap umano sa kanya na iimbak ang mga ito.


Subalit, hinala ng mga awtoridad na ang mga gloves ay kanilang lilinisin at saka nila ibebenta.


“Delikado talaga. Malay mo kung may COVID ‘yun, tapos ano'ng linis ginawa? ‘Yung ibang malinis na kasi, meron siyang mga plastic na nakalagay M, L, S, ‘yung mga ganoon. Ibig sabihin, pinaghihiwa-hiwalay nila,” sabi pa ni Dimaranan.


Sinampahan na ng kaso si Latuan at kanyang mga empleyado dahil sa paglabag sa Republic Act 6969 o Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990 at RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page