top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports News | August 18, 2025



Kenneth Llover kontra El Nica ng Panama - Gerrypens Promotions

Photo: Kenneth Llover kontra El Nica ng Panama - Gerrypens Promotions


Nagpaulan ng sandamakmak na upak si Filipino rising star Kenneth "The Lover" Llover sa iba't ibang kombinasyon upang tuluyang masaktuhan ng banat si Panamanian boxer Luis "El Nica" Concepcion sa eight-round technical knockout, kagabi sa Mano-a-Mano main event bout ng 10-round non-title match sa Winford Hotel Resort and Casino sa Maynila. 


Napilitang pigilan ni referee Carlo Baluyot ang laban sa 2:27 ng eight round matapos masapol ng sangkaterbang kumbinasyon kabilang ang matinding body shots na nagpaluwag lalo sa depensa ni Concepcion.


"Masasabi kong ilang beses na akong bumitaw ng suntok pero napakatibay ng kalaban," pahayag ni Llover matapos ang laban na aminadong hindi nais madaliin ang panalo mula sa payo ni GerryPens Promotions head Gerry Penalosa at ng kanilang coaching staff. "Masasabi ko na 'wag magmamadali na makuha 'yung knockout kase 'di basta-basta makukuha iyon sa first round kaya kalmado lang ako sa laban." 


Dulot ng matagumpay na panalo ay sunod na puntirya nitong makatapat si South African Landi Ngxeke sa Oktubre 26 para sa isang world title eliminator sa International Boxing Federation (IBF) 118-pound division. Nagsilbing acid test ang laban ng 25-anyos na fighting pride ng General Trias, Cavite kontra sa dating two-division world champion na determinadong makaakyat sa world title fight sa ilalim ng pangangalaga ni Penalosa

at Kameda Promotions.  


Maagang nakabitaw ng banat si Llover mula sa kombinasyon sa katawan at ulo para masubukan kaagad ang katatagan ng katawan ng Panamanian boxer sa unang round. Natagpuan naman ni Llover ang magkasunod na knockdown sa second at third round, kasunod ng walang habas na kombinasyon.  


Mula sa panalo ay umangat sa 15 wins at 10 knockouts ang kartada ni Llover, habang bumagsak sa 40-12 (win-loss) rekord kasama ang 29 KOs si Concepcion na nalasap ang ikatlong sunod na pagkatalo.


 
 

ni Gerard Arce @Sports News | August 16, 2025



Photo: Kanino kayo pabor, kay Pinoy Llover o kay Panamanian Luis sa bakbakan nila bukas? Abangan.    


Magmamarka ng sariling daan patungo sa karangalan ang puntiryang makamit ni undefeated Pinoy rising star Kenneth “The Lover” Llover na naghahandang sumabak sa inaasam na world title fight sa hinaharap oras na madispatsa ang isa sa kasalukuyang hadlang na si dating 2-division champion Luis “El Nica” Concepcion ng Panama sa 10-round non-title fight bukas sa Winford Resort and Casino sa Maynila.


Abang na lamang sa magaganap na kaganapan ang fighting pride ng General Trias, Cavite na habol ang umangat sa world rankings, higit na sa International Boxing Federation (IBF) belt. “Ang nakikita ko is yung IBF, kase malapit-lapit yung ranked ko dun, kaya anytime pwede tayong lumaban para sa title eliminator,” pahayag ni Llover sa harap ng media at reporters kahapon sa ginanap na Press Conference sa Winford Resort and Casino.



WORLD title fight ang tatrabahuhin ni undefeated Pinoy rising star Kenneth “The Lover” Llover (pang-4 mula kaliwa) vs. two-division champion Luis “El Nica” Concepcion nang humarap sa media kahapon para sa 10-round non-title fight bukas sa Winford Resort and Casino sa Maynila. (Gerard Arce) 


Isang malaking pagkakataon sa career ko na aakyat si Junto Nakatani, then talagang nakikita kong magkakaharap kami ni (Tenshin) Nasukawa, kaya sabi nga eh magandang bakbakan ito kase hinahamon nila kami sa Japan nu'ng last fight ko, pero sabi ko kumuha muna sila ng belt then let’s get it on,” dagdag ni Llover kasama rin sa press conference sina head coach Dindo Campo, batikang strength and conditioning coach Alex Ariza, dating 2-division World champion at boxing promoter Gerry Penalosa, Concepcion head coach Hector Rangel, Winford President at CEO Jeffrey Evora, Director ng Public Relations ng Playtime na si Krizia Cortez at Kameda Promotions General Manager Satoshi Shima.


Nais sundan ni Llover (14-0, 9 KOs) ang impresibong first round stoppage laban kay Japanese boxer Keita Kurihara para mapanatili ang Orient-Pacific Boxing Federation (OPBF) title belt habang nais ding mapataas ng southpaw ang puwestuhan sa world rankings sa The Ring sa No.10 at No.14 sa WBC.

 
 

ni Gerard Arce @Sports News | August 14, 2025



Photo: Kenneth “The Lover Boy” Llover vs Luis Concepcion - FB-RPTV


Panigurong masusubok ang katatagan at tibay ni Pinoy boxing rising sensation Kenneth “The Lover Boy” Llover na matutunghayan ng mga tagasubaybay na Pinoy kontra sa dating two-division champion Luis “El Nica” Concepcion ng Panama para sa 12-round sa darating na Linggo Agosto 17 sa Winford Resort and Casino sa Maynila.


Hindi matatawaran ang mga taong gumagabay sa karera sa pro-boxing ng 22-anyos mula General Trias, Cavite sa likod nina dating two-division World champion at boxing promoter Gerry Penalosa at batikang strength and conditioning coach Alex Ariza, habang tutok sa kabuuan ng ensayo si head coach Dindo Campo upang makuha ni Llover ang pinakaasam na tagumpay at unang suntok sa world title.


Masusukat ang matinding preparasyon at paghahanda ng unbeaten na si Llover (14-0, 9KOs) sa agresibo at puwersang mga suntok ni Concepcion (40-11, 29 KOs), na itinuturing na pinakamakinang na boksingerong makakatapat ng Pinoy boxer. Minsan ng humawak ng mga korona ang Panamanian boxer sa parehong flyweight at super-flyweight division, kaya’t panigurong masusukat ang kahusayan ng batang boksingero.


Sa hangin ko naman masasabi kong 101% naman talaga gawa ng sa training nga. Hindi rin talaga ako nagpapabaya siyempre of course lalo’t andiyan 'yung mga pioneer ko sina boss Gerry Penalosa at sir Alex Ariza, talagang ipinupush niya ako sa training na parang imposible pero nagiging posible,” pahayag ni Llover.


Nais sundan ni Llover ang impresibong first round stoppage laban kay Japanese boxer Keita Kurihara para mapanatili ang Orient-Pacific Boxing Federation (OPBF) bantamweight title nitong nagdaang Marso 24 sa Korakuen Hall sa Tokyo, Japan, habang nais mapataas ng southpaw ang kanyang puwestuhan sa world rankings sa No.9 sa The Ring at International Boxing Federation (IBF) 118-pound belt na kapwa hawak ni undefeated Japanese boxer Juntp Nakatani.       


 
 
RECOMMENDED
bottom of page