top of page
Search

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Pebrero 12, 2024


Binigyang-pansin natin ang mga may-ari at operators ng mga naglalakihang billboards na tila kabuteng nagsulputan sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa ito ay delikado at posibleng magdulot ng kapahamakan sa ating mga kababayan partikular na sa mga motorista.


Sa aking isinumiteng Resolution No. 924, ipinaliwanag ko ang mga istrakturang ito sa lansangan na lubhang mapanganib sa mga motorista at ito ay binigyang pansin din ng mga advocate hinggil sa kaligtasan sa kalsada.


Katulad na lamang ng LED billboards na nagiging sanhi ng pagkagambala sa mga taong bumibiyahe at nasa manibela dahil sa mga nakakasilaw na ilaw at gumagalaw o may pinapalabas sa monitor na billboards at lubhang lumalawak na ang pangamba patungkol sa safety ng mga mamamayan.


Gayundin, gaano ba katibay ang mga structure ng mga billboards na ito na lubhang mapanganib sa oras na may kalamidad katulad ng bagyo o pagbaha, at lindol.


Kailangang matiyak natin ang kaligtasan ng mga motorista sa mga posibleng aksidente at kapahamakan na maaaring dahil sa mga naglalakihang billboards at lubhang nakakaabala ng atensyon ang mga ito lalo na ang mga kumukutitap na ilaw na maaaring magdulot ng disgrasya.


Hindi lamang ito maituturing na driving destruction at nakaambang panganib lalo na ‘yung tibay ng structure nito na kapag humampas ang malalakas na hangin sa tuwing may bagyo ay posibleng matumba. At ang higit na panganib nito ay kapag nagkakaroon ng lindol. Ang mga structure na ito ay lalo pang magpapalala sa sitwasyon kapag nagresulta ito ng kapahamakan na dapat naman nating maiwasan.


Kung matatandaan natin noong Marso 2022, inisyu ang Executive Order (EO) No. 165 upang magtalaga ng regulasyon para sa out-of-home advertising signs at billboards, sa dahilang nagdudulot ito ng traffic distractions at panganib hindi lamang sa mga motorista kundi pati na rin sa publiko.


Bilang chairman ng Committee on Public Works, inatasan ko na ang mga may-ari at operators ng naglalakihang billboards na ito na sumunod sa regulasyon hanggang sa darating na Marso 2024, dalawang taon makalipas ang pag-isyu ng EO.


Malapit na ang deadline na itinakda ng EO at kailangan nating suriin kung sumunod ba sa mga panuntunan at batayan ang mga billboard owners at operators na ito at nararapat lamang na panagutin ‘yung mga hanggang ngayon ay nagmamatigas pa rin.


Magpapatawag din ako ng public hearing makaraang i-refer ito sa Committee on Public Works upang mapag-usapan ang nabanggit na resolusyon na aking isinumite at isasalang natin agad ang pagdinig sa lalong madaling-panahon. Hangad ko rin na mapaigting ang ating mga batas ukol sa pagpapatupad ng ganitong klaseng advertisements. Agad natin itong pag-uusapan.


Huwag na nating hintaying may mabagsakan bago pa tayo kumilos. 


Lilinawin ko na hindi naman ako kontra sa advertising industry lalo pa at taga-pelikula ako at alam ko ang halaga ng tinatawag nating ad/prom o advertising and promotion.


Subalit, kailangan natin ng maayos at ligtas itong uri ng advertising dahil naglipana na at naglalakihan pa.


Kung matatandaan natin, dati ang mga billboard ay sa ibabaw lang ng building at gilid ng mga kalsada nakalagay, pero ngayon sa gitna na ng mga kalsada at pati nga tawiran ng mga kalsada ay mayroon na.


Hindi naman natin tinutukoy ang mismong content o laman ng mga billboard dahil baka maging isyu pa ‘yan ng freedom of speech and expression, at may presumption na lang tayo na maayos ang kanilang pagsunod. 


Susuriin natin ang mga billboard na ‘yan kung mabuti ba ang kanilang lokasyon gayundin, ang mga motion billboard at mayroon pang LED na lubhang delikado lalo na sa gabi.


Nais nating busisiin ang mga obligasyon ng ating mga ahensya maging ng mga local government units (LGUs).


Uulitin ko, hindi tayo kontra sa advertising na ‘yan pero dapat nating ayusin.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Pebrero 9, 2024


Binabati natin ang ating mga kasamahan sa Senado sa pagbubukas ng pagtalakay sa isa sa pinakamahalagang panukalang batas na dapat pagtuunan ng pansin -- ang umento sa sahod. 


Panahon na para iukit natin sa kasaysayan bilang mga mambabatas na isulong ang pinakamahalagang batas upang talakayin sa plenaryo ang matagal nang isinusulong na panukalang karagdagang sahod para sa manggagawang Pilipino. 


Matatandaang matagal na nating isinusulong ang panukalang batas para sa P150 across-the-board wage increase simula pa ng aking unang termino sa Senado noong 2008 sa ilalim ng 14th Congress.


Walang palya ko ring inihain ang kaparehong panukala sa sumunod na Kongreso — noong ika-15th, 16th, 18th at 19th Congress, at naputol lamang ito dahil hindi ako miyembro noong 17th Congress. 


Lubos tayong nagagalak na matapos ang halos dalawang dekada ay umuusad na para maging isang ganap na batas ang ating hinahangad na dagdag sa sahod ng mga manggagawa.


Ito nga ang isa sa mga ipinunto ko sa aking co-sponsorship speech, na ang aking itinutulak na pagsasabatas ng dagdag-sahod bilang isang neophyte na senador noon, ay umabot na hanggang sa ngayon na isa na akong pinaka-senior na miyembro ng kapulungan. 


Aking naaalala ang naging mahabang pakikibaka ko para sa nasabing batas upang ito ay ma-sponsor sa plenaryo at malakas ang aking paniniwala na tuluyan nang magbubunga ang aking matagal na pakikipaglaban para sa kapakanan ng mga manggagawa. 


Hindi naman natin maitatanggi na hindi sapat ang kinikita ng buwanang sahod para sa hindi mapigilang pagtaas ng mga bilihin kung kaya’t marami pa rin sa ating mga manggagawa ang hindi makasabay sa disenteng klase ng pamumuhay. 


Matagal na rin namang nagtitiis mamaluktot sa maikling kumot ang ating mga manggagawa na panay ang kahig at halos walang matuka, at hindi na alam kung paano ang bukas dahil maging ang kasalukuyang sitwasyon ay hirap nang maitawid. 


Nakakaawa ang maralitang Juan at Juana na hindi iniinda ang lakas ng buhos ng ulan o harapin ang panganib sa taas ng baha makarating lamang sa trabaho para sa kakarampot na sweldo. Gayundin, ang mga pobreng manggagawa na sunog na ang balat sa tirik ng araw habang lumalambitin sa nagtataasang gusali para lamang mayroong pagkain sa hapag-kainan ang kanyang pamilya. 


“The dream of providing a living wage that is not only fair, but truly just in every sense of the word, has, at long last, become within reach. And it is nothing less than much-deserved especially considering that our laborers are considered to be the backbone of the economy,” ayan napa-Ingles tuloy tayo.


Anak Ng Teteng! 


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Pebrero 5, 2024


Kailangan nating dumoble-kayod para lalo pang lumago ang ating ekonomiya at nasabi ko ito matapos na magpalabas ng datos ang Philippine Statistics Authority (PSA) na bumagal ang takbo ng ating ekonomiya sa huling quarter ng nakalipas na taon na may 5.6 porsyento lamang kumpara sa 7.1% noong 4th quarter ng taong 2022.


Sa inilabas na datos ng PSA bumagal ang tinatawag na consumer spending noong fourth quarter ng 2023 sa 5.3 porsyento at umurong pa ang paggastos ng ating pamahalaan ng 1.8 porsyento.


Ang pangunahing nagpapagalaw sa ekonomiya ng ating bansa sa expenditure side ay ang consumer spending. Sa 5.6% na nilago ng ekonomiya, 4.1% nito ay consumer spending o ang ginagastos ng mga tao at dahil sa apektado ng presyo at kita ng ating mga ginagastos sa mahal ng mga pangunahing bilihin katulad ng pagkain, kaya apektado ang ibang gastusin natin.


Ayon sa datos, natapyasan ang paglago dahil sa pag-urong ng gastos ng pamahalaan ng 1.8%.  Samantala, umurong din ang exports ng 2.6 %. Lumago man ang investments ng 11.2% noong 4th quarter ng 2023, ito ay dahil lamang sa napakaliit na in-improve nito noong parehong panahon ng 2022. Sa buong 2023, 5.4% lamang ang nilago ng investments kung kaya’t bumagal ang ating ekonomiya.


Ang pagpapalago ng ekonomiya ng Pilipinas ay isang malawak na isyu na kailangang pagtuunan ng pansin ng iba’t ibang sektor ng lipunan kabilang na rito ang pagsulong sa investments o ang paghimok sa mga lokal at dayuhang negosyante upang mamuhunan sa ating bansa; paigtingin pa at ayusin ang sistema sa pagproseso ng mga business permits at licenses, gayundin ang agrikultura at ang isa ay sa pamamagitan ng pagtingin ng expenditure side o kung saan napupunta ang ginagastos na pera para sa ekonomiya. 


At dapat din nating pagtuunan ng pansin ang pagsusulong ng mataas na kalidad na edukasyon upang mapalakas ang kakayahan ng mga Pilipino sa kani-kanilang trabaho at tutukan ng ating gobyerno ang sektor ng edukasyon na may mataas na demand sa merkado ng trabaho.


Tutukan ang modernisasyon ng imprastraktura tulad ng paggawa ng makabagong mga kalsada, tulay at paliparan, at ang larangan ng teknolohiya at iba pang public services na lubhang makatutulong at mapapabilis ang pag-asenso ng bawat Pilipino.


Importante rin ang pagbibigay ng lubusang suporta sa agrikultura kung saan ang ating mga bayaning magsasaka ay kailangan ang mabuting produksyon at ani.


Ang ating kalusugan. Dapat din tayong magtalaga ng sapat na pondo sa healthcare system, kabilang na rito ang mga proyektong pangkalusugan na magbibigay tulong sa mga mamamayan.


Ang pagpapalakas ng Small and Medium Enterprises (SMEs) kung saan magbibigay ang gobyerno ng suporta at pondo para sa mga maliliit na negosyante at ang sistema nito ay dapat na mabilis at maayos.


Kinakailangan din nating pagtuunan ng pansin ang turismo katulad ng pagpo-promote sa ating bansa bilang magandang destinasyon na babalik-balikan.


Ang pakikipag-ugnayan natin sa iba’t ibang bansa para mapaigting ang ating kalakalan at relasyong diplomatiko, at ang pagpapalawak ng sistema hinggil sa serbisyong pinansyal lalo na sa mga underserved na sektor ay mga mahahalaga ring aspeto upang lalo pang lumago ang ating ekonomiya.


Naniniwala ako na kung tayo ay magkakaisa at walang mga partisyon at malalang dibisyon o diskusyon kundi’y kooperasyon lamang ng pamahalaan, ng pribadong sektor at mamamayan, ang ating ekonomiya ay dire-diretso ang paglago.


Anak ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page