top of page
Search

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Abril 8, 2024



Lahat ng mga Pilipino ay iniimbitahang makilahok sa paggunita para sa ika-82 taon ng Araw ng Kagitingan at ng 2024 Philippine Veterans’ Week na pinangungunahan ng Department of National Defense (DND) at ng Philippine Veterans Affair Office (PVAO) na nagsanib-puwersa para sa pag-alala sa taong ito na papatak ng Abril 5 hanggang Abril 11.


Tatawagin itong “Pagpaparangal sa Kagitingan ng mga Beterano: Saligan ng Nagkakaisang Pilipino,” ang aktibidad na ito ay upang bigyang-diin ang kahalagahan ng pagpupugay sa katapangan at pagsasakripisyo ng ating mga beterano — na kung hindi dahil sa kanila ay hindi natin tinatamasa ang kalayaan, na dapat nating pasalamatan at tuloy ay tumimo sa isip ng mga kabataan.


Ang aktibidades ngayong taon ay magsisimula sa pamamagitan ng tradisyunal na Sunrise ceremony na ginanap noong Abril 5, alas-6 ng umaga sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio, Taguig City.


Sinundan ito ng Wreath-Laying Ceremony bandang alas-7 ng umaga at Review in Honor of the Veterans, bandang alas-9 ng umaga na ginanap naman sa Hunters ROTC Guerilla Field ng Philippine Army Headquarters sa Fort Bonifacio ng siyudad ding nabanggit.


Ang pinakalundo sa paggunita ng veterans’ week ay ang ika-82 taon ng Araw ng Kagitingan na gaganapin bukas, Martes (Abril 9, 2024) ng umaga sa Mount Samat National Shrine, Pilar, Bataan na pangungunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (PBBM) kabilang din ang wreath-laying ceremony na isasagawa sa Dambana ng Kagitingan upang gunitain ang mga Pilipino at Amerikanong beterano noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. 


Magsasagawa rin ng talumpati si PBBM upang bigyan ng pag-asa ang mga Pilipinong beterano na hindi bumibitaw ang pamahalaan sa pangako hinggil sa kapakanan ng mga ito.


Sa Abril 10 naman ay magkakaroon ng ‘Tribute to all Filipino Heroes’ na tatawaging ‘Paggunita sa Capas’ na isasagawa ganap na alas-9 ng umaga sa Capas National Shrine sa Capas, Tarlac.


Kabilang din dito ang paggunita sa Philippine Veterans Week, na lalahukan naman ng pamilya ng mga beterano sa bansa na gagawin sa Libingan ng mga Bayani para sa Sunset Ceremony sa Abril 11, 2024, dakong alas-5 ng hapon.


Ang seremonya ay kapapalooban naman ng misa at mataimtim na programa kung saan ang mga magsisidalo ay magbabahagi ng kanilang personal na karanasan hinggil sa pagiging beterano at kung paano ito nakaapekto sa kanilang buhay.


Napakarami ng iba’t ibang klase ng pag-alaala ang ating mararanasan sa mga darating na araw kabilang na r’yan ang handog na ‘libreng sakay’ ng pamunuan ng MRT-3 sa loob ng isang linggo para sa lahat ng war veterans sa bansa.


Sa mga lokal na pamahalaan sa iba’t ibang bahagi ng bansa, may kani-kanyang paraan ng isasagawang aktibidad ngunit ang mahalaga ay makiisa tayong gunitain kahit simpleng lingon lamang sa ating mga watawat para alalahanin na minsan, may mga beteranong nagbuwis ng buhay para sa ating lahat.


Hindi basta isang selebrasyon ang paggunita sa Araw ng Kagitingan kung hindi ay pag-alaala sa katapangan ng mga Pilipinong nakipaglaban at nagbuwis ng buhay para sa bayan kahit pa ‘bumagsak’ ang depensa ng bansa sa Corregidor sa Bataan noong Abril 9, 1942.


Nangyari ito noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at nais sakupin ng bansang Japan ang mga kaalyado ng Amerika, kabilang ang Pilipinas.


Upang hindi kaagad mapasok ng mga sundalong Hapon ang Maynila, naglagay ng matinding depensa ang bansa sa Corregidor, at kasangga ng mga sundalong Pilipino at mga sundalong Amerikano.


‘Yung Maynila, bago ‘yan madaanan ng mga barko, ay daraan muna ‘yan sa Cavite at Bataan. Sa pagitan ng Cavite at Bataan, nandiyan ‘yung tinatawag na Island of Corregidor.


D’yan malaki ang naging partisipasyon ng ating mga ninuno dahil binigo nila ang mga Hapones na hindi ganap ang pananakop ng todo-todo. Dahil hindi nga nila mailagay ang kanilang supplies sa Maynila.


Kahanga-hanga ang ipinamalas na pagdepensa ng ating mga sundalo sa Corregidor dahil napabagal nila ang pagsakop ng mga Hapones sa bansa.


Ang higit na nakakabilib, marami sa nagtanggol sa Corregidor ay hindi talaga mga tunay na sundalo dahil karamihan ay reservist lamang o mga ordinaryong mamamayan na kulang na kulang sa pagsasanay, ngunit napatagal nila ang laban.


Napatagal nila ang laban dahil pinatatag lamang ng tapang at pagmamahal sa bayan kontra sa mga tunay na sundalo ng Japan. 


Marami sa mga nagtanggol sa Corregidor ay mga reservist na karaniwang mga indibidwal o manggagawa at hindi talaga mga propesyonal na mga sundalo.


Pero noong Abril 9, 1942 ay nakumpirmang bumagsak na ang Bataan at umabot sa 70,000 mga sundalong Pinoy at Amerikano, kung saan naganap ang ‘Bataan Death March’ — nasa 20,000 sundalo ang namatay.


Pinaglakad sila ng mahigit 100 kilometro mula Mariveles, Bataan hanggang sa San Fernando, Pampanga. At saka isinakay at isiniksik sa bagon na papunta sa Camp O’Donnel sa Capas, Tarlac.


Hindi natin ipinagdiriwang ang ‘Fall of Bataan’ ngunit ginugunita natin ito upang alalahanin ang kabayanihan ng marami nating kababayan na nag-alay ng buhay, at sana ay hindi na maulit pa ito sa ating kasaysayan.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Abril 5, 2024



Napapanahon ang pagbuo ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. (PBBM) noong nakaraang Martes (Abril 2) ng isang inter-agency committee upang pangasiwaan ang mga aktibidad ng right-of-way (ROW) acquisition ng pamahalaan para sa iba’t ibang railway projects sa bansa. 


Sa ilalim ng Administrative Order No. 19 s. 2024 na kamakailan lamang nilagdaan ni PBBM, ang Inter-Agency Committee para sa ROW Activities sa National Railway Projects ay inatasang pag-aralan at suriin ang epektibong pakikipagtulungang mekanismo upang mapabilis ang proseso ng pag-asikaso ng lupa na kinakailangan para sa implementasyon ng lahat ng mga proyektong may kaugnayan sa paglalagay ng riles. 


Bilang chairman ng Senate Committee on Public Works ay labis ang ating pagsaludo kay PBBM sa kanyang desisyon para mapabilis ang matagal nang naaantalang mga proyekto patungkol sa railways. 


Ang nabanggit na komite ay pangungunahan ng kalihim ng Department of Transportation (DOTr) at magiging co-chaired naman ng kalihim ng Department of Human Settlements and Urban Development. 


Ang bagong buong komiteng ito ay may mandato rin na tukuyin ang angkop na mga serbisyo o programa tungkol sa pag-asikaso ng lupa -- tulad ng kabuhayan, pagbabalik ng kita, at resettlement. 


Bukod dito, may kapangyarihan itong pagsamahin at patakbuhin ang mga sangay ng ahensya upang mapabilis ang pagbabadyet, pag-uusap at pagresolba sa mga isyu ng reklamo, at pagbuo ng mga teknikal na grupo ng trabaho. 


Our President is really both a visionary and a realist. Sinisiguro niya na ang mga pangarap na makamit ng ating bansa ay nakaangkla sa konkretong plano at aksyon.


PBBM is really bringing our country to greater heights. With this new committee to focus on right-of-way, we see more railway projects coming into reality. 


Ibig sabihin, itinatag ni PBBM ang Inter-Agency Committee for Right of Way Activities para sa national railway projects upang maging episyente at maayos ang proseso sa pagbili ng mga lupa sa implementasyon ng lahat ng railway projects sa bansa. 


Ang pagbuo ng inter-agency committee ay nakapaloob sa inilabas na administrative order No. 19 na inisyu ng Malacañang nitong March 25 na magsisilbing sandata rin upang masiguro na walang maaagrabyado kahit isa nating kababayan sa mga ilalagay na riles at maapektuhan ang kanilang mga lupain. 


Kabilang sa magiging mandato ng komite ay pakikipag-ugnayan sa implementasyon ng railway projects, pagbalangkas at pag-apruba ng mga polisiya, pagtukoy ng mga angkop na serbisyo at programa gaya ng livelihood, resettlement at pagpapanumbalik sa kita ng mga kababayan natin na maapektuhan sa mga railway projects. 


Kabilang sa mga malalaking priority project ng administrasyon sa transportation sector ay ang Metro Manila Subway Project, North-South Commuter Railway System, Mindanao Railway Project at ang PNR South Long Haul, na layuning mapalakas ang mobility, connectivity at pag-unlad ng mga lugar sa labas ng malalaking lungsod sa bansa. 


Sa kabuuan ay bibilis na matapos ang mga itatayong railway sa bansa sa tulong ng bagong tatag na komite dahil labis na itong pinananabikan ng marami nating kababayan. 


Napakalaking hakbangin nito tungo sa pag-unlad ng bansa dahil makasasabay na ang marami sa atin sa bilis ng takbo ng teknolohiya tulad ng nararanasan sa ibang bansa. 


Inaasahang papalo rin pataas ang ating ekonomiya kasabay ng mga bubuksang ruta ng transportasyon na isa sa nakikitang magpapagaan sa sitwasyon ng ating mga kababayan. 


Sana lang ay hindi na magdulot ng kahit anong negatibong dahilan ng pagkaantala pa ng mga nakahanay na proyekto upang masilayan na natin ang napakagandang legasiya na iiwan sa atin ni PBBM sa panahon ng kanyang panunungkulan. 


Suportahan natin ang pagsulong ng Pilipinas at isa-isantabi na muna ang labis na pamumulitika dahil para sa bayan ang lahat ng ito!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Abril 3, 2024



Kinalampag na natin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) hinggil sa posibleng pananalasa ng La Niña ngayong taon.


Kaugnay ito ng babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na malaki ang posibilidad na pumalit ang La Niña pagkatapos ng El Niño phenomenon.


Dapat talaga proactive. Ngayon pa lang ‘yung mga silted na ilog ay dapat hukayin na.


Nagpasabi na tayo dati sa DPWH na bumili ng mga bagong backhoe at iba pang kagamitan para sa paghuhukay ng mga ilog, estero at iba pang daanan ng tubig, habang summer pa — baka nakakalimot na naman ang DPWH d’yan.


Ngunit, huwag nating iasa lahat sa pamahalaan ang paghahanda at pag-iingat para sa paparating na La Niña dahil kailangang magsimula din sa bawat isa upang hindi tayo magsisi sa huli.


Hindi na naman bago ang pananalasa ng La Niña sa bansa at makailang ulit na rin tayong napahamak dahil sa kapabayaan -- kaya huwag na nating hayaan na maulit ang mga matitinding pagbaha dahil lamang sa kawalan ng paghahanda.


Malaking bagay kung mismong ang ating mga kababayan ay tutulong mapaganda ang kapaligiran tulad ng paglilinis sa mga estero at baradong kanal na kayang-kaya nang pagtulungan sa barangay. Gayundin, ang napakasimpleng bagay na tamang pagtatapon ng basura upang hindi magbara ang mga daluyan ng tubig.


At kung sakali namang dumating ang matinding pagbaha, dapat ay alerto at ready ang lahat, at makinig sa mga anunsyo at payo ng mga kinauukulan.


Pahalagahan natin ang buhay ng bawat isa na posibleng mawala dahil sa naantala lamang ang pagresponde sa rami ng dapat unahin. Nangyari na ang mga insidenteng ito at malaki ang ating pagkakataon na baguhin ang lahat para walang mapahamak.


Sa mga kababayan nating palagi namang lumulubog sa tubig baha ay makabubuting humanap ng pansamantalang matutuluyan upang hindi na maipit pa sa gitna ng baha sakaling dumating ang panahon ng La Niña.


Hindi lang kalinisan ang ating dapat na paghandaan, maging ang mga kakainin natin sa panahon ng La Niña ay dapat nating pagtuunan ng pansin para hindi na mangyari na may mga binawian ng buhay dahil sa walang makain sa gitna ng kalamidad.


Hindi natin sinasabi na tayo lang ang maghanda dahil maging ang DPWH ay dapat tiyakin na ginagampanan ang kanilang pananagutan upang maiwasan na may mapahamak.


Sisikapin nating lahat ng ahensya ng pamahalaan na may kinalaman tungkol sa kaligtasan ng ating mga kababayan ay kikilos at gagawin ang kanilang ambag para sa kapakanan ng taumbayan.


Dapat nating isipin na kayang-kaya nating lampasan ang anumang kapahamakan kung sama-sama at tulung-tulong tayong maghahanda kahit na maliliit na mga problema lang sa barangay.


Ang mga halal na opisyal sa barangay ay kailangang preparado rin upang hindi magkukumahog sa panahong natataranta na ang lahat na makapagbigay ng nararapat na tulong.  


Hindi na bago ang La Niña sa atin, kaya batid na natin ang puwedeng mangyari, ang kailangan lamang ay repasuhin natin ang ating mga naging karanasan para hindi na maulit ang mga mapapait na pangyayari.


Kung handa ang pamahalaan at ang taumbayan ay maiiwasan natin ang sisihan na palaging nagaganap tuwing matatapos ang kalamidad.


Maging ang Department of Agriculture (DA) ay dapat ding manguna sa paghahanda upang hindi na natin sapitin ang dinanas nating perhuwisyo sa panahon ng tagtuyot — na maraming pananim ang nasalanta.


Kaya ang aking paalala ay paghandaan nating lahat ang La Niña, kaysa kumento tayo nang kumento pero hindi naman tayo gumagalaw.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page