top of page
Search

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 23, 2021



Sa wakas ay natinag na rin ang puwersa ng China matapos magmatigas na sakupin ang karagatang bahagi ng ating teritoryo nang magpakita na ng puwersa ang ating sandatahang-lakas sa tulong ng Estados Unidos.


Ito ay matapos na madiskubre ng ating pamahalaan na may 240 Chinese vessels na nakahilera sa Julian Felipe Reef kaya agad hiniling ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na lisanin ng mga ito ang West Philippine Sea.


Hindi rin nakatiis ang Department of Foreign Affairs at agad na naglatag ng dalawang diplomatic protest laban sa China dahil sa presensiya ng kanilang mga barko sa ating teritoryo na kanilang inaangkin.


Ngunit sa halip na umalis ay nagmatigas pa ang China na hindi umano nila intensiyong mapadpad sa ating teritoryo bagkus ay naobliga lamang sila dahil sa sama ng panahon na hindi pinaniwalaan ng ating pamahalaan dahil napakaaliwalas ng mga araw na iyon.


Dahil dito ay naobliga nang magpadala ang Pilipinas ng apat nating pinaka-advanced warships sa West Philippine Sea (WPS) upang subukan na ang China sa lumalaki nilang aktibidades sa Julian Felipe Reef.


Kabilang sa mga unit na ating ipinadala ay ang dalawang brand-new missile-guided frigates, ang BRP Jose Rizal at BRP Antonio Luna at nagpakalat din ng mga warplanes para bantayan ang ating teritoryo matapos tayong magsagawa ng koordinasyon sa United States (U.S.)


Sa puntong ito ay nagpadala rin sa naturang lugar ang US ng kanilang aircraft carrier USS Theodore Roosevelt, ngunit ang kanilang aircraft carrier ay hindi bumiyahe mag-isa dahil sa bawat U.S. carrier ay may nakabuntot na sangkaterbang escort tulad ng submarines, destroyers at cruisers na pumuprotekta sa iba pa nilang barko.


Ayon sa ulat namataan din ang dose-dosenang aircraft na kayang isakay ang may 4,500 personnel kasabay ng kanilang USS Makin Island, isang assault ship na lulan ang 20 attack aircraft o stealth strike-fighters na may sangkaterba ding escort.


Dahil dito ay unti-unti nang nagsialis ang mga barko ng China at sa pinakahuling ulat ay nasa sampung barko na lamang at inaasahang aalis na rin isa sa mga araw na ito.


Nauna rito ay nanawagan ang environmental group na Homonhon Environmental Rescue Organization (HERO) sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na imbestigahan ang labis na pangingisda ng mga Tsino sa West Philippine Sea na posibleng humantong na sa shortage.


Ang masakit pa, maraming pagkakataon na ang mga huling isda ng mga Tsino sa ating teritoryo ay ipinagbibili pa sa ating mga mangingisda sa mas mahal na presyo ayon mismo sa imbestigasyon ng HERO.


Inihayag din mismo ng National Task Force for West Philippine Sea (NTF-WPS) na humigit-kumulang sa 240,000 kilo ng isda ang puwersahang tinatangay mula sa ating teritoryo ng mga Tsino bawat araw.


Ilan lang ito sa negatibong epekto na ating nararansan sa ginagawang pagsakop ng China sa ating teritoryo at hindi pa natin isinasama ang napakarami ng insidente na tinugis ang ilan sa ating mangingisda ng kanilang patrol boat.


At marami pang ulat na hindi lang basta barkong gamit sa pangingisda na pag-aari ng China ang nakakalat sa ating karagatan dahil napakaraming barkong pandigma ang nakaumang sa West Philippine Sea.


Kumbaga talagang nakakabarako na ang ginagawang ito ng bansang China na itinuturing nating kaibigan at naniniwala din tayo sa opinyon ng maraming eksperto na hindi tama na humantong tayo sa pakikipagdigma para patunayang atin ang sinasakop nilang lugar.


Nakalulungkot lang isipin na humantong pa tayo sa puntong kailangan pang magpakita ng puwersa samantalang makukuha naman dapat ang lahat sa mapayapang pag-uusap.


Aminado naman tayong hindi sapat ang ating kapasidad para magsimula ng digmaan ngunit tama lang na ipagpatuloy ng pamahalaan ang paninindigan para patunayang pag-aari natin ang West Philippine Sea.


Kahit sa mapayapang paraan ay huwag tayong bibitaw upang makita ng buong mundo at ng mga susunod nating lahi na kahit malagutan tayo ng hininga ay hindi tayo bumitaw sa labang ito dahil atin talaga ang West Philippine Sea.


Sa ganitong paraan ay hindi mahihinto ang pag-asa ng mga bagong sibol para patuloy na ipagtanggol ang ating bansa laban sa kahit anong lahi na nais sumakop sa ating teritoryo.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 21, 2021



Halos lahat ng Pinoy ay labis ang pag-aalala na mahawa sa COVID-19, ngunit mataas din ang porsiyento na tahasang sinasabi na ayaw talagang magpabakuna dahil takot na mas mapadali pa ang kanilang buhay.


Ito ang lumalabas sa survey ng Pulse Asia na isinagawa noong Pebrero 22 hanggang Marso 3 ng taong kasalukuyan at umabot sa 2,400 na may edad 18 pataas ang nagpahayag ng kanilang nararamdaman hinggil sa kasalukuyang pandemya.


Nasa 94% ang nagsabing nakararanas sila ng pangamba para sa kanilang sarili at sa kanilang pamilya na baka isang araw ay mahawa sila sa COVID-19 at hindi na makaligtas.


Ayon sa datos ng Pulse Asia nasa 90% ng mga kinapanayam mula sa iba’t ibang lugar maliban sa Mindanao na mayroon lamang 89% ay pare-pareho silang nagpakita ng labis na pangamba nang pagkahawa sa nakamamatay na virus.


Lumabas din sa resulta ng survey na bawat Pilipino ay malinaw at malawak ang kaalaman hinggil sa mga bakuna na masusing binuo sa iba’t ibang bansa tulad ng China na nasa 100% ang kanilang awareness, Russia nasa 97%, United Kingdom nasa 96% at India na nasa 93%.


Kaya lamang kung tiwala sa mga bakunang ito ang ating tatalakayin ay ibang usapan ito dahil 63% sa ating mga kababayan ang walang tiwala sa bakunang gawa ng China.


Nasa 44% naman ang kanilang tiwala sa bakunang gawa ng United States samantalang nasa 43% naman ang ibinigay nilang tiwala sa bakunang gawa ng United Kingdom at 40% para sa Russia at sa India ay nagbigay sila ng 45% para sa kawalan ng tiwala at 43% para sa mga nag-aalinlangan.


Ayon pa sa resulta ng survey 61% o anim sa bawat sampung Pilipino ay ayaw o hindi pa handang magpaturok ng kahit anong klase ng bakuna laban sa COVID-19 na meron na tayo sa ating bansa.


Ang sentimiyentong ito ng ating mga kababayan ay magkakapareho sa halos lahat ng lugar at nasa 16% ang nagpahayag na nais na nilang magpabakuna o dalawa lamang sa sampung Pinoy ang may gusto.


Habang nasa 23% naman ang hindi pa nakakapagdesisyon o mahigit lamang sa 2 sa sampung Pinoy ang wala pa talagang plano kung magpapaturok o hindi.


Ang kaligtasan ng bawat isa ang nangungunang dahilan at nasa 84% sa mga ito ang tahasang nagpahayag kung bakit takot silang magpabakuna at nasa 74% naman ang hindi talaga desidido na may pareho ding kadahilanan.


Ang mga nalalabi naman sa mga kinapanayam ay nagsabing kaya urong-sulong sila kung magpapabakuna o hindi dahil sa dudang baka hindi naman epektibo ang bakuna, hindi na ito kailangan, baka hindi libre o baka sobrang mahal.


Doon naman sa mga handa nang magpabakuna ay nasa 52% ang nais na maturukan ng Pfizer, nasa 22% ang payag na mabakunahan ng Sinovac na bago isinagawa ng survey ay naglabas na ng emergency use approval ang Food and Drug Administration (FDA).


Aprubado rin ng ilan nating kababayan ang iba pang bakuna na nakakuha lamang ng 1%, ang AstraZeneca ay nakakuha ng 6%, Gamaleya Research Institute-3%, Johnson & Johnson-1%, Sinopharm-1% at Moderna ay 1%.


Malaking bagay ang pagsisikap na ito ng Pulse Asia dahil magkakaroon tayo ng basehan lalo pa at nag-uumpisa na ang pagtuturok ng bakuna kung paano natin tutugunan ang kaligtasan ng bawat isa sa gitna ng malaking agam-agam.


Kung mananatiling ganito pa rin ang magiging tayo ng ating mga kababayan ay mahaharap tayo sa malaking problema lalo pa at target ng pamahalan na bakunahan ang mahigit sa 70% ng ating mga kababayan hanggang sa katapusan ng susunod na taon.


Sa biglang tingin, tila wala lang ang resulta ng survey na ito ngunit kung mananatili ang ganitong pananaw ng ating mga kababayan at hindi na natin mababago pa ay tiyak na mahaharap tayo sa malaking pagkakaantala na abutin ang bilang ng mga dapat bakunahan sa bansa.


Lalo pa at may paiba-ibang anunsiyo na dapat nang itigil ang ilang klase ng bakuna dahil sa umano’y pamumuo ng dugo na ikinasawi na ng ilang naturukan na lalo pang nakadagdag sa takot na nararamdaman ng ating mga kababayan.


Kung inaakala nating naabot na natin ang sapat na kaalaman para sa kahalagahan ng bakuna laban sa COVID-19 ay isa itong malaking pagkakamali kung pagbabasehan natin ang resulta ng Pulse Asia survey.


Kaya marahil ay magdagdag pa nang pagsisikap ang Department of Health (DOH) at iba pang ahensiya at sektor na tumutulong sa pamahalaan upang itaas pa ang kaalaman sa kahalagahan ng bakuna laban sa COVID-19.


Bakuna lang ang tanging paraan sa ngayon kung nais ninyong magbalik tayo sa dati nating pamumuhay, magbalik ang dating dami ng mga sasakyan sa lansangan, magbukas ang mga establisimyento, muling magbukas ang mga paaralan, magbalik ang mga trabaho at iba pang oportunidad.


Hindi natin nakikita ang kalaban pero tumataas ang bilang ng mga namamatay at tanging bakuna pa rin ang tanging pag-asa para maipanalo natin ang labang ito.


Kung mananatiling iiral ang takot ng publiko laban sa bakuna ay tiyak na mabibigo tayong maipanalo ang pakikidigma laban sa pandemyang ito, na huwag naman sana!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 16, 2021



Isang araw ang pinalipas mula nang madiskubre ng operatiba ng Department of Transportation (DOTr) ang mga kolorum na itinatakas ang mga pasaherong walang dokumento na negatibo sa COVID-19 ay muli na namang itinuloy ang kanilang operasyon.


Matatandaang umuusok sa galit si DOTr Secretary Arthur Tugade nang humarap ito sa press conference matapos na madiskubre ng kanyang tanggapan ang ilegal na operasyon ng mga kolorum na sasakyan patungo sa mga lalawigan.


Sa unang araw ng kanilang operasyon ay napakaraming pasahero ang kanilang nasakote na lulan ng mga kulorum na sasakyang patungong Bicol Region mula National Capital Region (NCR) kabilang na ang Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna o ang NCR Plus bubble.


Umabot sa 12 vans ang naaktuhang bumibiyahe nang walang prangkisa na siyang responsable sa pagpapasok sa Bicol Region ng mga pasaherong walang kaukulang papeles o swab test at 80 sa mga ito ang positibo sa COVID-19.


Nasundan pa ng ilang araw ang naturang operasyon sa mga itinalagang check point sa mga boundaries at marami pa rin ang nasasakote ng mga operatiba hanggang sa panandaliang mahinto ang mga ilegal na biyahe dahil sa init ng operasyon.


Ngunit isang araw matapos na humupa na ang sitwasyon sa media ay tuloy na naman ang maliligayang araw ng mga iresponsableng tsuper at van operator na lahat ay sinasamantala ang pagkakataong kumita sa kasagsagan ng pandemya.


Ang resulta, ang Lalawigan ng Albay na dati ay halos zero ang kaso ng COVID-19 mula noong Marso noong nakaraang taon ay biglang isinailaim sa General Community Quarantine (GCQ) ang Legaspi City, Daraga, Guinobatan, Ligao City, Tabaco City, Bacacay, Libon Oas at Tiwi dahil sa pagtaas ng kaso.


Ang lalawigang kamakailan lamang ay malayang nakakapamuhay ng maayos ang mga residente ay biglang sinaklot ng pangamba dahil sa unti-unti nang tumataas ang bilang ng nahahawa sa COVID-19.


Hindi lamang ang lalawigan ng Albay ang tumataas ang kaso dahil maging ang iba pang bahagi ng Bicol Region tulad ng Camarines Norte at Sur ay kapansin-pansin din ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.


At isa sa mga nakikitang dahilan ay ang walang tigil na paglabas-masok ng mga pasaherong walang swab test mula sa NCR plusna malayang nakalulusot sa mga itinalagang check point na may mga nakatalagang pulis at sundalo na bukod sa nakauniporme ay armado pa ng matataas na kalibre ng baril.


Sa kasalukuyan ay suspendido pa rin ang biyahe ng mga provincial buses kabilang na ang Albay kaya ang dating van na nawalan din ng biyahe ay liminya na sa ilegal na gawaing ito.


Ang masaklap, maging ang mga pribadong sasakyan tulad ng kotse at SUV (Fortuner, Ford at Montero) ay namamasada na rin na dumagdag pa sa mahigit 300 van na nakatala sa mga iba’t ibang samahan sa naturang lalawigan.


Aktibo ang online booking at lantaran itong namo-monitor ng mga taga-Albay ngunit kapansin-pansing hindi kumikilos ang lokal na pamahalaan at pulisya sa kabila nang pagtaas na ng kaso ng COVID-19.


Sa mga kulorum na ito ay hindi na kailangan ang swab test dahil sa halagang P3,000 hanggang P5,000 depende sa layo ng ruta ay ihahatid pa ang pasahero sa kani-kanilang destinasyon.


Napakalaking sindikato na ng operasyon ng mga kolorum dahil centralized na ang online booking at mula alas-3:00 ng hapon hanggang alas-7: 00 gabi ay walang hinto ang pag-alis ng sasakyan mula NCR plus.


Wala ring umiiral na terminal dahil isa-isa nilang sinusundo ang mga pasahero sa mga bahay-bahay base sa mando ng operator online na siyang nakikipagtransaksiyon sa mga nais bumiyahe ng walang problema patungong Albay.


Tinatayang nasa 300 hanggang 400 sasakyan ang labas-masok sa Albay at kung bawat isa ay magbibigay na lamang ng P2,000 para sa lahat na ng check point sa buong lalawigan kada-biyahe ay tumataginting na P800,000 ito sa kabuuan araw-araw.


Ang datos ay impormasyon lamang bunsod nang pangamba ng mga residente at pilit nating ipinipikit ang ating mga mata para huwag maniwala, pero kung patuloy ang operasyon ay paano natin ito maitatanggi?


Naniniwala tayong hindi lahat ng nasa lokal na pamahalaan ay inaabot ng sistemang ito kaya makabubuting pangunahan nila mismo ang paghihigpit para makatulong sa pamahalaan sa kabuuan at sa taumbayan na huwag nang lumaganap ang pandemyang ito.


Sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga sa mga lagusan ng Albay, ipakita ninyong walang katotohanan ang mga sumbong, ipinatigil ng pamahalaan ang pampublikong biyahe kaya dapat kayo mismo ang magpatupad nito.


Hangga’t may nakalulusot, may nagpapalusot!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page