top of page
Search

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 06, 2021



Kamakailan ay umalingawngaw ang balita hinggil sa dami ng ating mga kababayang ayaw magpabakuna dahil karamihan ay takot mamatay at walang tiwala sa itinuturok na bakuna.


Pinatotohanan ito ng ilang survey firm na mataas pa talaga ang bilang ng mga ayaw magpabakuna kaya humantong na sa nais nang ipaaresto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ito na dala lamang ng bugso ng inis sa gitna ng kaniyang pagsasalita sa telebisyon.


Ngunit sa mga nagdaang araw ay tila nagbabago na ang pananaw ng marami nating kababayan dahil kitang-kita na ang kanilang kagustuhan na magpabakuna at katunayan, palaging dagsa ang mga tao sa lugar na isinasagawa ang vaccination rollout.


Kaso tila habang dumaraan ang mga araw ay kung anu-anong kapalpakan ang dinaranas ng ating mga kababayan na maghapong pumila para maturukan lamang ng bakuna pero pagdating sa dulo ay wala na palang bakuna.


Mabuti na lamang at may lokal na pamahalaan na nagbibigay ng maayos na serbisyo kaya naiingganyo ang marami na magpabakuna tulad nang pagtungo mismo sa mga bahay-bahay para turukan ang mga senior citizen at may iba pang karamdaman.


Sa Marikina City ay kapuri-puri ang kanilang sistema dahil lahat ng nais magpabakuna ay mapayapang nakaupo lamang sa kani-kanilang lugar at mismong ang nagbabakuna ang lumalapit isa-isa sa mga nais magpaturok at may inilaan pang meryenda.


Hindi natin sinasabing dapat lahat ng lokal government unit (LGU) ay dapat itong tularan, ang sinasabi natin, dapat ipatupad ng maayos ang pagbabakuna sa mga lugar upang maiwasan ang nararamdamang pagkainis ng ating mga kababayan.


Kung pakikinggan natin ang pahayag ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-EID) ay kitang-kita ang milyun-milyong bakuna ang nagdaratingan sa bansa at walang kaproble-problema.


Ngunit tila dumaranas ang maraming bayan sa mga lalawigan ng hindi patas na distribusyon ng supply ng bakuna at napakaraming lugar na inip na inip na ang mga tao na mabakunahan.


Siyempre, pananagutan ito ng IATF-EID, ngunit may mga insidente umano sa mga lalawigan na nahahaluan ng pulitika ang distribusyon ng bakuna at alam n’yo ba na sa bayan ng Hubillar, Albay ay 4 na doses lamang ng bakuna ang kanilang natanggap para sa buong bayan.


Sa pinakahuling distribusyon ay maraming bayan sa Albay ang nakatanggap lamang ng kakaunting bilang na hindi sapat para sa napakatagal nilang paghihintay at kulang na kulang para sa isinasagawang paghahanda ng LGU.


At lumalabas sa ulat na halos sa maraming lalawigan sa bansa ay nararanasan ang kawalan ng bakuna dahil sa katuwiran umano ng IATF-EID na dapat unahin ang mga lugar na matindi ng sitwasyon.


Nakalulungkot sa panig ng ating mga kababayan na napapanood sa telebisyon na milyun-milyong bakuna ang nagdaratingan sa bansa tapos ay 4 na doses lamang ang makararating sa kanilang bayan at malamang ay ang malapit pa sa munisipyo ang mauunang maturukan nito.


Mas mabuti siguro na kung hindi talaga sapat ang dumating na bakuna ay huwag na lamang munang bigyan ang mga bayan na hindi pa kayang bigyan ng tamang dami ng bakuna sa halip ay idagdag na lamang sa iba pang lugar na kakaunti rin ang nakalaan.


Isipin n’yo na lamang ang pag-aaksaya ng panahon sa panig ng LGU para makuha ang mga bakunang ito, tapos apat na doses lamang ang kanilang matatanggap na tila lalo pang dumurog sa kalooban ng ilan sa ating mga kababayan.


Nitong nagdaang mga araw ay ilang insidente nang palpak na pagtuturok ng bakuna ang nag-viral sa social media bago pa nabalitaan ng telebisyon na hindi naman natin sinisisi ang mga may pagkukulang dahil sa naiintindihan naman natin na tao lamang sila, napapagod at puwedeng magkamali.


Ang binibigyang-diin natin ay hindi ito ang panahon na dapat nasasangkot pa tayo sa kung anu-anong kapalpakan sa gitna ng dumarami na ang nais magpabakuna.


Kunsabagay, nagawan na naman ng paraan ng IATF-EID na maiwasan ang kapalpakan sa pagtuturok ng bakuna dahil nagpatupad na sila ng sistema sa mga nagtuturok upang hindi mailto na puwede naman palang gawin na dapat umpisa pa lamang ay naipatupad na.


Lumalaki ang ulo ng ilang ayaw magpabakuna na patuloy na gumagawa ng paninira para idamay lamang ang marami nating kababayan at ginagamit nila sa kanilang pambobola ang mga kapalpakang ito sa pagbabakuna.


May nagbuo kasi ng kuwento na may pinsan umano siya sa America na siyang nagbigay ng impormasyon na kaya tinuturukan ang mga tao para maging robot at matapos mabakunahan ay madali nang mapasunod makalipas ang dalawang taon.


Na kesyo kaya hindi umano inilalabas sa media dahil sa bayad na umano ang media at ang kuwentong ito ay patuloy na kumakalat araw-araw sa umpukan ng mga tsuper, barbero at mga kababayan natin sa lalawigan.


Sa mga nakakaintindi nating kababayan ay pagtatawanan lamang ang imbentong kuwentong ito, ngunit may ilan tayong kababayan na taliwas mag-isip ang naniniwala rito.


Kaya sa ngayon ay makabubuting iwas-palpak muna tayo sa lahat ng aspeto pagdating sa pagbabakuna dahil isang mali lamang ay sisikat na agad sa buong mundo sa loob lamang ng ilang minuto at madadamay ang kaligtasan ng mga tao.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 02, 2021



Kung sawang-sawa na kayo patungkol sa mga naglalabasang balita hinggil sa COVID-19 ay makabubuting dagdagan n’yo pa ng kaunti ang inyong pasensiya dahil napakahalagang malaman ninyo kung gaano kadelikado ang Delta variant na ngayon ay mas tumindi pa nang maging ‘Delta plus’ na.


Hindi natin tinipa ang artikulong ito upang maghasik ng takot o magdagdag ng alalahain sa panig ng ating mga kababayan kung hindi ang madagdagan ang ating kaalaman para makapag-ingat tungo sa kaligtasan ng bawat isa.


Ang unang Delta (B.1.617.2) coronavirus variant ay nadiskubre sa India noong Disyembre na ngayon ay isa sa mga kinatatakutan dahil sa pinakamatinding strain ng coronavirus na umiikot ngayon sa buong mundo.


Ayon sa pag-aaral, ito ang pinaka-transmissible variant sa kasalukuyan dahil umaabot sa 40 hanggang 60 porsiyento itong nakakahawa kumpara sa Alpha (U.K./B.1.1.7) variant, na sumalanta ng ilang ulit sa iba’t ibang bahagi ng mundo sa panahon ng pandemya.


Ang unang Delta ay kumalat na sa halos 92 bansa at ang naturang strain ay naghasik ng ilang wave ng mga kaso ng COVID-19 sa maraming lugar na unang nanalasa sa India nitong mga nagdaang buwan, kasunod ay tumaas na rin ang mga kaso sa United Kingdom at halos 10 porsiyento ng bagong kaso ay namataan sa United States.


Nakilala ang unang Delta variant dahil tinabunan nito ang lahat ng malalaking balita sa buong mundo matapos na hindi mapigilan ang daluyong ng COVID-19 sa bansang India na kumitil ng napakaraming buhay.


Sa tindi ng epekto ng unang Delta ay kinakitaan na naman ito ng bagong mutation na tinawag namang ‘Delta plus’ na ngayon ay nagbibigay ng malaking pangamba sa mga eksperto hindi lang sa ating bansa kung hindi sa buong mundo.


Mismong ang India ay tinawag itong ‘variant of concern’ dahil sa pangambang isa itong potensiyal na mas higit na nakahahawa kumpara sa unang Delta.


Sa pinakahuling ulat ng health department ng UK hinggil sa kanilang summary ng routine scanning ng COVID-19 kung saan ang unang Delta variant ang responsable umano sa napakaraming bagong kaso ngunit nakitang halos 40 sa mga bagong kasong ito ay natukoy na isa ng ‘Delta plus’.


Nito lamang nagdaang linggo ay nalathala na tumaas na ang mga kaso ng ‘Delta plus’ variant sa U.S. Canada, India, Japan, Nepal, Poland, Portugal, Russia, Switzerland ,Turkey at masusing itong binabantayan na huwag makapasok sa ating bansa.


Tinutukoy din sa kasalukuyan ng mga eksperto ang fast-spreading Delta plus COVID variant na ito kung ano ang pagkakaiba nito sa mga naunang sintomas mula sa dating ‘Alpha’ strain na sumalanta rin sa maraming bansa.


Ang Health Ministry ng India ay naglabas din ulat na umabot na sa 40 kaso ng Delta plus variant na may K417N mutation ang kanilang nakumpirma sa isinagawang pagsusuri ng may 28 iba’t ibang laboratoryo na nagpahayag na ang Delta plus ay may tatlong nakakatakot na katangian.


Ito umano ang increased transmissibility, stronger binding to receptors of lung cells at ang potential reduction in monoclonal antibody response na labis umanong nakakapagpababa ng epekto ng antibody therapy na karaniwang ibinibigay sa pasyente ng COVID sa mga ospital.


Sa ngayon, ang mabilis na pagkalat ng ‘Delta plus’ ay mariing isinisisi sa second wave ng COVID sa bansang India na ngayon ay pinangangambahan pa ang ikatlong wave kaya nananawagan ang mga eksperto na maging kalmante lamang.


Ang mahalaga ay maintindihan nating lahat kung bakit kakaiba ang Delta plus sa ibang variant at bakit mas higit itong delikado, dahil ayon mismo sa paliwanag ng World Health Organization (WHO) ang Delta plus variant “is faster, it is fitter, and it will pick off the more vulnerable more efficiently than previous variants”.


Dahil dito ay nagbigay ng babala ang maraming COVID expert at WHO hinggil sa ‘Delta plus’ variant na posibleng mangibabaw ito sa buong mundo at magkaroon ng matinding outbreak sa mga lugar na hindi pa natuturukan ng bakuna ang mga tao.


Ibig sabihin ay nasa tamang landas ang isinasagawa ng ating bansa na bigyan ng bakuna ang ating mga kababayan dahil tanging ito lamang ang paraan sa ngayon na labanan ang pandemyang ito partikular itong ‘Delta plus’.


Wala namang bagong panuntunan na inilabas ang WHO at iba pang mga eksperto sa buong mundo para labanan ang coronavirus maliban sa paulit-ulit nang ipinatutupad na health protocol tulad ng pagsusuot ng facemask, regular na paghuhugas ng mga kamay at physical distancing.


Higit sa lahat ay ang pagpapaturok ng kumpletong bakuna dahil ito lamang ang pinakaepektibong panlaban maging sa delta plus na ito ayon mismo sa WHO.


Mabuti nga sa Abu Dhabi ng United Arab Emirates ay nagpalabas na ng kautusan na tanging ang mga naturukan lamang ng bakuna ang papayagang magtungo sa pampubliko at matataong lugar mula sa Agosto 20.


Samantalang sa atin ay kung anu-anong pakulo na ang ginagawa ng ilang lokal na pamahalaan para lamang magpabakuna pero marami pa rin ang takot sa bakuna dahil naniniwala sa kuwentong kutsero na magiging robot o zombie na umano ang isang nabakunahan.


Alalahanin ninyong palakas nang palakas at patindi nang patindi ang virus lalo na itong ‘Delta plus’ samantalang ‘pag may bakuna ka, may agimat ka!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 25, 2021



Noong nakaaraang linggo ay natuwa ang marami sa ating mga kababayan hinggil sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat ipatigil na ang paggamit ng face shield dahil sa kabi-kabilang reklamong galing mismo sa publiko.


Sa katunayan ay isa ang inyong lingkod sa mga natuwa at nagpasalamat sa pahayag na ito ng Pangulo na binigkas mismo kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III nang magtungo kami sa Palasyo kasama ang iba pang Senador.


Naging pursigido tayo sa panawagang ipatigil na ang paggamit ng face shield dahil sa negatibong epekto nito, ayon na rin sa pakikipag-ugnayan natin sa ilang doktor at eksperto hinggil sa pandemyang ito.


Nakadagdag pa ang hindi mapasinungalingang katotohanan na bukod sa Peru ay ang bansa lamang natin ang gumagamit ng face shield kumpara sa napakalalaking mga bansa sa buong mundo, ngunit maayos nilang nalalabanan ang COVID-19.


Bukod sa karagdagang gastos ay may taliwas na pahayag ang ilang doktor sa kaligtasang dulot nang pagsusuot ng face shield dahil sa hindi maayos na bentelasyon nito na lalo pang nagpalakas sa panawagan ng marami naing kababayan.


Dahil sa magkahating pananaw ng ating mga kababayan hinggil sa pagsusuot ng face shield ay agad na nakipagpulong ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa Pangulo na dapat umanong ituloy pa rin ang paggamit ng face shield.


Nitong Lunes ay opisyal nang binawi ng Pangulo ang pagpapatigil sa paggamit ng face shield at sa halip ay naglabas pa ng panuntunan kung saan-saan dapat gumamit ng face shield.


Ito ay dahil sa hindi pa umano napapanahon na ipatigil ang pagsusuot nito lalo pa at nakaalerto ang ating bansa laban sa sikat na sikat ngayong Delta variant na napakabilis nang pagkalat sa buong mundo.


Ang Delta variant ay unang nakita sa India sa huling bahagi ng 2020 na pinaniniwalaang may napakalaking kontribusyon sa napakataas na kaso ng COVID-19 sa India na dumanas ng second wave na hanggang ngayon ay nasa gitna pa rin nang pakikipagdigma laban sa pandemyang ito.


Nitong Hunyo 14 ay kinumpirma ng World Health Organization (WHO) na umabot na sa 74 bansa na sa buong mundo ang inabot na ng hindi mapigilang pagkalat ng Delta variant kabilang na ang ating bansa at mismong ang United States (US) ay nasa 10% na umano ang kumpirmadong kaso.


Nabatid na namataan din ang mga kaso ng Delta variant sa United Kingdom noong pang nakaraang Pebrero at naungusan nito ang unang pumutok na Alpha variant o mas kilala sa B.1.1.7. na unang natukoy sa Kent, England at nakumpirmang mas nakakahawa ito ng 43 hanggang 90% kumpara sa kasalukuyang variant na SARS-CoV.


Sa ibang pahayag ng ilang eksperto sa iba pang bansa ay lumalabas na nasa 30 hanggang 100% na mas nakahahawa ang Delta variant kumpara sa Alpha na labis na pinangangambahan.


Ang Delta variant ay kasalukuyang mabilis na kumakalat sa Southeast China at sa ating bansa ay sinasabi ng mga doktor na ang mga pasyente na nahawa sa virus na ito ay mas malala ang pagkakasakit at mabilis maupos ang kalagayan kumpara sa mga unang kaso ng COVID-19 sa simula ng pandemya.


Sa nagdaang mga kaso ng COVID-19 ay may ilan tayong kababayan na hindi na kinailangang dalhin pa sa ospital dahil sa may ilang malakas ang resistensiya at kinaya nang magpagaling sa kani-kanilang bahay sa tulong ng ilang kilalang gamot laban dito.


Ngunit taliwas umano ito sa kaso ng Delta variant, dahil tiyak na sa pagamutan babagsak ang nahawa nito upang gumaling para mabigyan ng tamang medikasyon at hindi maaari ang mga unang istilo ng ilan nating kababayan na nakatsambang gumaling.


Napatunayan din na ang mga nabigyan ng kumpletong bakuna ay may sapat nang proteksiyon para labanan ang Delta variant na tumapos sa buhay ng maraming tao sa India.


Ang mga pag-aaral na ito ang labis na pinangangambahan ng ilan sa ating mga eksperto kaya pilit nilang iginigiit na mapanatili ang pagsusuot ng face shield bilang karagdagan umanong proteksiyon.


Sa puntong ito ay posibleng may katuwiran ang Pangulo na bawiin ang una niyang pahayag dahil bilang Pangulo ng bansa ay wala siyang ibang hangad kung hindi ang kapakanan ng bawat Pilipino.


Ang mahalaga ay ang kaligtasan ng lahat lalo na’t panibago na naman itong Delta variant. Kaya importante ang patuloy na pag-iingat at pagsunod sa mga minimum health standards upang tiyakin na malayo tayo sa kapahamakan.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page