top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 24, 2023



ree

Hindi binigo ng San Antonio Spurs ang kanilang mga tagahanga at agad pinili si sentro Victor Wembanyama na numero uno sa 2023 NBA Draft kahapon sa Barclays Center. Nagrehistro ng sorpresa ang Charlotte Hornets sa pagkuha kay forward Brandon Miller na pangalawa kaya agad napunta sa Portland Trail Blazers si point guard Scoot Henderson.

Walang duda ang kalidad ng 7’4” at 19 anyos na si Wembanyama na naglaro para sa Metropolitans 92 sa French League. Ngayon pa lang ay inihahambing na siya sa mga alamat na higante ng NBA bunga ng taglay niyang kilos at liksi na bihira sa mga matatangkad.

Hinihintay tawagin ang pangalan ni Henderson subalit iba ang ibinigkas ni Commissioner Adam Silver. Ilang oras bago ang seremonya ay hati pa rin ang mga dalubhasa kung sino sa dalawa ang mauunang kunin matapos kay Wembanyama.

Sabay nagdiwang sina Amen Thompson at Ausar Thompson nang magkasunod silang kinuha ng Houston Rockets at Detroit Pistons sa #4 at #5, ang unang kambal na nakuha hindi lang sa Top 10 kundi sa Top Five. Sisikapin na ng mag-utol na ibangon ang kanilang mga bagong koponan na parehong nagtapos sa pinakailalim ng Western at Eastern Conference.

Pang-anim si guwardiya Anthony Black na napunta sa Orlando Magic. Ika-pito si Bilal Coulibaly na kakampi ni Wembanyama sa Metropolitans 92 subalit hindi nagtagal ay ipinadala siya ng Indiana Pacers sa Washington Wizard kapalit ni #8 Jarace Walker.

Hindi nagpahuli ang Boston Celtics at kinuha nila mula sa Wizards si Kristaps Porzingis. Kasama sa transaksyon ay ang paglipat nina Marcus Smart ng Celtics sa Memphis Grizzlies at Tyus Jones ng Grizzlies sa Wizards.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 23, 2023



ree

Tandaan ang mga pangalang Wembanyama, Henderson, Miller, Thompson at marami pang ibang nangangarap sa 2023 NBA Draft ngayong araw mula sa Barclays Center. Isa-isa silang tatawagin ni Commissioner Adam Silver sa entablado, ang simbolikong unang hakbang patungo sa pagiging susunod na bituin ng liga.

Hawak ng San Antonio Spurs ang karapatan na unang pumili at hindi nila itinago ang nais na kunin ang 7’4” sentrong Pranses na si Victor Wembanyama upang buhayin ang prangkisa na nagtala ng 22-60 panalo-talo. Kung madali ang desisyon ng Spurs, magsisimula ang hulaan sa mga susunod na koponan.

Pipiling pangalawa ang Charlotte Hornets at hati sila kay 6’2” point guard Scoot Henderson ng G League Ignite o 6’9” forward Brandon Miller ng University of Alabama. Nandiyan ang tanong kung kukunin ang pinaka-talentado (Henderson) o 'yung aayon sa kanilang pangangailangan (Miller).

Malamang ay kukunin ng Portland Trail Blazers ang hindi kukunin ng Hornets. Determinado ang Portland na kumuha ng malakas na kakampi para kay All-Star Damian Lillard at ang kukunin nilang rookie ay maaaring ipagpalit nila para sa beterano na makakatulong agad.

Nakakaintriga ang kambal na 6’7” Amen Thompson at Ausar Thompson, mga produkto ng Overtime Elite kung saan dapat maglalaro ang ngayon ay UP Maroon Francis Lopez. Maaaring sila ang maging unang pares na mapapabilang sa Top 10, isang bagay na hindi natamasa ng ilang mga tanyag na kambal sa NBA.

Isa sa mga Thompson ay napipisil na mapupunta sa Houston Rockets na pipili sa ika-lima. Hahanapan ng makakasama si kabayan Jalen Green upang maangat ang Rockets mula sa kartadang 22-60.




 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 23, 2023



ree

Laro sa Lunes – Ynares Sports Arena

3:00 p.m. Marinerong Pilipino vs. EcoOil


Madaling ibinulsa ng defending champion EcoOil ang Game One ng 2023 PBA D-League Aspirants Cup Finals, 108-82, kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City. Susubukang wakasan ang seryeng best-of-three sa Game Two ngayong Lunes (Hunyo 26) sa parehong palaruan simula 3:00 ng hapon.

Lamang ang Marinero, 6-5, at bumomba ng 13 magkasunod na puntos ang EcoOil upang itayo ang 18-6 lamang sa likod nina Joshua David, Ben Phillips at Cyrus Austria. Walang nakapigil sa kanilang arangkada at lumaki sa 59-27 ang pagitan sa three-points ni Mark Nonoy bago ipinasok ng Skippers ang huling 6 na puntos ng second quarter para itakda ang halftime sa 59-33.

Ang pinakamalapit na nagawa ng Marinero ay tabasan sa 54-68 na lang ang agwat sa 3rd quarter subalit tumira ng pamatay-sunog na tres si EJ Gollena. Kahit patuloy ang pagpalag ng Skippers, inihatid ng EcoOil ang maagang knockout sa bisa ng dunk ni Michael Phillips na sinundan ng isa pang tres ni Gollena para sa komportableng 98-77 lamang at 3:52 sa orasan.

Nanguna para sa EcoOil si Michael Phillips na may 19 puntos bilang reserba. Inilatag ni Nonoy ang pundasyon ng panalo sa 14 ng kanyang 16 puntos sa first half.

Nag-ambag ng 13 puntos si Austria habang muntikan na mag-triple double si Kevin Quiambao na may 12 puntos, pitong rebound at walong assist. Nakaganti na ang EcoOil sa nag-iisa nilang talo, 79-82, noong Mayo 2 kung saan lumiban si Michael Phillips dahil abala sa Gilas Pilipinas.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page