top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | October 13, 2023



ree

Mga laro sa Sabado – MOA

9 a.m. ADMU vs. FEU (W)

11 a.m. UP vs. UST (W)

2 p.m. ADMU vs. FEU (M)

4 p.m. UP vs. UST (M)


Perpekto pa rin ang University of the Philippines at apat na ang kanilang panalo sa pagtatapos ng pang-apat na araw ng kompetisyon sa 86th UAAP Women’s Basketball Tournament noong Miyerkules sa Adamson University Gym. Binigo ng Lady Maroons ang Far Eastern University, 64-61 at maghahanda na sa mga nalalabing malaking hamon sa Round 1 ng torneo.

Nagbagsak ng 15 puntos ang baguhang si Lourna Ozar at lalo niyang pinatunayan kung bakit kabilang siya sa Gilas Pilipinas Women. Ang tatlong nalalabing laro ng UP ay kontra UST, De La Salle U at Ateneo na lahat ay naging bahagi ng Final 4 noong 85th UAAP.

Tumikim sa wakas ng tagumpay ang DLSU at dinaig ang Adamson, 63-55 sa paghaharap ng dalawang koponan na parehong walang panalo. Nanguna sa Lady Archers si Lee Sario sa 20 puntos.

Wagi rin ang defending champion National University sa UST, 76-64, sa likod ng 13 puntos ng beteranang si Karl Anne Pingol. Winakasan ng Ateneo Blue Eagles ang araw sa 72-62 tagumpay sa UE sa halimaw na 23 puntos ni sentro Kaycee dela Rosa.

Sa huling laro ng Men’s Division noong Miyerkules ng gabi sa MOA Arena, rumatrat ng 23 magkasunod na puntos ang DLSU patungo sa 71-58 pagparusa sa Adamson. Bumida sa kritikal na third quarter si Kevin Quiambao sa 17 puntos.

Samantala, inihayag ni UAAP Commissioner Xavier Nunag na suspendido ang tatlong hindi pinangalanang reperi ng tatlong linggo bunga ng mababang markang nakuha sa pagsusuri ng kanilang ipinakita buhat noong nag-umpisa ang mga laro noong Setyembre 30.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | October 12, 2023



ree


Mga laro sa Sabado – MOA

9 a.m. ADMU vs. FEU (W)

11 a.m. UP vs. UST (W)

2 p.m. ADMU vs. FEU (M)

4 p.m. UP vs. UST (M)


Umakyat na sa 4-0 panalo-talo ang numero unong University of the Philippines subalit kinailangan ang overtime upang masugpo ang kulelat na Far Eastern University, 80-76, sa 86th UAAP kahapon sa MOA Arena. Umani rin ng mahalagang tagumpay ang defending champion Ateneo de Manila kontra host University of the East sa sumunod na laro, 76-69.

Kahit nasa magkabilaang dulo ng liga, pumalag ng husto ang walang panalong Tamaraws at lumamang matapos ang first half, 38-35, sa likod ng 11 puntos ni Jorick Bautista. Kahit nagising ang Blue Eagles at kontrolado ang second half, itinabla ni Bautista ang laro sa 68-68 sa bisa ng kanyang 3-points na may 30 segundong nalalabi at itakda ang overtime.

Tumira ng isa pang tres si Bautista upang lumapit ang FEU, 76-77, at 30 segundo muli ang orasan. Isinalba ang Fighting Maroons ng free throw ni kapitan CJ Cansino at huling shoot ni Janjan Felicilda upang matiyak ang resulta.

Nanguna sa Fighting Maroons si Felicilda itinala ang 14 ng kanyang 17 puntos sa second half. Nag-ambag ng 14 si Cansino at double-double si Malick Diouf na 11 puntos at 20 rebound.

Depensa ang naging susi ng Blue Eagles na kinandado nila ang opensa ng Warriors sa huling tatlong minuto. Sumandal ang mga kampeon sa mga pandiin na buslo nina Jared Brown at Kai Ballungay at tinuldukan ng mga free throw nina Sean Quitevis at Chris Koon upang pumantay sa 2-2 sabay baba din ng UE sa parehong kartada. Namuno si Ballungay na may 18 puntos at 11 rebound.



 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | October 7, 2023



ree


Dumating na ang pinakamatimbang na gintong medalya sa Men’s Basketball ng 19th Asian Games Hangzhou salamat sa Gilas Pilipinas na tinalo ang Jordan, 70-60 kagabi sa Hangzhou Olympic Sports Centre. Nagwakas na rin ang 61 taong paghihintay na masundan ang ginto na inuwi mula sa 1962 Asiad sa Jakarta.

Tinamasa ng mga Pinoy ang pinakamalaking lamang, 28-15, sa shoot ni Ange Kouame sa second quarter. Nagising ang Jordan at pinangunahan ni Rondae Hollis-Jefferson ang paghabol hanggang magtabla sa halftime, 31-31.

ree

Larawan mula sa Gilas Pilipinas Army



Kabaligtaran ng una nilang tapatan noong Setyembre 30 kung saan madaling nanaig ang Jordan, 87-62, nagkaroon ng sapat na tulong si Justin Brownlee mula sa mga kakampi at ibinalik sa 51-41 ang bentahe ng Gilas papasok sa huling quarter. Hindi basta tumiklop ang Jordan at may ipiniga pa kay RHJ upang magbanta, 50-56.

Nakahinga ng maluwag ang Pilipinas sa magkasunod na buslo nina Kouame at Scottie Thompson upang iakyat muli ang lamang, 60-50, at limang minuto sa orasan. Mula doon ay pinairal ng Gilas ang matalinong diskarte at lumikha ng kasaysayan.

Nalimitahan si Brownlee sa 2 puntos lang sa 4th quarter ngunit namuno pa rin sa 20 puntos, 10 rebound at 5 assist. Umangat si Kouame sa 14 puntos at 11 rebound habang malaking ambag ang 13 puntos ni Chris Newsome.

Nakabawi na rin si Brownlee kay RHJ na tinalo siya sa finals ng huling PBA Governors Cup. Nagtala si RHJ ng 24 puntos at 12 rebound subalit siya naman ang kinapos ng suporta.

Matapos ang 1962 ay isang pilak noong Beijing 1990 at mga tanso sa Seoul 1986 at Bangkok 1998 ang nakamit ng Pilipinas. Ang huling kampeon ay pinangunahan nina FIBA Hall of Fame Carlos Loyzaga at Kurt Bachmann na ama ni PSC Chairman Richard Bachmann.

Samantala, napunta sa host Tsina ang tanso nang tambakan ang Chinese-Taipei, 101-73.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page