top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | December 14, 2023



ree

Umapoy para sa 64 puntos at 14 rebound si Giannis Antetokoumpo sa 140-126 panalo ng Milwaukee Bucks sa NBA Cup runner-up Indiana Pacers kahapon sa Fiserv Forum. Ang 64 ay bagong personal na marka ng “Greek Freak” na hinigitan ang 55 sa 123-113 panalo kontra Washington Wizards noong Enero 3, 2023.


Itinala ni Giannis ang kanyang ika-56 puntos upang itulak ang Milwaukee sa 127-106 lamang at apat na minuto ang nalalabi. Kahit malaki ang agwat, hindi umupo ang dating MVP at gumawa pa ng walong puntos.


Sumuporta sina Damian Lillard na may 21 at reserba Bobby Portis na may 19. Parehong may tig-22 puntos sina Tyrese Hailburton at Myles Turner ng Indiana.


Umakyat din sa ika-limang may pinakaraming three-points sa kasaysayan ng NBA si Lillard at pumukol ng dalawa para maging 2,451 at lampasan ang 2,450 ni Kyle Korver mula 2003 hanggang 2020. Sunod niyang hahabulin ang 2,560 ng Pacers alamat Reggie Miller mula 1987 hanggang 2005.


Bumawi ang NBA Cup champion Los Angeles Lakers at binitin ang huling hirit ng kulelat San Antonio Spurs, 122-119, sa gitna ng pagliban ni MVP LeBron James. Noong isang araw, yumuko sina LBJ at Lakers sa Dallas Mavericks, 125-127, sa unang laro matapos ang makasaysayang kampeonato.


Samantala, suspendido muli si Draymond Green ng Golden State Warriors at ngayon ay walang katiyakan kung kailan siya makakabalik sa NBA. Malakas na hinampas ni Green si sentro Jusuf Nurkic ng Phoenix Suns sa mukha sa third quarter at agad pinalabas sa laro noong Miyerkules kung saan natalo ang Warriors, 116-119.


Tinimbang ng liga ang nagpatong-patong na parehong kaso ni Green. Nitong Nobyembre lang ay nasuspinde siya ng limang laro matapos sakalin sa leeg gamit ang braso si Rudy Gobert ng Minnesota Timberwolves.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | December 10, 2023



ree

Lumikha ng kasaysayan ang Los Angeles Lakers at iniuwi ang pinakaunang edisyon ng NBA In-Season Tournament laban sa Indiana Pacers, 123-109 sa T-Mobile Arena ng Las Vegas. Lalong dumami rin ang karangalan ng 38-anyos na si LeBron James at napiling MVP ng torneo, hindi masama para sa pinakamatandang manlalaro ng liga.


Sa unang minuto lang nakasabay ang Pacers at kontrolado ng Lakers ang laro hanggang lumamang ng 11 bago matapos ang third quarter, 90-79. Ilang beses lumapit sa tatlo na lang ang Indiana at ang huli ay 99-102 papasok sa huling anim na minuto.


Mula roon ay bumanat nang 13 sunod na puntos ang Lakers na sinimulan ng three-points ni Cam Reddish at sinundan ng 10 ni Anthony Davis para sa kanilang pinakamalaking bentahe, 115-99, at tatlong minuto ang nalalabi.

Halimaw si Davis na nagsumite ng kabuuang 41 puntos at 20 rebound. Sumunod si Austin Reaves na may 28 at LBJ na may 24 at walang talo ang Lakers sa lahat ng pitong laro.


Bago ang laro, umaapoy ang shooting ng Pacers at gumagawa sila ng 132.7 puntos bawat laro sa torneo. Sinubukang lagyan ng posas si Tyrese Haliburton subalit nagtala pa rin siya ng 20 puntos at 11 assist.


Ayon kay Reaves na isa sa pinakasikat na manlalaro ng Team USA noong 2023 FIBA World Cup, ang nasa isip niya ay maglaro lang ng tama at manatiling agresibo. Basta kasama niya sa sahig ang mga tulad nina LBJ, Davis at D’Angelo Russell ay nagiging madali ang Basketball.


Para kay champion coach Darvin Ham na isang dating PBA import ng TNT noong kanyang kabataan, nagustuhan niya ang epekto ng torneo sa manlalaro. Kahit nasa unang mga buwan ng liga ay parang naglalaro na sa playoffs at nadagdagan ng saysay ang mga laro.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | December 6, 2023



ree

Kinumpleto ng Milwaukee Bucks at Los Angeles Lakers ang mga maglalaro sa semifinals ng pinakaunang NBA In-Season Tournament matapos pauwiin ang kanilang mga bisita kahapon. Tinambakan ng Bucks ang New York Knicks, 146-122, at sinundan ng 106-103 panalo ng Lakers sa Phoenix Suns.

Pumukol ng pandiin na tres si Austin Reaves upang lumayo ang Lakers, 105-102, at 15 segundong nalalabi pero sinagot ito ng buslo ni Kevin Durant upang magbanta ang Suns, 104-105. Binigyan ng foul si Anthony Davis at isang free throw lang ang kanyang naipasok at napunta ang bola kay Durant subalit nagmintis ang kanyang tira mula 30 talampakan sabay tunog ng huling busina.

Namuno si LeBron James na may 15 ng kanyang 31 puntos sa 4th quarter at 11 assist. Tumulong si Davis na may 27 at 15 rebound habang 20 si Reaves bilang reserba.

Nasayang ang 31 ni Durant. Perpekto pa rin ang Lakers kontra sa Suns sa kanilang tatlong laro ngayong taon at tumalon sa taas ng Pacific Division na may 13-9 panalo-talo.

Bumira ng three-points si Damian Lillard upang ibigay sa Bucks ang 75-72 lamang pagsapit ng halftime. Mula roon ay dinala ng Milwaukee ang positibong enerhiya at tuluyang lumayo hanggang umabot sa 146-119 ang agwat bago ang huling minuto.

Nagtapos si Giannis Antetokounmpo na may 35 puntos sa 34 minuto na may kasamang 10 assist. Sumunod si Lillard na may 28 galing sa limang tres.

Naghihintay sa Milwaukee sa semis ang Indiana Pacers ngayong Biyernes sa T-Mobile Arena ng Las Vegas simula 6:00 ng umaga, oras sa Pilipinas. Haharapin ng Los Angeles ang New Orleans Pelicans sa parehong palaruan sa 10:00.

Ang dalawang magwawagi ay paglalabanan ang kampeonato sa Linggo sa T-Mobile muli. Igagawad sa kampeon ang NBA Cup, ang bagong tropeong gawa sa ginto at pilak na may taas na 23 pulgada bilang tanda ng unang taon ng torneo.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page