top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 17, 2021



ree

Itinaas sa blue alert status ang Catanduanes at kasalukuyan na ring naghahanda ang ilang lokal na pamahalaan sa Bicol region sa pagdating ng bagyong Bising, ayon kay Governor Joseph Cua ngayong araw, Abril 17.


Aniya, “As soon as mag-declare na ng red alert level, magkakaroon tayo ng forced evacuation.”


Ikinabahala ni Cua ang magiging epekto ng bagyong Bising sa kanilang lugar, sapagkat aniya’y hindi pa sila nakakabangon mula sa Bagyong Rolly noong nakaraang taon.


Sabi pa niya, “Ito na naman ang Bising na mukhang delikado sa laki ng diametro nito. Kahit ang gitna nito, tumama sa dagat, abot pa rin ang buong Bicol region nito kaya nakakatakot po dahil sa laki ng diametro. At 'yung expected rains na dala nito, 600 to 900 millimeters kaya medyo 'yun pa rin ang nangangamba tayo, dahil nga at 240 millimeters na ulan, 24 hours n’yan, nagla-landslide na tayo. Ito, 600 to 900 mm kaya talagang nakakatakot.”


Kabilang ang Catanduanes sa mga lugar na nasa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1.


Samantala, dalawang dam naman sa bayan ng Palapag sa Northern Samar ang nagbawas ng tubig bilang paghahanda sa parating na bagyo.


Nagpalabas na rin ng kautusan ang ilang lokal na pamahalaan para pansamantalang ipagbawal ang pagpapalaot ng mga mangingisda. Ipinagbawal din ang pagbibiyahe sa dagat upang maiwasan ang disgrasya.


Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan si Bising dakong alas-10 kaninang umaga, na may layong 645 kilometers sa silangan ng Maasin City, Southern Leyte.


May taglay itong hangin na 185 kilometers per hour na malapit sa sentro at may pagbugso na hanggang 230 kph. Ito ay kasalukuyang kumikilos papuntang northwestward sa bilis na 20 kph.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 17, 2021


ree

Itinaas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TWCS) number 1 sa ilang lugar sa bansa dahil sa Bagyong Bising, ayon sa Severe Weather Bulletin ng PAGASA ngayong Sabado nang umaga.


Ayon sa PAGASA, bukas, April 18 ay makararanas ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ang Eastern Visayas, Sorsogon, Masbate, Albay, Camarines Sur, Catanduanes, at Camotes Islands.


Nagbabala rin ang PAGASA sa posibleng pagbaha at landslides dahil sa bagyo.


Nakataas ang TCWS #1 sa central at eastern portions ng Sorsogon (Castilla, Magallanes, Matnog, Juban, Irosin, Bulan, Santa Magdalena, Bulusan, Barcelona, Casiguran, Gubat, Prieto Diaz, Sorsogon City), eastern portion ng Albay (Manito, Legazpi City, Santo Domingo, Malilipot, Bacacay, Tabaco City, Rapu-Rapu, Malinaw, Tiwi), eastern portion ng Camarines Sur (Presentacion, Caramoan, Garchitorena), at Catanduanes.


Sa Visayas naman, itinaas din ang TCWS #1 sa Northern Samar, Samar, Eastern Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, at Camotes Islands.


Sa Mindanao, nakataas ang TCWS #1 sa Dinagat Islands, Surigao del Norte (kabilang ang Siargao at Bucas Grande Islands), at Surigao del Sur.


Samantala, kaninang alas-4 nang umaga, namataan ang mata o sentro ng bagyo sa 705 km Silangan ng Surigao City, Surigao del Norte o 775 km Silangan ng Maasin City, Southern Leyte.


Ang hangin ng bagyo ay may lakas na 175 km/h malapit sa sentro nito at may bugso ng hangin na aabot sa 215 km/h.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 16, 2021


ree

Sinuspinde ng Department of Transportation (DOTr) ang biyahe papuntang Visayas at Mindanao ngayong Biyernes dahil sa banta ng Bagyong Bising.


Pahayag ng DOTr, “Due to the imminent threat of Severe Tropical Storm (STS) ‘Surigae’ (Bising), the DOTr suspends all land and sea travel, including those of fishing vessels, bound for Visayas and Mindanao via Matnog Port and all other ports in Region V starting 12 noon today, 16 April 2021.


“The DOTr advises trucking/logistics companies and buses not to proceed or postpone their planned trips in order to avoid long queues at Matnog, Sorsogon, to Daraga, Albay.”


Ayon din sa DOTr, ang naturang suspensiyon ay inihain ng Office of Civil Defense (OCD) Region V at inaprubahan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council-Emergency Operations Center (NDRRMC-EOC).


Saad pa ng ahensiya, “Moreover, the DOTr orders its attached agencies in the Maritime and Road Sectors, namely the Philippine Coast Guard (PCG), the Land Transportation Office, (LTO), and the Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) to immediately enforce the said travel suspension.”


Kasunod nito ay naglabas din ang PCG ng maritime safety advisory kung saan pansamantala ring sinuspinde ang mga shipping operations sa Matnog Port sa Sorsogon papuntang Visayas at Mindanao simula ngayong araw, April 16 hanggang sa April 20 dahil sa Bagyong Bising.


Dagdag ng ahensiya, “According to Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson, Commodore Armando Balilo, all TRUCKING/LOGISTICS COMPANIES and BUSES are advised to POSTPONE THEIR TRIPS to avoid long queues at said port as a precautionary measure to control the spread of COVID-19 in the province.”


Samantala, sa weather bulletin ng PAGASA bandang alas-3 nang hapon, ang Bagyong Bising ay nasa 895 km Silangan ng Surigao City, Surigao del Norte.


Mayroon itong maximum sustained winds na 130 km/h malapit sa sentro ng bagyo at may bugso ng hangin na 160 km/h. Kumikilos ito pakanluran.


Makararanas ng maulap na panahon at kalat na pag-ulan at thunderstorm ang Eastern Visayas dahil sa Bagyong Bising.


Maulap na panahon din ang mararanasan sa iba pang bahagi ng Visayas, Palawan, at Occidental Mindoro.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page