top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | April 1, 2022


Ang circumcision o pagpapatuli ay itinuturing na mahalagang pangyayari sa buhay ng mga bata at kabataang lalaki sa bansa. Madalas itong isinasagawa tuwing summer vacation upang magkaroon ng mahaba-habang panahon sa pagpapahilom ng sugat na tinatamo sa nasabing surgical procedure. May mga medical mission na nagtataguyod nito. Maaaring mabuti ang intensyon ng mga nagsusulong nito, ngunit kasabay ng kanilang kagandahang loob, nararapat silang may sapat na kakayahan at kahandaang harapin ang lahat ng maaaring maging kahinatnan o kumplikasyon sa mga nagpasailalim dito. Kamakailan, naging laman ng mga balita ang itinuturing na simpleng surgical procedure dahil hindi umano ito naisagawa nang tama. At sa kasamaang-palad, isang binatilyo ang naging biktima at nakitlan ng buhay. Siya ay si Angelo Alvarez Tolentino, 13, namatay noong Marso 22, 2022.


Ang mga sumusunod na impormasyon na may kaugnayan sa mga nangyari kay Angelo bago at hanggang siya ay bawian ng buhay ay hango sa Judicial Affidavit na may petsang Marso 25, 2022 na isinagawa ni Aling Ana Alvarez Francisco ng Lucena City, ina ng yumao, noong Marso 19, 2022, nagpatuli si Angelo sa isang medical mission na naging sanhi ng kanyang pagkamatay. Pagkaraan ng isang oras, lumabas siya ng lugar kung saan siya tinuli at pagdating sa bahay ng kapatid ng kanyang nanay, pinaupo siya upang magpahinga. Pagtayo ni Angelo, tumatagos ang dugo sa shorts niya. Bandang alas-7:00 ng gabi, habang kumakain ng hapunan si Angelo at kanyang pamilya, hindi siya makakain at dumadaing siya na masakit ang ulo. Dahil dito, pinainom siya ng kanyang nanay ng Amoxicillin na ibinigay sa medical mission sa pag-aakala na normal lang ‘yun sa isang tinuli, ngunit nagsuka siya.


Bagama’t nakatulog si Angelo, kinabukasan (Marso 20, 2022), hinang-hina siya at hindi na makatayo, punumpuno ng dugo ang kanyang higaan mula sa kanyang ari. Nakahiga lang siya maghapon at sinusubuan lamang siya ni Aling Ana. Palaging idinadaing ni Angelo sa kanyang ina na masakit ang kanyang ulo at hindi niya kayang kumain o bumangon at buong araw ay suka siya nang suka. Sa mga pangyayaring ito, may ipinagtaka si Aling Ana, “Aking ipinagtataka na sakit ng ulo ang parati niyang idinadaing, ngunit kailanman ay hindi niya idinaing na masakit ang kanyang ari.”


Noong Marso 21, 2022, nagdesisyon ang pamilya ni Angelo na dalhin siya sa isang ospital sa Lucena City, alas-7:00 ng umaga dahil maputla na siya at hindi nakakakain ng kahit ano. Ayon kay Aling Ana, pagdating sa nasabing ospital, tiningnan sa emergency room ang kanyang ari at ang sabi ng nurse ay laktaw-laktaw ang tahi. Maaari rin umanong may nadaling ugat o litid nang makita nila ang pinanggagalingan ng pagdurugo. Dagdag pa ni Aling Ana, “Tuluy-tuloy pa rin ang pagdurugo at inayos nila ang pagkakatahi sa tinuling ari ng aking anak.” Kinagabihan sa nasabing ospital, hindi mapakali si Angelo at walang ginawa kundi bumalikwas nang bumalikwas sa higaan na para bang nawawala sa wisyo at parang hindi niya kilala ang kausap niya, at pati si Aling Ana ay hindi na rin niya makilala.


Bandang alas-3:40 ng madaling-araw ng Marso 22, 2022, tumambad kay Aling Ana ang pangyayaring hindi na mabubura sa kanyang alaala at mag-iiwan ng malalim na sugat sa kanyang puso. Aniya, “Natagpuan ko ang aking anak na nakadilat, ngunit hindi kumukurap at may bula ang bibig, kaya agad kong ipinaalam sa nurse upang humingi ng tulong. Agad namang dumating ang nurse at doktor at nag-pump sa dibdib niya at tinurukan ito ng pampatibok ng puso. Patuloy ang pagbomba ng para sa hininga, ngunit hindi na kinaya ng anak ko at iniwan niya na ako, alas-5:35 ng madaling-araw.”


Sa Death Certificate ni Angelo ay certified ni Dra. Karen Lyda Therese Tagle MD., Medical Officer III, Quezon Medical Center, Lucena City na ang dahilan ng kamatayan ni Angelo ay: Immediate Cause - Hypoxic Ischemic Encephalopathy; Underlying Cause - Severe Anemia Secondary to Post Circumcision Bleed R/O Aspiration.


Ang kasong ito ni Angelo ay idinulog ni Aling Ana sa Public Attorney’s Office (PAO), at sa PAO Forensic Laboratory Division (PAO FLD). Malinaw ang hiling ni Aling Ana, “Sana ay mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng anak ko at mapanagot ang taong may kagagawan nito. Masakit mawalan ng anak dahil lang sa isang maling pagtutuli.” Ang inyong lingkod, mga kasamang public attorneys at forensic doctors ay agad na tumalima sa inilapit sa amin nina Ate Annie Gabito, ang coordinator ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at ni Aling Ana. Naisagawa na ng PAO FLD ang forensic examination sa mga labi ni Angelo, at patuloy ang aming pag-iimbestiga sa kaso ng kapabayaan sa katawan at buhay ni Angelo.

 
 

para sa pagkuha ng marriage licence


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | April 1, 2022


Dear Chief Acosta,

Nais magpakasal ng aking anak at ng kanyang nobya sa lalong madaling panahon sapagkat mangingibang-bansa muna ang aking anak. Subalit nang sila ay kumukuha ng marriage license sa Local Civil Registrar, hindi sila binigyan nito dahil kinakailangan diumano muna nilang kumuha ng Certificate of Compliance mula sa Family Planning Office. Tama po ba ito?

Mel


Dear Mel,

Para sa inyong kaalaman, ang inyong suliranin ay tinatalakay sa Republic Act No. 10354 o The Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012. Nabanggit sa Section 15 ng nasabing batas na:

“Section 15. Certificate of Compliance. – No marriage license shall be issued by the Local Civil Registrar unless the applicants present a Certificate of Compliance issued for free by the local Family Planning Office certifying that they had duly received adequate instructions and information on responsible parenthood, family planning, breastfeeding and infant nutrition.”

Malinaw na nabanggit sa nasabing probisyon ng batas na hindi maaaring mabigyan ng marriage license ang mga aplikante kung wala silang maipakikitang Certificate of Compliance mula sa Family Planning Office na nagpapatunay na sila ay sumailalim na sa akmang pag-aaral at sila ay nabigyan na ng kaukulang impormasyon patungkol sa pagiging responsableng magulang, family planning, breastfeeding at infant nutrition.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan.


Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | March 29, 2022


Dear Chief Acosta,


Mayroon pong isang kompanya na nag-donate sa amin ng food packages na tulong diumano nila sa aming mga apektado ng pandemya. Maayos naman po at mukhang malinis ang hitsura ng food package na ito kaya pinakain ko ito sa aking mga anak.


Ngunit, matapos ng isang araw ay bigla na lamang sumakit ang tiyan ng aking mga anak. Maaari ko po bang ireklamo ang kompanyang ito na nagbigay ng nasabing donasyon?


Lito

Dear Lito,


Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Section 5 ng Republic Act (R. A.) No. 9803 o mas kilala sa tawag na An Act To Encourage The Donation Of Food For Charitable Purposes kung saan nakasaad na:


“Section 5. Liability for Damages from Donated Food. - A person, whether natural or juridical, shall not be subject to civil or criminal liability arising from the nature, age, packaging, or condition of apparently wholesome food that a person donates in good faith for charitable purposes. This shall not apply, however, to an injury or death of an ultimate beneficiary of the donated food that results from an act or omission of a person constituting gross negligence or intentional misconduct.” (Binigyang-diin)

Samakatuwid,malinaw sa batas na hindi maaaring kasuhan ang isang tao, natural man o juridical, na nag-donate ng mga pagkaing kaayaya o mga pagkaing natugunan ang kalidad at ang mga label na ipinag-uutos ng batas kung mayroon man taong magkakasakit nang dahil sa pagkain nito. Upang walang pananagutan sa batas, kinakailangan na ibinigay niya ito dahil sa kanyang kabutihang loob na makapagkawanggawa.


Kaugnay nito, maaari lamang siyang kasuhan kung siya ay makakakitaan ng lubhang kapabayaan sa pag-aayos ng nasabing pagkain, o siya ay makakakitaan ng intensyon na makasakit ng kanyang kapwa.


Sa inyong kaso, dahil nasabi n'yong maayos naman at mukhang malinis ang hitsura ng food package na inyong natanggap, hindi n'yo maaaring ireklamo ang kompanyang nagbigay ng nasabing donasyon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page