ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 20, 2022
Dear Chief Acosta,
Ako po ay umuwi sa aming probinsiya noong nakaraang buwan. Napansin ko po na sa terminal ng bus ay nag-iisa lamang ang palikuran para sa lahat ng kanilang mga pasahero, na kung saan, ang mga lalaki at babae ay maghahati sa nasabing palikuran. Gusto ko pong malaman kung maaari po ba ito?
Minda
Dear Minda,
Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay binigyang-linaw ng Sections 4 (a) at 7 ng Republic Act (R.A.) No. 11311 o ang “An Act to Improve Land Transportation Terminals, Stations, Stops, Rest Areas and Roll-On/Roll-Off Terminals, Appropriating Funds Therefor and for Other Purposes” na nagsasabing:
“SECTION 4. Standards for Sanitary Facilities. — The owner, operator, or administrator of land transport terminals, stations, stops, rest areas, and RORO terminals shall provide clean sanitary facilities for passengers which shall be provided with the following:
(a) Separate restrooms for persons with disabilities (PWDs), male, and female passenger xxx
Section 7. Penalty.—
(a) Any owner, operator, or administrator of land transport terminals, stations, stops, rest areas, and RORO terminals who does not comply with the standards for sanitary facilities under Section 4 of this Act shall be liable for a fine in the amount of Five thousand pesos (₱5,000.00) for each day of violation;...xxx” (Binigyang-diin)
Ayon sa mga nabanggit na probisyon ng batas, ang may-ari, operator o administrador ng isang terminal, istasyon, hintuan o lugar ng pahingahan ng mga pasahero ng pampublikong sasakyan, maging ang mga terminal ng Roll-on/Roll-off (RORO), ay marapat na maglaan ng malinis na pasilidad, gaya ng palikuran, para sa mga pasahero. Maliwanag na ang isang terminal ng bus ay marapat na may hiwalay na palikuran para sa mga babae, lalaki at persons with disabilities (PWDs).
Kaugnay nito, ayon sa Section 7 (a) ng nabanggit na batas, ang may-ari, operator o administrador ng mga terminal, istasyon, hintuan o lugar ng pahingahan para sa mga pasahero ng pampublikong sasakyan, maging ang may-ari, operator o administrador ng mga terminal ng RORO na hindi makapagbibigay ng mga pasilidad na nabanggit sa ilalim ng Section 4 ng batas ay pagmumultahin sa halagang limang libong piso (P5,000) sa bawat araw ng pagsuway sa nabanggit na batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

