top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 27, 2022


Dear Chief Acosta,


Katatapos lamang ipagdiwang ng aking kapatid ang kanyang ika-18 taong kaarawan. Bagaman nanghihinayang kami pareho na hindi siya nakalahok sa katatapos lamang na botohan ay sisiguraduhin naming magkapatid na makapagparehistro siya upang makaboto sa darating na eleksyon.


Ang concern lamang po namin ay may kapansanan o person with disability (PWD) ang kapatid ko. Maaari pa rin po ba siyang makaboto? Ipinagbabawal po ba sa batas ang pagboto ng may kapansanan? Sana ay maliwanagan n'yo ako.


Ariane


Dear Ariane,

Ang paglahok sa eleksyon sa pamamagitan ng pagboto ng mga mamumuno sa bawat lokalidad at maging sa buong bansa ay isa sa mga karapatan na ginagarantiyahan ng ating Saligang Batas. Nais naming bigyang-diin na walang rekisito ukol sa pisikal o mental na kondisyon ang kinakailangan upang magamit ng isang Pilipino ang kanyang karapatan na bumoto. Malinaw na nakasaad sa Section 1, Article V ng ating 1987 Philippine Constitution na:


“Section 1. Suffrage may be exercised by all citizens of the Philippines, not otherwise disqualified by law, who are at least eighteen years of age, and who shall have resided in the Philippines for at least one year and in the place wherein they propose to vote, for at least six months immediately preceding the election. No literacy, property, or other substantive requirement shall be imposed on the exercise of suffrage.” (Binigyang-diin)

Kaugnay nito, masasabing hindi balakid ang pagkakaroon ng kapansanan ng iyong kapatid upang siya ay bumoto sa susunod na halalan. Ang mahalaga lamang ay nasa edad 18 taon pataas na siya, nakatira sa Pilipinas nang hindi bababa sa isang (1) taon at wala siyang ibang diskwalipikasyon alinsunod sa batas.


Magiging mainam na alalayan n'yo siya, kung kinakailangan niya ng tulong, upang siya ay makapagparehistro bilang botante nang sa ganoon ay mayroon siyang personal na kilala na gagabay sa kanya sa prosesong ito. Kung hindi man kayo makakasama ay mayroon pa rin namang ibang maaaring gumabay sa kanya sapagkat malinaw na nakasaad sa Sections 7 at 8 ng Republic Act (R. A.) No. 10366:

“Section 7. Assistance in the Accomplishment of Application Form. – A person with disability or senior citizen who cannot by himself or herself accomplish an application for registration, by reason of illiteracy or physical disability, shall be assisted by the Election Officer in the preparation of his or her application form, or by any member of an accredited citizens’ arm, or by a relative by consanguinity or affinity within the fourth civil degree, or if he or she has none present, by any person of his or her confidence who belongs to the same household.


Section 8. Satellite and Special Registration. – The Commission, in coordination with national government agencies and local government units, person with disability and senior citizen organizations, and other cause-oriented groups, shall conduct satellite and/or special registration for persons with disabilities and senior citizens in accessible places.”

Gayon din, maaari siyang alalayan sa araw mismo ng pagboto kung kakailanganin niya ng angkop na tulong. Batay sa Section 11 ng R. A. No. 10366:

“Section 11. Assistance in the Accomplishment of the Ballot. – A person with disability or senior citizen who is illiterate or physically unable to prepare the ballot by himself or herself may be assisted in the preparation of his or her ballot by a relative by consanguinity or affinity within the fourth civil degree, or if he or she has none, by any person of his or her confidence who belongs to the same household, or by any member of the BEls. For this purpose, the person who usually assists the person with disability or senior citizen, such as a personal assistant, a caregiver or a nurse shall be considered a member of his or her household:


Provided, That no voter shall be allowed to have an assistor on the basis of illiteracy or physical disability unless it is so indicated in his or her registration record. Nevertheless, if the physical inability to prepare the ballot is manifest, obvious, or visible, said voter shall be allowed to be assisted in accomplishing the ballot by a qualified assistor, even if not stated or indicated in the registration record: Provided, further, That the assistor must be of voting age. x x x”

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 26, 2022


Dear Chief Acosta,

Ako po ay asawa ng isang seafarer. Noong nakaraang taon, nagkaroon ng insidente kung saan nag-amok diumano ang aking asawa at inatake nito ng kutsilyo ang kanyang kasamahan. Sa takot ng kanyang kasamahan ay ipinaglaban niya ang kanyang sarili kung saan nakuha niya ang kutsilyo at nasaksak niya ang aking asawa.


Ayon sa mga report na inilabas ng kanilang shipping company, ang nangyari diumano ay self-defense. Ayon din sa report, makailang ulit nang napansin na may pinagdadaanang mental health issues ang aking asawa gaya ng mga nakikitang tao o bagay na wala naman doon.


Nang ako ay mag-claim ng death benefits sa kanilang employer, ito ay kanilang tinanggihan sapagkat kasalanan diumano ng aking asawa kung bakit siya namatay. Wala na po ba talaga akong puwedeng makuhang death benefits?

Maria

Dear Maria,

Ang sagot sa inyong katanungan ay sinagot ng Korte Suprema sa kaso ng Interorient Maritime Enterprises, Inc., Et Al. vs. NLRC and Constancia Pineda (G.R. No. 115497, September 15, 1996, Ponente: Honorable Former Chief Justice Artemio V. Panganiban, Jr.), kung saan sinabi ng Korte Suprema na ang pagkamatay ng isang taong wala sa tamang pag-iisip ay hindi puwedeng sabihing “willful”. Dahil dito, ito ay hindi pasok sa exemption ng pagbabayad ng death benefits sa ilalim ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Standard Format Contract of Employment for Seamen:

“xxx.. that since Pineda attacked the Thai policeman when he was no longer in complete control of his mental faculties, the aforequoted provision of the Standard Format Contract of Employment exempting the employer from liability should not apply in the instant case. Firstly, the fact that the deceased suffered from mental disorder at the time of his repatriation means that he must have been deprived of the full use of his reason, and that thereby, his will must have been impaired, at the very least.


Thus, his attack on the policeman can in no wise characterized as a deliberate, willful or voluntary act on his part. Secondly, and apart from that, we also agree that in light of the deceased’s mental condition, petitioners "should have observed some precautionary measures and should not have allowed said seaman to travel home alone", and their failure to do so rendered them liable for the death of Pineda. Indeed, "the obligations and liabilities of the (herein petitioners) do not end upon the expiration of the contracted period as (petitioner are) duty bound to repatriate the seaman to the point of hire to effectively terminate the contract of employment." (Binigyang-diin)

Gaya sa inyong kaso, ang naging pag-atake ng iyong asawa sa kanyang kasamahan sa trabaho ay nangyari nang siya ay wala sa tamang pag-iisip. Dahil dito ang kanyang pagkamatay dahil sa nangyaring self-defense ay hindi maaaring ituring na deliberate, willful, o voluntary sa kanyang parte. Alinsunod dito, ito ay hindi sakop ng exemption sa willful causes of death sa ilalim ng POEA Standard Format Contract of Employment for Seamen.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 24, 2022


Dear Chief Acosta,


Noong nakaraang linggo ay pinasyal ko po sa mall ang aking limang (5) taong gulang na anak. Habang naglalakad kami ay nadulas ang aking anak at naitulak niya ang mga kartong dekorasyon na naging sanhi ng pagkasira nito. Dahil dito ay pinagbabayad po kami ng danyos ng management ng nasabing mall dahil kasalanan diumano ng aking anak ang pagkasira ng kanilang dekorasyon. Tama po ba sila?


Bennie


Dear Bennie,


Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay tinalakay ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kaso ng Jarco Marketing Corporation, et al. vs. Court of Appeals, et al. (G.R. No. 129792, December 21, 1999, Ponente: Honorable Former Chief Justice Hilario G. Davide, Jr.), kung saan ipinaliwanag na:


“Anent the negligence imputed to ZHIENETH [the child], we apply the conclusive presumption that favors children below nine (9) years old in that they are incapable of contributory negligence. x x x Even if we attribute contributory negligence to ZHIENETH and assume that she climbed over the counter, no injury should have occurred if we accept petitioner’s theory that the counter was stable and sturdy. For if that was the truth, a frail six-year old could not have caused the counter to collapse.”


Sang-ayon sa nabanggit, ang isang bata na siyam (9) na taong gulang o pababa ay walang kakayahang maging pabaya sa kanyang mga gawain at hindi magkakaroon ng responsibilidad kung sakaling siya ay makasira. Isinaad din sa nasabing kaso, kung ang nasabing dekorasyon ay matibay at maayos ang pagkakagawa, hindi ito masisira ng isang maliit na bata.


Samakatuwid, kung inyong mapatutunayan na wala kayong pagkukulang sa superbisyon sa inyong anak at ang mismong dekorasyon ng mall ang mahina at madaling masira, wala kayong responsibilidad na magbayad ng anumang halaga sa nasabing mall sapagkat ipinagpapalagay ng batas na sila ang may kapabayaan dahil hindi nila maayos na pinagtibay ang paggawa ng nasabing dekorasyon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page