top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 21, 2022


Dear Chief Acosta,


Ako ay ipinanganak sa Pilipinas at nagtungo sa Estados Unidos upang magtrabaho at kalauna’y nabigyan ako ng American citizenship. Noong nakaraang taon ay bumalik ako sa Pilipinas kasama ang aking 15 taong gulang na anak at balak namin na manirahan ng permanente sa Pilipinas. Nais kong malaman kung may paraan ba upang maibalik ang aking Filipino citizenship at kung maaari rin bang gamitin ito ng aking anak. - Lina


Dear Lina,

Para sa iyong kaalaman, maaaring makuhang muli o mare-acquire ang iyong Filipino citizenship sa bisa ng Citizenship Retention and Re-acquisition Act of 2003 (Republic Act [R.A.] No. 9225). Ayon sa Section 3 ng nasabing batas:


“Section 3. Retention of Philippine Citizenship - Any provision of law to the contrary notwithstanding, natural-born citizenship by reason of their naturalization as citizens of a foreign country are hereby deemed to have re-acquire Philippine citizenship upon taking the following oath of allegiance to the Republic:


“I _____________________, solemnly swear (or affirm) that I will support and defend the Constitution of the Republic of the Philippines and obey the laws and legal orders promulgated by the duly constituted authorities of the Philippines; and I hereby declare that I recognize and accept the supreme authority of the Philippines and will maintain true faith and allegiance thereto; and that I imposed this obligation upon myself voluntarily without mental reservation or purpose of evasion.”


Natural born citizens of the Philippines who, after the effectivity of this Act, become citizens of a foreign country shall retain their Philippine citizenship upon taking the aforesaid oath.


Section 4. Derivative Citizenship - The unmarried child, whether legitimate, illegitimate or adopted, below eighteen (18) years of age, of those who re-acquire Philippine citizenship upon effectivity of this Act shall be deemed citizenship of the Philippines.” (Binigyang-diin)


Sa iyong sitwasyon, maaaring maibalik ang iyong Filipino citizenship kung susundin mo ang prosesong itinalaga para rito, kabilang ang nabanggit na panunumpa ng katapatan sa Republika ng Pilipinas. Kasama ang iyong anak na wala pang 18 taong gulang na magkakaroon ng derivative citizenship alinsunod sa polisiya ng batas.


Para muling magawaran ng Filipino citizenship, magtungo lamang sa tanggapan ng Bureau of Immigration (BI) at magpasa ng sinumpaang petisyon para (1) mabigyan ng identification certificate; at (2) kanselasyon ng iyong alien certificate of registration, kung ikaw ay nakarehistro sa BI, alinsunod sa Memorandum Circular No. AFF-04-01 ng BI.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.



 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 20, 2022


Dear Chief Acosta,


Umuwi ako ng probinsya para makipiyesta sa bayan ng lola ko. May handang programa ang lokal na pamahalaan doon para sa kanilang piyesta. Sa gitna ng programa at pagdiriwang ay napansin ko na namimigay ang mga nag-organisa ng programa ng mga watawat ng Pilipinas para iwagayway habang may nakadikit sa mga ito na larawan ng pulitiko. Hindi ba bawal ang ganitong paglalagay ng larawan ng pulitiko sa watawat ng ating bansa? May parusa ba o batas laban sa mga ganitong gawain? - Alex


Dear Alex,


Para sa iyong kaalaman, ang Republic Act No. 8491 (R.A. No. 8491) na kilala bilang The Flag and Heraldic Code of the Philippines, ang batas na nag-aatas ng pagbibigay ng respeto at tamang pamamaraan sa paggamit ng mga sagisag ng ating bansa, kabilang ang watawat ng Pilipinas. Tungkol sa ating pambansang watawat, nilalaman ng batas ang mga natitiyak na disenyo at akmang paraan ng pagtatanghal ng watawat ng Pilipinas bilang sagisag at pagpapakita ng halaga at pagmamahal sa ating bansa. Nilalahad din ng batas ang mga gawaing ipinagbabawal sa paggamit ng watawat ng Pilipinas.


Ayon sa Section 34 ng R.A. No. 8491, ang mga sumusunod na gawain ay ipinagbabawal:

“SECTION 34. It shall be prohibited to:

a) To mutilate, deface, defile, trample on or cast contempt or commit any act or omission casting dishonor or ridicule upon the flag or over its surface; xxx

f) To add any word, figure, mark, picture, design, drawings, advertisement, or imprint of any nature on the flag; xxx


Makikita sa mga nabanggit na hayagang isinama ang paglalagay ng anumang salita, marka, larawan o disenyo sa watawat ng Pilipinas sa mga ipinagbabawal na gawain. Sa bisa ng nabanggit na batas ay malinaw na ang ginawang paglagay ng larawan ng pulitiko sa ating watawat ay kabilang sa mga ipinagbabawal na gawain ng batas. Dahil dito, masasabing may nangyaring paglabag sa batas sa ginawang paglalagay ng larawan ng pulitiko sa watawat ng Pilipinas, ayon sa binanggit mong insidente sa inyong probinsya.


Patungkol sa parusa sa mga nabanggit na ipinagbabawal na gawain, nakasaad sa batas na sinumang lalabag sa tamang paggamit ng watawat ng Pilipinas ay paparusahan ng multa na nagkakahalaga ng Php 5,000 hanggang Php 20,000, pagkakakulong ng hanggang isang taon o parehong multa at pagkakakulong. Sakaling maulit ang paglabag, nakasaad sa batas na dapat parehong ipataw ang parusang multa at kulong. (Sec. 50, R.A. No. 8491)


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 17, 2022


  1. Karapatang gamitin ang lahat ng common areas ng condominium project;

  2. Karapatang papinturahan o muling pinturahan o palagyan ng tiles, wax o papel o lagyan ng palamuti ang mga inner walls, kisame, sahig, bintana at pintuan ng kanyang condominium unit;

  3. Karapatang isanla ang kanyang condominium unit at magsagawa ng appraisal ng kanyang unit na independent sa iba pang condominium unit owners/buyers;

  4. Karapatang ibenta ang kaniyang condomium unit maliban lamang kung ang Master Deed ng condominium project ay naglalaman ng mga polisiya na iaalok muna ang bentahan sa iba pang condominium unit owners sa loob ng rasonableng pagkakataon bago ialok sa mga hindi kasama sa condominium project;

  5. Karapatang bumuo ng condominium corporation o asosasyon ng mga condominium owners o maghalal ng mga mamamahala sa mga common areas;

  6. Karapatang bumoto para sa pagkabuwag ng condominium corporation sa pangkalahatan o sa espesyal na pagtitipong tinawag para sa nasabing hangarin;

  7. Karapatang payagan ang condominium corporation para ibenta, ipalit o ipaupa ang common areas ng condominium project;

  8. Karapatan sa condominium owner’s copy ng Certificate of Title;

  9. Karapatang magsagawa ng sariling assessment ng kanyang condominium unit para sa real property taxation at iba pang uri ng pagbubuwis;

  10. Karapatang tumangging magbayad sa mga taong nagtrabaho pati ng materyales na inilagay sa kanyang condominium unit kung ang pagpapagawa rito ay hindi niya alam at wala siyang pagsang-ayon;

  11. Karapatang magsampa ng reklamo kapag napatunayan nila na ang developer ng condominium project ay nagsagawa ng panlilinlang o nagsagawa ng misrepresentasyon tungkol sa prospectus ng condominium project;

  12. Kapag ang nakabili ng condominium unit na piniling magbayad ng hulugan ay tumigil sa pagbayad dahilan sa hindi nagawa ng developer ang condominium project nang ayon sa naaprubahang plano sa loob ng panahong itinakda para gawin ito, ang mga ibinayad ay hindi maaaring mapunta sa may-ari o developer ng condominium project. Maaaring bawiin ng nasabing bumibili na maibalik sa kanya ang lahat ng kaniyang naibayad pati ang interest na ipinatong sa amortization;

  13. Karapatang hilingin na mapatayo ang condominium project nang ayon sa alituntunin ng National Building Code.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page