top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 11, 2023



Dear Chief Acosta,


Bilang isang solo parent, kinakaya kong magtrabaho sa araw at magnegosyo sa gabi para suportahan ang aking anak. May isang oras na pahinga ako araw-araw sa aking pinagtatrabahuhan, ngunit hindi ito sapat para maibsan ang aking pagod, kaya palagi akong umiidlip ng hindi hihigit sa 10 minuto sa umaga at sa hapon kapag break time.


Napansin ng aking supervisor ang madalas kong pag-idlip kaya kinausap niya ako tungkol dito. Ang aking pag-idlip ay ibabawas diumano sa oras ng aking trabaho na babayaran kaya nais kong malaman kung alinsunod ba ‘yun sa batas. – Lilinet


Dear Lilinet,


Nakasaad at binigyang-linaw sa Artikulo 85, Chapter I, Title I, Book III, ng Labor Code of the Philippines na ang meal periods ng mga empleyado ay:


“Article 85. Meal Periods. – Subject to such regulations as the Secretary of Labor may prescribe, it shall be the duty of every employer to give his employees not less than sixty (60) minutes time-off for their regular meals.”


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa kaugnay na Omnibus Rules Implementing the Labor Code kung saan malinaw na nakasaad sa Section 7, Rule I, Book III nito ang mga sumusunod:


“SECTION 7. Meal and Rest Periods. – Every employer shall give his employees, regardless of sex, not less than one (1) hour time-off for regular meals, except in the following cases when a meal period of not less than twenty (20) minutes may be given by the employer provided that such shorter meal period is credited as compensable hours worked of the employee:


a. Where the work is non-manual work in nature or does not involve strenuous physical exertion;

b. Where the establishment regularly operates not less than sixteen (16) hours a day;

c. In case of actual or impending emergencies or there is urgent work to be performed on machineries, equipment or installations to avoid serious loss which the employer would otherwise suffer; and


d. Where the work is necessary to prevent serious loss of perishable goods.


Rest periods or coffee breaks running from five (5) to twenty (20) minutes shall be considered as compensable working time.”


Batay sa nabanggit na batas, ang mga panahon ng pahinga (rest period o coffee break) mula 5 hanggang 20 minuto ay dapat na ituring bilang bayad na oras ng trabaho.


Ayon sa iyo, madalas kang umidlip ng hindi hihigit sa 10 minuto sa umaga at sa hapon sa iyong break time. Samakatuwid, labag sa batas kung ibabawas sa oras ng iyong trabaho ang oras ng iyong pag-idlip na hindi hihigit sa 10 minuto sa umaga at hapon, dahil itinuturing ng batas ang nabanggit bilang bayad na oras ng trabaho.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.



 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | March 10, 2023


Nahihilig ang mga kabataan sa iba’t ibang gadgets na nagagamit nila sa kanilang pag-aaral, pagsasaliksik ng mga bagay na may kaugnayan sa iba’t iba nilang interes, ganundin sa kanilang paglilibang. Sa kaso ni RB Dichoso Tamonan, ginamit niya ang kanyang tablet upang may matutunan mula sa internet tungkol sa kanyang mga nararamdaman.


Ayon sa kanyang ina na si Gng. Bernadette G. Dichoso ng Valenzuela City,

“Habang kami ay nasa ospital, nakita namin sa search history ng tablet niya ang mga searches niya sa internet hinggil sa pananakit ng ulo, tumor sa ulo, atbp.


Nagpapakita lamang ang mga ito na siya ay matagal nang may nararamdamang masama sa kalusugan.”


Si RB, 12, ay namatay noong Marso 10, 2019. Siya ang ika-150 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.


Ayon sa kanyang Certificate of Death, si RB ay namatay dahil sa Ruptured Arteriovenous (Av) Malformation (Immediate Cause); T/C Medulloblastoma (Other significant conditions contributing to death).


Siya ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan. Una, noong Hunyo 30, 2016; pangalawa, noong Enero 27, 2017; at huli, noong Hulyo 13, 2017. May naikuwento si Gng. Bernadette sa kanyang salaysay hinggil sa sitwasyon ng kanyang anak at tungkol din sa pagkakabakuna nito:


“Dahil madalas akong madestino sa malayong lugar, ang aking anak ay nakatira sa kanyang ama na si Romulo Tamonan noong siya ay maturukan ng bakuna kontra dengue. Kasamang tumitingin sa aking anak ang kanyang tiyahin na si Amelia Garcia (kapatid ni Romulo), dahil sa abroad ang trabaho ng kanyang ama. Nanatili na lamang siya rito sa Pilipinas noong 2016.


“Noong unang bahagi ng 2018, dahil maugong na ang balita hinggil sa kontrobersiya ng Dengvaxia at sakop ng kanyang edad ang mga naturukan nito, tinanong ko siya kung naturukan siya ng nasabing bakuna. Sinabihan niya ako na siya ay nabakunahan at mula noon ay palagi ko na siyang tinatanong hinggil sa kalagayan ng kanyang kalusugan. Sadyang malihim ang aking anak dahil madalas niyang sinasabi na maayos naman siya.”


Noong 2018 hanggang 2019, narito ang mga paghihirap ni RB bago siya pumanaw noong Marso 10, 2019:


  • Nobyembre 2018, ikalawang linggo at bago mag-Pasko - Sumakitang kanyang ulo. Siya ay pinainom ng paracetamol sa pag-aakalang sanhi ‘yun ng pagod sa pag-aaral dahil kakatapos lamang ng pagsali niya sa isang quiz bee. Umayos naman ang kanyang kalagayan noon, ngunit muling sumakit ang kanyang ulo bago mag-Pasko.


  • Enero 2019, huling linggo - Pabalik-balik ang pananakit ng kanyang ulo. Siya ay pinainom din ng paracetamol at dinala sa doktor. Ayon sa doktor, may vertigo si RB, kaya siya ay niresetahan ng gamot para rito. Bahagyang bumuti ang kanyang kalagayan.


  • Pebrero 15, 2019 - Bumalik ang pananakit ng kanyang ulo. Sa pag-aakalang maaaring sa mata ang sanhi nito, dinala siya sa isang klinika upang ipasuri sa espesyalista. Habang siya ay sinusuri ng doktor, bigla siyang nangisay. Agad siyang isinugod sa isang ospital sa Marikina City. Masakit na ang ulo ni RB at hindi na siya makatayo.

  • Pebrero 16 at 18, 2019 - Sa isang ospital sa Quezon City, isinailalim siya sa iba’t ibang pagsusuri. Normal ang inisyal na pagsusuri sa kanya at siya ay negatibo sa dengue. Masakit pa rin ang kanyang ulo. Sumakit din ang kanyang tiyan noong Pebrero 18. Hindi na siya makakain nang maayos at hirap siyang makatayo. Siya ay isinailalim sa MRI. Sinabihan ang kanyang pamilya na kailangan siyang operahan sa ulo dahil may nakitang tumor dito.


  • Pebrero 21, 2019 - Nagwala at nagsuka siya ng likido. Pagsapit ng gabi, cross-eyed na siya at hindi na makakilala ng tao. Nagwawala siya, at hirap makontrol ng mga tao.


  • Pebrero 22, 2019 - Inoperahan siya sa ulo. Hindi naman malignant ang tinanggal na specimen na isinailalim sa biopsy. Dinala siya sa ICU upangma-monitor, ngunit hindi na siya nagising.

  • Marso 9 at 10, 2019 - Dapat isailalim siyang muli sa MRI, subalit dahil hindi stable ang kanyang kalagayan, hindi ito natuloy. Ayon sa doktor, kritikal na ang kanyang kalagayan. Comatose na siya hanggang sa siya ay tuluyang pumanaw noong Marso 10, 2019 matapos siyang subukang i-revive nang napakaraming beses.


Hinagpis ng kanyang ina,“Napakasakit para sa aming pamilya ng pagpanaw ng aking anak.


Siya ay malusog at maliksing bata. Mahilig siyang maglaro ng basketball, volleyball at badminton. Siya ay may angking galing dahil madalas din siyang sumali sa mga quiz bee.


Kailanman ay hindi siya nagkasakit ng malubha at hindi nagkaroon ng dengue. Nito lamang siya naospital matapos siyang maturukan ng Dengvaxia.


“Humingi kami ng tulong sa Public Attorney's Office (PAO) para isailalim si RB sa Forensic Examination para malaman namin ang tunay na dahilan ng biglaang pagkamatay niya.”



Kasama rin sa hiling ng pamilya ni RB sa PAO ay ang mabigyan sila ng tulong legal para maipaglaban ang kamatayan niya. Kabilang ang pamilya ni RB sa mga nagsampa ng kaso na tinaguriang Dengvaxia cases, sa tulong ng PAO. Buo ang kanilang loob, bagama’t alam nila ang reyalidad hinggil sa hustisya – mailap na tila usa, lalo na sa mga biktimang tila mga isinakrispisyong mga tupa.


Nagsisilbi rin silang inspirasyon sa amin bilang kanilang mga manananggol at tinuturing na mga kapamilya na rin na pinagbuklod ng pagnanais na makamit ang katarungan para sa nasabing mga biktima. Tila nga napakahirap abutin ang kamay ng hustisya, lalo na’t mala-higanteng mga kumpanya ang aming sinasagupa. Subalit kami ay nananalig pa rin sa pantay na pagtingin ng Babaeng nakapiring habang hawak niya ang timbangan ng katarungan.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 10, 2023



Dear Chief Acosta,


Nakasanayan ko nang mangolekta ng mga 25 cents tuwing ako ay nasusuklian nito.


Minsan ay napupulot ko pa ito sa daan. Sa kasalukuyan, umabot na sa P3,000 ang aking mga 25 cents at nais kong bumili ng cellphone gamit ito. Tatanggapin ba ng tindahan ang aking ibabayad na barya? – Berto

Dear Berto,


Para sa iyong kaalaman, mayroong alituntunin na nasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Circular No. 537 Series of 2006 - July 18, 2006:


“Pursuant to Section 52 of Republic Act No. 7653 and Monetary Board Resolution No. 862 dated 6 July 2006, the maximum amount of coins to be considered as legal tender is adjusted as follows:


  1. One thousand pesos (P1,000.00) for denominations of 1-Piso, 5-Piso and 10-Piso coins; and

  2. One hundred pesos (P100.00) for denominations of 1-sentimo, 5-sentimo, 10-sentimo, and 25-sentimo coins.”


Ayon sa nabanggit, ang P1, P5 at P10 ay maaari lamang ipambili kung ang halaga ng bibilhin ay nasa P1,000. Samantala, ang 1-sentimo, 5-sentimo, 10-sentimo, at 25-sentimo ay maaari lamang ipambili kung ang babayaran ay hindi lalagpas sa P100.


Kapag ang halaga ng bibilhin o babayaran ay lalagpas sa mga nasabing limitasyon, hindi na maaaring pilitin ang mga tindahan na tanggapin ang bayad, sapagkat hindi na ito maituturing na legal tender o ang kapangyarihan ng pera na magagamit sa pagbili sa isang lugar. Kaya naman sa iyong sitwasyon, maaaring tumanggi ang tindahan ng cellphone na tanggapin ang iyong bayad na tig-25 sentimo dahil ang bagay na iyong nais bilhin ay nagkakahalaga ng P3,000; lagpas sa itinakda ng nabanggit na BSP circular.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page