ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 27, 2023
Dear Chief Acosta,
Nahatulan ng anim na taong pagkakabilanggo ang aking asawa dahil sa isang kasong kriminal. Siya ay kasalukuyang nakapiit sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Napakalayo nito sa aming bahay, sapagkat kami ay nakatira pa sa La Union. Dahil sa layo at kamahalan ng pamasahe, hindi namin siya madalaw. Nais kong malaman kung maaari ba siyang mailipat na lamang dito sa kulungang malapit sa aming tirahan? –Myra
Dear Myra,
Para sa iyong kaalaman, ang sagot sa iyong katanungan ay nakapaloob sa Circular No. 26-2000 o ang “Transfer of National Prisoners to the Bureau of Corrections in Muntinlupa City,” na inilabas ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema noong ika-23 ng Marso 2000. Nakasaad sa nasabing Circular ang mga sumusunod:
“For this purpose, prisoners at or confined in provincial, city and municipal jails and sentenced by lower courts to prison terms exceeding three (3) years, whether or not they have appealed, are considered national prisoners.
In view thereof, and in order to decongest provincial, city and municipal jails, all trial judges concerned are hereby directed to issue the corresponding mittimuses or commitment orders of national prisoners immediately after their conviction so that they may be remitted or transferred to the New Bilibid Prison of the Bureau of Corrections in Muntinlupa City.”
Ito ay alinsunod din sa probisyon ng Republic Act No. 10575 na mas kilala bilang “The Bureau of Corrections Act of 2013” na nagtatakda ng hurisdiksyon ng Bureau of Corrections sa mga nahatulan ng higit tatlong taong pagkakakulong. Ayon sa batas:
“Section 4. The Mandates of the Bureau of Corrections. – The BuCor shall be in charge of safekeeping and instituting reformation programs to national inmates sentenced to more than three (3) years.”
Samakatuwid, base sa mga nabanggit ay hindi pahihintulutang mailipat pa ang iyong asawa sa kulungang malapit sa iyong tirahan, sapagkat siya ay itinuturing na isang national prisoner dahil siya ay nasentensyahang makulong ng anim na taon. Dahil dito, maaari lamang siyang makulong sa New Bilibid Prison sa Lungsod ng Muntinlupa at hindi sa kulungang malapit sa inyo.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

