top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | March 31, 2023


Sa tinaguriang Dengvaxia cases na hawak ng aming tanggapan, marami kaming nalamang kuwento ng mga bata at kabataan na hitik na hitik sa magaganda at mabubuting katangian. Sa kasamaang-palad, hindi na lumawig at umabot sa maunlad na kinabukasan ang kanilang kahusayan.

Isa sa kanila si Noreen Martinez Labrague. Ayon sa kanyang ina na si Gng. Zenaida Martinez Pardiñan ng Caloocan City, “Siya ay malusog at maliksing bata. Mahilig siyang maglaro ng badminton. Kailanman, hindi pa siya nagkasakit nang malubha nito lamang siya na-ospital dahil sa pagkakaroon ng malubhang sakit na nagresulta ng kanyang agarang kamatayan. Hindi rin siya nagka-dengue infection. Sa katunayan, siya ay may magandang pangangatawan at matangkad siyang bata. Matayog din ang pangarap ng aking anak.”


Si Noreen, 14, ay namatay noong Disyembre 26, 2019. Siya ang ika-151 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.


Dalawang beses umano siyang naturukan ng Dengvaxia.


Siya ay dalawang beses naturukan ng Dengvaxia. Una, noong Agosto 29, 2017 sa isang barangay health center sa Caloocan City, at pangalawa noong Pebrero 2018 sa kanilang paaralan sa Caloocan City din. Sa pagkabakuna kay Noreen at kapatid nito, narito ang bahagi ng salaysay ni Gng. Zenaida, “Siya ay naturukan ng Dengvaxia sa kanyang paaralan kahit wala akong pahintulot dahil nalaman ko ang mga hindi magandang epekto ng bakuna at dahil wala na akong magawa sa nauna niyang bakuna, sinabi ko na tama na ‘yung isang bakuna. Subalit, sa kasamaang-palad, naturukan pa rin siya ng pangalawa. Bukod kay Noreen, naturukan din ang isa ko pang anak na si Noel Jr. Martinez Labrague ng Dengvaxia ng 1 beses. Magkasama silang naturukan sa aming barangay health center, Malaria, Caloocan City.”


Sa iba’t ibang petsa ng 2019, narito ang ilan sa mga pinagdaanang hirap ni Noreen bago siya pumanaw noong Disyembre 26, 2019;


  • Mayo - Nag-umpisang magkalagnat si Noreen, ngunit nawawala naman tuwing umiinom siya ng paracetamol.

  • Agosto - Nang magkaregla si Noreen, ito ay pabalik-balik.

  • Setyembre 2 - Dahil ilang linggo nang pabalik-balik ang kanyang regla, dinala siya ni Gng. Zenaida sa isang ospital, at base sa pagsusuri, mababa ang platelet count niya. Inulit ang pagsusuri sa kanyang dugo at ayon sa doktor, may infection sa dugo ni Noreen, at posibleng may leukemia siya. Maputla ang kanyang mga labi at may mga red spots sa kanyang kaliwang binti at pasa sa kanyang parehong binti.

  • Setyembre 3 - Sinalinan siya ng dugo dahil hindi pa rin nawala ang kanyang pagdurugo.

  • Setyembre 7 at 12 - Nag-request ng bone marrow test para sa kanya. Noong Setyembre 12, tiningnan siya ng OB-GYNE, at niresetahan ng pills, pampatigil ng pagdurugo.

  • Setyembre 16 at 17 - Base sa resulta ng bone marrow test, may Acute Myeloid Leukemia (AML) siya. Kinabukasan, nag-umpisa siyang mag-chemotherapy. Ngunit dahil bumababa ang dugo niya, isinailalim ulit siya sa blood transfusion at itinigil ang chemotherapy.

  • Oktubre 22 - Siya ay na-discharge sa ospital upang magpalakas muna sa kanilang bahay.

  • Nobyembre 2 - Muling isinagawa ang chemotherapy cycle niya. Nahihilo siya sa tuwing natatapos ang kanyang chemotherapy. Lagas na rin ang buhok niya at hirap na siyang maglakad. Madalas siyang magreklamo ng pananakit at pangangalay ng kanyang mga binti.

  • Nobyembre 21 - Na-discharge siya sa ospital, ngunit may kaunting pagdurugo pa rin siya idinaraing

  • Disyembre 1 at 10 - Lumalala na naman ang pagdurugo niya. Muli siyang sinalinan ng dugo dahil bumaba na naman ito. Noong Disyembre 10, sumailalim siya ultrasound at nakita na lumala ang impeksyon sa kanyang dugo, at nakaranas din siya ng LBM.

  • Disyembre 17 - Namamanas na ang kanyang mukha, mga kamay at paa.

  • Disyembre 18 - Pinalitan ng kanyang OB-GYNE ang kanyang pills ng mas malakas na gamot para pampatigil ng kanyang pagdurugo. Siya ay naging lupaypay na rin.

  • Disyembre 24 at 25 - Nag-seizure siya. Sinundan ito ng dalawa pang seizures, alas-3:00 ng madaling-araw at alas-8:00 ng umaga noong Disyembre 25. Bandang ala-1:00 ng hapon, na-CPR siya at na-intubate. Pagsapit ng alas-7:00 ng gabi, inilipat siya sa ICU at kritikal na ang kalagayan.

  • Disyembre 26 - Pagsapit ng pasado alas-6:00 ng umaga,tuluyan nang pumanaw si Noreen.

Ayon sa kanyang ina, “Napakasakit ng dagliang pagpanaw ng aking anak. Dahil dito, humingi kami ng tulong sa Public Attorney’s Office (PAO) para isailalim si Noreen sa Forensic Examination para malaman namin ang tunay na dahilan ng kanyang biglaang pagkamatay.


Kinakailangan kong gawin ito upang matahimik ang aking kalooban. Kasama sa aking hiling sa PAO ay ang mabigyan ako ng tulong legal para maipaglaban ko ang kamatayan ng aking anak. Hindi makatarungan na siya ay namatay nang napakabata.”


Nakapanghihinayang ang buhay ng mga batang naturukan ng Dengvaxia na inaasahan sanang magliligtas sa kanila laban sa sakit. Subalit, iba ang naging dulot nito, sapagkat hindi ito pinag-aralang mabuti ng mga taong dapat nangangalaga ng kalusugan ng sambayanan.


Kaya naman ang mga kahilingan na katulad ng kay Gng. Zenaida ay hindi lamang namin dagliang tinutugunan, patuloy din namin silang tinutulungan at ipinaglalaban hanggang sa Kataas-taasang Hukuman, kung kinakailangan makamtan lamang ang katarungan.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 30, 2023



Dear Chief Acosta,


Ako ay isang tindero ng isda sa palengke. Dahil sa kakapusan at sa nagtataasang presyo ng mga bilihin, ako ay napilitang mangutang sa isang lending company. Ayon sa aming kontrata, ang aking pagkakautang ay iipon ng interes mula Enero 1 hanggang ito ay aking lubusang mabayaran. Subalit, Pebrero 1 ko na natanggap ang pera na aking hiniram. Noong ako ay magbabayad na sa katapusan, ako ay sinisingil ng interes mula Enero 1, sapagkat ‘yun daw ang nakasaad sa aming kontrata. Tama ba ang ginawa ng lending company na aking inutangan? –Boy


Dear Boy,


Para sa inyong kaalaman, mayroong batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Article 1934 of the Civil Code of the Philippines, nakasaad na:


“ARTICLE 1934. An accepted promise to deliver something by way of commodatum or simple loan is binding upon the parties, but the commodatum or simple loan itself shall not be perfected until the delivery of the object of the contract.”


Ayon sa nabanggit, ang paghiram ng pera o simple loan ay isang kontrata, kung saan kinakailangan ang pagkakasundo ng bawat partido. Ang kontratang ito ay maikokonsidera lamang na perfected o nabuo kung ang perang hiniram ay naiabot na sa taong humihiram. Bago pa man mangyari itong pag-aabot ng pera, pangako pa lamang ng pagpapahiram ang nabubuo kaya hindi pa maaaring magdemanda ang nagpapahiram ng prinsipal o interes laban sa taong humiram. Kaya naman, sa iyong sitwasyon, hindi maaaring manghingi ng interest ang lending company mula Enero 1, sapagkat Pebrero 1 na naibigay sa iyo ang perang iyong hiniram.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 28, 2023


Dear Chief Acosta,


Ang aking asawa ay isang professor sa isang unibersidad sa aming bayan. Makalipas ang ilang taon, siya ay na-appoint bilang University Registrar. Noong nakaraang taon, nang siya ay muling itinalaga bilang registrar, ibinaba ang kanyang sahod mula sa P50,000 tungo sa P35,000. Ang hinala niya ay dahil ito sa naging isyu niya sa unibersidad, kung saan may mga estudyante siya na hinayaang makasama sa martsa noong graduation ceremony. Matapos siyang magreklamo, nagkaroon ng hearing at nagdesisyon ang unibersidad na tanggalin siya dahil diumano sa kawalan ng trust and confidence. Siya ay nagsampa ng kasong Illegal Dismissal at sinamahan niya ng claim ng diminution of benefits, at karagdagang hiling para sa separation pay. Matapos ang ilang buwan, naglabas ng resolusyon ang labor arbiter na walang Illegal Dismissal na nangyari, ngunit ang aking asawa ay ginawaran ng salary differential dahil nagkaroon diumano ng diminution of benefits. Tama ba ito? –David


Dear David,


Ang sagot sa iyong katanungan ay sinagot ng Korte Suprema sa kasong Colegio San Agustin-Bacolod and/or Fr. Frederick C. Comendador v. Melinda M. Montaño, G.R. No. 212333, March 28, 2022, na isinulat ni Kagalang-galang na Mahistrado Ramon Paul L. Hernando, kung saan sinabi ng Korte Suprema na maaaring magkaroon ng diminution of benefits kahit na walang Illegal Dismissal. Ayon sa Korte Suprema:


“There is diminution of benefits when the following are present: (1) the grant or benefit is founded on a policy or has ripened into a practice over a long period of time; (2) the practice is consistent and deliberate; (3) the practice is not due to error in the construction or application of a doubtful or difficult question of law; and (4) the diminution or discontinuance is done unilaterally by the employer. In addition to policy or company practice, the grant or benefit may also be founded on a written contract. Consistent with the constitutional mandate of protecting the rights of workers and promoting their welfare, benefits enjoyed by employees cannot be reduced, diminished, discontinued or eliminated.


In this case, respondent’s renumeration as school registrar is founded on policy or contract. Respondent’s appointment and reappointments indicated the monthly compensation for the position. The amounts received by her were duly established.”


Gaya sa kaso ng iyong asawa, ang desisyon na nagsasabing walang Illegal Dismisal ay hindi nangangahulugan na wala na rin ang claim para sa diminution of benefits, lalo na’t malinaw ang pagbabawas ng kanyang sahod. Tulad ng sinabi ng Korte Suprema, basta napatunayan ang mga elemento na nagkaroon ng diminution of benefits, ang nasabing empleyado ay maaaring gawaran ng salary differential base sa kabuuang panahon na siya ay nakatanggap ng mas maliit na benepisyo kaysa sa kanyang karaniwang tinatanggap.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page