top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Marso 5, 2024


Dear Chief Acosta,


Magdadalawang taon na akong umuupa sa maliit na apartment unit na tinitirhan namin dito sa Maynila kasama ang aking kapatid at mga pinsan. Nagbabayad kami ng P10,000.00 na upa kada buwan. Ngunit noong nakaraang buwan, inabisuhan kami ng may-ari na 10% ang dagdag sa renta ngayong taon simula Pebrero. Meron bang limitasyon sa pagtaas ng renta? -- Joselle


Dear Joselle,


Ang pagpapatuloy ng regulasyon sa pag-upa ay magbibigay ng proteksyon sa mga pamilyang umuupa sa pamamagitan ng pagtiyak ng pagiging abot-kaya ng mga lugar na paupahan, upang hindi lalo pang lumala ang problema ng bansa dahil sa tumataas na mga pangangailangan sa pabahay at kawalan ng tirahan.


Alinsunod dito, nag-isyu ang National Human Settlements Board (NHSB) ng Resolution No. 2023-03, na may petsang ika-13 ng Oktubre 2023:


“WHEREAS, Republic Act No. 9653, otherwise known as the “Rent Control Act of 2009”, declares as a policy the State’s continuing program of encouraging the development of affordable housing to protect housing tenants in the lower-income brackets and other beneficiaries from unreasonable rent increases;

xxx


WHEREAS, the continuation of the rental regulation will provide protection to renting families by ensuring their tenure and the affordability of rental premises;


WHEREAS, upon the recommendation of the National Economic and Development Authority (NEDA), the maximum percentage increase of monthly rental rates be capped at the upper bound of the inflation rate target of the current administration which is at 4%;


WHEREFORE, pursuant to the foregoing, the National Human Settlements Board hereby RESOLVES, as it is hereby


RESOLVED, to continue the rental regulation for the period January 1, 2024 to December 31, 2024 under the same terms and conditions provided under NHSB Resolution No. 2022-01, that for as long as the unit is occupied by the same lessee, the rent of any residential unit shall not be increased by more than four percent (4%) for the monthly rental rates of P10,000.00 and below;”


Ayon dito, hangga’t ang unit ay inookupahan ng parehong lessee o nangungupahan, ang upa ng anumang residential unit ay hindi dapat tumaas ng higit sa apat na porsyento (4%) para sa buwanang renta na Php10,000.00 at mas mababa.


Dahil kayo ay nangungupahan ng isang residential unit sa loob ng halos dalawang taon at ang renta ninyo kada buwan ay Php10,000.00, hindi maaaring magtaas ang inyong lessor nang higit 4% ng kasalukuyang renta ninyo. Ibig sabihin, labag sa batas ang balak na 10% increase sa renta na hinihingi ng inyong lessor.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Marso 4, 2024


Dear Chief Acosta,


Ako ay pitong taon na sa aking pinagtatrabahuhan bilang isang security guard, ngunit noong unang dalawang taon ko sa agency ay hindi nabayaran ang aking overtime pay. Maaari ko bang ireklamo ang aking agency upang masingil ang overtime na aking iginugol sa trabaho sa unang dalawang taon ng aking pagtatrabaho? -- Roger


Dear Roger,


Para sa iyong kaalaman, mayroong batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan.


Ayon sa Article 306 ng ating Labor Code of the Philippines, nakasaad na:

“Art. 306 [291]. Money claims. - All money claims arising from employer-employee relations accruing during the effectivity of this Code shall be filed within three years from the time the cause of action accrued; otherwise they shall be forever barred.”


Sang-ayon sa nabanggit na batas, lahat ng money claims, isa na roon ang overtime pay, mula sa iyong trabaho kung saan kayo ng iyong employer ay nagkaroon ng employer-employee relationship, ay maaari lamang isampa sa loob ng tatlong taon mula sa araw na ikaw ay nagkaroon ng karapatan para rito. Kung hindi ito maisasampa sa naturang panahon ay mawawala ang iyong karapatan upang masingil ang mga nasabing claims.


Sumakatuwid, hindi mo na maaaring ihain ang reklamo para masingil ang iyong overtime pay para sa unang dalawang taon mo sa iyong agency sapagkat ayon sa batas, ang karapatan mo para rito ay maaari lang i-claim sa loob ng tatlong taon.


Sa iyong sitwasyon, tanging ang overtime pay lang para sa nakaraang tatlong taon ang iyong pwedeng singilin, at hindi ang overtime pay para sa unang dalawang taon mo sa iyong trabaho, sapagkat ito ay lagpas na sa tatlong taong prescriptive period na ibinigay sa batas.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Marso 3, 2024


Noong nakaraang November 23, 2023 ay nilagdaan ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang Republic Act (RA) No. 11965 o mas kilala sa titulong “Caregivers’ Welfare Act”. Nakapaloob sa batas na ito ang polisiya ng estado na kilalanin ang gampanin ng mga caregiver sa kaunlaran ng ating bansa at mabigyan sila ng karampatang benepisyo sa kanilang pagtatrabaho.


Layunin din ng batas na pangalagaan ang karapatan ng mga caregiver na mapagkalooban ng disenteng kondisyon ng pagtatrabaho at maayos na pasahod, at mabigyan sila ng proteksyon laban sa pang-aabuso, pananakot, pananakit, at pang-ekonomiyang pagsasamantala.


Pinangangalagaan ng batas na ito ang mga licensed healthcare professionals na boluntaryong nagpalista sa Department of Labor and Employment (DOLE) o iyong mga binigyan ng sertipikasyon ng Technical Education and Skills Development Authority (TEDSA) na nakapagtapos ng caregiving o ng ibang health care courses mula sa ibang institusyon na may edad 18 at nagtatrabaho bilang tagapangalaga ng mga bata (newborn, infant, toddler, preschooler, school children), may edad (adult), matatanda (elderly), at iyong mga may espesyal na pangangailangan.


Sakop lamang dito iyong mga caregiver na nagtatrabaho sa loob ng bansa na nasa mga “private homes”, “nursing or care facilities” at sa iba pang “residential setting”. Ayon sa Seksyon 5 ng RA No.11965, kinakailangan na mayroong employment contract na isasagawa sa pagitan ng employer at ng caregiver kung saan nakasulat doon ang mga responsibilidad ng caregiver, ang haba ng pagtatrabaho, ayos ng pagtatrabaho, kompensasyon, mga pinapayagang kaltas, oras ng pagtatrabaho, araw ng pahinga at pinapayagang pagliban, at probisyon para sa pagkain, tulugan at pangangailangang medikal. At dahil sa mayroong kontrata sa pagitan ng caregiver at ng kanyang amo, ang pagtatapos ng empleyo ay nakasaad din sa nasabing kontrata.


Ang haba ng oras ng pagtatrabaho at halaga ng sahod ay sang-ayon sa kung ano ang nakasaad sa napirmahang kasunduan at kinakailangan na ito ay tatalima sa kung ano ang sinasabi ng ating Labor Code. Ang sahod ng isang caregiver ay hindi dapat bababa sa minimum wage na ipinatutupad sa rehiyon kung saan ito nagtatrabaho. Kapag lumampas ang pagtatrabaho sa walong oras, ang caregiver ay may karapatan na mabigyan ng overtime pay at mabigyan din ng night shift differential kung ito ay angkop.


Bukod sa sahod, ang isang caregiver na nakapagsilbi na ng isang buwan ay may karapatang makatanggap ng kanyang 13th month pay na hindi bababa sa 1/12 ng kabuuan ng kanyang sahod sa isang taon. Ito ay babayaran nang hindi lalampas ng Disyembre 24 kada taon o sa araw ng pagwawakas ng kanyang pagtatrabaho.


Ang isang caregiver na nakapagtrabaho na ng isang taon ay may karapatan na mabigyan ng annual service incentive leave na limang araw at ng ibang angkop na bakasyon na isinasaad ng batas.


Bukod sa mga nabanggit, ang isang caregiver ay may karapatan na mabigyan ng ibang benefits katulad ng SSS, PhilHealth, Pag-IBIG at ng iba pang mga benepisyong nakatalaga sa batas. Sila rin ay may karapatang mabigyan ng maayos na pagkain, angkop na pahinga, at medical assistance katulad ng first-aid medicines.


Katulad ng ibang empleyado, ang pagtatrabaho ng isang caregiver ay mawawakasan lamang kapag natapos na ang takdang araw na nakasaad sa kasunduan o sa alinman sa kadahilanang isinasaad ng batas. Walang nagbabawal sa amo at caregiver na napagkasunduan na wakasan nang mas maaga ang kanilang kasunduan. Kinakailangan lamang na mayroong written notice para malaman ng mga partido ang nabibinbing pagwawakas ng kasunduan ng pagtatrabaho. Kapag gusto ng caregiver na wakasan ang kasunduan nang mas maaga kaysa sa pinagkasunduan, kailangan niyang magbigay ng kanyang written notice isang buwan bago ang araw ng intensyong pagtatapos ng kontrata.


Subalit, maaaring wakasan ng amo o ng caregiver ang pagtatrabaho alinsunod sa mga dahilan na nakasaad sa batas. Ang isang caregiver na tinanggal nang walang dahilan ay makatatanggap ng kabayaran para sa mga araw na kanyang napagtrabahuan at danyos na katumbas ng 15 araw. Ano mang labor dispute sa pagitan ng amo at ng caregiver ay maaaring isampa sa regional office ng DOLE o sa angkop na ahensya ng DOLE na may sakop sa lugar kung saan nagtatrabaho ang caregiver.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page