top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 14, 2023



Ang informed consent ay bahagi na ng vocabulary ng mga Pilipino dahil sa mga naganap na pagbabakuna kung saan isa sa mga naging tampok ang Dengvaxia vaccines.


Naintindihan ng maraming Pilipino kung ano ang informed consent dahil sa kawalan nito sa maraming kaso ng pagkakaturok ng nasabing bakuna sa maraming bata. Isa sa mga nabanggit na kaso ang nangyari kay Tyrone Tisbe, anak nina G. Mhykel at Gng. Lorena Tisbe ng Pasay City.


Kaugnay nito, narito ang bahagi ng sanaysay ni G. Tisbe ukol sa pagpapabakuna ng kanilang anak:


“Bago mabakunahan si Tyrone ay mayroon siyang maliit na papel na pinapirmahan sa akin para umano mabigyan siya ng bakuna kontra dengue. Sa papel na iyon ay walang nakalagay kung ano ang magiging epekto ng nasabing bakuna sa kalusugan ng aming anak, pinirmahan ko ang nasabing papel dahil iniisip ko na hindi na magkakaroon ng dengue ang aming anak.”


Malinaw na hindi sapat ang impormasyon o kaalaman ng mag-asawang Tisbe ukol sa nabanggit na bakuna. Hindi nakasulat sa nasabing papel ang mga maaaring maging epekto ng Dengvaxia vaccine na ituturok nila kay Tyrone. Kaya ang pagsang-ayon ng mag-asawa na mabigyan ng bakuna ang kanilang anak ay hindi kailanman maituturing na informed consent. Nang ibigay nila ang kanilang pagsang-ayon, ay hindi nila alam na mayroong severe adverse effects ang bakuna kaya hindi pa rin masasabi na informed consent.


Si Tyron Tisbe, 15, namatay noong Marso 31, 2021. Siya ang ika-162 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki, at pagdurugo ng lamang-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015}. Si Tyrone ay naturukan ng Dengvaxia ng 2 beses; una noong Enero 11, 2017, at pangalawa noong Hulyo 11, 2017. Noong Hunyo 2017, bago siya nakatanggap ng pangalawang bakuna, may lumabas na bukol sa kanyang kanang leeg. Malaki ang bukol na lumabas sa kanya. Maayos pa naman ang pakiramdam ni Tyrone noon kahit na may bukol siya at inakala lamang ng kanyang mga magulang na sipong lubog ang nasabing bukol.

  • Oktubre 20, 2017 - Dinala siya sa isang ospital sa Manila, at doon nalaman na ang nasa kanang leeg niya ay isa diumanong cyst. Isinailalim ito sa operasyon upang maalis ang bukol. Nakauwi rin agad sila noong araw na iyon, at binigyan lamang si Tyrone ng mefenamic acid at antibiotics. Matapos ang operasyon ay naging maayos naman ang naging pakiramdam niya. Patuloy pa rin ang kanyang pagpasok hanggang nagkaroon sila ng Christmas Break noong Disyembre 8, 2017.

Pagdating ng taong 2018 hanggang 2021, narito ang hirap na pinagdaanan ni Tyrone hanggang sa siya ay pumanaw noong Marso 31, 2021:

  • Enero 2 at 3, 2018 – Nakita ng kanyang mga magulang ang dalawang bukol sa kaliwa at kanang leeg niya sa bandang ilalim ng kanyang tainga. Nilalagnat at namamanas din ang kanyang mukha noon. Kinabukasan, pinagamot nila si Tyrone sa albularyo. Tinanong sila ng albularyo kung nabakunahan si Tyrone ng Dengvaxia, sapagkat kaparehas na kaparehas diumano ng sakit ni Tyrone ang sakit ng isang batang naturukan din ng Dengvaxia na ginagamot niya. Pinayuhan ang mag-asawang Tisbe na agapan nila ang sakit ni Tyrone. Tatlong beses nilang dinala si Tyrone sa nasabing albularyo hanggang sa nakita sila ng midwife ng kanilang center at sinita sila nito na bakit umano sa albularyo nila dinadala si Tyrone na sa halip ay sa ospital. Ang midwife na iyon ang siyang nagbakuna diumano sa kanilang anak. Agad na dinala nila sa isang ospital sa Manila ang kanilang anak. Sa emergency room do'n, sinuri si Tyrone at nalaman na mababang-mababa na ang kanyang platelet, kinakailangan niyang masalinan ng dugo at ma-admit sa nasabing ospital. Sinalinan siya ng dugo at naging maayos naman ang kanyang pakiramdam. Isinagawa rin sa kanya ang BMA o Bone Marrow Aspiration, at nalaman na mayroon diumano siyang Acute Lymphoblastic Leukemia. Pagkatapos nito, ang sumunod na isinagawa sa kanya ay ang Chemotherapy sa isang ospital sa Quezon City, kung saan tuluy-tuloy ang naging gamutan niya mula Pebrero 3, 2018. Nahinto lamang noong Marso 2020 hanggang Agosto 2020 dahil sa pandemya. Itinuloy muli ang kanyang gamutan noong Setyembre 2020.


  • Enero 27, 2021 – Napansin ng kanyang mga magulang na bagama’t pabalik-balik sila sa ospital parang hindi naman siya gumagaling. Sinabihan sila ng doktor na hindi na kinakaya ni Tyrone ang Chemotherapy, at binigyan na ng taning ang kanyang buhay. Anim na buwan na lamang diumano ang itatagal niya. Dahil dito ay tinanong sina G. Mhykel at Gng. Lorena ng doktor kung gusto pa nila ituloy ang gamutan at gawin na lamang oral, at sa bahay na ito isasagawa. Pumayag sila, at noong araw din na 'yun ay inuwi na nila sa bahay si Tyrone, at doon na nila itinuloy ang gamutan.

Salaysay ng mga magulang ni Tyrone: “Patuloy naming inaalagaan ang aming anak lakip ang pag-asang gumaling pa ito. Hanggang sa dumating ang araw na kinatatakutan namin.


Noong March 31, 2021, nagkakaroon siya ng pasa-pasa sa katawan at bigla siyang inubo kaya naglaga ako ng tawa-tawa at pinainom ko siya ng Ambroxol dahil sa sunud-sunod niyang pag-ubo. Nagpatuloy ang pag-ubo niya hanggang sa nagsikip ang paghinga niya kaya dinala na namin siya sa ospital na siyang pinakamalapit sa aming lugar. Ayon sa mga doktor, dead-on-arrival na raw ang aming anak”


Dagdag pa nila “Napakalungkot ang mawalan ng anak na inalagaan namin mula sa kanyang pagsilang at dahil lamang sa bakuna na ibinigay sa kanya ay nag-iba na ang kanyang kalusugan. Malaki rin ang paniniwala naming mag-asawa na ang Dengvaxia vaccine ang sanhi ng pagkamatay ni Tyrone dahil ang kanyang mga naramdaman ay parehas nang sintomas ng mga batang katulad niya na nabakunahan at namatay din. Hindi rin siya nagkaroon ng dengue bago siya maturukan.”


Ang kakulangan ng impormasyon sa tinaguriang Dengvaxia cases na pinabigat ng kakulangan din ng sapat na malasakit ay hinding-hindi na kailanman hayaang maulit. Isa ito sa matinding dahilan kung bakit patuloy kaming nagpupunyagi sa mga kasong inilalapit sa amin na may kaugnayan sa nasabing bakuna. Matinding pagkukulang sa impormasyon at malasakit, husto na! Hustisya ay igawad na!


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 14, 2023


Dear Chief Acosta,


Kung sakali bang maging taliwas sa isa’t isa ang isang general law at ang isang special law, alin po ba sa dalawa ang mananaig? - Angelica


Dear Angelica,


Ang sagot sa iyong katanungan ay muling binigyang-linaw ng Korte Suprema sa kasong Tumabini v. People (G.R. No. 224495, 19 February 2020) na sinulat ni Honorable Chief Justice Alexander G. Gesmundo. Kaugnay ng nasabing kaso, nabanggit ng Kataas-taasang Hukuman ang mga sumusunod:


“In case of conflict between a general law and a special law, the latter must prevail regardless of the dates of their enactment. Thus, it has been held that — [t]he fact that one law is special and the other general creates a presumption that the special act is to be considered as remaining an exception of the general act, one as a general law of the land and the other as the law of the particular case.”


Kaugnay ng mga nabanggit, mas mananaig ang isang special law kaysa sa isang general law anuman ang mga petsa ng kanilang pagsasabatas. Gayunman, kung maaari namang pagkasunduin ang dalawang batas ̶ maaari ring maituring na isang eksepsyon sa general law ang isang special law.


Samakatuwid, sa mga sitwasyon na binibigyang-bisa ang magkaparehong uri ng batas, ang special law o espesyal na batas ay dapat ituring bilang nananatiling isang pagbubukod ng general law o pangkalahatang batas; ang isa bilang pangkalahatang batas ng lupain at ang isa bilang batas sa partikular na uri ng kaso o sitwasyon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 12, 2023



Dear Chief Acosta,


Dalawang taon nang hindi maayos ang pagsasama naming mag-asawa. Lagi na lang kaming nag-aaway at nagtatalo. Sa katunayan, ilang beses na kami nag-usap sa Barangay.


Noong huli, napagkasunduan naming maghiwalay at magkanya-kanya na, alang-alang sa aming nag-iisang anak. Dahil sa nasabing kasunduan, maituturing na bang walang bisa ang aming kasal? - Lorna


Dear Lorna,

Ayon sa Family Code of the Philippines, ang kasal o marriage ay isang espesyal na kontrata ng permanenteng pagsasama sa pagitan ng isang lalaki at isang babae na pinasok alinsunod sa batas para sa pagtatatag ng conjugal at family life:


“Article 1. Marriage is a special contract of permanent union between a man and a woman entered into in accordance with law for the establishment of conjugal and family life. It is the foundation of the family and an inviolable social institution whose nature, consequences, and incidents are governed by law and not subject to stipulation, except that marriage settlements may fix the property relations during the marriage within the limits provided by this Code.”


Dahil ang kasal ay isang espesyal na kontrata, ang mga kahihinatnan at mga pangyayaring may kaugnayan dito ay pinamamahalaan ng batas, at hindi napapailalim sa itinakda ng mga partido. Kung kaya, ang mag-asawa ay hindi maaaring magsagawa lamang ng isang kasunduan upang wakasan o buwagin ang kanilang kasal.


Kaugnay nito, sa kasong Jerrysus L. Tilar vs. Elizabeth A. Tilar, et. al., G.R. No. 214529, 12 Hulyo 2017, na isinulat ni Kagalang-galang na dating Chief Justice Diosdado M. Peralta, ang Kagalang-galang na Korte Suprema ay nagpasya na ang mag-asawa ay hindi maaaring basta-basta buwagin ang kasal sa kanilang kapritso:


“As marriage is a lifetime commitment which the parties cannot just dissolve at whim, the Family Code has provided for the grounds for the termination of marriage. These grounds may be invoked and proved in a petition for annulment of voidable marriage or in a petition for declaration of nullity of marriage, which can be decided upon only by the court exercising jurisdiction over the matter.”


Sa ilalim ng Family Code, may grounds o mga batayan lamang para sa pagwawakas ng kasal. Ang grounds na ito ay maaaring gamitin at patunayan sa isang petisyon, na maaaring pagpasyahan lamang ng korte na may hurisdiksyon sa usapin.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page