top of page
BULGARY - FYANG, SINABIHANG ANG KAKAPAL NG MUKHA NG MGA TODO-SUPPORT SA THAI ACTORS KESA M
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | March 21, 2022



Dear Chief Acosta,

Nais ko pong magtayo ng isang negosyo na may kaugnayan sa recycled at upcycled na mga produkto. Mayroon po bang insentibo ang pamahalaan para sa mga negosyo na tumutulong sa pangangalaga ng kalikasan?


Joseph



Dear Joseph,


Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay binigyang-linaw ng Section 5 ng Republic Act 10771 o kinikilala bilang “Philippine Green Jobs Act of 2016.”

Ayon sa probisyon ng nasabing batas, ang isang negosyo na nagbibigay ng green jobs na sertipikado ng Climate Change Commission o mga trabaho na tumutulong sa pagpapanatili o pagpapanumbalik ng kalidad ng kalikasan, ay magtatamasa ng mga sumusunod na insentibo:

  1. Special deduction mula sa taxable income katumbas ng limampung porsyento (50%) ng kabuuang gastos buhat sa pagsasanay sa kakayahan ng mga empleyado at research development. Ang nasabing special deduction ay bukod pa sa itinalagang ordinary at necessary business deductions para sa mga nasabing gastusin, sa ilalim ng National Internal Revenue Code of 1997, as amended.

  2. Tax at duty free na pag-angkat ng mga kagamitan na direkta at eksklusibong ginagamit sa operasyon ng negosyo.

Samakatuwid, upang inyong matamasa ang mga nabanggit na benepisyo, marapat na kayo ay dumulog sa Climate Change Commission upang ang inyong negosyo ay mabigyan ng kinakailangang sertipikasyon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | March 20, 2022


May mga pagkakataon na kung minsan ang isang babae at isang lalaki ay nagsasama bilang mag-asawa kahit na hindi sila kasal. May kani-kaniya silang dahilan kung bakit hindi sila nagpapakasal. Maaari rin namang hindi sila pinapayagang magpakasal dahilan sa mayroon itong balakid. Sa alinmang sitwasyon, ang batas ay naglaan ng mga alituntunin na dapat din nilang sundin.


Nagtalaga rin ang batas ng kanilang mga karapatan upang maprotektahan ang kanilang mga kalagayan pati ang mga magiging bunga ng nasabing pagsasama. Bagama’t hindi ito maluwag na tinatanggap sa lipunan ang batas ng tao ay nagtalaga ng kanilang mga karapatan.


Kung ang isang lalaki o babae na mayroong kapasidad para magpakasal ay magsasama sa iisang bubong bilang mag-asawa nang walang kasal o kaya naman ang kanilang kasal ay walang bisa (void) ang kanilang mga sahod o suweldo ay pag-aaari nila nang pantay. Lahat ng ari-ariang kanilang makukuha sa pamamagitan ng kanilang pagsisikap, industriya o trabaho ay pamamahalaan ng mga alituntunin ng co-ownership.


Ipinagpapalagay ng batas na pantay ang kontribusyon ng bawat panig sa nasabing ari-arian.


Ang mga ari-ariang nabili o nakuha ng mga ito habang sila ay nagsasama, sa kawalan ng pruwebang kontra rito ay ipinagpapalagay na nakuha sa pamamagitan ng kanilang pinagsamang pagsisikap, trabaho o industriya at ang mga ito ay pag-aari nila nang pantay. Sinuman sa dalawa ang hindi nakapagbigay ng kontribusyon sa pagbili ng nasabing ari-arian ay ipinagpapalagay na kasamang nag-ambag kahit pa nga sabihing siya ay nasa bahay lamang para pangalagaan ang tahanan at ang pamilya.


Sa ganitong uri ng pagsasama, walang sinuman sa mga panig ang puwedeng magbenta o magsangla ng alinman sa mga pag-aari nilang kumon habang sila ay nagsasama na walang pahintulot ang bawat isa sa kanila. Ang pagbabawal na ito ay mananatili hanggang sa mawakasan ang kanilang pagsasama.


Kapag ang kasal ay walang bisa at isa sa mga partido rito ay “in bad faith” at ang isa naman ay “in good faith” ang hati ng partidong in bad faith sa pag-aaring kumon ay mapupunta sa kanilang mga common children. Kapag wala naman silang anak ay mapupunta ito sa mga iba pang descendants ng nasabing partido. Sa kawalan ng mga ito, mapupunta ang nasabing parte sa inosenteng partido.


Kung ang pagsasama naman ay iba sa mga nabanggit sa itaas, iyon lamang mga ari-arian na nakuha ng mga partido sa kanilang aktwal na kontribusyon ng pera, trabaho o industriya ang pag-aari nilang dalawa. Ito ay ayon sa proporsyon ng kanilang aktwal na kontribusyon.


Subalit sa isang sitwasyon na ang isa sa mga partido sa ganitong uri ng pagsasama ay may balidong kasal sa ibang tao, ang kanyang hati sa co-ownership ay mapupunta sa absolute community property or conjugal property.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | March 19, 2022


Dear Chief Acosta,

May reklamo ako sa binili kong laruan para sa aking anak dahil walang maliit na bahagi na ipinakita sa pakete nito. Kinilabutan ako nang muntik nang makain ng aking tatlong-taong gulang na anak ang maliit na bahagi ng laruan. Dahil dito, nais ko lang malaman kung maaari bang bawiin sa merkado o kumpiskahin ang nirereklamo kong laruan?


Flordeliza



Dear Flordeliza,

Para sa inyong kaalaman, mayroong mga labeling requirements ang mga laruang pambata na ipinaiiral sa ating bansa. Ang hindi pagsunod dito ay may kaukulan ding kaparusahan at ito ay ayon sa Sections 4, 8 at 11 ng Republic Act (R. A.) No 10620, o mas kilala bilang “Toy and Game Safety Labeling Act of 2013.” Nakasaad dito na:

“Section 4. Labeling Requirements for Toys and Games. – All toys and games locally or internationally manufactured that are imported, donated, distributed and sold in the Philippines shall comply with the appropriate provisions on safety labeling and manufacturer’s markings found in the Philippine National Standards (PNS) for the safety of toys: Provided, That this shall not apply to toys and games which are not intended for children including, but not limited to, memorabilia or collectibles: xxx”

“Section 8. Treatment on Misbranded or Banned Hazardous Substance. – A balloon, ball, marble, or toy or game which packaging is not in compliance with the requirements of this Act shall be considered as misbranded or banned hazardous substance. It shall be withdrawn from the market at the expense of the manufacturer or importer and shall not be allowed to be distributed, sold or offered for sale in the Philippines unless and until the requirements of this Act are complied without prejudice to any liability and penalty that may be incurred under Section 10 hereof. xxx” (Binigyang-diin)

“Section 11. Disposal of Seized Materials. – Any toys and games found to be in violation of the provisions of this Act shall be confiscated and forfeited in favor of the government and shall be disposed of in accordance with pertinent laws and regulations: Provided, That a sufficient representative sample shall remain in custodia legis until the final resolution of proceedings thereon. Equipment and materials imported in violation of this Act shall be subject to seizure and immediate disposal by the Bureau of Customs. xxx” (Binigyang-diin)


Kung ang packaging ng inirereklamo ninyong laruan ay mapatutunayan na labag sa mga iniatas ng nabanggit na batas, ituturing itong misbranded na dapat i-withdraw mula sa merkado sa gastos ng manufacturer o importer nito. Hindi ito pahihintulutan na ipamahagi o ibenta sa Pilipinas hanggang ang mga inaatas ng nabanggit na batas ay masunod. Dagdag pa rito, ito ay kukumpiskahin ng pamahalaan upang itapon ayon sa naaangkop na pamamaraang tutukuyin ng batas at umiiral na regulasyon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page