ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 17, 2026

Dear Chief Acosta,
Ang ating mga militar at mga naka-unipormeng tauhan ay nahaharap minsan sa mga kaso na may kaugnayan sa kanilang opisyal na trabaho o tungkulin. Alam ko naman na hindi rin biro ang magagastos sa pagkuha ng pribadong abogado. Dahil dito, nais ko sanang malaman kung may batas ba na tumutulong sa kanila na makakuha ng libreng legal na serbisyo? — Joel
Dear Joel,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 3 ng Republic Act (R.A.) No. 12177, o mas kilala sa tawag na “Free Legal Assistance for Military and Uniformed Personnel Act,” kung saan nakasaad na:
“Section 4. Qualifications for Free Legal Assistance. - The Military and Uniformed Personnel (MUP) facing any service-related case before a prosecutor's office, court, quasi-judicial or administrative body, or any competent body or tribunal shall be entitled to free legal assistance.
Retired and honorably discharged and separated MUP shall be eligible for free legal assistance on service-related cases committed while still in active duty.”
Ayon sa nasabing probisyon na batas, ang mga militar at mga naka-unipormeng tauhan (MUP) na nahaharap sa anumang kaso na may kaugnayan sa serbisyo sa tanggapan ng prosecutor’s office, korte, quasi-judicial, o administratibong lupon, o anumang hukuman ay may karapatan sa libreng tulong legal. Karagdagan dito, ang mga retirado at marangal na natanggal o nahiwalay sa serbisyo bilang MUP ay karapat-dapat ding tumanggap ng libreng tulong legal sa mga kasong may kaugnayan sa serbisyo na nagawa habang sila ay nasa aktibong tungkulin pa.
Nakasaad naman sa Seksyon 5 ng R.A. No. 12177 ang mga libreng legal na serbisyo na sakop nito. Ito ay ang mga sumusunod:
“(a) Legal representatives in civil, criminal, or administrative proceedings, as far as practicable;
(b) Legal advice or consultations;
(c) Preparation of pleadings, motions, memoranda, and all other legal forms and documents;
(d) Court fees and other related fees; and
(e) Notarization of documents.”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

