top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | February 3, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta, 


Nagpaalam ang tatay ko na bibili lamang sa tindahan. Makalipas ang ilang sandali ay pinuntahan kami ng kapitbahay namin at sinabing nasaksak diumano si tatay. Inamin naman ng nakasaksak na siya ang gumawa ng krimen, ngunit sinabi niya diumano na hindi niya ito intensyon dahil siya ay nakagamit ng droga kaya hindi niya alam ang kanyang ginagawa. Inamin naman ng nakasaksak na siya ang gumawa ng krimen, ngunit sinabi niya diumano na dahil hindi naman niya intensyon ang manaksak at dulot lang ito ng epekto ng droga at dapat na mas mapababa ang parusa sa kaniya. Tama ba siya? — Finly



Dear Finly,


Ayon sa Section 25 ng Republic Act No. 9165 (R. A. No. 9165) o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kung ayon sa imbestigasyon ay lumabas na positibo sa iligal na droga ang taong gumawa ng krimen, ito ay makokonsidera bilang “aggravating circumstance” o iyong sirkumstansya na maaaring magpabigat sa parusa ng isang akusado: 


“SEC. 25. Qualifying Aggravating Circumstances in the Commission of a Crime by an Offender under the Influence of Dangerous Drugs. – Notwithstanding the provisions of any law to the contrary, a positive finding for the use of dangerous drugs shall be a qualifying aggravating circumstance in the commission of a crime by an offender, and the application of the penalty provided for in the Revised Penal Code shall be applicable.”  


Upang higit na maunawaan ang usapin, mahalagang malaman ang pagkakaiba ng mitigating at aggravating circumstances. Ang mitigating circumstances ay ang mga sirkumstansya na maaaring magpababa sa sentensya o parusa ng isang akusado. Bagama’t hindi mawawalan ng kriminal na pananagutan ang isang akusado, ay maaaring mapababa ito ng mga sirkumstansiyang nakasaad sa batas. Sa kabilang banda, ang tinatawag naman na aggravating circumstances ay ang mga sirkumstansya na maaaring magpabigat sa sentensya o parusa ng isang akusado o baguhin ang uri ng krimen at iakyat ito sa mas mataas na antas. 


Ayon sa nasabing artikulo ng batas, kung magpositibo ang isang tao sa paggamit ng ilegal na droga at siya ay gumawa ng isang krimen, maaari siyang mapatawan ng mas mabigat na parusa. Dahil ang paggamit ng ilegal na droga ay itinuturing ng batas bilang sirkumstansya na maaaring magpabigat ng sentensya ng isang tao. Dahil dito, hindi maaaring idahilan ng isang tao na hindi naman niya intensyon na makagawa ng krimen, na kaya niya lang ito nagawa ay dahil sa epekto ng droga. Kaya naman, hindi rin niya maaaring sabihin na dapat ay mas mababa ang parusang ipataw sa kaniya. 


Sa sitwasyon ng iyong tatay, maaaring hindi mapagbigyan ang argumento ng nakasaksak sa kanya na dapat bawasan ang parusa dahil sa hindi naman niya ginusto ang pananaksak at dahil nasa impluwensya siya ng droga. Dahil maliwanag ang sinasabi ng batas na ang pagpopositibo sa ilegal na droga ay kinokonsidera bilang qualifying aggravating circumstance. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | February 2, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta, 


Nagtatrabaho ako bilang waiter sa isang kainan. Ang nasabing kainan ay nagpapataw ng 6% na service charge sa kabuuang halaga ng nakain ng mga customers. Ang mga nalilikom na service charge ay hinahati-hati sa aming mga empleyado, pati na rin sa aming mga managers. Gusto ko lang malaman kung tama ba na may hati ang mga managers namin sa nasabing service charge. — Calie



Dear Calie,


Bago ang lahat, pag-aralan muna natin ang konsepto ng service charge. Ito ay pangkaraniwan na idinadagdag sa kabuuang halaga ng babayaran ng isang customer dahil sa serbisyong ibinigay ng mga tagapagsilbi sa isang establisimyento. Ito ay naiiba sa tinatawag na “tip” dahil ang “tip” ay boluntaryong ibinibigay ng customer. Ngunit ang service charge ay pangkaraniwang idinaragdag sa kailangang bayaran, at hindi boluntaryo sa parte ng customer. 


Ayon sa Article 96 ng Labor Code ng Pilipinas, ang mga nakolektang service charges ay paghahatian ng mga empleyado ng nasabing establisyemento: 


“Art. 96. Service Charges. – All service charges collected by hotels, restaurants and similar establishments shall be distributed completely and equally among the covered workers except managerial employees.”


Maliwanag ang nakasaad sa nasabing probisyon ng batas na ang mga nakolektang service charge ay kailangang paghati-hatian lamang ng mga sakop na empleyado at hindi kasama ang mga managerial employees. Samakatuwid, ang mga managers ay hindi kasama sa makatatanggap ng parte sa nasabing service charge. 


Sinu-sino ba ang mga tinatawag na manager sa ilalim ng batas? Sa parehas na artikulo ay sinabi na: 


“For purposes of this Article, managerial employees refer to any person vested with powers or prerogatives to lay down and execute management policies or hire, transfer, suspend, pay-off, recall, discharge, assign or discipline employees or to effectively recommend such managerial actions.”


Sa iyong sitwasyon, ang mga service charge na nakolekta sa kainan na iyong pinapasukang establisimyento ay kailangang paghati-hatian ng mga empleyado na hindi mga managerial employee. Samakatuwid, maaaring hindi tama ang pagbibigay ng parte ng service charge sa mga manager ninyo. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Feb. 2, 2026



ISSUE #382


Ang kasong kriminal na aming ibabahagi sa araw na ito, na merong pamagat na People of the Philippines vs. Arlene Diazon Sapico (Criminal Case No. 3484, July 31, 2024), ay isang nakalulungkot na kuwento ng isang pamilya na binuwag ng krimen, at ang mga balakid sa pagkamit ng biktima ng karampatang hustisya. Sama-sama nating tunghayan ang kuwento na ito.


Isang malagim na krimen ang naganap sa tahanan sa Nasugbu, Batangas nina Joseph at Arlene, bandang ala-1:00 ng hatinggabi noong ika-27 ng Pebrero 2015. 


Batay sa Paratang na inihain sa Regional Trial Court ng Nasugbu, Batangas (RTC Nasugbu, Batangas) para sa krimen na murder, sinalakay at pinagsasaksak ni Arlene ang kanyang kinakasama na si Joseph, nang merong pagtataksil, malinaw na paghahanda, at nang walang makatarungang dahilan. Gamit ang isang kutsilyo, nagtamo ng mga sugat sa leeg at katawan si Joseph na direktang naging sanhi ng kanyang pagpanaw.


Ang unang saksi ng Tagausig na ipinrisinta sa hukuman ng paglilitis ay ang noong Punong Imbestigador ng Nasugbu Municipal Police Station na si SPO3 Jose Elpidio Bruno (SPO3 Bruno). Diumano, iniulat sa kanya ang naturang insidente bandang alas-3:00 ng madaling-araw noong ika-27 Pebrero 2015. Agad umano siyang nagtungo sa pinangyarihan ng insidente at doon ay natagpuan ang wala nang buhay na katawan ni Joseph. Nakita niya rin umano ang anak na lalaki ng akusadong si Arlene, ang mga anak na babae nina Joseph at Arlene, pati ang kanilang mga kasambahay. Diumano, si Arlene ay dinala na sa pagamutan bunsod ng pagtatangka nitong pagpapakamatay. Puno umano ng dugo ang sahig kung saan nakahandusay ang katawan ni Joseph at tadtad ito ng mga saksak.


Sa kanyang pagsisiyasat, natagpuan diumano ni SPO3 Bruno sa katabing silid ang kutsilyo na ginamit sa pananaksak sa biktima. Batay rin umano sa impormasyon mula sa mga nakasaksi, si Arlene ang umuukupa sa nasabing silid. Natutulog diumano si Joseph at ang isa nilang anak sa nasabing silid nang bigla na lamang pagsasaksakin ni Arlene si Joseph, matapos ay nagpunta ito sa kanilang sala at doon ay sinaksak ang kanyang sarili. Humingi umano si SPO3 Bruno ng tulong sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) na nag-imbestiga at nagsagawa ng awtopsiya sa bangkay ng biktima. 


Nagtungo rin umano si SPO3 Bruno sa pagamutan upang kausapin si Arlene. Kinabukasan, kinuha umano niya ang pahayag ng iba pang mga nakasaksi sa insidente.

Sa cross-examination, ipinahayag ni SPO3 Bruno, na nalaman niya ang mga pangyayari, ang tungkol sa kutsilyo na ginamit, at kung sino ang sumalakay kay Joseph mula sa mga impormasyon na ibinigay ng mga kaanak ng nasabing biktima.


Ang ikalawang saksi na pinaupo ng Tagausig sa hukuman ng paglilitis ay si LTCol. Roy Agsunod Camarillo (LTCol. Camarillo), ang Medico-Legal Officer ng Regional Crime Laboratory Office ng Region 4A, na nagsagawa umano ng awtopsiya sa labi ni Joseph, naghanda ng ulat Medico-Legal, at lumagda sa sertipiko ng kamatayan ng nasabing biktima. Diumano, nagtamo ng labing-isang saksak si Joseph at tatlo sa mga ito ay mga mortal na sugat, ngunit hindi masabi ni LTCol. Camarillo kung alin sa mga ito ang una na tinamo ni Joseph. Naniniwala rin si LTCol. Camarillo na iisang kutsilyo lamang ang ginamit sa pananaksak sa biktima.


Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan R.B. Agustin ng PAO-Nasugbu, Batangas District Office, naghain si Arlene ng Demurrer to Evidence. Kanilang iginiit na hindi naitaguyod ng Tagausig ang pagkakasala ni Arlene ng higit pa sa makatuwirang pagdududa. Pagbibigay-diin ng Depensa, hindi sapat ang testimonya ng mga saksi ng Tagausig upang magapi ang pagpapalagay ng kawalan ng kasalanan ni Arlene. Diumano ay malinaw na sariling testimonya ni SPO3 Bruno na wala siyang personal na kaalaman kung sino ang sumalakay at sumaksak sa biktima. Ang mga impormasyon na kanyang nalikom kaugnay sa insidente ay nagmula sa ibang tao at hindi bunga ng personal niyang kaalaman. Kung kaya’t ang testimonya ni SPO3 Bruno ay maituturing bilang hearsay evidence.


Dagdag pa ng Depensa, ang mga tao na pinagmulan ng mga naturang impormasyon ay hindi tumestigo sa paglilitis, magiging paglabag sa karapatan ni Arlene, na ginagarantiyahan sa ilalim ng Section 14 ng Bill of Rights ng ating Saligang Batas, kung ang mga ito ay gagamitin laban sa kanya, partikular na ang makaharap ng akusado ang mga testigo laban sa kanya at masuri ang pinagmulan ng kanilang mga deklarasyon at testimonya.


Gayundin, hindi umano naitaguyod ng testimonya ni LTCol. Camarillo kung sino ang may-akda ng pananaksak sa biktima, sapagkat wala siya nang maganap ang krimen. Bagkus, nakita na lamang niya ang biktima at nasuri ito matapos na maganap ang insidente ng pananaksak.


Sa pagsalungat sa Demurrer to Evidence, ipinaliwanag ng Tagausig na hindi maiprisinta sa paglilitis ang mga taong personal na nakasaksi sa malagim na insidente, sapagkat tumanggi umano ang mga ito. Gayunpaman, meron diumanong sapat na circumstantial evidence na nagtuturo kay Arlene bilang may-akda ng pagkakapaslang kay Joseph tulad ng: (1) agarang pagresponde ni SPO3 Bruno nang maiulat ang insidente; (2) pagkakakumpirma sa pagkakasaksak sa biktima; (3) kutsilyo na natagpuan sa katabing silid kung nasaan ang biktima; (4) pagsasalaysay ng anak nina Arlene at Joseph na tinukoy si Arlene bilang siyang sumaksak kay Joseph pati na ang pagtatangka nito na pagpapakamatay; (5) mga natuklasan mula sa isinagawang awtopsiya sa bangkay ng biktima na tumutugma umano sa pagsasalaysay ng naturang anak nina Arlene at Joseph; at (6) agarang pagsisiyasat o inquest proceedings kaugnay sa reklamong murder laban kay Arlene at ang paghahain sa hukuman ng paratang laban sa kanya.


Sa pagdedesisyon sa kasong ito laban kay Arlene, ipinaalala ng hukuman ng paglilitis ang karapatan ng akusado sa ilalim ng ating Saligang Batas na maipagpalagay na walang sala hanggang sa mapatunayan ito nang higit pa sa makatuwirang pagdududa, o sa pamamagitan ng kabuuang patunay na magpapakita ng pagkakasala ng akusado nang merong moral na katiyakan.


Ipinaalala rin ng hukuman ng paglilitis ang kahalagahan ng pagpapatunay sa bawat elemento ng krimen na murder, na: (1) merong biktima na pinaslang; (2) ang akusado ang pumaslang sa biktima; (3) merong alinman sa mga qualifying circumstances na nakasaad sa Artikulo 248 ng Revised Penal Code; at (4) ang naganap na pamamaslang ay hindi krimen na parricide o infanticide.


Para sa RTC Nasugbu, Batangas, malinaw na naitaguyod ng Tagausig na pinaslang si Joseph, subalit walang direktang ebidensya na nagpapatunay kung sino ang may-akda sa nasabing pamamaslang, sapagkat ang pangunahing saksi, maging ang iba pang mga personal na nakasaksi sa insidente, ay hindi tumestigo.


Bagaman hindi umano lahat ng paghahatol ay ibinabatay sa direktang ebidensya at maaaring ibatay sa circumstantial evidence, mahalaga na mapatunayan ang mga sumusunod: (1) merong higit sa isang sirkumstansya na ipinrisinta; (2) napatunayan ang mga impormasyon kung saan nagmula ang mga naturang sirkumstansya; at (3) ang kombinasyon ng mga sirkumstansya na ipinrisinta ay nagpapakita ng pagkakasala ng akusado nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.


Kaugnay nito, ipinaalala ng hukuman ng paglilitis ang tuntunin sa ilalim ng 2019 Amended Rules of Court kaugnay sa testimonial evidence, partikular na ang Sections 22

at 37 ng Rule 130:


“Section 22. Testimony confined to personal knowledge. A witness can testify only to those facts which he or she knows of his or her personal knowledge; that is, which are derived from his or her own perception. 


Section 37. Hearsay. Hearsay is a statement other than one made by the declarant while testifying at a trial or hearing, offered to prove the truth of the facts asserted therein. A statement is (1) an oral or written assertion or (2) a non-verbal conduct of a person, if it is intended by him or her as an assertion. Hearsay evidence is inadmissible except as otherwise provided in these Rules.”


Naging kapuna-puna sa RTC Nasugbu, Batangas na wala si SPO3 Bruno noong maganap ang pananalakay at pananaksak kay Joseph at na wala rin siyang personal na kaalaman ukol sa mga naganap sa naturang insidente. Kung kaya’t ang kanyang testimonya ay maituturing na sabi-sabi o hearsay lamang at walang legal na halaga.

Binigyang-diin ng hukuman ng paglilitis na maliban sa pagpapatunay sa mga elemento ng krimen, mahalaga rin ang pagpapatunay na ang akusado ang may-akda ng krimen na ipinaparatang laban sa kanya.


Sa pagsasaalang-alang ng lahat ng mga ito, at matapos ang maingat na pagsusuri sa mga ebidensya, hindi nakumbinsi ang hukuman ng paglilitis na napatunayan ng Tagausig na si Arlene ang may-akda ng pamamaslang kay Joseph. Kung kaya’t minarapat ng RTC Nasugbu, Batangas na ipagkaloob ang Demurrer to Evidence na inihain ng Depensa at maibasura ang Paratang kay Arlene sa krimen na Murder. Ipinag-utos din ng hukuman ng paglilitis ang agaran na pagpapalaya kay Arlene, maliban na lamang kung meron pang ibang makatarungan na dahilan upang siya ay manatili sa piitan.


Ang nabanggit na Kautusan, na ipinroklama noong ika-31 ng Hulyo 2024, ay hindi na kinwestyon pa sa pamamagitan ng petition for review on certiorari.

Sa kuwento na ito, tila masasabi na parehong panig ang maituturing na talo. Para sa biktima na si Joseph, hindi natuldukan ang kanyang pagpanaw ng karampatang katarungan, sapagkat ang pagkakakilanlan sa may-akda ay hindi angkop na napatunayan. Dahil dito, ang parusa na nararapat para sa walang-awang pumaslang sa kanya ay hanggang ngayon hindi pa rin napagbabayad.


Para naman kay Arlene, bagaman siya ay pinawalang-sala, ang buhay ng kanyang kinasama, na ama rin ng kanyang mga anak ay kailanman hindi na maibabalik pa. Hindi na niya magiging katuwang si Joseph sa pagpapalaki at pag-aaruga sa kanilang mga anak. Maging ang kanilang noon ay mga pangarap, hindi na nila sabay na maisasakatuparan sa hinaharap.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page