top of page
TALKIES - JOEY KAY ALLAN DU’N KA NA SA IT’S SHOWTIME-IG _angpoetnyo & _allan_klownz.jpg
Search

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | June 29, 2026



ISSUE #401


Ang aming ibabahagi sa araw na ito ay isang kasong muling hinawakan ng aming Tanggapan, ang People of the Philippines vs. Casario Papa Bitco (G. Bitco), Criminal Case No. 05-194, na inihain sa Branch 16 ng Regional Trial Court (RTC) ng Kabacan, Cotabato. Ito ay tungkol sa kasong Homicide sa ilalim ng Artikulo 249 ng Revised Penal Code (RPC), na kalauna’y nauwi sa pagpapawalang-sala sa inakusahan na si G. Bitco.


Ang akusadong si G. Bitco ay kinasuhan ng Homicide kaugnay ng insidenteng naganap noong ika-6 ng Setyembre 2004 sa Munisipalidad ng M’lang, Lalawigan ng Cotabato.

Ayon sa Information, binaril umano ng akusado si G. Danny Cacayurin (G. Cacayurin), na naging direktang sanhi ng kanyang pagkamatay.



Sa paglilitis ng kaso, iniharap ng prosekusyon ang kanilang mga saksi na sina G. Jaime Abenojar, SPO1 Moises Sungcaya Abril, at B. Marjorie Cacayurin.


Ayon kay G. Abenojar, isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU), ang akusado at ang biktima ay kapwa miyembro rin ng CAFGU at nakatalaga sa parehong detachment. Lahat sila ay may kani-kanyang issued firearm.


Noong gabi ng ika-6 ng Setyembre 2004, kasama niyang naka-duty sina G. Sanny Bulosan, G. Bitco, at G. Cacayurin. Matapos silang maghapunan, humingi ng pahintulot ang biktima sa akusado na umuwi, subalit hindi siya pinayagan nito. Dahil dito, nagkaroon sila ng pagtatalo sa mess hall.


Ayon kay G. Abenojar, inawat at pinayuhan niya umano ang dalawa na pag-usapan na lamang kinabukasan ang kanilang hindi pagkakaunawaan. Gayunman, makalipas ang ilang sandali ay nakarinig siya ng sunud-sunod na putok mula sa mess hall.


Agad siyang nagtungo sa lugar at nakita niya ang biktima na nakayuko sa silya at duguan. Nakita rin niya ang akusado na lumakad patungo sa silya habang dala ang kanyang issued M-14 rifle, saka umupo roon habang umiiyak.


Ayon naman kay B. Marjorie Cacayurin, biyuda ng nasawing biktima, nakita niya ang bangkay ng kanyang asawa na may mga tama ng bala sa katawan. Tinukoy rin niya ang mga resibo ng kanyang naging gastusin kaugnay ng pagkamatay ng kanyang asawa.


Batid ng akusado na napatay niya ang biktima noong ika-6 ng Setyembre 2004, subalit iginiit niyang nagawa niya iyon dahil ipinagtanggol lamang niya ang kanyang sarili.


Ayon sa kanya, siya ay miyembro ng CAFGU at team leader ng isang detachment. Noong araw ng insidente, kasama niyang naka-duty ang nasawing biktima at sina G. Abenojar, G. Bulosan, at G. Panfilo Ortiz.


Matapos silang maghapunan bandang alas-7:00 ng gabi, humingi ng pahintulot ang biktima na umuwi. Subalit hindi niya ito pinayagan dahil lasing na umano ito. Patuloy na nagpumilit ang biktima, kaya sinabi ng akusado na kung nais nitong umuwi ay kailangan nitong iwan ang kanyang baril.


Dahil nagpumilit pa rin ang biktima na dalhin ang kanyang baril, inutusan ng akusado sina G. Bulosan at G. Abenojar na disarmahan siya, na kanilang ginawa.


Pagkatapos nito, umalis ang biktima at nagtungo sa kanyang kubo. Hindi nagtagal ay bumalik siya at nagtungo sa kubo ng akusado upang muling humingi ng pahintulot na kunin ang kanyang baril. Pinayagan naman siya ng akusado. Kinuha ng biktima ang kanyang Garand rifle at bumalik sa kanyang kubo.


Maya-maya, bumalik muli ang biktima dala ang kanyang baril at kinompronta ang akusado kung bakit hindi siya pinapayagang iuwi ang kanyang baril. Ipinaliwanag ng akusado na ito ay alinsunod sa polisiya ng kanilang mga nakatataas.


Gayunman, itinutok ng biktima ang kanyang baril sa kanya. Dahil sa takot at kaba, itinulak ng akusado ang mesa. Subalit, muling itinutok ng biktima ang kanyang baril at sinabi: “Patyon ta ka!” (Papatayin kita!)


Pagkarinig ng akusado sa mga salitang iyon, binaril niya ang biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay. Pagkatapos nito, agad niyang tinawagan ang headquarters upang ipaalam ang nangyari. Kusang-loob din siyang sumuko sa kanyang superior at kalaunan ay sa M’lang Philippine National Police (PNP).


Ayon sa Korte, ang Homicide ay pinarurusahan sa ilalim ng Artikulo 249 ng Revised Penal Code. Ang mga elemento nito ay:

(a) May taong napatay; 

(b) Ang pagpatay ay walang anumang justifying circumstance; 

(c) Ang akusado ay may layunin o intensyong pumatay; at 

(d) Ang pagpatay ay hindi sinamahan ng anumang qualifying

circumstance ng Murder, Parricide, o Infanticide. 


Ang pangunahing isyu sa kasong ito ay kung ang pagbaril ng akusado sa biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay ay makatuwiran dahil sa pagtatanggol sa sarili sa ilalim ng Article 11, paragraph 1 ng Revised Penal Code.


Nakasaad dito na walang criminal liability ang isang taong kumikilos bilang pagtatanggol sa kanyang sarili kung naroroon ang sumusunod:


Una, unlawful aggression; ikalawa, reasonable necessity ng paraang ginamit upang pigilan o salagin ito; at ikatlo, kawalan ng sapat na provocation sa panig ng taong nagtatanggol sa sarili.


Unang Elemento: Unlawful aggression.

Ang unlawful aggression sa panig ng biktima ang pangunahing elemento ng self-defense. Kung wala ito, walang maituturing na makatarungang pagpatay bilang pagtatanggol sa sarili.


Ang pagsusuri kung may unlawful aggression ay nakasalalay sa tanong kung ang kilos ng biktima ay naglagay sa tunay na panganib sa buhay o personal na kaligtasan ng taong nagtatanggol sa sarili. Ang panganib ay hindi dapat haka-haka o kathang-isip lamang.


Kaya, kailangang maipakita ng akusado ang tatlong elemento ng unlawful aggression, katulad ng mga sumusunod:


Dapat may pisikal o materyal na pag-atake o pagsalakay; ang pag-atake o pagsalakay ay dapat aktuwal o, kahit papaano, nalalapit at tiyak nang mangyayari (imminent); at ang pag-atake o pagsalakay ay labag sa batas. 


May dalawang uri ng unlawful aggression: actual o material unlawful aggression at imminent unlawful aggression — nangangahulugang ang pag-atake ay paparating na o nasa punto na ng pagsasakatuparan. Hindi ito dapat simpleng pagbabanta lamang o kathang-isip na banta, kundi dapat isang malinaw, positibo, at malakas na agresibong kilos. 


Base sa mga pangyayaring nabanggit, sa pananaw ng Hukuman, ang ginawa ng biktima na pagtutok ng baril sa akusado habang sinasabi ang mga salitang “Papatayin kita” ay hindi lamang pagbabanta at pananakot, kundi isa ring kilos ng pagsuway sa kanya bilang team leader, na naglagay sa kanyang buhay sa napipinto at tunay na panganib sa sandaling iyon, dahil ang biktima ay armado ng Garand rifle, nasa ilalim ng impluwensiya ng alak, at malinaw na galit at lumalaban.


Sa paghusga kung sapat ang depensa ng self-defense at defense of stranger, hindi dapat hingin ng mga hukuman na kumilos ang akusado nang may ganap na kapanatagan tulad ng isang taong wala sa ilalim ng agarang banta ng nakamamatay na panganib. Wala siyang panahon upang mag-isip nang malalim at timbangin ang kanyang tugon. Kailangan niyang kumilos nang mabilis, at ang kanyang tugon ay dapat na naaayon sa napipintong panganib. Ang batas ng kalikasan ay hindi nag-aatas sa kanya na gumamit ng perpektong pagpapasya kung mayroon siyang makatuwirang batayan upang maniwalang siya ay nasa panganib na mamatay o magtamo ng matinding pinsala sa katawan.


Ang karapatan ng isang tao na kumitil ng buhay sa pagtatanggol sa sarili ay nagmumula sa kanyang paniniwala na kinakailangan niya itong gawin. Ang paniniwalang iyon, at ang pagiging makatuwiran nito, ay dapat husgahan batay sa mga pangyayaring nakikita at umiiral sa kanya noong sandaling iyon, hindi batay sa kung paano ito makikita ng iba o batay sa paniniwala ng iba hinggil sa uri at lapit ng panganib at sa pangangailangang pumatay.


Ikalawang Elemento: Reasonable necessity ng paraang ginamit upang pigilan o salagin ito.


Ang ginamit na paraan ng akusado ay itinuring ng Hukuman na makatuwiran dahil ito ay katumbas ng panganib na dulot ng baril na itinutok sa kanya ng biktima.Sa sandaling iyon, wala na siyang ibang praktikal na paraan upang ipagtanggol ang kanyang sarili kundi gamitin ang kanyang sariling issued firearm.


Ikatlong Elemento: Kawalan ng provocation sa panig ng taong nagtatanggol sa sarili.


Walang ebidensya na ang akusado ang nagbigay ng sapat na dahilan upang magalit o umatake ang biktima.


Dagdag pa rito, ang kusang-loob niyang pagsuko sa kanyang superior at sa PNP ay nagpatibay sa kanyang pahayag na siya ay kumilos lamang bilang pagtatanggol sa sarili.


Dahil dito, natuklasan ng Hukuman na napatunayan ng akusado ang lahat ng elemento ng self-defense.Kaya naman, hinatulan ng Hukuman na ang akusadong si Casario Papa Bitco ay HINDI NAGKASALA sa kasong Homicide.Ang nasabing Desisyon ng RTC ay naging final and executory noong ika-12 ng Mayo 2020.


Tungkulin ng Korte na alamin ang katotohanan batay sa mga ebidensyang iniharap, lalo na mula sa panig ng nagsasakdal. Bagama’t inamin ng akusado na siya ang nakapatay sa biktima, maaari pa rin siyang mapawalang-sala kung mapatutunayan ang kanyang ginawa ay naaayon sa batas bilang pagtatanggol sa sarili. Sa kabila ng pagkawala ng biktima, katarungan pa rin ang dapat manaig.


Ang batas ay patas at walang kinikilingan. Nararapat lamang na mapalaya mula sa paghihirap at pagdaing ang isang inosenteng inakusahan sa krimeng hindi naman niya ginawa!


 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 28, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Marami sa ating mga kababayan ang nag-iisang nagtataguyod sa kanilang mga anak at buong sambahayan. Sila ay ang mga tinaguriang “solo parents.” Para sa kaalaman ng lahat, ayon sa Seksyon 4 ng Republic Act (R.A.) No. 8972, na inamyendahan ng R.A. No. 11861, ang mga sumusunod ay kabilang sa kategorya ng mga solo parents:


(a) Magulang na nagbibigay ng solong pag-aaruga sa kanyang anak o mga anak dahil sa mga sa mga sumusunod na kadahilanan:


  1. Panganganak na naging resulta ng panggagahasa, kahit na wala pang pinal na conviction, kapag ang bata ay nasa solong pangangalaga ng kanyang ina.

  2. Pagkamatay ng asawa (death of the spouse);

  3. Pagkakulong ng asawa ng ‘di bababa sa tatlong buwan o pagsisilbi ng kanyang sentesya para sa isang krimen;

  4. Pagkakaroon ng kapansanang pisikal o mental ng asawa na pinapatunayan ng isang public o private medical practitioner;

  5. Paghihiwalay ng ‘di bababa sa anim na buwan at ang solo parent ang siyang solong nangangalaga at nagsusuporta sa kanyang anak o mga anak;

  6. Deklarasyon ng humukan na walang bisa ang kasal o nagkaroon ng annulment of marriage, at naiwan sa solo parent ang solong pangangalaga at pagsuporta sa kanyang anak o mga anak; o

  7. Pag-abandona ng asawa ng ‘di bababa sa anim na buwan;


(b) Asawa ng isang Overseas Filipino Worker (OFW), o tagapangalaga ng anak ng isang OFW, kung ang nasabing OFW ay kabahagi sa low/semi-skilled worker category at wala sa Pilipinas sa loob ng diretsong 12 buwan. Kinakailangan lamang na ang nasabing OFW o ang kanyang asawa o tagapangalaga ng anak ay pasok sa mga panuntunan ng seksyong ito;


(c) Hindi kasal na nanay o tatay na nag-aalaga at nagsusuporta sa kanyang anak o mga anak;


(d) Sinumang legal guardian, adoptive o foster parent na siyang solong nagbibigay ng pangangalaga at suporta sa isang bata o mga bata;


(e) Sinumang kamag-anak sa loob ng fourth (4th) civil degree of consanguinity o affinity ng magulang o legal guardian na nagsisilbing tagapangalaga at tagasuporta ng isang bata dahilan sa pagkamatay, pag-abandona, pagkawala o absensya ng mga magulang sa anim na buwan o higit pa. Sa kaso ng mga solo grandparents na nabibilang sa kategoryang senior citizens subalit mayroong sole parental care at support sa kanyang mga apong walang asawa at trabaho na may edad na 22 o mas bata pa, o higit sa edad 22 subalit hindi kayang pangalagaan ang kanyang sarili mula sa pang-aabuso, pagpapabaya, kalupitan, diskriminasyon, o pagsasamantala dahil sa kanilang kapansanang pisikal o mental, ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng R.A. No. 8972 ay dagdag pa sa mga karapatan at benepisyong ipinagkakaloob ng R.A. No. 9257, o  “Expanded Senior Citizens Act of 2003”; o


(f) Buntis na babae na solong nagbibigay ng pangangalaga at suporta sa hindi pa naisisilang na anak o mga anak.”


May iba't ibang dahilan kung bakit ang isang magulang ay nag-iisang gumaganap ng kanyang tungkulin sa pag-aaruga at pagsuporta sa kanyang anak o mga anak. Maraming rason kung bakit ito ay nangyayari, katulad ng mga nabanggit sa batas. Subalit anuman ang kadahilanan na nangyari ito, ipinababatid ng Estado na binibigyan nito ng kaukulang kalinga ang mga nasabing solo parents. 


Isa rito ay ang pagbibigay sa kanila ng tinatawag na “parental leave” sa ilalim ng batas. Sa ating batas, ang mga manggagawa na nasa kategorya ng solo parents ay may karapatang mabigyan ng pitong araw na parental leave benefits. Ito ay bukod pa sa mga iba pang leave benefits na ipinagkakaloob sa karaniwang empleyado. Kinakailangan lamang na nasa serbisyo na ang nasabing solo parent sa loob ng anim na buwan. Ito ay sang-ayon sa Seksyon 8 ng parehong batas kung saan nakasaad na:


"Section 8. Parental Leave. - In addition to leave privileges under existing laws, a forfeitable and noncumulative parental leave of not more than seven (7) working days with pay every year shall be granted to any solo parent employee, regardless of employment status, who has rendered service of at least six (6) months: Provided, That the parental leave benefit may be availed of by the solo parent employees in the government and the private sector."


Ang benepisyong ito, kapag hindi nagamit, ay hindi maaaring idagdag sa leave credits ng nabanggit na empleyado.


 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 27, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta



Dear Chief Acosta,


Napansin ko na paiba-iba ang patakaran ng mga nagbebenta at bumibili ng lupa pagdating sa pagsagot sa mga gastusin hinggil sa nasabing bentahan. Minsan ay ang nagbebenta ang sumasagot, at minsan naman ay ang bumibili. Sino po ba talaga ang may pananagutan sa mga gastusin kapag may bentahan ng lupa? — Henry



Dear Henry,


Sang-ayon sa Artikulo 1458 ng Kodigo Sibil ng Pilipinas, ang isang contract of sale o bentahan ay isang kasunduan kung saan isinasalin ng isang partido ang pagmamay-ari ng isang bagay sa kabilang partido, kapalit ng pera na katumbas ng presyo nito. Ngunit bukod sa halaga ng nasabing bagay, hindi maiiwasan na gumastos para sa mga bagay na kinakailangan upang maisakatuparan ang nasabing bentahan, ilan na rito ay ang buwis gaya ng capital gains tax, documentary stamp tax, professional fees, at notarial fees na siyang kabayaran sa abogado na nagsaayos ng nasabing kasunduan, bayad sa pag-iimprenta at iba pang mga sari-saring gastos ukol dito. 


Sang-ayon sa batas, ang capital gains tax ay isang buwis na ipinapataw sa mga ipinalalagay ng batas na kinita ng nagbebenta mula sa pagbenta o iba pang disposisyon ng mga capital asset na matatagpuan sa Pilipinas, kabilang ang pacto de retro sale at iba pang anyo ng conditional sale. Samakatuwid, ang pananagutan sa pagdedeklara at pagbabayad ng capital gains tax ay nakaatang sa nagbebenta (seller). 


Hinggil naman sa iba pang mga gastusin sa pagbebenta na mga nabanggit sa itaas, ito ang sinasaad sa Artikulo 1487 ng Kodigo Sibil ng Pilipinas: 


“ARTICLE 1487. The expenses for the execution and registration of the sale shall be borne by the vendor, unless there is a stipulation to the contrary.”


Maliwanag sa nabanggit na maging ang iba pang mga gastusin sa bentahan ay tinatakda ng batas na sagot din ng nagbebenta nito. Ngunit sinabi rin na ang pananagutang ito ay maaaring maiba o maipasa sa bumibili kung kanila itong mapagkakasunduan. Kayat kung walang napagkayarian o napag-usapan kung sino ang dapat sumagot sa mga gastusin kaugnay sa isang kasunduan ng pagbebenta ng lupa, ang sasagot nito ay ang nagbebenta sang-ayon sa batas.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page