top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | February 8, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Nakasaad sa ating Saligang Batas ang karapatan ng mga Pilipino na mabigyan ng prayoridad para sa paggamit ng mga natural na yaman ng bansa. Tunay na napakayaman ng ating bansa kung ating susuriin. Punumpuno ito ng mga likas na yaman na kinakailangan lamang na magamit nang maayos para sa ikauunlad ng ating bansang Pilipinas.


Sang-ayon sa Artikulo XII ng 1987 Philippine Constitution, may tatlong hangarin ang ekonomiya ng bansa. Ito ay ang mga sumusunod:


 1) Magkaroon ng pantay na distribusyon ng yaman;

 2) Pag-angat ng yaman para sa benepisyo ng mga mamamayang Pilipino; at

 3) Pag-angat ng produksyon.


Upang maisakatuparan ang mga hangarin na ito ng estado, isinusulong ng pamahalaan ang industriyalisasyon at pagsulong ng maraming mga oportunidad para sa pagtatrabaho batay sa pagpapaunlad ng reporma sa agrikultura, sa pamamagitan ng mga industriya na gagamit ng buo at sapat na human at natural resources na maaaring makipagpaligsahan sa lokal (domestic) at banyagang (foreign) kalakalan. Subalit sa pagpayag ng estado na makapasok sa bansa ang mga banyagang negosyo, kinakailangan lamang na mabigyan ng proteksyon ang mga negosyo ng mga Pilipino laban sa hindi patas na kumpetisyon at pakikipagkalakalan mula sa mga banyagang industriya.  


Alinsunod sa mandato ng Saligang Batas na mabigyan ng proteksyon ang karapatan ng mga Pilipino sa mga natural at likas na yaman ng bansa, ang pagtuklas, pagpapaunlad, at paggamit ng mga ito ay isasailalim sa kontrol at superbisyon ng estado. Dito pumapasok ang prinsipyong marapat na sa mga Pilipino ibigay ang prangkisa, at karapatang tuklasin at paunlarin ang mga natural na yaman ng bansa. Kung ang korporasyon o kumpanya ay hindi man 100% na pagmamay-ari ng mga Pilipino, kinakailangang ang 60% nito ay pagmamay-ari ng mga Pilipino.      


Para naman sa mga pangmalakihang eksplorasyon at paggamit ng mineral, petroleum, at iba pang mineral oils, maaaring makipagkasundo ang Pangulo sa mga kumpanyang banyaga para makakuha ng teknikal o pinansyal na tulong. Ang pakikipagkasundong ito ay kinakailangang sang-ayon sa mga pinaiiral na batas patungkol dito at may hangaring maisulong ang kapakanan ng mga mamamayang Pilipino. Anumang pakikipagkasundo ng Pangulo sa mga banyagang korporasyon patungkol sa pangmalakihang eksplorasyon at paggamit ng mineral, petroleum, at iba pang mineral oils ay kanyang ipababatid sa Kongreso sa loob ng 30 araw mula nang maisagawa ang kontrata.


Upang lalong mabigyan ng sapat na kakayahan ang mga Pilipino na sumabay sa pagsulong ng ekonomiya at sa kaunlaran ng ibang bansa, isinusulong ng pamahalaan ang paggamit ng kagalingan ng mga manggagawang Pilipino at ng mga produktong Pilipino upang sila ay mabigyan ng pagkakataong makipagsabayan sa pandaigdigang kalakalan. 


Gayundin, ang prangkisa para sa operasyon ng public utilities ay ibibigay lamang sa mga Pilipino o sa kumpanyang 60% na nagmamay-ari ng mga Pilipino.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | February 7, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ano ba ang ibig sabihin ng double insurance? At kung sakaling may double insurance, maaari bang makakuha ang kumuha ng insurance ng claim na mas mataas kaysa sa aktuwal na halaga ng bagay na kanyang pina-insure? Maraming salamat po sa paglilinaw, Chief Acosta. – Fabian



Dear Fabian, 


Para sa iyong kaalaman, malinaw na binigyang-kahulugan ng Seksyon 95 ng Insurance Code kung kailan umiiral ang tinatawag na double insurance. Ayon dito:


Section 95. A double insurance exists where the same person is insured by several insurers separately in respect to the same subject and interest.” 


Kaugnay nito, ipinaliwanag ng Korte Suprema sa kasong Malayan Insurance Co., Inc. vs. Philippines First Insurance Co., Inc., G.R. No. 184300, 11 July 2012, na isinulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Bienvenido L. Reyes, na umiiral ang double insurance kapag nagtatagpo ang mga sumusunod na rekisito:


  1. iisa ang taong insured; 

  2. dalawa o higit pang insurer ang hiwalay na nag-insure; 

  3. may pagkakatulad sa paksa (subject matter); 

  4. may pagkakatulad sa interest na ipina-insure; at 

  5. may pagkakatulad sa panganib (peril) na saklaw ng insurance.


Gayunman, mahalagang tandaan na ang pagkakaroon ng double insurance ay hindi nangangahulugan na maaaring kumita o lumabis ang insured sa halaga ng kanyang insurable interest. Ito ay malinaw na ipinagbabawal ng batas.


Sa katunayan, itinatadhana ng Seksyon 96 ng Insurance Code na kung sakaling makatanggap ang insured ng halagang lampas sa aktuwal na insurable value dahil sa double insurance, obligasyon niyang hawakan lamang ang sobrang halaga bilang katiwala para sa mga insurers. Partikular na binanggit sa Seksyon 96 ng nasabing Code na:


Section 96. Where the insured in a policy other than life is over insured by double insurance:  


(d) Where the insured receives any sum in excess of the valuation in the case of valued policies, or of the insurable value in the case of unvalued policies, he must hold such sum in trust for the insurers, according to their right of contribution among themselves;” 


Samakatuwid, kahit pa may double insurance, hindi maaaring makakuha ang insured ng kabayarang higit sa aktuwal na halaga ng kanyang interes sa bagay na pina-insure. Ang anumang halagang lumabis ay hindi na kanya, kundi para sa mga insurers na maghahati alinsunod sa kanilang karapatan ukol sa kontribusyon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Feb. 7, 2026



ISSUE #383


Sa isang hapon sa liblib na bahagi ng Brgy. Daraga, Placer, Masbate, hindi lamang katahimikan ng kanayunan ang nabasag, kundi ang patuloy na paghahanap ng pamayanan sa katiyakan ng hustisya. 


Noong Hulyo 5, 2020, dalawang lalaki, na sa ulat ng pulisya ay kalauna’y kikilalanin at itatago sa mga pangalang “Brice” at “Enry,” ang nasawi sa sunud-sunod na putok ng baril. 


Sa loob ng ilang minuto, ang lugar ay naging tagpuan ng takot, hinala, at paratang na hahantong sa kasong double murder na susubukin ang hangganan ng ebidensyang kriminal.


Sa kasong People of the Philippines v. Naraja (Criminal Case No. 3571-21), ika-8 ng Mayo 2025, na dininig ng Regional Trial Court, Branch 49, Cataingan, Masbate, sinuri ng hukuman kung napatunayan ba ng tagausig, nang lampas sa makatuwirang pagdududa, ang pananagutan ng akusado sa krimeng Double Murder.


Ayon sa impormasyon, bandang alas-5:10 ng hapon noong Hulyo 5, 2020, sa Brgy. Daraga, Placer, Masbate, ang akusadong itago na lamang natin sa pangalang alyas “Pogi,” kasama ang isang kasabwat na si alyas “Pekas,” na nananatiling at large, at umano’y nagsabwatan nang may malinaw na intensyong pumatay at pinaputukan sina Brice at Enry gamit ang mga baril. Dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan, agad na nasawi ang mga biktima. 


Ang krimen ay sinasabing pinatitingkad ng mga kuwalipikadong sirkumstansya ng treachery at evident premeditation, kaya’t isinampa ang kasong double murder laban sa mga akusado.


Si “Pogi” ay naaresto makalipas ang halos tatlong taon mula nang naganap ang insidente at sa kanyang arraignment ay mariing tumanggi sa paratang at nag-plead ng not guilty, dahilan upang magsimula ang paglilitis.


Sa panig ng tagausig, iniharap bilang mga saksi sina PSSG Landas, Elmo, at Dr. Blanco.

Isinalaysay ni PSSG Landas, isang intelligence operative ng pulisya, na matapos ang insidente ay nagsagawa sila ng imbestigasyon batay sa impormasyong natanggap nila mula sa isang confidential informant. 


Ayon sa impormasyong ito, may mga motorsiklong nakitang dumaan sa lugar bago ang pamamaril, at isa umano sa mga sakay ay kinilalang si “Pogi,” kasama si “Pekas”. 


Dagdag pa, lumitaw sa imbestigasyon na ang mga biktima ay kilalang tagasuporta ng isang opisyal ng barangay na hayagang tumutol sa presensya ng isang armadong grupo sa lugar, dahilan upang umusbong ang hinalang politikal ang motibo ng krimen.

Ang sentro ng kaso ng tagausig ay ang testimonya ni Elmo, na nagsabing siya ang nakasaksi mismo sa pamamaril. 


Ayon sa kanyang salaysay, sinusundan nila ng kanyang kasama ang mga biktima nang biglang harangin ng isang motorsiklo. Ipinahayag niyang tinutukan ng baril ang mga biktima, pinababa ang mga ito, at matapos ang maikling palitan ay pinaputukan sila. Iginiit niyang nakita niya si “Pekas” na bumaril kay Enry, at si “Pogi” naman ang bumaril kay Brice habang ito ay nasa lupa na.


Samantala, pinatunayan ni Dr. Blanco, ang nagsagawa ng post-mortem examination, na ang mga biktima ay nagtamo ng maraming tama ng bala sa mahahalagang bahagi ng katawan gaya ng dibdib at baga. 


Ayon sa kanya, ang mga sugat ay agarang nakamamatay at batay sa posisyon ng mga tama, malamang na ang mga biktima ay binaril mula sa likuran.


Sa panig ng depensa, mariing itinanggi ni “Pogi” ang lahat ng paratang laban sa kanya. 

Ayon sa kanyang salaysay, noong oras ng insidente ay nasa kanilang bahay siya sa Brgy. Malatawan, kasama ang kanyang asawa at mga anak. Bagama’t inamin niyang kilala niya ang mga biktima at pamilyar siya sa lugar ng pinangyarihan, iginiit niyang wala siyang anumang kinalaman sa pamamaril at nalaman lamang niya ang insidente nang mabalitaan ang kasong isinampa laban sa kanya.


Sa buong paglilitis, si “Pogi” ay tinulungan at kinatawan ng Manananggol Pambayan na si  Atty. Marlon T. Cañares, na masusing sumuri sa ebidensya ng tagausig at mariing iginiit ang presumption of innocence na itinatadhana ng Saligang Batas.


Matapos ang paglilitis, ibinaba ng hukuman ang desisyon. Dito, binalikan ng hukuman ang Article 248 ng Revised Penal Code (RPC), na nagsasaad na ang murder ay nagaganap kapag ang isang tao ay pinatay at ang pagpatay ay sinamahan ng alinman sa mga kuwalipikadong sirkumstansya, gaya ng treachery o evident premeditation. 


Ayon sa matagal nang itinatag na jurisprudence, upang magtagumpay ang isang kaso ng murder, kinakailangang patunayan ng tagausig ang mga sumusunod: (1) na may napatay; (2) na ang akusado ang pumatay; at (3) na ang pagpatay ay sinamahan ng alinman sa mga sirkumstansyang nakasaad sa Article 248 ng RPC (People v. Casemiro, G.R. No. 231122, 16 January 2019, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Mariano C. Del Castillo).


Hindi ikinaila ng hukuman na napatunayan ang unang elemento—ang pagkamatay nina Brice at Enry. Gayunman, ang masusing pagsusuri ay nakatuon sa ikalawang elemento: kung si “Pogi” nga ba ang may kagagawan ng krimen.


Sa masusing pagtalakay, binigyang-diin ng hukuman na ang kaso ng tagausig ay halos lubos na nakasalalay sa pagkakakilanlan ng akusado ng nag-iisang saksi, si Elmo. Dahil dito, kinakailangang ang kanyang salaysay ay hindi lamang malinaw kundi kaayon din ng karaniwang karanasan at asal ng tao.


Isinalin at binigyang-diin ng hukuman na kung totoo ngang nandu’n si Elmo at ang kanyang kasama sa oras ng pamamaril, hindi makatuwiran, ayon sa lohika at karanasan ng tao, na basta na lamang sila balewalain ng mga salarin at hayaang makaalis, gayung sila ay malinaw na posibleng mga saksi. 


Dagdag pa rito, ang ulat sa police blotter na isinampa matapos ang insidente ay hindi agad binanggit ang mga pangalan ng mga salarin, isang pangyayaring taliwas sa likas na kilos ng isang taong tunay na nakasaksi sa isang mabigat na krimen.


Ipinaliwanag din ng hukuman na ang kredibilidad ng ebidensya ay hindi lamang sinusukat sa kung sino ang nagbigay nito, kundi kung ang nilalaman nito ay kapani-paniwala batay sa karaniwang karanasan ng sangkatauhan. 


Sa kasong ito, ang mga puwang at hindi pagkakatugma sa salaysay ng nag-iisang saksi ay nagdulot ng makatuwirang pagdududa sa isipan ng hukuman.


Binigyang-diin pa na bagama’t ang alibi ay karaniwang itinuturing na mahinang depensa, ang kahinaang ito ay hindi maaaring magsilbing pamalit sa tungkulin ng tagausig na patunayan ang pagkakasala ng akusado nang may moral na katiyakan. Ang tagausig ay dapat umasa sa lakas ng sarili nitong ebidensya, hindi sa inaakalang kahinaan ng depensa.


Sa huli, nabigo ang tagausig na mapawi ang presumption of innocence na pinanghahawakan ng akusado. Dahil sa kabiguang patunayan ang pagkakasala ni “Pogi” nang lampas sa makatuwirang pagdududa, siya ay pinawalang-sala. 

Ang kaso laban kay “Pekas” ay iniutos na i-archive, at isang Alias Warrant of Arrest ang


inilabas para sa kanyang pagkakadakip.

Sa katahimikan ng hatol, nananatili ang bigat ng dalawang buhay na nawala. Ngunit sa mata ng batas, ang hustisya ay hindi maaaring itindig sa hinala, galit, o salaysay na hindi tumatag sa pagsubok ng katuwiran. Ang hinala, gaano man kabigat ay hindi kailanman kapalit ng patunay.


Sa sistemang pangkatarungang kriminal, hindi sapat na may namatay, kailangang matiyak, nang may moral na katiyakan, kung sino ang may pananagutan. Kapag ang ebidensya ay nabalot ng pagdududa, ang batas ay walang ibang landas kundi ang pairalin ang kalayaan. Sapagkat sa huli, ang katarungan ay hindi nasusukat sa dami ng paratang, kundi sa tibay ng patunay. Malinaw na ang tibay ng patunay ay mahalagang pundasyon ng katarungan – katarungan na siyang idinadaing ng mga nasa hukay at kanilang pinakahihintay.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page