top of page
FRANKLY - ELLEN, UMAMING 1 YR. NANG WALANG SEX-G _maria.elena.adarna.jpg
Search

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 8, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Sino ba ‘yung mga itinuturing na “fixer?” Ano po ang kaparusahan sa maituturing na fixer? Maraming salamat po sa paglilinaw. — Worthy





Dear Worthy, 


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa ating mga batas, espesipiko ang Republic Act (R.A.) No. 9485, na inamyendahan ng Republic Act (R.A.) No. 11032, o mas kilala sa tawag na “Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.”


Para sa iyong kaalaman, nakasaad sa nasabing batas ang depinisyon ng fixer na sinasabi:


“Section 4(e) Fixer – any individual whether or not officially involved in the operation of a government office or agency who has access to people working therein, and whether or not in collusion with them, facilitates speedy completion of transactions for pecuniary gain or any other advantage or consideration.”


Gamit ang nabanggit, ang fixer ay sinumang indibidwal, may kaugnayan man o wala sa operasyon ng isang tanggapan o ahensya ng pamahalaan, na may access o koneksyon sa mga taong nagtatrabaho roon, nakikipagsabwatan man o hindi, ay nagpapadali sa pagkumpleto ng mga transaksyon, kapalit ng pera o anumang uri ng pakinabang o kabayaran.


Nakasaad din sa Seksyon 21(h) ng nasabing batas na ang fixing at/o pakikipagsabwatan (collusion) sa mga fixer kapalit ng pinansyal o anumang uri ng pakinabang o benepisyo ay isa sa mga ipinagbabawal na gawain:


“Sec 21. Violations und Persons Liable.- Any person who performs or cause the performance of the following acts shall be liable:


(h) Fixing and/or collusion with fixers in consideration of economic and/or other gain or advantage.”


Kaugnay sa kaparehong batas, ang kaparusahan sa mapapatunayang fixer ay ang sumusunod: 


“Sec. 22. Penalties and Liabilities. – Any violations of the preceding actions will warrant the following penalties and liabilities.


 (a) First Offense: Administrative liability with six (6) months suspension: Provided, however, That in the case of fixing and/or collusion with fixers under Section 21(h), the penalty and liability under Section 22(b) of this Act shall apply.


(b) Second Offense: Administrative liability and criminal liability of dismissal from the service, perpetual disqualification from holding public office and forfeiture of retirement benefits and imprisonment of one (1) year to six (6) years with a fine of not less than Five hundred thousand pesos (P500,000.00), but not more than Two million pesos (P2,000,000.00).


“Criminal liability shall also be incurred through the commission of bribery, extortion, or when the violation was done deliberately and maliciously to solicit favor in cash or in kind. In such cases, the pertinent provisions of the Revised Penal Code and other special laws shall apply.”


Gamit ang nabanggit, ang nasabing paglabag ay may kaakibat na mabigat na kaparusahan, kabilang ang agarang pagkakatanggal sa serbisyo at pagkakakulong. Bukod dito, maaari ring managot ang sangkot sa ilalim ng Revised Penal Code, at iba pang umiiral na batas na may kaugnayan sa pananagutan at integridad ng mga lingkod-bayan, kung ito ay naaangkop sa sitwasyon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | June 8, 2026



ISSUE #398


Sa tuwina ay nagpapaalala kami na pahalagahan ang ating buhay, gayundin ang buhay ng ating mga kapamilya, sapagkat hindi natin alam kung kailan magwawakas ang ating pagsasama at samahan.


Ang kuwentong aming ibabahagi sa araw na ito, na hango sa kasong may pamagat na People of the Philippines vs. Jimboy Delfin y Dabatian (R-CDO-19-03316-CR), ay tungkol sa hindi inaasahang pagwawakas ng pagsasama nina Segundino at Esperediona. Hindi simple o natural na paghihiwalay ng tadhana ang nangyari sa kanila. Bagkus, isang malagim na krimen ang tumapos sa kanilang pagsasama. 


Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng kasong ito at alamin natin kung nakamit ni Segundino ang hustisya sa malagim na sinapit niya.


Si Segundino at ang kanyang kinakasama na si Esperediona ay residente ng isang barangay sa Cagayan de Oro City. 


Ayon sa sinumpaang salaysay ni Esperediona, inatasan si Segundino ng kanilang kapitbahay na si Mang Ben na bantayan at pangasiwaan ang bahay nito.


Sa hindi inaasahang pangyayari noong Marso 8, 2017, natagpuan na lamang na wala nang buhay si Segundino, malapit sa bahay ni Mang Ben. Ang inakusahan sa pamamaslang kay Segundino ay ang kanilang kapitbahay na si Jimboy.


Batay sa Information para sa krimeng Homicide na inihain sa Regional Trial Court (RTC) ng Cagayan de Oro City, kusa, labag sa batas at marahas na binaril at sinalakay ni Jimboy si Segundino gamit ang isang shotgun. Naganap ang naturang krimen bandang alas-9:00 ng umaga noong Marso 8, 2017. Ang malubhang pinsala sa ulo na tinamo ni Segundino ang naging sanhi umano ng kanyang agarang pagkamatay.


Tumayo bilang saksi para sa prosekusyon ang kapitbahay nina Segundino at Esperediona na si Reynaldo. 


Sa kanyang Judicial Affidavit, ipinahayag ni Reynaldo na nasa kanilang barangay siya bandang alas-9:00 ng umaga noong Marso 8, 2017. 


Ayon sa kanya, habang siya ay napapadaan sa bahay ni Mang Ben ay nakarinig siya ng putok ng baril. Saglit umano siyang tumigil at nagmasid sa paligid. Bigla umano niyang nakita si Jimboy na lumabas mula sa bahay ni Mang Ben habang may bitbit na mahabang armas na pinaniniwalaan niyang isang shotgun.


Agad umano siyang nagtungo sa bahay ni Mang Ben at doon ay nakita niya ang wala nang buhay na katawan ni Segundino. Humingi siya agad ng saklolo at ipinaalam sa kapitan ng barangay ang pangyayari, at ang kapitan umano ang tumawag sa mga pulis.

Sa isinagawang cross-examination kay Reynaldo, ipinahayag niyang lumantad lamang siya bilang eyewitness makalipas ang tatlong taon mula nang maganap ang pamamaslang kay Segundino. 


Ayon sa kanya, alam niyang dumating ang mga pulis sa pinangyarihan ng insidente noong araw na mangyari ito at nagsagawa ng imbestigasyon, ngunit hindi niya agad isiniwalat ang kanyang nalalaman dahil sa takot kay Jimboy.


Nagtiwala na lamang umano siya sa isinagawang imbestigasyon ng mga pulis. Gayunman, sinabi rin ni Reynaldo na wala naman umano siyang dahilan upang matakot kay Jimboy, sapagkat nang dumating ang mga pulis ay wala na ito sa lugar at hindi na muling bumalik. 


Dagdag pa niya, nilapitan siya ni Esperediona at ng kapitan ng barangay upang hilinging gumawa siya ng salaysay at tumayong testigo.


“Not guilty” naman ang naging sagot ni Jimboy sa hukuman. Sa tulong at representasyon ng PAO-Cagayan de Oro City District Office, mariin niyang itinanggi ang paratang na siya ang bumaril at pumaslang kay Segundino.


Iginiit pa niya na hindi niya kilala ang biktima. Ayon kay Jimboy, siya lamang ang pinaghihinalaan sa krimen dahil kilala siya sa kanilang lugar na mayroong baril. 

Dagdag pa niya, bigla na lamang umanong pumunta ang mga pulis sa kanyang bahay at nagsagawa ng paghahalughog, ngunit wala silang nakuhang baril. Sa halip, isang tubo lamang umano ang kanilang nakuha.


Sa pagdedesisyon sa kasong ito, ipinaalala ng RTC na maaari lamang magbaba ng hatol ng pagkakasala laban sa isang akusado kung mapapatunayan ng prosekusyon ang lahat ng elemento ng krimeng Homicide alinsunod sa Artikulo 249 ng Revised Penal Code. Ang mga ito ay: una, mayroong taong napatay; ikalawa, ang akusado ang may-akda ng pagpatay; ikatlo, may intensiyon siyang pumatay; at ikaapat, ang pagpatay ay hindi saklaw ng murder, parricide, o infanticide.


Batay sa desisyon ng RTC, walang alinlangan na napatay si Segundino, na walang anumang qualifying circumstance upang maituring na murder ang krimen at hindi rin ito saklaw ng parricide o infanticide. Dahil dito, ang natitirang usapin na lamang ay kung napatunayan ba ng prosekusyon, lampas sa makatuwirang pagdududa, na si Jimboy ang may-akda ng krimen.


Ipinaalala ng RTC na kasinghalaga ng pagpapatunay na naganap ang krimen ang pagpapatunay na ang akusado ang gumawa nito. Kahit mapatunayan na may naganap na krimen, mawawalan ito ng saysay kung hindi naman mapatutunayan kung sino ang tunay na may-akda nito.


Paglilinaw ng RTC, hindi lamang sa direkta na ebidensya napapatunayan ang mga nabanggit. Maging circumstantial evidence ay maaaring maging sandigan sa pagpapatunay. Mahalaga lamang na maitaguyod ang mga sumusunod na mga kondisyon, na: (1) mayroong higit sa isang sirkumstansya na ipinrisinta; (2) napatunayan ang mga impormasyon kung saan nagmula ang mga naturang sirkumstansya; at (3) ang kumbinasyon ng mga sirkumstansya ay nagpapakita ng pagkakasala ng akusado ng higit pa sa makatuwirang pagdududa.


Sa kasong ito laban kay Jimboy, naging kapuna-puna sa hukuman ng paglilitis na walang direktang ebidensya na nagtuturo na siya ang may-akda ng krimen. Bagkus, iniangkla lamang ang pag-uusig laban sa kanya mula sa testimonya ni Reynaldo kaugnay sa mga sumusunod na sirkumstansya, na: (1) nakarinig siya ng putok ng baril noong mapadaan siya sa bahay ni Mang Ben; (2) nakita niya si Jimboy na lumabas ng nasabing bahay na mayroong hawak na armas; at (3) pumasok siya sa nasabing bahay at nakita niyang wala nang buhay si Segundino.


Ayon sa RTC, bagama't higit sa isang sirkumstansiya ang naiprisinta ng prosekusyon, hindi nito napatunayan na si Jimboy nga ang kusa, labag sa batas at marahas na bumaril at sumalakay kay Segundino gamit ang isang shotgun.


Hindi rin narekober ang naturang armas. Bukod dito, hindi natukoy ang sanhi ng pagkamatay ni Segundino sa ulat ng otopsiya, at hindi rin ito nakasaad sa sertipiko ng kanyang kamatayan. Wala ring nakuhang anumang basyo ng bala sa pinangyarihan ng insidente.


Hindi rin nakaligtas sa masusing pagsusuri ng hukuman ang mga pagkakasalungatan sa testimonya ni Reynaldo. Ayon sa RTC, kung mayroon man napatunayan ang mga sirkumstansiyang iniharap ng prosekusyon, iyon ay ang presensya lamang ni Jimboy sa lugar ng insidente noong Marso 8, 2017. Maliban dito ay wala nang iba pang mahalagang katotohanan na napatunayan.


Binigyang-diin ng hukuman ng paglilitis na ang hinala lamang na si Jimboy ang pumaslang kay Segundino, sapagkat nakita siya na umalis mula sa pinangyarihan ng krimen, ay hindi sapat upang mapanatili ang isang paniniwala na siya na ang may-akda sa pamamaslang sa biktima. 


Ipinaalala rin ng RTC na hindi maaaring pagnuynuyin o pagnilayan ng hukuman kung sino ang gumawa ng krimen at kung paano nagawa ito. Bagkus, ang tungkulin ng hukuman ay alamin kung naitaguyod ng tagausig nang mayroong sapat na ebidensya na nagawa ng akusado ang krimen batay sa nakasaad sa Paratang laban sa kanya.


Sapagkat bigo para sa RTC ang tagausig na patunayan nang higit pa sa makatuwirang pagdududa na si Jimboy ang bumaril at sumalakay kay Segundino, na nauwi sa pagkabawi ng buhay ng nasabing biktima, minarapat ng hukuman ng paglilitis na ipawalang-sala si Jimboy. Ang Desisyon na ito ng RTC ng Cagayan de Oro City ay nilagdaan noong ika-2 ng Hulyo 2021 at hindi na inapela pa.


Bagama't hindi pa nakakamit ng kaluluwa ni Segundino ang hustisya para sa malagim na sinapit niya, patuloy pa rin kaming umaasa, kasama ng kanyang mga naulila, na darating ang panahon na matutukoy rin ang tunay na salarin sa kanyang pamamaslang.

Dalangin namin na sa kabila ng mahabang panahon ng paghihintay ay matagpuan na niya ang katahimikan sa kabilang buhay.


 
 

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 7, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Marami sa ating mga kababayan ang nag-iisang nagtataguyod sa kanilang mga anak at buong sambahayan. Sila ay ang mga tinaguriang “solo parents.” Para sa kaalaman ng lahat, ayon sa Seksyon 4 ng Republic Act (R.A.) No. 8972, na inamyendahan ng R.A. No. 11861, ang mga sumusunod ay kabilang sa kategorya ng mga solo parents:

 

(a) Magulang na nagbibigay ng solong pag-aaruga sa kanyang anak o mga anak dahil sa mga sa mga sumusunod na kadahilanan:

(1) Panganganak na naging resulta ng panggagahasa, kahit na wala pang pinal na conviction, kapag ang bata ay nasa solong pangangalaga ng kanyang ina.

(2) Pagkamatay ng asawa (death of the spouse);

(3) Pagkakulong ng asawa ng di-bababa sa tatlong (3) buwan o pagsisilbi ng kanyang sentesya para sa isang krimen;

(4) Pagkakaroon ng kapansanang pisikal o mental ng asawa na pinapatunayan ng isang public o private medical practitioner;

(5) Paghihiwalay ng di-bababa sa anim (6) na buwan at ang solo parent ang siyang solong nangangalaga at nagsusuporta sa kanyang anak o mga anak;

(6) Deklarasyon ng humukan na walang bisa ang kasal o nagkaroon ng annulment of marriage, at naiwan sa solo parent ang solong pangangalaga at pagsuporta sa kanyang anak o mga anak; o

(7) Pag-abandona ng asawa ng di-bababa sa anim (6) na buwan;

 

(b) Asawa ng isang overseas Filipino worker (OFW), o tagapangalaga ng anak ng isang OFW, kung ang nasabing OFW ay kabahagi sa low/semi-skilled worker category at wala sa Pilipinas sa loob ng deretsong labindalawang (12) buwan. Kinakailangan lamang na ang nasabing OFW o ang kanyang asawa o tagapangalaga ng anak ay pasok sa mga panuntunan ng seksyong ito;

 

(c) Hindi kasal na nanay o tatay na nag-aalaga at nagsusuporta sa kanyang anak o mga anak;


(d) Sinumang legal guardian, adoptive o foster parent na siyang solong nagbibigay ng pangangalaga at suporta sa isang bata o mga bata;

 

(e) Sinumang kamag-anak sa loob ng fourth (4th) civil degree of consanguinity o affinity ng magulang o legal guardian na nagsisilbing tagapangalaga at tagasuporta ng isang bata dahil sa pagkamatay, pag-abandona, pagkawala o absensya ng mga magulang sa anim (6) na buwan o higit pa. Sa kaso ng mga solo grandparents na nabibilang sa kategoryang senior citizens subalit mayroong sole parental care at support sa kanyang mga apong walang asawa at trabaho na may edad na bente-dos (22) o mas bata pa, o higit sa edad na bente-dos (22) subalit hindi kayang pangalagaan ang kaniyang sarili mula sa pang-aabuso, pagpapabaya, kalupitan, diskriminasyon, o pagsasamantala dahil sa kanilang kapansanang pisikal o mental, ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng R.A. No. 8972 ay dagdag pa sa mga karapatan at benepisyong ipinagkakaloob ng R.A. No. 9257, o  “Expanded Senior Citizens Act of 2003”;

 

(f) Buntis na babae na solong nagbibigay ng pangangalaga at suporta sa hindi pa naisisilang na anak o mga anak.”

 

May iba't ibang dahilan kung bakit ang isang magulang ay nag-iisang gumaganap ng kanyang tungkulin sa pag-aaruga at pagsuporta sa kanyang anak o mga anak. Maraming rason kung bakit ito ay nangyayari, katulad ng mga nabanggit sa batas. Subalit anuman ang kadahilanang nangyari ito, ipinababatid ng Estado na binibigyan nito ng kaukulang kalinga ang mga nasabing solo parents. 

 

Isa rito ay ang pagbibigay sa kanila ng tinatawag na “parental leave” sa ilalim ng batas. Sa ating batas, ang mga manggagawa na nasa kategorya ng solo parents ay may karapatang mabigyan ng pitong (7) araw na parental leave benefits. Ito ay bukod pa sa iba pang leave benefits na ipinagkakaloob sa karaniwang empleyado. Kinakailangan lamang na nasa serbisyo na ang nasabing solo parents sa loob ng anim (6) na buwan. Ito ay sang-ayon sa Seksyon 8 ng parehong batas kung saan nakasaad na:

 

“Section 8. Parental Leave. - In addition to leave privileges under existing laws, a forfeitable and noncumulative parental leave of not more than seven (7) working days with pay every year shall be granted to any solo parent employee, regardless of employment status, who has rendered service of at least six (6) months: Provided, That the parental leave benefit may be availed of by the solo parent employees in the government and the private sector.”

 

​Ang benepisyong ito, kapag hindi nagamit, ay hindi maaaring idagdag sa leave credits ng nabanggit na empleyado.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page